Rofer A. Arches
PAGSUSURING PAMPANITIKAN
III- 4 BSE Filipino
DR. ALITA I. TEPACE
PAGSUSURI SA PELIKULA NA EKSTRA GAMIT ANG TEORYANG REALISMO
Ang Ekstra ay isang Filipino drama-comedy na pelikula na nagpapakita ng panlipunang realidad. Pinagbibidahan ito ni Vilma Santos sa direksyon ni Jeffrey Jeturian. Inilaban ang pelikulang ito sa ika-siyam na Cinemalaya Independent Film Festival sa ilalim ng kategoryang Directors showcase. Inilabas ito ng Star Cinema sa mga sinehan noong ika-labing apat ng Agosto taong 2013 bilang bahagi ng pagdiriwang nila ng kanilang ika-dalawampung anibersaryo. Nanguna ito sa dami ng tumangkilik sa apat na lugar kung saan ipinalabas ang film festival. Ang kwento ay nagpapakita ng parang walang katapusang araw sa buhay ng isang ekstra sa pelikula. Siya si Loida Malabanan (Vilma Santos), mahigit limampung taong gulang at may isang anak. Dahil nangangailangan ang kaniyang anak ng pangmatrikula, muli siyang pumasok sa trabaho bilang isang ekstra. Sakto naman dahil may nangangailangan ng artista kinabukasan. Gabi pa lang, humiram na siya ng damit na gagamitin mula sa kaniyang mga kaibigan. Madaling araw siyang nagising, naghanda at tumungo sa lugar kung saan siya susunduin kasama ng iba pang ekstra. Sa bahaging ito ng pelikula ipinakikita ang pagmamaliit sa mga katulad niya: iiwan kapag nahuli sa call time; agad-agad papalitan kapag nakitang hindi bagay sa role na hinahanap; at papauwiin kapag hindi nagustuhan gaano man kalayo ang pinagmulan. Nang mag-umpisa na ang taping ng pelikulang pinagbibidahan nina Marian Rivera at Piolo Pascual, nagsimula na ang pagrolyo ng tyansang sumikat ni Loida. Ngunit paano ito mangyayari gayong ang kaniyang ginaganapan ay hindi gaanong pansinin sa pelikula? Siya ay naging manggagawang background lang habang nag-uusap sina Marian at Piolo. Ginawa rin siyang kasambahay na nagsilbi kay Marian ng maiinom kung saan hindi man lang nakita ang kaniyang mukha. Naging ka-double rin siya ng artistang si Eula Valdez sa eksenang sasaktan siya ni Cherry Gil. Hindi rin ipinakita ang kaniyang mukha rito dahil tinakpan ng supot ng pandesal.
Bukod pa sa nakapanliliit na role, ang pagod, puyat, gutom ay kaakibat ng trabaho ng pagiging isang ekstra. Gayunpaman, nagtiis si Loida para kumita pa lalo at mabuo ang halagang hinihingi ng anak. Pagsapit ng gabi, isa nanamang role ang binigay sa kaniya bilang abogado. Sa pagkakataong ito, may linya na at kita na ang kaniyang mukha ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakalimutan niya ang kanyang linya at biglang sinugod siya ng direktor at binulyawan siya na ‘panira’ sa nasabing eksena. Pinalitan si Vilma Santos ng panibagong ekstra. Lubhang na-depressed si Loida sa nasabing pangyayari. Sa kabuuan, makikita hindi lamang ang buhay ng mga ekstra, kakakitaan din ng mga pagpapahalagang moral ng Pilipino tulad ng marubdob na pagtatrabaho ni Loida para sa kanyang anak. Makikita na ganito tayong mga Pilipino na gagawin ang lahat para sa ating mga anak kahit na anupaman ito. Gaano man kahirap maging isang magulang pero para kay Loida, gagawin ang lahat para lang sa anak. Ilan pa sa napuna ko ay ang panhahamak sa katauhan ni Loida ng sabihin ng isang staff na “Ingatan mo, mas mahal pa yan sa’yo…” Isa ito sa mga kaugalian na kakikitaan din sa ibang tao. Kapag alam nilang mahirap ka, hindi ka nabibigyan ng puwang na makamtan ang kaginhawaan o masuot man lang ang mga mahahalin damit. Kumbaga ang kagamitan ng mga mayayaman ay para lang sa kanila. Ang mahirap ay mahirap. Ngunit sa kabuuan, makikita na nagpamalas ang pelikula ng kakaibang atake sa panlipunan realidad sa lente ng mga ekstra. Ginamit ang kanilang katauhan para ipamukha ang kanilang buhay sa mata nating mga manonood na hindi madaling gawain ang pagiging ekstra, isa rin ito sa mga trabaho na kinakailangan ng pagsusumikap. inalakay ng pelikulang Ekstra ang kahalagahan ng sakripisyo at pagsisikap ng mga nagsisiganap bilang mga ekstra sa mga palabas sa telebisyon at pelikula para kumita ng marangal at makatulong sa pamilya katulad ng pagtataguyod sa pagpapaaral ng anak upang mabigyan ito ng magandang kinabukasan. Nakitaan ng determinasyon ang karakter ni Loida para pagbutihin ang kanyang ginagawa at maging masaya sa kabila ng mga di kanais-nais na kalagayan ng kanyang trabaho. Makahulugan ang mga linyang sinambit ni Loida para magbigay ng inspirasyon at kaliwanagan sa mga kapwa-ekstra—na kahit maliit ang papel na ginagampanan nila ay malaking bahagi sila upang mabuo ang isang palabas kaya dapat pagbutihin ang trabaho. Nakatulong ang pelikula na makapagbigay-alam sa publiko ng mga tunay na pangyayari sa likod ng mga pinaglilibangan at sinusubaybayan nilang mga palabas sa telebisyon. Bagamat nakatuon sa mga ekstra ang pelikula, buong tapat na ipinakita din nito ang kalagayan ng iba pang manggagawa sa likod ng isang TV production (tulad ng mga assistants, makeup artists, caterers, atbp.) at ang mga pressures at hamon na kinakaharap nila sa kanilang mga trabaho. Higit sa lahat, inilalahad ng pelikula ang kasamaan ng ugali ng mga malalaking artista, pati na ng director (ginampanan ni Marlon Rivera), na siyang nagiging sanhi din ng mga pressures na dinadala ng lahat—lalo na ng mga pinakawawa, ang pinakamaliliit na kasapi ng produksyon, ang mga ekstra na sumasalo sa di
makataong pagmamaliit at pagpapahiya sa kanila. Isang punto na maaaring pagnilayan ng mga taong nasa ganitong linya ng trabaho, lalo na ng mga big bosses at producers, ay ang katotohanan na ang mga ekstra mismo ang nagbibigay-dangal sa kanilang trabaho, kaya’t di makatarungan na maging kultura sa mga produksyon ang paghamak sa mga katulad nila.