Mga Tula sa Kontemporaryong Panahon (2013-2016)
Kaligirang Kasaysayan
Ang Panitikang Patula sa Panahon ng Lakas ng Bayan Hanggang sa Kasalukuyan Ang mga tulang nasulat pagkatapos ng naganap na Lakas ng Bayan o "People's Power sa Edsa ay nagpakita ng kalayaan sa pagpapahayag at maging sa paksa. Pinaksa ng mga tula sa panahong ito ang mga nagaganap sa kapaligiran at sariling mga damdamin ng mga makatang nagsisisulat ng tula. May mga tula ng pagpupuri at panunuligsa sa mga nanunungkulan sa pamahalaan at mga katiwaliang nagaganap sa lipunan. Sa madaling salita, patuloy ang kamalayang panlipunan ng mga makata sa panahong kasalukuyan. Nilayon ng mga tula sa kasalukuyang panahon ang maging kasangkapan sa minimithing pagbabago ng lipunang Pilipino. Sa istilo ng pagsulat ng tula ay nanatili pa rin ang dalawang paraan - may nagsisulat ng mga tulang may sukat at tugma at may nagsisulat sa malayang taludturan. Pangunahing layunin ng tula sa panahong ito ay makapaghatid ng mahalagang mensahe sa mga mambabasa. Bibihira ang mga tula ng pag-ibig ngunit unti-unting nabubuhay na paksa sa panulaan ang tungkol sa kalikasan lalo pa't may mga kampanyang inilulunsad ang pamahalaan sa pangangalaga ng kalikasan. Ang pagtula sa ibabaw ng tanghalan ay bihira nang mangyari maliban na lamang kung ito ay hinihingi ng isang pangyayari sa isang palatuntunang idinaraos. Ang indayog ng tula sa panahon nina Balagtas, Jose Corazon de Jesus, at Florentino Collantes ay wala na sa tanghalan. Ang Balagtasan ay bibihira na ring marinig kung kaya't nakalulungkot na kapag tinanong ng guro ang mga mag-aaral kung nakarinig na sila o nakapanood na ng Balagtasan, ang marami sa kanila ay hindi pa ang sagot. Ang pagbigkas ng tula sa tanghalan ay pinalitan ng pag-awit. Ang awitin/awit ay isa ring akdang nasa anyong patula na nilapatan ng himig. Ito ay nagpapahayag ng damdamin at karanasan ng may-akda. Sa kasalukuyan, ang mga awitin ay pumapaksa hindi lamang sa pag-ibig, kundi sa lahat ng mga nangyayari, nakikita at nararanasan ng tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Katulad din ng mga karaniwang tula, ito ay maaaring pumupuri at
nanunuligsa sa mga gawain at kaugalian ng tao. May mga awiting gumigising sa damdamin at nangangaral sa mga kabataan. Ang isang uri ng awitin na palasak sa kasalukuyan ay ipinalalagay na epektibo sa paghahatid ng mensahe sa mga mamamayan ay ang "rap" nina Francis Magalona at Andrew E. May mga awitin din na naririnig at nakikita sa telebisyon na habang inaawit ay ipinakikita naman ang mga tagpong may kaugnayan sa isinasaad ng awit. Ang Pambansang Awit ng Pilipinas ay inaawit sa telebisyon sa ganitong paraan. Ang "Magkaisa", isang awiting inawit sa Edsa noong naganap ang "People's Power."
CANTICOS: APAT NA BOSES (University of Santo Tomas Publishing House, 2013)
Si Kristian Sendon Kordero ay isa sa mga natatanging manunulat sa Kontemporaryong panahon. Nagtapos sa Ateneo de Manila University. Mayroon siyang limang kalipunan ng mga akda sa tula sa Bikol. Ang kanyang pinakabago sa kalipunan ay ang Apat na Boses (UST Publishing House, 2013) at Labi (Ateneo de Manila University Press, 2013). Ang Canticos ay nanalo bilang pangatlong gantimpala sa Palanca Awards for Literature sa Tula sa Taong 2013. Siya ay nagsimula sa pagsulat sa batang edad sa paggawa ng pormal na sanaysay at sa tulong ng Palihan na inihandog ng Kabulig Writers Group sa Nagaa City ang Ateneo de Manila Institute of Literary Arts and Practices (AILAP) at ang University of the Philippines Institute of Creative Writing (UP-ICW). Siya ay naging isang translator sa U.P at naging consultant sa Surian ng Wikang Filipino, National Commission for Culture and the Arts, at ang Komisyon ng Wikang Filipino. Siya ay kasalukuyang assistant professor sa Ateneo de Naga University.
An Aking Agta Na Ibinahog An Saiyang Mga Muro (Bikol) Tinilad kan aking Agta an saiyang mga muro tanganing saru-sarung ipambahog sa uwak na mawot niyang madakop. Kan guminaro na ini huli sa labilabing kabasugan, kinugos niya tulos an bagong ataman, dinangdang sa saiyang daghan. Ipapaara niya ini sa kinaban — Taud-taud may nakasabatan siyang gurang na kolor talaud an buhok, na tulos naghapot: “Anong nangyari sa saimong kamot?” Itinuga kan aki na kinakan na ini kan saiyang bagong ataman: “Baku man makulog. Dai ngani nagdugo.” Ini an patanid kan gurang: “Kakaipuhan mong bahugon an ataman na iyan, kan saimong mata. Pagkatapos nin tulong bulan, hahagadon kaini an saimong tulak, dangan an apdo.” “Pigpapatakot mo lamang ako,” simbag kan aking Agta. “Mas orog na makinakan an takot na inaataman.” * Nagpupuon nang magsiyap an uwak asin nararakdag an pirang balukag kan sunod niyang makasabatan an sarung aking Unat na dai man na kamot. Hinapot niya ini: “Hain an saimong gamgam?” “May gurang akong nakasabatan asin kinakan an sakuyang gamgam. Habo ko kutang itao kayâ lang riribayan niya daa nin bagong puso.”
“Ta na pa’no an saimong puso? Anong hayop an binahog mo kaini?” Hapot kan aking Agta. “Kan buminatluy ako sa pinapangalad na danaw kun sain naglalayog papuli an gabos tang gamgam pati an iba pang kalag kan gabos na nagadan sa satuyang pangataman — Duman sa aagihan mo pag-abot mo sa puro nawara na sana bigla an dati kong puso. Nahulog sa danaw nin kawaran o ‘baad dagos na ining napukot— Kinakan kan hayop na duwa an payo: an mayong pakilabot, an mayong pagkatakot.” Ang Batang Agta Na Nagpakain Ng Kanyang Mga Daliri (Salin sa Filipino) Pinutol ng batang Agta ang kaniyang mga daliri nang may maipakain nang unti-unti sa uwak na ibig dakpin. Nang tuluyan na itong napaamo dahil sa labis nang pagkabusog, agad niya itong niyakap at idinarang sa dibdib. Ipagyayabang niya ito sa buong daigdig — Maya’t maya, isang matandang kakulay ng tagak ang buhok ang kaniyang nakasalubong, agad itong nagtanong: “Napa’no ang iyong mga kamay?” Inamin niyang kinain na ito ng bagong alaga: “Hindi naman masakit. Dahil hindi dumugo.” Nagbabala ang matanda: “Kakailanganin mong pakainin ang alaga ng iyong sariling mata. Pagkalipas ng tatlong buwan, hihilingin nito ang iyong tiyan, kasunod ang iyong apdo.” “Tinatakot mo lang ako,” tugon ng batang Agta.
“Mas masidhi ang gutom ng inaalagaang takot.” * Nagsimula nang sumiyap ang uwak at malagas ang ilang balahibo nito nang makasalubong niya ang isang batang Unat na wala ring kamay. Inusisa niya ito: “Nasaan ang iyong alaga?” “May nakasalubong akong matanda at kinain ang tangan kong ibon. Ibig ko sanang tumanggi ngunit may bagong puso raw siyang ipanghalili.” “Bakit, anong nangyari sa puso mo? Anong hayop ang pinakain mo nito?” Tanong ng batang Agta. “Nang tumawid ako sa ipinagbabawal na lawa, na nilalandas pabalik nang mga nahuli nating ibon, pati ng mga kaluluwa ng mga nangamatay sa ating mga pag-aari — — Doon sa tatahakin mo pagdating mo sa dulo, naglaho na lang bigla ang dati kong puso. Nahulog na lamang ito sa lawa ng kawalan o baka tuluyan na itong nabulid — Sinila ito ng hayop na may dalawang ulo: ang walang pakialam, ang hindi natutulig.”
Pagsusuri: Sukat:
ekspiremental unang saknong(15-12-8) Ikalawang saknong(11-13-12-8-8) Ikatlong saknong(10-11-7-10) Ika-apat na saknong(10-13-7) Ikalimang saknong(14-16-15-13-8-7-7-9) Ika-anim na saknong(15-16-13) Ikapitong saknong(16) Ikawalong saknong(15-14-14) Ikasiyam na saknong(11-11-7) Ikasampung saknong(16-18-16-9) Ikalabing-isang saknong(15-13-15-12) Ikalabindalawang saknong(15-7-7)
Tugma: Ang tulang ito ay nasa tugmang karaniwan ang antas. Dahil ito nasulat sa kontemporaryong panahon at Malaya ang may-akda sa paglalahad ng kanyang ideya. Paksa: Ang paksa sa tula ay patungkol sa mga taong na handing ibigay ang lahat sa iba. Katulad na lamang sa panahon ngayon na ang mga Pilipino ay may taglay na kabaitan na inuuna ang iba kesa sa kanilang mga sarili. Mas inuuna pa nila ang kapakanakan ng iba. Himig: Ang tula ay may himig na nagbabalat kayo. Damdamin: Ang tula ay may damdamin ng paghihinayang o pagkabigo. Aliw-iw: Hindi gaanong maaliw-iw ang tula sapagkat ito nasulat sa kontemporaryong panahon at Malaya. Persona: Ang persona sa tula ay ang mga Pilipino na sinisimbolo ang agta. Simbolo: Agta- sumisimbolo sa mga mahihirap na Pilipino Uwak- sumisimbolo sa mga gahaman o sakim
Si Jose Marte A. Abueg, ay isang manunulat. Siya ay kumuha ng kanyang formal training in writing poetry noong siya nasa Univerity of the Philippines of Economics. Sa kanyang pag-aaral ay hindi man lamang siya makapagbasa ng mga tula, sa kagustuhan niyang maging isang tanyag na tao ay sinubokan niyang magbasa at magsulat ng mga tula paunti-unti. Nanalo sa Gawad Likhaan; The UP Centennial Leterary award ang kanyang mga tulang: His Bird Lands, River Nights, at iba pa, na inilathala ng UP Press. Nanalo rin siya sa Palanca short story award and a Free Press poetry award.
Sibol Sa sandaling tahimik, kung saan kita ang kapirasong langit, may ilang salitang unti-unting sumasaisip, halos bumubulong
— at sa loob mayroong tumitinag, hangad ay kidlat at ang alingawngaw na susunod, na dahan-dahang lalaganap, lalapit at lalalim.
Mahirap ipaliwanag, mahirap hanapin at tugisin ang mga bakas, marahil hindi kayang tuklasin ang sanhi.
Anong ulap ang nagpunla, sa anong lupa tumutubo, anong lihim ang ipinandidilig?
Anong kantero ang bumubuo, anong latero ang humuhubog at anong apoy ang nagpapadalisay?
Madalas mapusok ang ganito, pumapasok nang walang pasintabi, lumulundag na mala-alamid, lumilipad na parang kakaibang panaginip.
Minsa’y mahiwaga, mapamighaning nanghihimok, sumusuot sa loob at tila usok na kumakapit, binabago ang isipan.
Marahang hinahawi ang mga oras na walang laman, mga minutong walang iminumungkahi,
mga bukangliwayway na walang pahiwatig, buwang walang ulap na pumapaligid at walang dalang alamat.
Ginigising ang mga animo’y walang malay o ramdam, mga pusong walang layon at walang layag —
Buwagin ang anumang balakid. Pakawalan ang mga alamid. Apuyan ang mga panaginip.
Sa kaloob-looban ng sandali at ng diwa, umiinit, tumitindi, tila mamimilansik at mukhang magniningas ang tumutubong tula.
Pag-aapoy sa gubat Putulin, parang tuyong kawayan, Ang misteryo at biyakin.
Kaskasin, parang balat, Ang kabuuan at ilantad.
Ilapag sa lupa, hawakang mabuti
At butasan sa pinakagitna.
Parang kapirasong patpat Sa pagitan ng mga palad
Paikutin nang madiin Ang mga nilalaman.
Huwag titigil, tuloy-tuloy, Hindi sinusukat ang oras.
Hanggang unti-unting Magbago’t uminit
At magbanggaan ang mga Magkaiba’t magkasalungat.
Sa tagal, tiyaga at pagod mo Dahan-dahang magkakauusok
May kikislap At tuloy magniningas.
Isang bagong misteryo, Tataas at magsisiklab.
Sa larawan ng musikerong bulag Higit ang dami ng guhit mo sa noo kaysa sa mga kuwerdas ng banduriang hindi mo nakikita. At katulad ng mga pulos puti mong buhok ang mga butas ng pader: animo’y tumatalsik sa liwanag.
Hindi ko naririnig ang tugtog, hindi ko nakikita ang mga kilos ng kamay at mga kalabit ng daliri, ikaw lamang ang nakakaalam ng layo at lalim ng nararating. Baka narating mo na at pikit-mata at ikom-bibig mong hinahayaang ang banduria ang magsabi.
Ituloy mo’t kung makikita’y aawitin ko ang mga salita, isasayaw kung madarama mo ang magiging indayog. Tatayog ang lipad, malayo ang mararating kung madarama ang tumatalsik na liwanag. Iyon ang magiging limos mo sa akin.
Ang makata sa tapat Palaging nakasindi ang maliit na lampara sa panaderya diyan sa kanto sa tapat. Maaga pa’y nag-aabang na ang mga tsuper ng taxi’t pedicab, mga tagawalis ng lansangan, mga dumaraan lamang, at mga kapitbahay na paminsan-minsa'y may mga akay-akay na bata.
Nakapusod ang mahaba’t maputing buhok ng makata diyan sa tapat — mga makata ang itinawag ni Neruda noong gabi ng premyong Nobel sa mga panadero at panadera ng iba't ibang kanto ng mundo habang naghahain sila ng mga inihahanda nila araw-araw: Mga pagkain, mga totoo, mga pangarap.
Marahil dumaan na si Aling Unday sa mga panahong nagbibigay ng kaunawaan, at malamang paminsan-minsa'y pumapasok din sa isip niya ang tadhana, ang mga landasin at mga patutunguhan, habang tuloy-tuloy sa paggawa at paghain ng mga tinapay, empanada at pan de sal na binubuo niya nang payak at walang pagkukunwari.
Ilang oras bago sumikat ang araw, minamasa niya ang harina, binibigyan ng hubog, at niluluto sa hurno hanggang sa magkulay-malaginto. Ang mga unang pumatnubay sa atin, wika ni Neruda. May ilaw ang lampara, isang pulang kopitang may mitsa at langis. Malamang wala sa isipan ng mga parukyanong kapitbahay o dumaraan lamang, mga taong hindi masalimuot, ang mga katanungan at kasagutan sa itaas at sa ibaba, sa malayo at sa malapit, ang mga hindi nakikita o naririnig, ngunit nasisiyahan silang tanggapin ang mga nakahain at agad nalulugod sa napapaloob.
Mga Evacuee
Takbo, takbo, itong batang ito, kung bakit hindi suungin ang dilim.
Naku bakit mo iniwan ang sapin mo sa paa. Ayan, akyat, dali, bilis.
Huwag ka nang magpabuhat, anak, ang bigat-bigat na nitong si Neneng,
wala ring sapin,walang anumang saplot.
Itong buwig ng saging, ang bigat-bigat din, baka ito lamang ang bubuhay sa atin sa kung saan.
Huwag mong itanong kung nasaan ang tatay mo, hindi ko rin alam. Umalis. Hindi ko alam.
Ang dilim-dilim, wala akong makita. Wala akong makita.
Ano ang mga ito, parang mga tao sa paanan. Takbo, huwag mong pansinin, takbo, bilis at baka diyan tayo matulad.
Umuulan, umuulan nga ba, bakit umuulan, baka mahulog si Neneng, baka mabitiwan ko itong pagkain natin.
Doon, hindi ko alam kung saan, doon pa, matagal pa, huwag mong itanong.
Sandali, sandali, ang bigat-bigat.
Ang dilim-dilim, bakit ang dilim-dilim.
Sige, takbo, takbo nang takbo, huwag titigil.
Pagsusuri: Sukat: ekspiremental (4-6-5-6 (8-7-8) (9-11-11) (13-10-7) 10-10-8) (13-7) (7-5-6-6-7-7) (10-14-14) (13-10) (11-12) (9-5) Tugma: karaniwang tugmaPaksa: pumapaksa sa giyera, napapanahong pangyayari. Himig: natatakot Damdamin: nag-aalala Aliw-iw: maindayog sa kabila ng pagkakasulat nito sa kontemporaryo. Simbolo: dilim- sumisimboloo sa di Makita/ maaninag na pag-asa.
Tadyang (Ang Dalamhati ni Eva) Tahimik kong tanggap Ang pinagmulan ko. Isang pirasong buto, Isa lamang sa marami, Baluktot at walang-galaw. Mula sa katawan niya. Mula Sa kumukupkop sa puso niya’t Hininga para maharap niya Ang mundo nang may lakas-loob. Nawa’y maunawan na niya Na ang tangi kong ginising Sa kanya ay ang pagnanasang Maunawaan ang kanyang sarili At mabatid ang patutunguhan niya. Ako, kailan ko mababatid ang sarili ko? Narito kami’t namumulot ng mga dahon Para ipantakip sa mga natutuklasan namin.
Ang punong mapang-akit Sa tabi ng Puno ng Buhay, Doon sa gitnang mausok Kung saan ang lahat Ay ipinagkaloob — Mananatili iyon, laman Pa rin ang mga nakatagong Buto ng kaalaman.
Mananatili rin ang katanungang Umakit sa akin at sa kanya. Marahil maaaring hindi kinailangan Ng isang manunukso. Marahil Maaaring dumating na lamang Ang sandaling tahimik at Dahan-dahan, sa kanya man O sa akin o sabay sa aming dalawa, Upang magising ang pagnanasa Sa loob ng isip at puso at diwa namin, Ang pagnanasang manuklas. Iyon na sana ang totoong simula namin.
Ngayo’y nababalot kami Ng takot sa kamatayan Dahil pinili naming Sumuway — isang bagong Salita — ngunit may pag-asa — Isa pang bago’t napakahalaga — Na may awa’t kapatawaran — Kay bilis ng pagsibol ng mga salita Bagama’t malungkot at madalamhati, At maaaring lumalago pati kami, bunga Ng pamumukadkad ng damdamin at Pagbukas at paglukso ng isipan, At baka sakaling magpatuloy
Ang buhay — buhay, kahit Malayo dito, kahit saan, Kahit maraming kulang, kahit Ibang-iba sa pinagmulan namin.
Simon Bato
Batid mong nangyari iyon hindi dahil sinabi niya na kumbaga'y ibinilin sa walang-hanggan at sinadya alang-alang sa kamatayang nakatakda ngayong Biyernes sa ikatlo ng hapon. Ang totoo’y lumubog ka’t hindi nakaahon, malamang dahil bumuhol sa isip mo ang mga latigo sa guniguni at ang takot sa mga pinagpulupot na tinik at sa mga pakong kasing laki ng mga nakabaon sa bangka mo — kinilabutan ka ba’t nanlambot, Simon, nang matanto mong kung ikaw ang malagay sa ganoo’y hanggang doon na lamang, iyon na ang kahihinatnan mo, dahil hindi ka katulad niya’t tao ka lamang? Tatlong ulit ka tinanong at tatlong ulit mong ginustong makatakas, makapagtago, magkapaglaho sa kahit saan, tulad ng mga nakinig sa sermon sa burol at ng libo-libong naniwala’t nagsabing siya nga ang liwanag, ang tubig at hininga, ang langit
— lumingalinga ka’t wala silang lahat. Ano sana ang isinagot mo, Simon? Ganito ba dapat ang inihayag mo: Oo, tauhan niya akong tapat, at oo, Siya ang tanging liwanag na sinusundan ko, Iniutos niyang lumakad ako sa tubig at lumakad ako, ginawa akong lambat na titipon sa mga mananampalataya, kaya aakyat ako sa altar, magbubukas ng dibdib at maghahandog ng dugo — hahalinhinan ko siya, aakuin ko ang pagdurusa nang sa ganoo’y magiging katulad ako ng Diyos? Nagpumiglas kang parang isda, Simon, nilulon ka ng lambat ng biglang dilim at biglang takot, nanlaban ka, pinilit mong makawala, at sa loob mo’y humanap ka ng talim, ng puso at galing, ngunit wala. Natuliro ka't hindi mo matawasan pati ang dinasal niya sa hardin, dasal na naghihinagpis at animo'y sambit ng isang tao lamang: "Ilayo mo sa akin, ama ko, ang kopang ito." Nagmistulang disyertong walang araw ang lahat, at tulad ng isang manok na nalito't nangilabot, pumutak ka't tatlong ulit mo siyang itinatwa. Ngunit Simon, dapat ka lamang natakot. Hindi ka templong banal na maguguho
sa takdang ikatlo ng hapon at muling mabubuo sa ikatlong bukang-liwayway. Kung ikaw lamang, kahit ano pa ma'y hindi ka makatatayo sa dagat, at walang unos na titigil at tatahimik sa utos mo. Bato kang basag-basag, Simon, hamak na laking-lupa, at ang kaharap mo, buong-buo at walang kamatayan, ay ang katotohanang nasa iyo’t nasa iyo lamang ang pagpapasiya at hanggang sa katapusa’y tao ka lamang. Lumabas siya’t umiyak nang umiyak. – Lukas 22:62
Kyrie Eleison Para makahalik sa paa ng nakapako, hipuin, at manalangin nang malapitan, mahaba at mabagal ang pila mula sa dulo ng gitnang pasilyo, isa-isang hakbang na walang kibo patungo sa ibaba ng mataas na altar. Malamang, para sa mga banal, wagas na pag-aalay ng sarili. Marahil, para sa higit
na marami, taimtim na paghiling at paghingi — ng mga nawala o ng hindi kasingsakit o ng hindi sukdulan ang kawalan, ng kung ano’ng babawas sa hirap at hapis, malamang kasama ang kapatawaran para sa marami nitong mga anino ng anak.
Laman at dugo ang kulay, makintab dahil sa mga langis na madalas ipahid, kasama ng paghimas ng walang-bilang na mga kamay. May hihip, may pahiwatig ng mga pabango, luma, naghalo-halo at wala nang pangalan. Nabura na ang pintura sa ilang bahagi dahil sa dami ng tao at dami ng taon, kung baga’y tunay na balat ng tunay
na ugat sa paligid ng sugat
ng mga paang pinagkrus at ng pakong tumagos, nagpapaalaala ng haba ng panahon, ng tindi ng hirap at hapis, ng hindi matatapos na paghiling at paghingi, naghahayag ng higit na bigat at higit na lalim, hanggang sa malayo dito sa pasilyo, malayo sa hinahalikang kahoy.
Ang Matandang Simbahan sa Paoay Tanging ang kataastaasan lamang ang nagpakita ng galit at tanging katahimikan ang nakakaalaala. Nasa tao ang pagkalimot. Sa itaas, labas ang itim na parilya at ang dilim sa likod ng yero. Ibon at malakas na hangin lamang ang nakakaabot. Dito sa ibaba, kung ano’ng lawak ng sakop, siya'ng kawalan ng kalinga. Parang lolang butas-butas ang salakot at wala man lamang kahit manipis na balabal. Lindol ang gumawa nito. Ngunit bago iyon, nangyari ang kasalan. Brilyanteng kuwintas ang ipinangbuklod sa lalaki at babae. Hindi kalayuan sa labas, nagpatayo nang bilisan ng mga mansyon upang makapagpahinga,
bago ang salu-salo, ang mga nakasuot ng makikislap. Sa buong paligid, may mga tagabantay, naka-puti at itim, bumubulong sa mga radyo, tago ang mga sandata. Tatlong dalagitang naka-uniporme ang naghihintay sa labas, malapit sa tubig-ulang naipon sa damuhan at marahil naghihintay ng mga binatilyo at kuwentuhan. Ngunit malamang hindi pagkukuwentuhan ang nangyari. Biglang dumagsa ang nakaparaming mga manggagawa, inalisan ng dungis ang mga antigong ilaw at kandelabra, ang malawak na sahig, ang malalapad na lumang upuan, ang mga pader na bato, ang salaming bintana na iba’t iba ang kulay, pinayaman muli ang lumang simbahan at pinaganda ang mga naglalakihang rehas na bakal. Maraming salamin ng mga bintana ang nahulog. Nabasag. Nawala. Marahil ninakaw. Sa labas, putikan ang matagal nang hindi napuputol na damo at basa ang paligid ng mga naghihintay na dalagita. Kulay-abo ang ulap. Matagal nang hindi naisasalaysay ang nangyari. Wala ang mga tao noong lumindol at dumaing ang langit.
Gitling Tama ang isang makata: Mga petsa ang unang nawawala. Ang petsa ng pagsilang at ang petsa ng pagpanaw — may gitling lamang sa pagitan. Nasa bahagi ng lapida
na madalas natatakpan ng damo, nilulumot, o binubura na ng panahon. O nakabaon sa lupa, bihira ngunit nangyayari din kapag matagal walang nakakaalaala. Ibang makata ang nagsabi na maraming nilalaman ang gitling — nasa maikling guhit sa gitna ang kabuuan ng mga kaganapan, ang mga ginawa at mga hindi nagawa, sa loob ng isang buhay. Ngunit sa mga hindi kakilala’y walang inihahayag iyang tila hiwa. May mga piraso ng kabibe dito, ang ila’y nakasingit sa lupa. Dagat kaya ito noong dating panahon? Dati’y walang matataas na damo dito. Minsang lamang kami nakakita ng naglilimbag sa lapida. Mayroong mga nagpipinta ng mga puntod, pinapuputing tulad ng buto. Noo’y naririnig namin ang hihip ng hangin sa buong libingan, at banayad ang sikat ng araw. Katulad sa pagtaas ng damo ang paggawa ng lapida — batid kung anong kaalaman ang itatago.
Paalis na kami. Kapag hindi nakikita, kaagad nawawalan ng kahulugan ang mga pangalan.
Araw-araw Sa araw-araw na pag-ikot mula sa maagang abo ng silangan, patungo sa kadilawan, sa kaitaasang nakabubulag, sa tahimik na tagpuan ng langit at lupa, hanggang sa dumidilim na kalahati, paminsan-minsa’y may tanong kung ano ang nangyayari sa loob ng agwat na walang sukat: sa pagitan ng dito at takip-silim, ng kalayuan at pangarap, ng pampang at pangako. Sa gitna ng dalawang tag-init pumapaikot ang ganitong tanong at mga pangitain, walang-imik na dumadalaw dito at dumadalaw muli, dumaraming tulad ng lumot at gunita. Sa pagitan ng bato at liwanag ng buwan, ng mga bilang at mga ulap — ng oras ng mga alitaptap, mga panaginip na lumulundag pahimpapawid, at ng oras na masalimuot at may dragong nakadapo sa mababang sanga; sa pagitan ng umaalis na araw, patungo doon sa pinakamalayo, at ng lumiliwanag na kulay ng uling bago dumating ang umaga; sa pagitan ng oras na lumalalim habang lumalapit at ng paglaki ng dati’y isang piraso ng anino sa buwan, dito sa ilalim ng lihim na patlang, sa loob ng pag-iisa — sa pagitan ng maaga at huli, ng paggawa at pagkasayang, ng alaala at limot, sumisibol ang mga tanong, nagbabago at hindi.
Si Abner Dormiendo ay isang manunulat at isa ring guro na nagtapos sa kursong Pilosopiya sa Unibersidad ng Ateneo de Manila. Nanalo siya sa Don Carlos Palanca Award noong 2015 ng ikalawang gantimpala para sa kanyang tula. Ang kanyang mga akda maging Filipino at Inglis ay namayagpag at nagtamo ng iba’t- ibang parangal.
Sa Antipolo pa rin ang Antipolo Lumayas ako at inisip na may nilalayasan ako. Nakabibingi ang awit ng pag-ibig kahit nakasakay ka na sa sasakyang maglalayo sa iyo sa iisang lugar na binabalikan mo. Traysikel, jeepney, bus. Sumasakay dahil gusto mo. Bumabalik kahit ayaw mo dahil kailangan mo. Sa kaso mo, Antipolo. Sa kaso ko, ang ritmo ng iyong pulso. Noong gabi bago ako umalis, nagdasal ako sa kapilya ng iyong tadyang, at bumungad ang pangitain ng iyong puso, ang tahimik mong dugo. Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje, ipanalangin mo akong naglalakbay sa lalawigan ng alaala niya. Bus na humaharurot sa pagitan ng dalawang lungsod. Dakilang makata sa labas ng aking bintana, bundok at bukid, bundok at bukid. Idiniin ko ang aking tainga at kunwari’y pinakikinggan ang paglipas ng kalsada. Naririnig ko ang aking katabi habang nagkukutkot ng butong-pakwan. Sa lapag, ang pinaghunusang balat ng kaniyang pinagkainan. Hindi ako makapagdesisyon
kung para ba itong mga taingang nakikinig sa hugong ng makina o mga pusong pinagbiyak sa kalahati, nanghihingi ng tula.
3 ng 16 Sa Antipolo pa rin Ako Naghihintay sa Pagbalik Mo Kinakausap ko ang semento ng kalsada sa may Overlooking. Galit siya dahil lagi siyang napaglilipasan. Inalayan ko siya ng limang pisong taho para mahimasmasan. Nakikipagtitigan ako sa liwanag ng Kamaynilaan mu la dito sa bundok — sino ang unang kukurap — at pinusta ang katinuan ko. Alam naman nating ang lungsod lagi ang nananalo. Ang totoo, iniisip kita at ang iyong mga pisngi, ang puyo sa iyong ulo. Paanong gusto kitang bilhan ng sampagita at isabit sa leeg mo. Tuwing nakikita ko ang hibla-hiblang buhok sa iyong batok, nagpipiyesta ang dugo ko, nagsasayaw sa makitid na daan ng aking katawan ng Tayo na sa Antipolo, makukulay na baro’t saya, mabulaklak na arko, hanggang makarating sila sa katedral ng aking mga pulso. At ang nanalo ay hindi ako, Samantala. Kailangan ko lang maging malungkot kahit ngayon lang. Kaya ako umuupo sa malapit sa bangin, nakatalikod sa humaharabas na mga sasakyan, hinahanap ang bintana ng kuwarto
sa kung saan ka man natutulog ngayon. Tantiya ko mula sa malayo, nakatalikod ka na naman sa bintana at nakapatay ang iyong ilaw.
4 ng 16 Sa Antipolo Maraming Kinakanta ang mga Bata Tuwing Flag Ceremony Inilalagak ko ang aking kanang kamay sa iyong kaliwang dibdib at umaawit ang dugo kong sa dibdib mo’y buhay. May mga lasenggong ngayon pa lang umuuwi habang umaakyat ang watawat sa kaniyang langit na bughaw. May baong halimuyak ng gin bulag ang kanilang halik sa nagdadadakdak nilang asawa. Pangako ko sa iyo, hindi tayo magkakaganiyan. Unang patunay: tumitindig ang balahibo ko sa braso kapag umaawit ka na ng Lupang Hinirang. Panata ko kay Samantha, iniibig ko ang iyong mga mata. Ang bubong, dingding, at sahig ng iyong bunganga. Ito ang tahanan ng aking mga kasalanan. Sa limang lalawigan ng CALABARZON at sa marami nitong siyudad, handa kitang pakasalan. Gusto kong awitan ang bawat bahagi ng iyong katawan: Pinagpala ng Maykapal ang iyong mga binti. Mabuhay ang sugat sa iyong tainga, mabuhay ang lubog ng iyong pisngi. Mamahalin ko ang balikat mo sa habang panahon.
5 ng 16 Sa Antipolo Ako Napaibig Sa Iyo Mas dama kita kapag hindi kita nakikita. Sa madaling salita, hayaan mo akong ibigin ka kahit patay ang ilaw. Gusto kong ibaon ang mukha ko sa iyong batok, kaya lagi akong naglalakad sa likuran mo. Hindi pa kita dinadala sa bahay ko sa Antipolo ngunit nakabukas ang pinto ng balat ko para sa iyo, at parang ganoon na rin iyon sa tingin ko. Minsan iinisip ko kung ano ang nasa ilalim ng iyong kamiseta, at kung ano ang nasa ilalim ng nasa ilalim ng iyong kamiseta. Maaari mong sabihing mahilig ako sa mga malalalim na palaisipan, pero gusto ko lang namang makasama ka sa iisang kama. Kahit hindi pagtatalik. Kahit pagtulog lang. Kahit marinig ko lang ang mahina mong paghilik. Idadantay ko ang ulo ko sa lawak ng iyong dibdib. Matutulog akong binibilang ang pilik-mata mo sa dilim.
6 ng 16 Sa Antipolo Wala Pa Ako Nakikitang Puno ng Tipulo Nanaginip ako kagabi tungkol sa iyo sa pang-ilang pagkakaton na. Nilalakad ko
ang talahiban sa pagitan ng Dela Paz at San Roque, nakaluhod na parang namamanata sa Quiapo. Lumuhod ako sa harap ng isang puno, itinago mula sa gabi ang naninikip kong pulso. Ang kitid ng ugat ko, ang labnaw ng dugo, ang lagnat ng pangalan mong bumabarang sa aking gunita. Nakita ko ang nagliliyab na imahen ni Birheng Maria sa tuktok ng tipulo. At sa nakakuyom na palad ni Maria, ang tarheta kung saan nakasulat ang numero ng telepono mo. Sa pinakamalalang gabi, nagdedeliryo ako’t nakikita kitang kinakalas ang pagkakatali ng iyong bestida. Sa pinakamalalang umaga madalas paglipas ng pinakamalalang gabi, paos akong nagigising kakatawag sa pangalan mo.
7 ng 16 Sa Antipolo Malakas Minsan ang Pag-ulan Napanaginipan ko kagabi na hinuhubaran kita. Gumising ako ngayong umaga na gustong itama ang lahat ng aking pagkakamali. Isinilid ko ang aking katawan sa isang maleta at ipinadala sa iyong inuupahang kuwarto. May liham doon: Babalutin kita ng kahit anong maaaring ibalot ko sa iyo: hininga, titig, braso, pag-ibig. At heto na naman tayo sa pag-ibig. O dakilang pag-ibig. O tarantadong pag-ibig. Buong akala ko matatakasan ko sa tulang ito ang pagibig, ngunit nagkamali na naman ako. Ngayon pa lang, gusto ko nang sumuko sa pagtula. Kaya matapos ang bagyo kaninang madaling-araw, lumabas ako at kinausap ang puno ng sampalok na itinumba ng unos kagabi. Sipi ng aking
panayam: Huwag kang iibig sa bagyo kahit pangakuan ka niya ng sanlaksang ulan. Sa madaling salita, marami akong gustong ihingi ng tawad sa iyo. Ibang pamagat para sa tulang ito: Ang Dahilan Kung Bakit Nasa Kuwarto Mo Ako Kagabi.
8 ng 16 Sa Antipolo Marami pa ring Nagkakabanggaan Sa talinghaga ng tulang ito, ako ang Marcos Highway, at ikaw ang Sumulong. Sa talinghaga ng tulang ito, ang kama mo ang palengke ng Masinag. Nakabalandra sa sahig ng iyong silid ang ating mga katawan, pinapatuyo ang pawis sa ilalim ng iyong papatay-patay na ilaw. Kagabi naghanap ako ng paraan upang maisilid ang halimuyak mo. Umiyak ako noon dahil hindi ko maaaring gawin iyon. Pinatatahan mo ako kaya pasensya na’t nagsinungaling ako. Walang naaksidente sa mga kaibigan ko noon, pero may kakilala akong ganoon din ang nangyari. Tanungin mo pa ang 7-11 at Burger Machine sa may kanto. Inipit ng bakal at ng semento ang kaniyang binti kaya pinutol ito ng mga doktor. Ngayon alam mo na ang dahilan bakit lagi akong nagmomotorsiklo. Ayoko pang mamatay, ngunit gusto ko pa ring tawirin ang mapanganib na kalsada ng iyong mga braso. Hinahanap ko ang iyong palad sa aking mga palad. Ipinagsara ko sila kanina sa simbahan at nagpasalamat sa mga dalubhasa ng siyensya.
Salamat sa biyaya ng lungsod at ng grabedad. Salamat sa medisina at sa bote-botelya ng gamot-pampatulog. Salamat sa biyaya ng kutsilyo’t pagpapaopera. Baka mamayang gabi hindi na kita madama.
9 ng 16 Sa Antipolo Maraming Nakatayong Resort Kung sasabihin kong nahulog ang loob ko sa iyo, baka mas lumayo ka pa mula sa kinatatayuan ko. Patawad, pero nahulog ang loob ko sa iyo. Kung sasabihin ko ito nang maraming-maraming beses, at kung totoo ngang bilog ang mundo, matatagpuan kita bukas na nakahilig ang ulo sa likod ko. Mahal kita pero ilang tula na ba ang nagsabi noon, kaya ganito na lang: Kaninang umaga, naalala kita, kaya hindi ko nilagyan ng latik ang aking suman. Umakyat ako ng Hinulugang Taktak at wala akong nakitang talon. Inisip ko baka naisilid mo ang tubig sa maleta mo noong lumayas ka ng Antipolo. Kung maglalakad akong nakapiring ang mata patungo sa iyo, gagabayan ako ng lagaslas at ragasa ng iyong puso. Hayaan mo akong malunod kapag sa wakas ay nagtagpo muli tayo. 10 ng 16 Sa Antipolo Madumi ang Pulitika Ayoko ng gulo, kaya ako lumayo. Ayaw mo ng gulo, kaya mo ako nilayuan. Maingat ako ngayon sa tuwing naghuhugas ako ng plato, hinahaplos na para silang mga pisngi mo. Kaya sa susunod na eleksyon, tatakbo ako bilang alkalde ng Antipolo. Unang ordinansa: Iibigin mo akong muli. Ikalawang ordinansa: Tatakbo tayo palayo. Hanggang doon pa lang ang naaabot ng plano ko.
Mula ikatlo hanggang ikatatlumpung ordinansa, puro pagtatalik lang ang alam ko. Pagtatalik sa damo. Pagtatalik sa kuwarto. Pagtatalik na parang mga aso. Parang mga buwaya sa lagkit at labo ng ilog. Ipininta ko ang mukha mo sa sukal ng dibdib ko, isang timba ng gawgaw para hindi ka na makawala. Ipininta ko ang aking mga plano sa mga pader ng aking kuwarto at pinanood ito habang hinahaplos ito ng liwanag ng dapit-hapon. Sa mga gabing hindi ako makatulog, walang muwang kong tinutuklap ang pangalan mo sa likod ng lalamunan ko. Naghihingalo.
11 ng 16 Sa Antipolo Mahirap Maghanap ng Masasakyan Kaya sagrado ang sining ng pagsakay sa Pilipinas. Isang makabagong litanya ang pagsaulo ng ruta. Tren, jeep, tren, at nasa tapat na ako ng bahay mo. Salamat sa Diyos sa biyaya ng ilaw-poste. Kailangan mong mautakan ang Makati, ang sabi mo, kaya pinasok mo ang kaniyang puso na parang Akyat-Bahay. Ganoon ka, mahilig kang manghimasok sa puso ng may puso, ginagawa mong tirahan pagkatapos sisilaban kapag inanay na’t binukbok ng panahon. Ganito ako ngayon: binukbok ng panahon. Mahirap makipaghabulan sa babaeng may nunal sa talampakan, sa babaeng may kasaysayan ng sakit sa puso,
ngunit heto pa rin ako, nananalamin habang pauwi sa Antipolo, puting buwang palutang-lutang sa mala-lawang langit ng alas-otso y media. Sa side mirror ng taxi, sumisilip ang gusa-gusaling bintana ng Makati. Iniisip ko naroroon ka sa isa sa mga iyon, nakadungaw habang kinakalas ang pagkakabutones ng iyong blusa. Iniisip ko hinahanap mo rin ako sa libo-libong taxi na umuuwi sa isang kuwartong hindi sa iyo. Sa tagu-taguan sa pagitan ng ikaw at ako, ang lungsod lang ang nananalo.
12 ng 16 Sa Antipolo Siguro Tayo Titira Nang Magkasama Isang bundok ang lungsod ng Antipolo. Isang bundok din ang nakasilid sa dibdib ko kaya hindi kami magkasundo. Sumakay ako ng bus papuntang Balibago at paunti-unting binabato ang mga graba’t buhanging nag-ipon sa bulsa ng aking pantalon. May nilamukos na tulang nakasulat para sa iyo, itinapon ko rin iyon. Nakita ko ang puso ko’t itinapon ko rin iyon. Pagtuntong ko ng Santa Rosa, mas gumaan ang dalahin ko. Papuri sa Iyo, Panginoong Hesukristo. Nais kong ibalita sa iyo na unti-unti na akong natututong mapag-isa. Maliit na supot ng tinapay lang ang binibili ko ngayon. Isang karton ng gatas na lang, kalahating dosena ng itlog. Tatlong de latang iba-iba ng laman
at maliit na shampoo na magtatagal ng isang buwan. Mas mahaba na rin ang tulog ko sa gabi, at sa umaga, sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, mas tumatagal ang aking pagsisipilyo ng isa’t kalahating minuto, kahit wala na namang hahalikang labi ang mga ito.
13 ng 16 Sa Antipolo Magulo rin ang Batas-Trapiko Pinakamahirap daw ang pag-uwi sa Maynila, ang sabi ni Marco. Kung tama siya, hindi na ako magtataka kung bakit ka ganito: galit sa mundo. Ganito ang ginagawa sa atin ng lungsod, ginagawa tayong galit sa mundo. Pumalatak ang drayber ng aming sakayan, minura ang nagkabuhol-buhol na lalamunan ng Taguig. Kunwari tinutulaan nito kaming tatlo sa loob ng aming sasakyan, pero wala akong naririnig kundi ang sarili kong daliri habang tinitipa sa cellphone ang numero mo. Samantha, gusto kitang bisitahin ngayon pero magulo pa rin ang mundo. O baka ako lang ang magulo
at sinisisi ko ang mundo para mapalubag ang loob ko. Inilapat ng gabi ang tainga nito sa lupa ng Comembo at narinig niya ang hininga ko sa dako ng linya mo. Balita: Narito pa rin kami sa kalye, tumutulala. Naghihintay na matapos ang paghihintay. Nauutal din pala ang Maynila, at kung sakaling pumayag siyang makipag-inuman sa akin isang gabi, baka magkasundo kami.
14 ng 16 Sa Antipolo Ako Unang Nag-aral Sa Pasig ako natutong hawakan ang aking katawan. Sa Quezon kung paano hawakan ang katawan ng ibang tao. Wala akong natutunan sa Antipolo kundi kung paanong bigkasin ang pangalan mo. Kung papaanong humawak ng kamay ng isang babae. Samantalang dati, malaki pa ang tisa sa aking mga daliri. Samantalang dati nahahawakan pa kita na parang mahal kita magpakailanman. Kaya lang distansya. Kaya lang may SLEX sa pagitan ng ating mga hita. Ngunit Samantha, matatas ko pa ring nabibigkas ang kurba ng iyong dila, ang hubog ng buto sa iyong balikat. Nag-eensayo pa rin ako ngayon sa Laguna kahit ako’y nag-iisa. Kung paano sabihin ang pangalan mo para magtunog naglilitanya. Nakaumang pa rin ang aking bibig
sa korte ng iyong bunganga, naghihintay ng makakausap sa isang wikang ikaw at ako lang ang nakakaalam.
15 ng 16 Sa Antipolo Dumadaan ang Fault Line ng Marikina Kapag nasa Makati ako’t nakatingala sa mga gusali, ang naiisip ko lindol. Kapag nakatanaw ako sa talahiban ng Laguna, sunog. Kapag nakatingin na naman ako sa retrato ng iyong bibig, baha. Para bang kung dumaan na naman ang isang gabi na hindi ka nakikita, mauulol ako na parang mamamatay-tao. Na parang mag-aamok ako sa kahabaan ng Balibago at pagtatagain ko ang mga tao dito. Ang totoo, mahal kita sa paraang pati ako’y natatakot. Wala akong kutsilyo, mayroon lang akong mga labing naghuhugis-patalim kapag kinakatagpo nila ang pisngi mo. Naghuhugis-paruparo kapag pinapupula ka na ng tatlong bote ng serbesa. Kapag namumukadkad na ang dugo sa ilalim ng balat sa iyong mukha. Minsan gusto ko ring masugatan, tulad ng kalsada sa pasikot-sikot na bituka ng Antipolo. Magpasâ na parang lungsod
kapag ginugulpi ng maiitim na kamao ng gabi. Gusto ko ring matapalan ng aspalto sa sikmura para lang bakbakin uli ng ulan, lindol, ten-wheeler sa aking sentido. Masira para matulad sa iyo, biniyak ng kinagisnang mundo.
16 ng 16 Sa Antipolo pa rin Ako Umuuwi Hinahatak ako pabalik ng mga bagay na hindi ko mabitbit. Batobalani ang aking dibdib ng mga nangungulilang bagay. Maaari mong tawagin itong simpatiya, pakikisama, pero Samantha, totoo iyon, mahal pa rin kita. Hindi ibig sabihin nito ay gusto na kitang makasama. Lumipat ako ng silid dito sa Laguna dahil may mga bagay na ayoko nang makita. Mula sa aking bintana, parang batis ang Makiling sa umaga, at umiinom ang mga pipit sa aking haraya mula dito, nagwawala sa loob ko. Ibig sabihin nito uuwi ako sa Antipolo sa susunod na Sabado, dala-dala ang talahiban ng Sta. Rosa sa aking puso. Aakyatin ko ang alaala mo na parang bundok sa Antipolo at uupo sa tabi mo. Sabay nating tatanawin doon
ang liwanag ng lungsod, doon sa kung saan hindi niya tayo mahahawakan, hindi matatalo.
Vijae Orquia Alquisola. Guro ng panitikan sa De La Salle-Dasmariñas, Cavite. Naging fellow sa mga national writers workshop tulad ng IYAS at Iligan. Ipinanganak sa Sampaloc, Quezon at lumaki sa Lucena City. Isa sa mga ligaya ko bilang propesor ang maging thesis mentee si Vijae. Lalo na ngayong term kailan matagumpay niyang nahain para sa kursong Master of Fine Arts in Creative Writing (MFA-CREA) ng Dept. of Literature ng De La Salle University-Manila ang kanyang proyekto: Lasaysayan ng Pansamantala: 30 Tula. Chair ng kanyang panel si Prof. Allan Popa, kasama sina Dr. Edgar Calabia Samar at Prof. Kristian Sendon Cordero. Inindorso nila ang proyekto para saBest Thesis Award.
Paglasa sa Pansamantala Mga Nilalaman: *Aral sa Pagsasaing *Araling Panlipunan *Pagbabalat *Alon-along Alumpihit * Juana’s Store *Pulutan *Halika na sa Kusina *Hugas-Bigas
*Apat na Hiwa ng Quezo de Bola *Bali-balita *Pa(g)salubong *Mga Binalot Mula sa Sampaloc, Quezon 2 of 18
Aral sa Pagsasaing Panukat ng gutom ang basyo ng gatas. Ginagatang sa balde ng broas ang babanlawang mga butil na kinapitan ng gabok, ipa, at nakasalbang bato sa pagpag ng bilao. Anim na taon ako nang ituro ni nanay: papantayin ng palad ang babaw at lalim ng kabusugan. Na ang kakulangan ay pagkahilaw. Na ang kalabisan ay pagkalugaw. Isasalang sa bunganga ng kalan ang kalderong maya-maya lang ay magsasabulkan. Talasan ang pandama upang bago pa kumawala ang luha at manginig ang katahimikan — mapakakalma ang kulo na nakulob.
Sisingaw ang puting-puting usok. Susulpot ang mga tuldok, animo’y mga kabisera sa mapa. Pagtitimpiin ang apoy. Mag-ingat. Sa pagkalingat, nakapapasong pait ang pagsasaluhan. Anim na taon ako nang masilip ang lumalalim na bigasan. Sa hapag-kainan tagos sa dibdib ni nanay ang asó sa bandehado. Sa kabisera, sumanib sa titig ni tatay ang paso ng sabaw. Naging madalas naming kasalo ang katahimikan. Katahimikang nasa pagitan ng aming nguya, lunok, lagok — dighal ng kuliglig sa labas. Kay bigat-bigat ng kubyertos, at ang mga salita, kasamang natunaw sa sikmura. Anim na taon ako nang maunawaan: Sinisinop.
Hinuhugasan. Pinagsasaluhan. Ipinauubaya hindi lamang isusubo, maging ang sarili.
Araling Panlipunan Parang mga hiwa ng karne ang mga kontinente sa mapa. Dahil makulay, inisip ko ring sapin-sapin tulad ng niluluto ni lola kung pista. Puwede ring sambuong pizza, tingnan mo ang mga laylayan, parang kinagatkagat. Pambihirang gutom, kay raming nasubo sa paglalayag. Napadpad sa kung saang kabisera tulad ng aking magulang. Mapamapa o mapaglobo, madalas kong mapagkamalang nilaga ang Hilaga, sabaw na pinaglalawayan sa panlalamig. Pakirinig ko’y hinog, hindi Timog, tulad ng manggang namimintog sa pagkadurog. Pakiwari sa Kanluran, kudkuran na sumusugat sa kalamnan ng niyog; ang bao, araw na napagod. Pero ang Silangan — Silangan pa rin. Sinasangag sa liwanag ng araw — binababad sa baha. Hindi ako nalilipasan ng gutom,
sapat na sapat ang aking baon. Talagang pagkain lang ang nalalasap ko sa mga talakayan — lalo pa’t bilog ang mundo parang platong minamanibela ni lola sa tuwing may aalis pagkatapos ng salusalo. Sa mga paglalakbay na pinag-aralan, may mga pangalang pinaparangalan ang bawat panahon, ang bawat lugar. Ibinabansag para masariwa ang alaala. Dito, mula sa pagkain hanggang sa kalsada. Ultimo posporo sa pagsisindi ng kalan. Kung pagpapangala’y pagdakila sa bayani, sibuyas pa ba ang sibuyas natin? Patola ang patola? Ang sangkalan? May kawa pa bang natitira? At kung itatala ang aming buhay, tatawagin ko itong lasaysayan. Umiinog na parang plato, 5 of 18
hindi malinaw ang simula — patutunguhan ng takam.
Pagbabalat Pahambugan kami sa Mauban na mabuo ang balat ng daranghita. Pagalingan sa Lucena na mabuo ang balat ng dalanghita. Paangasan sa Maynila
na masolid ang balat ng dalandan. Tinititigan ng talunan ang pagpiga sa punit na balat. Hindi ko masabi na malas lang talaga. O naninibago. Sa mga kaklase natutunan ko: maaaring tumawa sa pagluha ng iba. Isang prutas, hitik sa bigkas — baklas.
Alon-along Alumpihit Hindi ko mapihit ang switch ng ating washing machine. Dati, sagad sa huling segundo. Dalawang ulit pa nga upang tiyak na bumitaw: ketsap sa polo, anino ng pagdalaw ng kasibulan sa palda, amoy ng mga maghapong kumapit sa kamiseta. Ganito raw, budyong ng radyo, yanig na gumalit sa tubig; lumamon sa inyong lungsod. Humambalos sa aking hinahon. Lumimas sa aming mga sumamo. Hindi ko mapihit.
Mangyaring napupunit ang sigaw ng mga damit sa sagip. Nasasakal ang mga kuwelyo. Napipilipit ang mga manggas, Ang mga laylaya’t mga baston waring nagkukumahog umahon. Tila nakatingala, nananalangin sa akin ang titig ng mga butones: huwag, huwag buhayin ang yanig \hampas/hatak\salpok/ at tuluyang pagkalunod. Ganito raw, sabi ng Abante, yanig na gumalit sa tubig; lumunok sa inyong lungsod. Umanod sa aming kapanatagan. Nagpangunyapit sa pangitain ng bituin. Pisces: Babaha ang suwerte, subalit raragasa rin ang mga pagsubok. 8 of 18
Higpitan lang ang kapit sa talim ng panahon. Lucky no/s: 3, 11 Lucky color/s: Bright Red & White Nang subukan ko munang magkape, hindi ko rin mahalo-halo ang pulbos ng nalusaw na tamis at pait. Nalaman ko, mahal —
handa ako na muling magkusot.
Juana’s Store
Delikado? Aysus, sa hukay rin naman matatapos ang lahat. Kung pagsamantalahan? Minsan, may mga biyayang nagpapanggap na dahas. Sige, sama-sama nga rito, sama-sama ring pagtotong-itan. Nakakalungkot? Hoy, hindi maibabayad ng utang ang drama! (Puwede kung patulan ng Maalaala.) Kung luha lang ibabayad mo, isoli mo ‘yang bigas, bibigyan kita ng eksena. Praktikal ang labanan. Sabi ko sa aking anak, poriner ang gusto kong manugang. Tingnan mo ‘yang sa harap: linis ang lista, bato na ang bahay. Nagmukhang tao pa ang mga anak. Tibay ng tenga lang ang puhunan!
Pulutan Sa tagay, ikaw ay tumawag ng lakas.
Maghilom, mapanatag pansamantala. Sumubo, sariwang hiwa ay kumatas. Nalango, sa tawana’t huntahang wagas. Limang kaarawang basag kang nagbilang. Sa tagay, ikaw ay tumawag ng lakas. Pagtitimpi, tulad ng bula’y umawas. Ang iyong tapang, waring babad sa suka. Sumubo, sariwang hiwa ay kumatas. Naghamon ka, pinal ang pasyang kumalas. Mga bote at kantyaw, muling nag-umpugan. Sa tagay, ikaw ay tumawag ng lakas. Paggising, ulo ay parang napahampas sa sakit — iniinda maging ng dila. Sumubo, sariwang hiwa ay kumatas. Walang naniwala sa iyong bulalas. Tulad lang ng kinilaw: ikaw ay hilaw. Sa tagay, ikaw ay tumawag ng lakas. Sumubo, sariwang hiwa ay kumatas. Halika na sa Kusina Ano ka ba, luho lamang ang paglalamas ng asin sa ampalaya. Sa pait nakakabit ang sustansiya. Hindi ako maselan sa hiwa. Abala lamang ang nipis ng gayat. Mas makapal, mas lasap na lasap ang takam sa tikim. Gaya ng kaniyang pagpikit-pikit habang sumisirit ang ginisang pait sa dila at ngalangala. Laway na laway sa kalinga ng aking kusina. Masarap din daw magluto ang kaniyang asawa. (Mabilaukan ka sana.) Pero bawi niya, mas malasa ang aking timpla. Napasasarap, maging sinumpang gulay. (Naku naman, paborito ko rin ang bola-bola.) Gusto mong malaman ang aking sikreto? Halika. Tumuloy ka. Ang totoo: wala. Wala namang sikretong hindi nalalaman. Walang binabad na ugat o halaman o dasal na inihahalo sa kawali. Ang kaibahan lang: kung anong mayroon, e di
iyon. Hindi naman laging ampalaya. May panahong mustasa. Patola. Kalabasa. Talong. Tahong. Bakit nga ba mapait ang ampalaya? lagi niyang tanong. Kasi nakakunot, lagi kong sagot, hindi isinali sa bahay-kubo. Ang totoo — walang ampat ang pait sa paglalaway sa laya. Pagsusuri: Sukat: eksperimental Unang saknong (21-26-22-22-19) Ikalawang saknong (23-22-17) Ikatlong saknong (24-26-24-26-4) Ika-apat na saknong (25-14) Ikalimang saknong (19) Tugma: karaniwang antas Paksa: Pamamangka sa dalawang ilog Himig: nanggagayak Nanggagayak sapagkat mababsa sa tula ang paglalarawan ng kanyang mga gusto at hindi gusto. Damdamin: naninimdim Aliw-iw: Hindi masyadong maindayog sapagkat nasa malayang tulodturan ang tula. Simbolo: Ampalaya – taong may dinaramdam, isang taong may masidhing damdamin. Kusina – isang kanlungan ng damdamin, at tao para sa kanyang isang damdaming masidhi. Mustasa. Patola. Kalabasa. Talong. Tahong. – ito’y kanyang kalipunan ng mahal na maaring sumisimbolo sa pamilya kaibigan o marami pang mangingibig. Bahay-kubo – ang puso ng tao kung saan naiipong ang mga damdamin pra sa mga taong ating mahal. Na kung saan kasili lahat ang gusto at inihiwalay ang hindi gusto katulad ng ampalaya.
Hugas-bigas Kanina pa sana nakatikim ng tadyak ang tv kundi lang bagong bili. High blood na naman si tatay. Parang batang inasar-talo ng SONA: Tuwid, tuwid. Baka tuwad! Natigil nang mapatingin sa orasan. Magsaing na. Huwag mong itatapon ang ikalawang hugas. Muling nag-init sa pagtaas ng piso. Tumaas pa ang boses sa palakpak sa mga OFW. Mabuhay? Mabubuhay ka ba sa bugbog o bitay? Malabo, talagang malabo kahit sa ikatlong ulit parang ulap ang kupas ng bigas. Kakulay na kakulay ng ikalawa. Kung ganito nga ang ulap sa alamat: nadakot, nakatagong gaspang ng langit. Kaya pala napapangiwi ako sa paghigop ng sinigang. Namnam na namnam — bugtong ng sampalok. Bago kumain, lahat naghuhugas ng kamay — hindi ng bigas.
Apat na Hiwa ng Quezo de Bola
12 sa palad ninyo mundong walang sulok solidong-solido inapat naging tatsulok namumukol na tukso palasong tutusok 34 bombang nakatanim pulang-pulang sarap sa lamig ng hangin nang mahubdan ng balat sumabog sa ngipin naninilaw na alat
Bali-balita Kilalang-kilala niya ang gisa ng gutom sa mga karaniwang hapon: limang kilong miki, tatlong repolyo, walong sayote, sampung sibuyas. Kaunting takal ng kuwento. Minsan, kusang sumasandok ng tawad. Nakaruta sa kaniyang mga alak-alakan ang mga eskenita ng bayan. Sa ilang dekada, inihahatid niya ang nakapapasong balita. Isang atas ang kaniyang boses. Bumubukas ang mga pinto at bintana, saan man huminto: naipapako ang sentro de grabedad ng takam. Nagpapaubaya sila, mas mahaba man ang ipipila kaysa ihahabhab. O mas gusto nilang ganoon, mas marami-raming napagsasaluhang huntahan. Tuwing Pahiyas, nakaparada sa plasa ang kaniyang tindahang mala -pedicab. Mabentang-mabenta sa kamera: sapin ng dahon ng saging at diyaryo, siling nalunod sa bote ng suka; paglapit ng palad, paglapat ng bibig. Paglagok sa tubig-Banahaw. Pansiiiiit! Kaunting dulas ng dila, pansin ang aalingawngaw. Isang kalatas ang pilas ng dahon. Maaring pumikit dahil dila ang babasa. Sasalat sa salita ng init. Sa wika ng lasa. Saan man sila mapadpad, umuuwi at umuuwi sa giniginaw na paanan ng Banahaw ang maiinit na hibla ng gunitang ginugupit ng mga ngipin. Sa tinagal-tagal, natantiya na niya ang pagbating: Anong balita, Aleng Lita? Bukas-palad niyang iniaabot ang pansit. Walang init-init. Ihip. Walang salasalabid sa sabik. Samid at samid lamang. Minsan siguro’y naisip ng humahabhab, ito ang lasa ng balita. Sa suka sumasarap — sa anghang lumilinamnam. Minsan, siguro’y nasabi niya sa mga parokyanong nagsasalita habang puno ang bunganga, lumunok ka muna, kinakain mo ang iyong kuwento.
Maraming kuwento ang maraming pangarap. Pero hindi lahat ng pangarap ay ikinukuwento. Iginigisa ng ilan, tulad niya. Tinitikman, hindi sinasaid dahil mas masarap na pagsaluhan. Mayroon ding nilalalasap nang paulit-ulit, parang alingawngaw. Maraming tanong kaya kinakain ang pansit nang may pagpapakumbaba. Yumuyuko, pagtanggap sa mga hibla na walang iisang haba. Humahalik, muli’t muling pagkilala sa init. Paglapit sa pagitan na sinagkaan ng mga kubyertos. Isang paghahangad na maging ganap, ganap na ganap pa rin na katatas-pulong sa bayang minamahal pero laging iniiwan. 15 of 18
Pa(g)salubong Binulabog ako ng mga katok ng kutsilyo at mga boses (si lola’t mga di-kilalang kamag-anak), tumatagos sa solidong sandali ng kurtina. Mga ka-baranggay. May sumisipol. Siguro, nagtatawag ng hangin o ginaganahan sa pambubulahaw. Nakisabay ang aking pintig. Parang sabik. Parang galit. Natahimik ang sangkalan. Sumagitsit ang kawali. Parang galit. Parang sabik. May tumili; lumapat ang takip. Nagsasalimbayan ang palakpak at halakhak. Kanya-kanyang Naaalala n’yo po ba, noong… Parang rumatsada ulit ang patalim. Kumakatok. Parang ‘yung mukha
sa pamaypay noong eleksiyon. Pumasok sa bahay, mahigpit ang pagkamay. Idiniin ko ang unan sa tainga. Sa bintana, inihahayag ng liwanag ang himaymay ng kurtina. Bumangon ako para mag-almusal. Iba-ibang putahe para sa isang pagdating. Nasa gilid ng lamesa ang sangkalang kahoy. Sa ibabaw ng puting mantel, parang sugat na pinapapak ng mga langaw. Noong kinailangan — doon lang — naalala, sabunin ang nangingintab na lansa. Kabi-kabila ang kuwentuhan. Hindi ko mapag-iba ang talim sa dila. ‘Di na makilala ang parating— pinag-uusapan. Sisipol-sipol akong bumalik sa kuwarto. Babawi, puyat na puyat ang aking mga tainga. Hindi matiyak kung tumawa ba o umiyak ang mga langaw, nang haluin ko ang dinuguan. 16 of 18
Mga Binalot mula sa Sampaloc, Quezon Pinais1 1 Sangkap ng ulam: batang niyog/hipon-ilog/paminta/asin/asukal/dahon ng kamamba/dahon ng saging Mula sa Magpipinais: 1. Ganiri, kayurin mo ang bata pang niyog. Aba’y huwag mong itatapon ang sabaw. Ihiwalay mo
laang. 2. Tapos haluin ang kinayod na niyog kasama ng hipon (siguraduhing galing ilog para ‘di malansa), paminta, at asin. Marahan laang. 3. Ibalot mo sa dahon ng kamamba. ‘Yang kamamba, ‘yan ang pampasarap kasi mahiwaga. Hindi naipupunla — kusang sumisibol. Natutunaw sa ulan kaya kailangang isilong. Kaya kahit anong purba nilang mag-pinais doon, ee, hindi ari. Kaya pag-uwi, ayun, panay ang pahanap sa Pinais. 4. Pagkatapos, ibalot sa dahon ng saging. Talian ng linas (hibla ng buli). Saka mo pakuluan sa mismong sabaw ng niyog na may asin at asukal. Palamangin ang asukal, para matikman ang hinahanap-hanap na tamis. Kung kakagatin ang unlapi ng pagkaing ito, tanging nais ang matitira sa ating plato. Nais na iuulam natin sa pagitan ng mahaba-habang kumustahan, ng malawig-lawig na paghihintay. Lagi’t laging may takam sa nais, gaya ng asam sa manamis-namis na sabaw nito sa bandehado. Sa linamnam ng kinayod na batang niyog, mga hipong sumukob sa suson ng mga dahong kamamba. 17 of 18
Pinangat2
2 Sangkap ng ulam: ginadgad na luya, sardinas o tuyô, dahon ng gabi, kakang (puro) gata, suka. Mula sa Magpipinangat: 1. Gamay na ng kamay ko kung ilang dahon. Depende sa laki. ‘Pag katamtaman, 5-6 na suson ng mga dahon ng gabi. Iposisyon mong parang may hukay sa gitna. Parang sasalo. Sasalok. 2. Ipalaman ang luya, sardinas o tuyo, at nilutong gata sa katapusang suson ng dahon. Parang nagbabaon ng kayamanan. 3. Tiklupin ang dahon, talian ng linas, lutuin sa gata. 4. Lagyan ng kaunting suka, ‘pag inaakalang luto na ang dahon ng gabi, ahunin ang binabalikbalikang linamnam na nagpasakit sa brasong naghangad sa kakang gata. Kung titikman ang unang tatlong titik, angat ang malalabing lapot sa lapat ng mga dahon ng gabing ginapos ng linas. Angat na kakapit sa talim ng ating mga dila, maglalakbay sa lalamunan, sisisid sa sikmurang di masikmu-sikmurang hindi ngumuya. Gabi-gabing may alimpungat sa angat, gaya ng di sinasadyang pagkakagat sa dila habang sumasabog ang luha ng luya sa bunganga. 18 of 18
Tamalis3 3 Mula sa Tamales ng Mexico na naging matigas ang bigkas sa Sampaloc. Sangkap ng kakanin: giniling na sinangag na bigas/ bawang/ paminta/ nilagang itlog/ hot dog/ dahon ng saging Mula sa Magtatamalis: 1. Igisa mo muna ang ipinagiling na sinangag na bigas hanggang sa mamula.