Filipino IV-1 Banghay ng El FIlibusterismo 12 Cuenca, Julia Hazel S. 19 Sing, Bianca Lorraine W. Gng. Ruth Gabiane Guro
I.
Simula Nagwakas ang Noli Me Tangere na may temang pagtitiis noong bisperas ng Pasko, buwan ng Disyembre. Makalipas ang labing tatlong taon, sa parehas na buwan ay nagsimula ang El Filibusterismo. Sa pagkakataong ito, nagbabalik ang pangunahing tauhan ng naunang nobelang si Juan Crisostomo Ibarra bilang Simoun upang maghiganti.
Noong umaga ng Disyembre, lumayag ang mabagal tumakbong Bapor Tabo sa tabi ng Ilog Pasig patungong Laguna. Nahahati ito sa ibabaw at ilalim na kubyerta. Ang Bapor Tabo na ito ang kumakatawan sa pamahalaan at lipunang Pilipino at ang pagkahati naman nito sa dalawa ay sa antas ng lipunan: mataas at mababa.
Sa ibabaw ng kubyerta naririto ang mga prayle, Kastila at ang mga mayayaman. Dito ipinakilala sina Don Custodio na may bansag na Buena Tinta dahil laging laman ng balita, Ben Zayb, isang manunulat at mamamahayag, Padre Camorra, ang mukhang artilyerong Pari, Pari Irene, ang namamahala sa pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila at si Pari Florentino na amain ni Isagani. Naririto rin ang mga nagbabalik na mga tauhan ng Noli Me Tangere na sina Pari Sibyla na Vice Rector na ng Unibersidad, Pari Salvi, Donya Victorina na larawan parin ng kolonyal na mentalidad at higit sa lahat, ang nagbabalik na Crisostomo Ibarra sa katauhan ng isang mag-aalahas sa ngalang Simoun. Sa loob ng labing tatlong taon ay nagpayaman siya sa ibang bansa at ang kanyang mga alahas ang gagamitin niyang kasangkapan sa kaniyang paghihiganti.
Sa ilalim naman ng kubyerta naririto ang mga indiyo o mga karaniwang tao. Dito ipinakilala sina Isagani, isang binatang taga-Ateneo at Si Basilio ang biktima noon sa Noli Me Tangere ng pamamalupit ng mga prayle at ngayon ay magtatapos na ng kursong medisina.
II.
Pagtindi ng Galaw ng Kwento a. Pagtutunggali nina Simoun at Isagani Bumaba si Simoun sa ilalim ng kubyerta at inalok si Isagani na uminom ng serbesa ngunit tumannggi ang binata. Sinang-ayunan ni Simoun ang sinabi ni Pari Camorra na kaya
walang sigla ang mga Pilipino dahil sa pag-inom ng maraming tubig. Agad agad na tinutulan ito ni Isagani at nagwikang,
“Kung tubig man kami’t kayo’y apoy naman Nasa isip ninyo’t sariling palagay! Mangag-ingat kayo’t nang di madapuan Ng sunog na hindi tayo’y nagkatuwang Higit na mabuting tayo’y magkakambal Ng dunong sa dibdib ng kalderong iyan Walain ang galit, ang diri, ang suklam At nang magkasamang lumikha ng singaw Na magiging buhay, sulo’t kabihasnan Na sa ating mundo ay magpapagalaw.”
Dito ipinahiwatig na ang tubig ay ang mga Pilipno at ang apoy naman ay mga Kastila. Kapag hindi na nakapagtimpi pa ang mga Pilipino, maari itong matutong lumaban at sugpuin ang pamamahala ng mga Kastila.
b. Pakikipaglaban ni Kabesang Tales Si Kabesang Tales ay isang magsasaka na iginipit ng uldog na korporasyon sa pamamagitan ng pagpataw ng pataas na pataas na buwis. Sa una ay tahimik lamang ito ngunit nang hindi na makabuluhan ang hinigingi sa kanyang buwis ay natuto na siyang lumaban. Ngunit ang paglaban niya ay walang kinahantungan. Ika nga’y, “Para siyang isang langgam kumakagat kahit alam naman niyang matitiris lamang siya.” Kahit alam naman niyang wala siyang laban ay nagpumilit pa rin siyang lumaban. Si Kabesang Tales ang naging larawan ng mga tao biktima ng kawalang hustisya sa panahong iyon.
c. Ang Alitan sa pagitan nina Simoun at Basilio Natuklasan na ni Basilio kung sino talaga si Simoun. Inanyayahan ni Simoun na sumanib sa kaniya si Basilio sa plano niyang paghihimagsik. Siya daw ang mamumuno sa mga kabataan at si Simoun na ang bahala sa mga matataas na lipunan. Ngunit
tumannggi si Basilio dahil ayaw na nito masangkot pa sa gulo at nais na niyang kalimutan na lamang ang masakit na nakaraang kaniyang sinapit. Dito ipinakita ang magkaiba nilang pananaw pagdating sa pagbabago. Nais magkaroon ng pagbabago ni Simoun sa pamamagitan ng paghihiganti samantalang si Basilio naman ay sa pamamagitan ng karunungan at katarungan. Nagkakaiba rin sila pagdating sa paniniwala. Naniniwala si Simoun na ang wikang Kastila ay isa lamang hadlang sa ninanais nilang pag-unlad ng bayan ngunit ayon naman kay Basilio, ang wikang Kastila ang magiging lunas sa kahirapang kanilang sinasapit. Nang matapos ang kanilang usapan, Nagbitiw si Simoun kay Basilio ng isang payo:
“Hindi laging kabaitan ang pagpapaumanhin, ito ay kasamaan kapag naguudyok sa paniniil. Walang mang-aalipin kung walang paaalipin.”
Nais sabihin ni Rizal dito na kapag ikaw ay nasa katwiran dapat matuto kang lumaban nang hindi ka apihin ng ibang tao.
d. Mga Pagtatalo tungkol sa Akademya ng Wikang Kastila Tanging si Pari Irene at ang mataas na kawani lamang ang may nais na matuloy ang pagpapatayo sa Akademya ng Wikang Kastila habang tutol naman sina Pari Camorra, Pari Sibyla, Don Custodio at Simoun dito. Dito, ipinahihiwatig ni Rizal na sa panahon ng mga Kastila ay pinagdamutan tayo ng edukasyon. Ayaw ng mga Kastila na matuto ang mga kabataan sa kadahilanang kapag natuto daw sila ay maaaring matuto nang lumaban at mangatwiran ang mga Pilipino.
e. Pag-uusap nina Ginoong Pasta at Isagani Nagtungo si Isagani kay Ginoong Pasta upang humingi ng tulong ukol sa pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila. Tumanggi si Ginoong Pasta. Mas pinili niyang panigan ang pamahalaan dahil ayaw nitong madamay at mapahamak . Dahil sa pagtanggi ni Ginoong Pasta, nasabi ni Isagani ang linyang ito:
“Pagdating po ng araw na may uban na ako at walang nagawang mabuti sa aking kapwa, ang bawat uban pong ito ay aking ikahihiya sa halip na ikararangal.” Ito ay parinig ni Isagani kay Ginoong Pasta na may edad na ngunit walang pang nagagawang mabuti para sa bayan.
f.
Pagkamatay ni Maria Clara Si Maria Clara ay nagpakamatay dahil sa panggagahasang ginagawa sa kanya sa loob kumbento. Dahil sa kaniyang pagkamatay ay naantala at muntik nang maglaho ang plano ni Simoun dala ng matinding pagkabigo sa pag- ibig. Si Maria Clara ay sumisimbolo sa mga kababaihan noon na inabuso sa mga kumbento. Tunay na noon pa lamang ay may mga ginagawa ng kababalaghan ang mga prayle na akala ng iba ay malilinis.
g. Pagpapakamatay ni Juli Dahil nais ni Juli na makalaya si Basilio, wala na siyang ibang paraan kung hindi ang humingi ng tulong kay Pari Camorra. Sa paglapit niyang iyon ay may alitang naganap sa pagitan ng dalawa na siyang nagbunsod ng pagpapakamatay ng dalaga. Maraming nagsasabi na si Juli ay nagpakamatay dahil ginahasa raw siya ni Pari Camorra. Si Juli ay tuald ni Maria Clara na isang biktima ng pang-aabuso ng mga alagad ng Diyos sa panahong iyon.
h. Ang Mataas na Kawani at ang Kapitan Heneral Ang dating Kapitan Heneral ay ang Mataas na Kawani na ngayon. Siya ay binabaan ng posisyon dahil sa pagkampi nito sa mga Pilipino. Nais ng Kapitan Heneral na manatiling nakakulong si Basilio upang maging halimbawa ito sa mga taong nais magkaroon ng pagbabago at gusting mag- alsa. Hindi nagkasundo ang dalawa at dahil sa pagsasagot ng Mataas na Kawani sa Kapitan Heneral ay maaari itong matanggal sa posisyon. Kung kaya’y bago pa man mangyari iyon ay kusa nang bumitiw ang Mataas na Kawani sa trabaho. Ang Mataas na Kawani ay isang patunay na hindi lahat ng Kastila ay masama.
i.
Pagpapatuloy ng Himagsikan Sumang-ayon na si Basilio na makisali sa magaganap na himagsikan. Ipinakita ni Simoun sa kanya ang nitro-glicerina na ilalagay sa lamparang magdudulot ng matinding pagsabog. Ang pagsabog na ito ang magiging hudyat ng simula ng himagsikan at ang papatay sa mga may matataas na posisyon.
Ang pagsabog ay sumisimbolo sa pagwawakas ng pamamahala ng mga Kastila upang magkaroon ng bagong lipunan at magkaroon ng kalayaan ang Pilipinas.
III.
Kasukdulan Kinasal na sina Juanito Pelaez at si Paulita Gomez. Sina Don Timoteo Pelaez at Simoun ang namahala sa marangyang piging nila sa bahay ni Kapitan Tiyago. Dumating si Simoun sa bahay ni Kapitan Tiyago dala ang lampara. Nang umalis na siya ay nakita ito ni Basilio at agad agad lumayo sa naturang bahay. Nakasalubong ni Basilio si Isagani na nakatitig lamang kay Paulita. Ayaw umalis ni Isagani kaya napilitang ibunyag sa kanya ni Basilio ang magaganap na trahedya. Agad na naisip ni Isagani si Paulita. Nagmamadali siyang pumunta sa loob ng bahay upang mailigtas ang pinaka-iniibig na si Paulita sa pagsabog. Kahit na wala na sa kanya si Paulita ay wagas pa rin ang pagmamahal niya sa kanya.
Sa loob naman ng piging may papel na nakasulat, “Mane…..Thacel Phares Juan Crisostomo Ibarra” Nangangahuluga itong “Mamamatay kayong lahat”. Dahil nagawa na niyang kopyahin ang lagda ni Ibarra noon, tanging si Pari Salvi lamang ang nakasisiguro na tunay ang lagda at buhay pa nga si Ibarra! Nang gagalawin na ni Pari Salvi ang mitsa ng lampara ay biglang kinuha ito ni Isagani at sabay sa kaniyang pagtalon palabas ay ibinato na rin niya ang lampara sa ilog.
Muli, hindi nanaman natuloy ang hudyat ng himagsikan dahil sa labis na pag-ibig na nadarama ng binata. Ika nga’y, “Ang wagas at tapat na pag-ibig ay nakabubulag sa masama at mabuting layunin.”
IV.
Kakalasan a. Ben Zayb Ipinakita nanaman ang kabulukan ng sistema ng pamamahayag noon. Nais pa gumawa ni Ben Zayb ng balita na puno ng palusot upang maitago ang tunay na nangyari sa mga nakatataas sa piging. Pinigilan siya ng Kapitan Heneral na mailathala ang mga ito at mula rito ay makikitang ang mga may anumang gawain noon.
b. Mga Orenda Dito ikinalat ni Chichoy ang balita tungkol sa mga pulbura na nakita sa bawat paligid ng bahay ni Kapitan Tiyago. Ang salarin daw ay si Simoun dahil labas- pasok daw ito noong piging. Ipinakita ni Rizal dito ang ugali ng mga Pilipinong mahilig sa tismis.
Naroon din si Isagani at ang huli na niyang winika ay,
“Ang kumuha ng hindi kanyang sariling ari ay kasalanan. Marahil, hindi gagawin iyon ng magnanakaw kung nalaman niya kung pang sa ano ang lampara, hindi niya ginawa iyon. Ano man ang ipalit, hindi ako lalagay sa kalagayang iyon.”
Ipinahihiwatig nito na kung alam lamang niya kung para saan talaga ang lamaprang iyon, hindi na niya sana pinigilan ito. Nagpapakita ito ng pagsisisi sa pagiging makasarili ng binata.
c. Trahedya sa Pamilya May Death March na nagaganap. Kapwa Pilipino ang nagpapahirap sa Pilipino. Si Mautang at Carolino o kilala bilang Tano ang mga nagbabantay. Maya maya’y nagkaroon ng putukan. Namatay ang mga umatakeng tulisan. Nang makita ni Tano kung sino ang mga iyon ay agad-agad siyang namutla. Ang kanyang lolo na si Tandang Selo at kanyang ama ang kaniyang napatay. SInasabi rito na noong panahon ng mga Kastila, kapwa Pilipino ang kumakalaban sa mga Pilipino. Pinapakita rito ang kawalan ng pagkaka-isa na siyang isang malaking balakid sa pagtamo ng kalayaan ng Pilipinas sa kamay ng mga Kastila.
V.
Katapusan ng Nobela Tinanggap ni Pari Florentino si Simoun na noo’y lubhang mahina at sugat- sugatan. Pinakita ng pari ang kaugaliang Pilipino na mainit na tinatanggap ang kahit na sinong panauhin sa kaniyang bahay. Sa kabila ng atraso ni Simoun sa pari noon ay nangibabaw sa kaniya ang pananagutan sa panauhin. Nag-isip ang pari kung paaano ililigtas ang buhay ng panauhin subalit mismo ang panauhin na rin ang hindi natigatig. Wala pang dalawang buwan nag nakakaraan nang nagbalik si Simoun sa bayan na kinakatakutan sa taglay na kayamanan at kapangyarihan. Ngayon, isa na siyang sawimpalad na sa ilang oras nalang ay darakipin at walang pakundanagang kukunin sa kaniyang kinahihimlayan patay o buhay. Bago siya bawian ng buhay ay nagbalik loob ang ginoo sa Panginoon. Nangumpisal siya kay Pari Florentino at isinalaysay ang kaniyang mga pinakamatitinding lihim. Pinaliwanag sa kaniya ni Pari Florentino ang kagalingan ng Maykapal at hindi sa ayaw Niyang tulungan si Simoun, bagkus, may mas malalim pa Siyang dahilan. Tuluyan nang iniwan ni Simoun/ Ibarra ang mundo. Kinuha ni Pari Florentino ang maletang naglalaman ng kayamanan ni Simoun at inihagis sa dagat at nagwika: “Manatili ka nawa sa sinapupunan ng walang katapusang dagat, kasama ng kaniyang mga korales at perlas. Kapag dumating ang panahong kakailanganin ka para sa isang dakong layon, Diyos ang magtuturo sa iyo sa sinapupunan ng mga alon. Habang wala pa ang panahong iyon, diyan ka muna sa pusod ng dagat upang di ka makasangkapan sa pagliliko ng katwurian o kaya’y mag-udyok ng kasamaan.”