Kasaysayan ng Kasaysayan: Ugat, Kahulugan at Kabuluhan Jose Lester C. Duria
Ang Kasaysayan ay isa sa pinakamatandang sangay ng pag-aaral sa Agham Panlipunan. Maiuugat ang pinanggalingan ng disiplinang ito mula sa pag-iral ng kamalayang pang-kasaysayan na nakapaloob sa mga tradisyon ng Kanluraning Kabihasnan. Sumibol ang kamalayan sa mahalagang pamana na iniwan ng mga Hudyo, Griyego at ng mga sinaunang Kristiyano. Binigyang diin ng mga Hudyo at kinalaunan ng mga Kristyano ang saysay, balangkas at proseso ng mga pangyayari sa nakaraan. Para sa kanila, ang nakaraan ay umuugnay sa kasalukuyan at maging sa hinaharap at ito ay kumikilos papunta sa isang tiyak na tunguhin. Samantala, ang mga Griyego naman ay nakapag-ambag sa pagbubukas ng daan sa kritikal at siyentipikong pag-aaral ng nakalipas upang madetermina ang katotohanan. Para sa kanila, napakahalaga ng pagkakaiba sa pagitan ng kasaysayan (history) at mitolohiya (Gilderhus 2000, 11). Sa kabilang banda, nahahati sa limang bahagi ang kasaysayan ng kasaysayan bilang pananaw at gawaing panggrupo o panlipunan sa Pilipinas. Una sa mga ito ay ang dinatnan ng mga Kastila noong 1521, ito ang dating kasaysayan na siyang kamalayang pangkasaysayan na taal sa Pilipino. Ang ikalawang yugto ay ang pagsulpot sa Pilipinas ng historia na kumakatawan sa mga ulat-pangkasaysayan at kronika na may kaibahan naman sa konsepto ng kasaysayan ng mga sinaunang Pilipino. Ang pagpasok ng positibismo bilang metodolohiyang tradisyunal at pananaw ng Istoriograpiya sa ating bansa noong mga unang taon ng ika-20 dantaon ang tumutugon sa pagsisimula ng ikatlong panahon. Ang ika-apat na bahagi ay ang pagsilang kamakailan sa ating bansa ng “Bagong Istoriograpiya”. At ang ika-huli ay ang pinapangarap na pagsasanib ng mga konsepto ng historia at ng kasaysayan sa loob ng isang pangkalahatang kasaysayan na may malawakang pamamaraan at kabuluhan at saysay sa lahat ng Pilipino. Binibigyang diin na ang pagsasanib na ito ng historia at kasaysayan ang siyang dapat maging pinakamasidhing layunin ng pambansang kasaysayan bilang disiplina at pananaw (Navarro et al. 2000, 159-161).
Ano nga ba ang Kasaysayan? Bago natin sisirin ang kahulugan ng salitang ito, lubhang mahalaga na ating malaman na sa matagal na panahon, ang mga kanluraning manunulat at historyador ang sumulat ng ating kwento, gamit ang kanilang pananaw at kalinangan na mayroon sila sa Kanluran. Ibinatay ng mga banyagang manunulat na ito ang kanilang pagtingin sa ating kasaysayan ayon sa sarili nilang mga pananaw. At sa pamamaraang katulad nito, umusbong ang malaking suliranin na nagluwal sa pagkakadambong ng ating tunay na kasaysayan. Karamihan sa kanilang mga 1|Pahina
naitala ay naglalaman ng mga hindi magagandang impresyon patungkol sa salaysay ng ating nakaraan, pangit ang kanilang nakita sapagkat hindi natin sila kapareho ng kultura. Ang nakakalungkot pa dito, ang kanilang mga salaysay pati na ang mga biases nila, ang ating binasa at pinaniwalaan sa loob ng maraming taon. Malaki ngayon ang naging epekto nito sa paghubog ng ating pagkatao bilang mga Pilipino. Marami sa atin sa kasalukuyang panahon ang hindi lang nagiging alipin ng colonial mentality kundi pati na rin ng pagkakaroon ng inferiority complex. Naging mga mahiyain, napaniwala na walang ibang gawang magaling kundi ang ibang lahi at labis na kaliitan ang naging pagtingin natin sa ating mga sarili pati na rin sa bayan (Chua 2006, 2). Sa kadahilanang ito, kinakailangang maitama ang pagtanaw at pagtuturo sa ating sariling kasaysayan at maisasakatuparan lamang ito kung tayo‟y magiging malaya sa diwang banyaga na nagpapanatili ng kuping pag-iisip ng Pilipino. Bawat isang pangkat ng tao o kultura ay may kanya-kanyang pagkilala sa nakaraan. Mababakas ito sa ginagamit na salitang tumutukoy sa kani-kanilang nakalipas. Sa Pilipinas, partikular sa Katagalugan, tinatawag ang salaysay ng nakaraan bilang Kasaysayan (Hernandez 2009, 137). Sa kasalukuyang sistema ng pagtuturo sa mga eskwelahan, binibigyang kahulugan ang Kasaysayan bilang sistematikong pag-aaral ng mga nakaraang pangyayari upang maunawaan ang kasalukuyan at mapaghandaan ang ating hinaharap. Para sa historyador at etnolohistang si Dr. Zeus Salazar, malaki ang kaibahan ng Kasaysayan kumpara sa mga katumbas nitong salita mula sa wika ng ibang lahi; hal: geschicte (Aleman), histoire (Pranses), historia (Griyego) at history (Ingles), na karaniwang nakatuon lamang sa mga naitala. Subalit kung ating susuriin, ang Kasaysayan ay hango mula sa dalawang salitang ugat. Una ay “salaysay” na ang ibig sabihin ay kwento at ang ikalawa ay “saysay” na ang ibig namang sabihin ay kabuluhan o kwenta. Samakatuwid, ang Kasaysayan ay salaysay patungkol sa nakaraan na may saysay sa isang partikular na pangkat ng mga tao sa isang lipunan na nagpapahalaga dito, at sa ating kaso, para sa atin mismong mga Pilipino. Sa Kasaysayan, kapansin-pansin na binibigyang diin at halaga ang saysay ng mga nakalipas na ulat (Navarro et al. 2000, 70-71). Sa talas ng kahulugan nito, mahihinuha nating hindi lamang ang mga nakasulat na dokumento ang maaring gamitin, kundi pati na rin ang mayaman at makabuluhang kalinangan ng bayan kagaya ng mga mito, mga alamat, mga kwentong bayan, epiko o mga awit ng grupong etniko at iba pa na nagpasalin-salin sa loob ng maraming panahon at may saysay sa isang grupo ng tao na kung tutuusin ay mga batis na hindi naman tinatanggap sa history (Chua 2006, 3). Malayo ito sa lumang depinisyon na ating nang nakamulatan sa mga paaralan, na ang Kasaysayan di-umano ay basta lamang pag-aaral ng nakaraan (“History is the study of the past”). Ang nagsalaksak ng ganitong kaisipan sa atin ay ang maling edukasyon, mga aklat pangkasaysayan na ang sumulat ay mga dayuhan at ang mga Pilipinong naging estudyante nila.
2|Pahina
Sa pagsisid sa mayamang kahulugan ng Kasaysayan, makikita at masasalamin ng mga Pilipino ang katotohanan sa kanilang tunay na pagkatao. Buti na lamang at may mga masisigasig at masisipag tayong mananaliksik na Pilipino na nagbibigay ng kanilang panahon upang tungkabin at hukayin ang baol ng ating mayamang nakaraan gamit ang sarili nating pananaw at kalinangang meron tayo dito sa ating bayan.
Mga Batis ng Kasaysayan Sa pag-aaral ng Kasaysayan importanteng malaman ang iba‟t ibang mga elemento na pinagbabatayan upang makabuo ng isang konkreto at makatotohanang salaysay hinggil sa nakaraan. Ang mga bagay na ito ang lubos na makapagpapatibay at magbibigay suporta sa awtentisidad ng bawat pag-aangkin na isinusulong sa pagdalumat ng nakalipas na kaganapan. Nauuri sa dalawa ang mga batis o batayan na maaring magamit sa pag-aaral ng kasaysayan: ang primarya at sekundarya. Primaryang batis. Tumutukoy ito sa mga orihinal na batayan na naging saksi o naging bahagi ng isang pangyayaring pinagtutuunan ng pag-aaral. Ang mga halimbawa nito ay mga hayto (fossil), liktao (artifacts), mga naitalang dokumento gaya ng naratib, manuskripto, pampublikong dokumento, mga liham o kaya nama‟y mga talaarawan. Ang mga patotoo mula sa mga taong nakasaksi sa isang partikular na pangyayari ng nakaraan ay maari ring magamit bilang pangunahing batayan sa pagbuo ng salaysay ng nakaraan. Mayaman din ang ating bansa sa tinatawag na mga “oral tradition” o kasaysayang nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao mula sa nakaraan. Ang mga halimbawa nito ay ang mga alamat, bugtong, salawikain, awit, epiko at marami pang iba. Sekundaryang batis. Tungkol ito sa mga kagamitang hango o kinopya lamang mula sa orihinal na hindi naging bahagi o saksi sa isang pangyayaring binibigyang halaga. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga magasin, dyaryo, polyeto at mga artikulong naisulat at ibinatay mula sa mga primaryang batis.
Kahalagahan ng Pag-aaral ng Kasaysayan Bakit nga ba natin kailangang pag-aralan ang Kasaysayan? Ang sabi ng isang Harvard pilosoper na si George Santayana, ang sinomang nilalang na lumimot sa kanyang nakaraan ay sinumpa ng kanyang ulitin ito (Gilderhus 2000, 4). Ang paniniwalang ito ni Santayana ay sumasang-ayon sa katotohanan na ang mga bagay na ating natutuhan mula sa ating nakalipas na karanasan ay maaaring makatulong sa pag-iwas natin sa mga pagkakamali, mga bitag at mga kapahamakang naka-umang sa pagtahak natin sa ating hinaharap. Pwede tayong matuto mula sa mga pagkakamali ng nakaraan nang sa gayon ay hindi na natin ito maulit sa mga 3|Pahina
susunod na panahon. Wika nga ng prominenteng historyador na si Ambeth Ocampo, hindi naman talaga umuulit ang Kasaysayan kagaya ng paniniwala ng ilan. Bagkus, tayo mismong mga tao ang umuulit nito sa kadahilanang hindi tayo marunong matuto mula sa mga aral ng nakaraan. Dagdag pa niya, kung magagawa nating matagpuan ang saysay na nakapaloob sa Kasaysayan, doon lamang nito makakamtan ang kapangyarihan upang makapagdulot ito ng pagbabago sa ating mga buhay (Ocampo 2001, x, xviii). Sa sanaysay naman na ginawa ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na pinamagatang Ang Pilipinas sa Loob ng Isang Dantaon, buong puso niyang pinahayag na upang malaman natin ang tadhana ng ating bayan, lubhang mahalaga na ating buksan ang aklat na nagsasaad ng nakaraan nito (Zaide 2007, 453). Naglalaan ang Kasaysayan ng isang hinirayang bintana kung saan maari nating dungawin at matanaw ang hinaharap. Ang pagsulong at pag-unlad ng ating bayan ay nakasalalay sa mga mamamayang marunong lumingon at humugot ng aral mula sa nakaraan! Ang Kasaysayan ay umaagapay din sa pagbubukas ng ating kamalayan patungkol sa ating tunay na pagkatao at pagka-Pilipino. Iminumulat tayo nito sa kadakilaan ng ating lahing pinagmulan na siyang nagbibigay sa atin ng kumpiyansa sa pagharap at pakikitungo sa ibang lahi. Tinuturuan tayo ng nakaraan na maunawaan ang kasalukuyan. Nabibigyan tayo ng pagkakaton nito na makakonekta sa mga napapanahong pangyayari o kaganapan sa ating lipunan at mula rito‟y makalikha tayo ng mga matalinong desisyon upang bakahin ang ilang mabibigat na sitwasyon sa buhay. Sa pamamagitan din ng pag-aaral ng Kasaysayan, napapanatili nitong buhay at sariwa sa isipan ng umiiral na henerasyon ang mayamang kultura ng bayan. Ang Kasaysayan ay hindi lang basta nauukol sa pagsasaulo ng mga nakakahilong petsa o ng mga pangalang kay hirap bigkasin o kaya nama‟y ng mga lugar na halos „di naman natin matukoy kung saan. Ang pangunahing layunin nito‟y maikintal sa puso‟t isipan ng bawat isa ang kabuluhan ng kanilang mayamang nakaraan tungo sa ganap na pagkakabuklod at pagkakamit ng kaginhawaan ng ating bayan. Nangingibabaw sa tungkulin nito na maipaunawa sa sambayanan kung sino sila, ang kanilang pinagmulan, ang kanilang mga pinagdaanan bilang isang bayan at kung bakit naganap ang mga pangyayari upang makapagpasiya sila sa kanilang patutunguhan, sa wika at paraang higit nilang mauunawaan (Hernandez 2009, 140).
Ang Kasaysayan at Iba pang Disiplina ng Agham Panlipunan Nauugnay ang Kasaysayan sa iba pang mga disiplina ng Agham Panlipunan katulad ng mga sumusunod: 1. Heograpiya – pag-aaral tungkol sa katangiang pisikal ng daigdig. Natatalakay dito ang pagkilos ng tao ayon sa katangian ng kanyang paligid. Mauunawaan ang pakikibagay sa panahon, klima, lokasyon at kahalagan ng mga likas na yaman.
4|Pahina
2. Agham Pampulitika - tumutukoy sa pag-aaral ng mga konsepto at prinsipyo tungkol sa pamamahala ng isang lipunan na may tiyak na teritoryo. 3. Sikolohiya – nakatuon ito sa pag-aaral ng pagkilos o paggalaw ng tao. Pinag-aaralan dito ang pamamaraan ng pakikpag-ugnayan ng tao sa ibang tao o pangkat. 4. Ekonomiks – ang pag-aaral tungkol sa produksyon, distribusyon, at pagpapalitan ng kalakal at ng pagkonsumo. 5. Arkeolohiya - pag-aaral sa mga kalinangán ng tao sa pamamagitan ng pagbawi, pagdukumento at pagsusuri ng mga materyal na labi, kabilang ang arkitektura, mga artifact, mga biofact, labi ng mga tao, at mga tanawin. 6. Antropolohiya – pag-aaral ng simula, pag-unlad at katangian ng tao. 7. Sosyolohiya – ang sangay ng pakikipag-ugnayan ng tao sa mga pangkat, institusyon o samahan na kanyang kinabibilangan.
Ang Pag-unlad ng Historiyograpiyang Pilipino Ang Historiyograpiya ay nangangahulugan ng pagsusulat ng kasaysayan. Tinangka ng mga Kastila noon na burahin sa balat ng lupa ang lumang kasaysayan ng mga sinaunang Pilipino. Tinipon nila ang lahat ng mga bagay at dokumentong nagkakanlong ng nakaraan ng mga katutubo at sabay-sabay itong tinupok sa apoy sa paniniwalang ito‟y lalang ng diablo. Marami sa mga ito ang tuluyan ngang nasira subalit hindi pa rin ito naging sapat na paraan upang tuluyan nilang maiwaksi sa isipan ng mga katutubo ang ating matandang kultura at kasaysayan. Bagamat mayroon na tayong sistema ng pagsulat (ang tinutukoy ay ang baybayin) bago pa man tayo datnan ng mga dayuhang mananakop, hindi lubos na nakahiligan ng mga sinaunang katutubo na itala sa pamamagitan ng pagsusulat ang mga pangyayari sa kanilang nakalipas. Bagkus, mas nasanay silang gumamit ng pamamaraang pasalita upang ilahad ang mayamang kwento ng kanilang nakaraan. Ito marahil ang dahilan kung kaya‟t ang kapuluan ng Pilipinas ay mayaman sa mga alamat, epiko, mga awit, korido, at iba pang kwentong bayan na nagpasalin-salin sa iba‟t ibang henerasyon sa loob ng mahabang panahon na siyang nagsilbing tulay upang mapanatiling buhay ang ating matandang kasaysayan. Ang mga misyonerong Kastila ay nakapagsulat ng mga kronika patungkol sa nadatnang nilang pamumuhay ng mga sinaunang katutubo. Marami sa mga ito ay nilimbag ng iba‟t ibang ordeng ipinadala sa Pilipinas na kinabibilangan ng mga Augustino, Pransiskano, Dominikano, Heswita at Rekoletos. Karamihan sa kanilang naisulat ay naglalaman ng mga pagkiling sa panig ng mga Espanyol, bukod pa sa pagiging moralistiko at etnosentriko ng mga ito sa punto ng pagpapaliwanag at paglalarawan ng kultura at lipunang Pilipino. Gayunpaman,
5|Pahina
ang mga naturang dokumento ay nagbibigay ng mahalagang ambag sa pag-aaral ng kasaysayang Pilipino sa panahon ng mga Kastilang mananakop. Naging tanyag na mananalaysay sa panahong ito ang mga prayleng sina Juan de Plasencia (1589), isang Pransiskano at Pedro Chirino (1604) isang Heswita. Si Dr. Antonio de Morga naman ang natatanging sekular na historyador sa buong kapuluan bago ang taong 1887. Siya ang sumulat ng akdang Sucesos de las Islas Filipinas na nailimbag sa Mexico noong 1609, patungkol ito sa mga pangyayari sa Pilipinas noong ikalabing-anim na siglo. Kinalauna‟y kinasangkapan ni Dr. Jose P. Rizal ang nasabing akda nang gawan niya ito ng anotasyon upang bigyang patunay na mayroon na talagang mayamang kabihasnan ang mga sinaunang Pilipino bago pa man sumapit ang mga mananakop sa bansa, bagay na pilit pinapasubalian ng mga prayleng Kastila. Samantala, ang mga pangkat ng ilustrado na nakabase sa Espanya na kinabibilangan ng mga Pilipinong propagandista na sina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, gayundin sina Pedro A. Paterno, T.H Pardo de Tavera, Gregorio Sancianco y Gozon atbp., ang siyang itinuturing na pundasyon ng unang Historiyograpiyang Pilipino. Bilang mga ilustrado, sila ang mga unang nakaramdam ng pang-aalipusta ng mga Kastila na nakabatay sa makasariling pananaw nito. Kaya ang magiging reaksyon ng mga propagandista ay ang pabulaanan ang mga opinyon ng Kastila (Navarro et al. 2000, 76). Bilang isang grupo, nagtataglay sila ng pare-parehong katangian: una, sila ay nakatanggap ng edukasyong Kastila at nagsususlat sa wikang Kastila; pangalawa, wala silang pormal na pagsasanay sa metodolohiyang pangkasaysayan ngunit mayroon silang malakas na kamalayang pangkasaysayan at masugid na iniukol nila ang kanilang mga sarili sa pag-aaral ng mga gawa ng mga historyador na Espanyol at ilang manunulat pangkasaysayan na kadalasan ay may kinikilingan at baluktot ang paglalahad; pangatlo, sila ay mga taong maituturing na may mataas na antas ng kaalaman at kultura; pang-apat, sila ay nabuhay sa loob ng tatlong mahalagang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas – ang mga panahong Espanyol, Rebolusyunaryo at Amerikano; at panghuli, sila ay sumusulat ng kasaysayan bilang mga “artist” at hindi bilang isang “technician” – ibig sabihin ang mga gawa nila ay paglalarawan lamang at hindi mapanuri at interpretatibo (Llanes et al. 1993, 29). Magsisimula ang Historiograpiyang Pilipino sa yugto ng pamunuang Amerikano nang hikayatin ng mga ito si Trinidad Pardo de Tavera, isang Pilipinong miyembro ng Komisyon sa Pilipinas, na gumawa ng katalogo ng lahat ng kanyang koleksyong Filipiniana. Taong 1903 ng malimbag ang katalogong pinamagatang Biblioteca Filipino na naglalaman ng humigitkumulang na 3,000 tala tungkol sa kasaysayan at kultura ng mga Pilipino. Naging saligang bibliograpikal ito sa pag-aaral ng Pilipinas dahilan upang maging kapaki-pakinabang ito para sa mga mananaliksik at iskolar (Llanes et al. 1993, 21). Kasunod nito, naipalimbag naman ang unang tomo ng mahalagang gawang bibliograpikal ng mga Amerikanong iskolar na sina Emma Helen Blair at James Alexander 6|Pahina
Robertson, na pinamagatang The Philippine Islands, 1493-1898 (tinatawag ding Blair and Robertson). Ito ay natapos noong 1909 at binubuo ng 55 tomo na ang dalawang huling tomo ay naglalaman ng index. Karamihan sa mga dokumentong nakapaloob dito ay mga pagsasalin sa Ingles ng mga orihinal na dokumentong Espanyol. Ang akdang ito ay nagsilbing pinakamahalagang pinagkukunan ng mga primaryang dokumento tungkol sa panahong Espanyol sa Kasaysayan ng Pilipinas. (Llanes et al. 1993, 21-22). Ilan sa mga kinilalang Pilipinong historyador noong panahon ng Amerikano: Trinidad Pardo de Tavera. Siya ang lumikha ng Biblioteca Filipina na naging mahalagang gabay na bibliograpikal para sa mga iskolar at mananaliksik na gumagawa ng mga pag-aaral patungkol sa panahon ng Espanyol. Kabilang din sa kanyang konribusyon sa pagsulong ng historiograpiyang Pilipino sa panahon ng Amerikano ay ang kanyang Resena Historia de Filipinas desde su descubrimiento hasta 1903. Maituturing na kauna-unahang pangkalahatang gawa ng isang Pilipino tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas na nalimbag noong 1906. Sumasaklaw ito sa buong Kasaysayan ng Pilipinas mula sa pagdating ni Magellan noong 1521 hanggang sa unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Pedro A. Paterno. Isa sa mga nanguna sa pagsusulat ng Kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga artikulo at monograp tulad ng El Alma Filipina, Aurora Social, Influencia Social de Cristianismo, Historia Nacional de Filipinas, Historia Critica de Filipinas at Apuntes Los Negritos. Nagamit naman bilang teksbuk sa Escuela de Derecho ang ginawa niyang 8 tomong Kasaysayan ng Pilipinas na pinamagatang Historia De Filipinas na nailathala noong unang dekada ng pamunuang Amerikano. Manuel Ortigas y Cuerva. Bumuo siya ng koleksiyon ng mga biograpiya na pinamagatang Galeria de Filipinos Ilustres. Hindi ito natapos at dalawang tomo lamang ang nailathala subalit ito‟y naging mahalagang kontribusyon sa historiograpiya ng Pilipinas. Siya ang nagpasimuno ng pagtatatag ng Pampublikong Aklatan ng Pilipinas at naging instrumento siya sa pagbubuo ng koleksyong Filipiniana sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga pribadong koleksyon nang maitatag ito noong 1909. Epifanio De Los Santos. Kinilala bilang pinakamahusay na kritik at biographer noong unang dekada ng paghaharing Amerikano. Isa rin siyang magaling na mananaliksik at kolektor ng mga luma at natatanging bagay na tunay na palatandaan ng kulturang Pilipino. Kabilang sa kanyang mga monograp ay tungkol sa buhay nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Marcelo H. Del Pilar. Pangunahin sa kanyang aklat ang Aguinaldo y su Tiempo na nananatiling mahalagang sanggunian sa naturang paksa hanggang sa kasalukuyan. Teodoro M. Kalaw. Ipinakilala ang sarili sa pamamagitan ng pagsusulat sa ibang pamamaraan. Iniwasan niya ang pagbabanggit ng kumpletong dokumento at mahahabang sipi. Ilan sa mga akdang kanyang inedit ay ang Mis Memorias Sobre La Revolucion Filipina ni Felipe
7|Pahina
Calderon, Epistolario Rizalino (6 na tomo), Ideario politico de Mabini, La Revolucion Filipina de Mabini (2 tomo), Cartas Politicas de Mabini at Cartas sobre la Revolucion de Ponce. Rafael Palma. Kahuli-hulihan sa mga grupo ng naunang historyador ng Pilipinas na nagsulat ng pangkalahatang kasaysayan ng Pilipinas. Inilahad ng detalyado ni Palma ang kasaysayan ng Pilipino mula sa panahong pre-hispaniko hanggang sa pagkakatatag ng Pamahalaang Komonwelt sa kanyang akda na Historia de Filipinas noong 1935. Hindi katulad ng mga naunang Pilipinong nagsulat ng Kasaysayan, may mga akademikong historyador noong panahon ng mga Amerikano ang nagtamo ng pormal na pagsasanay sa disiplinang ito. Kabilang sa kanila sina Leandro H. Fernandez, sumulat ng kanyang disertasyong doktoral sa Unibersidad ng Columbia na pinamagatang The Philippine Republic, pag-aaral hinggil sa Rebolusyong Pilipino na nakatuon sa Republika ng Malolos. Si Conrado Benitez, isang edukador at naging kasamang awtor ni Austin Craig sa aklat na Philippine Progress Prior to 1898. Ginamit bilang teksbuk para sa Kasaysayan ng Pilipinas sa mataas na paaralan noong 1923 hanggang 1957 ang kanyang aklat na History of the Philippines: Economic, Social, Political. Si Encarnacion Alzona naman ay ang kauna-unahang babaeng nagtamo ng Ph.D sa Kasaysayan. Isa siyang peminista at naging bantog sa mga monograp tungkol sa pag-aaral pangkababaihan. Ang huli ay si Maxima Kalaw na nagbigay daan sa pagusbong ng bagong sangay sa pag-aaral ng kasaysayan – ang kasaysayang pampulitika. (Llanes et al. 1993, 28-39) Sa patuloy na pagdaloy ng panahon ang Historiyograpiyang Pilipino ay dumanas ng samu‟t saring pagbabago bunsod ng higit na pagkakaunawa sa bahagi ng mga historyador ng mga bagong pamamaraan ng paghahanap ng mga katibayan bukod sa mga nakagawian nang mga dokumento, at gayundin sa pagsulpot ng mga makabagong paraan at pananaw sa pagtataya ng mga datos (Veneracion, 1993). Ang positibismo ni Leopold Van Ranke na umusbong sa pagsisimula ng ika-19 na dantaon ay pumailanlang sa Pilipinas noong dekada ‟50. Ang pangunahing katangian ng eskuwelang ito‟y ang pagkilala sa mga dokumento bilang obhetibong batayan ng kasaysayan. Naninindigan sila sa paniniwalang “walang dokumento, walang kasaysayan”. Ilan sa mga naging masugid na tagapagtaguyod nito sa Pilipinas ay ang mga historyador na sina Nicolas Zafra, isang konserbatibong Katolikong historyador at dating tagpangulo ng Departamento ng Kasaysayan sa Unibersidad ng Pilipinas, Fr. Horacio De la Costa, isang Heswita ng Ateneo De Manila at may akda ng Jesuits in the Philippines, at ang huli‟y si Gregorio Zaide na tinuligsa ng ilan dahil sa paggamit ng kasaysayan ng Pilipinas na may klerikong pagkiling, bagay na sumasalungat sa sarili niyang paglalahad na ang kasaysayan ay obhetiba sa lapit at laman. Pagpasok ng dekada ‟60 hanggang ‟80, lumabas naman ang perspektiba na ang kasaysayan ay isang interpretasyon. Bagamat hindi iniiwasan ang paggamit ng dokumento, binibigyang halaga ang paggamit ng imahinasyon ng historyador sa pagtataya sa mga datos. 8|Pahina
Iginigiit ng mga tagapagtaguyod nito ang paggamit ng pananaw na maka-Pilipino. Kinilala sa panahong ito ang historyador na sina Teodoro A. Agoncillo, may akda ng Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan, at teksbuk na History of the Filipino People. Nariyan din ang mga radikal na historyador kagaya nina Renato Constantino at Amado Guerrero na nagbigay diin sa kahalagahan ng masa bilang mga pangunahing tauhan sa kasaysayan. Ayon kay Dr. Jaime Veneracion, ang mga taon mula 1981 hanggang 1986, ay maaring ilarawan bilang isang panahon nang maging popular ang konsepto ng kasaysayan bilang diskurso. Dito nakilala ang perspektibang post-colonial o ang pagtatangkang tuklasin ang buong proseso ng pagsusulat para sa isang uri ng mambabasa. At sa puntong ito, minabuti ng mga nakababatang historyador na maging pambungad na tanong sa pananaliksik ang “para kanino” na karaniwan namang nagtatapos sa inaasahang sagot na “para sa masa”. Mabilis na naging popular sa akademya ang Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto na nagbukas sa kamalayan ng mga historyador sa posibilidad ng pag-aaral ng kasaysayan ng mga istrukturang pangkaisipang hinalaw mula sa mga tradisyong historikal at pilosopikal nina Marc Bloch, Michel Foucault at Lefebre (Llanes et al, 1993). Sa pagsapit ng Ika-21 dantaon, pumailanlang at naging usap-usapan sa buong akademya ang pag-usbong ng Bagong Kasaysayan na isinusulong ng prominenteng historyador na si Dr. Zeus Salazar sampu ng kanyang mga kaalyado‟t masusugid na mag-aaral. Gamit ang perspektibang dinalumat ng huli, tinutumbok nito ang pagbawi ng diwa ng sinaunang kasaysayan („salaysay na may saysay,‟ „pag-uulat sa sarili,‟ „talastasan‟) at pagsasanib at pagtatagpo nito sa ideya ng inangking historya („pagsisiyasat,‟ „pag-uulat,‟ „kronika,‟ „historismo-positibismo‟ at „interpretasyon‟) sa loob ng diwa ng „makabayang pagkilos‟ at „pantayong pananaw‟ na pangkabuuang Pilipino (Navarro 11-12, 2000). Ilan sa mga bagay na pinapahalagahan ng Bagong Kasaysayan ay ang paggamit ng wikang Filipino bilang pangkalahatang koda at kasangkapan sa pagsusuri at pag-unawa ng mga pagpapakahulugan sa kasaysayan na nakaugat sa sariling kabihasnan. Binibigyang diin din nito ang pagbuo ng panahunan o peryodisasyon ng kasaysayan ng bansa na nakabatay sa Tripartite View ng kasaysayan, i.e., Liwanag, Dilim, at Bagong Liwanag; kontra sa Bipartite View, i.e., Dilim at Liwanag ng mga Kastila at Amerikano.
9|Pahina
TALASANGGUNIAN Mga Aklat: Gilderhus, Mark. History and Historians: Historiographical Introduction. Michigan: Prentice Hall, 2009. Llanes, Ferdinand atbp. Pagbabalik sa Bayan: Mga Lektura sa Kasaysayan ng Historiograpiya at Pagkabansang Pilipino. Maynila: Rex Book Store, 1993. Navarro, Atoy, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, eds., Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000. Zaide, Gregorio at Sonia Zaide. Jose Rizal, Buhay, Mga Ginawa at Mga Isinulat ng Isang Henyo, Manunulat, Siyentipiko at Pambansang Bayani. Lungsod Quezon: All-Nations Publishing Co., Inc., 2007.
Mga Artikulo Chua, Michael Charleston. “Bayan, Bayani, Bayanihan: Kabataang Mulat sa Kasaysayang Bayan Tungo sa Pagbabalik ng Tunay na Kaluluwang Pilipino,” Pebrero 2006. Hernandez, Jose Rhommel. “Ang Pandaigdigang Pananaw ng Pantayong Pananaw,” Kritika Kultura 13 (2009). [e-journal] www.ateneo.edu/kritikakultura (naka-akses noong 4 Agosto 2010). Zalazar, Zues. “A Legacy of the Propaganda: The Tripartite View of Philippine History,” Ethnic Dimension, Cologne: Counseling center for Filipinos, 1983. Atoy M. Navarro, Ang Bagong Kasaysayan sa Wikang Filipino: Kalikasan, Kaparaanan, Pagsasakasaysayan, 11-12. Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi, 2000.
10 | P a h i n a