1
TALAMBAYAN (Ang Taong 2013 sa 365 Kwentong Dagli)
TOMO (Volume) 1: ENERO 1-31
David Michael M. San Juan
2
Panimula Talambayan: “tala ng bayan.” Rekord, kronolohiya, salaysay, kwento ng bayan. “Bayan” bilang “bansa” (“country”) at bilang “mamamayan” (“people”). Glokal ang paksa: mayroong global at mayroong lokal; mayroon ding global na’y lokal pa. Hango sa totoong buhay. Kwentong dagli: kwentong maikling-maikli at sinulat ng/nang nagmamadali. Nagmamadali dahil marami pang ibang gagawin. Nagmamadali dahil marami pang ibang dapat isulat. Nagmamadali dahil may gawaing pagmumulat lagpas pa sa pagsusulat. May mahabang kasaysayan ang mga akdang dagli sa panitikan ng Pilipinas pero inaamin kong hindi ako gaanong pamilyar sa mga dagling iyon. Alam kong may mga aklat ng dagli na ang naisulat sa ating bansa pero hindi ko pa nababasa nang buo at masinsinan ang mga iyon. Samakatwid, ang mga kwentong dagli sa koleksyong ito’y maaaring iba sa estilo ng dagli sa mga naunang aklat ng dagli sa Pilipinas. Nang gamitin ko ang terminong “kwentong dagli,” ang mga kwentong dagli ng Latino-Amerikanong si Eduardo Galeano ang nasa isip ko. Nabasa ko na ang koleksyon niyang “Bocas del Tiempo” sa Ingles na saling “Voices of Time” (“Mga Tinig ng Panahon”), at naisalin ko na rin sa Filipino ang ilan sa mga kwentong dagli sa koleksyong iyon. Hindi ko alam kung masasalat pa ng mambabasa ang impluwensya ni Galeano sa akin (o kung naimpluwensyahan nga ba niya ako?). Basta nang isulat ko ang mga kwentong dagling ito, pagtatala ng mga pangyayari sa bayan ko’t maging sa daigdig ang pangunahing layunin ko. Hindi ko rin alam kung hindi ito magiging “Proyektong Ningas-Kugon.” Ang mahalaga’y nasimulan ko na at sana’y kayaning matapos. Hinihikayat ang mambabasa na ipalaganap ito kung kanilang nagustuhan. Tumatanggap din ako ng mga puna at/o suhestyon. Pwede ring tanong o paglilinaw sa mga salita o alinmang binabanggit sa mga kwentong dagli. Magpadala ng mensahe sa Facebook: www.facebook.com/lastrepublic o kaya’y sa Twitter: lastrepublic o kahit sa email:
[email protected].
3
TALAAN NG NILALAMAN (TABLE OF CONTENTS) 1. KATAPUSAN 2. SIMULA 3. KAPAYAPAAN 4. CHOPSUEY 5. BARIL 6. MODELO 7. BABAE 8. PATAY 9. REGALO 10.
ESPASYO
11.
KRIMINAL
12.
NARATIBO
13.
AMERIKANO
14.
KARUKHAAN
15.
PELIKULA
16.
BIGAS
17.
SENADORA
18.
QUINOA
19.
BARKO
20.
PAG-IBIG
21.
TERORISTA
22.
MASAKER
4
23.
PUTIK
24.
DAVOS
25.
BANGKO
26.
PEPE
27.
HUSTISYA
28.
SIMBAHAN
29.
KAPITALISTA
30.
ROCKET
31.
KALAYAAN
5
KATAPUSAN (Enero 1) Masaya ang pagsalubong ng sambayanang Pilipino at ng iba pang mamamayan sa buong mundo sa pagsapit ng bagong taon. Lagi namang ganoon. May kwitis, makulay na fireworks, pag-iingay, sayaw, pasasalamat sa Bathala (o mga diyos), awitan, enggrandeng kainan, pagsasaya dahil naka-isang taon na naman ang mundo sa kabila ng lahat. Pero malungkot ang punong komisyuner ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG). Kasinglungkot marahil ni Pablo Neruda nang ikudeta ng CIA at mga taksil na heneral ang kaibigan niyang presidente ng Chile na si Salvador Allende (inatake si Neruda ilang araw pagkatapos ng kudeta). Sa simula ng taong 2013 ay ideneklara ng punong komisyuner ng PCGG na ititigil na nila ang paghahanap sa mga nakaw na yaman ng diktadurang Marcos at ng mga kroni nito. Malungkot niyang tinuligsa ang sistema. Nakabalik na sa kapangyarihan ang mga Marcos, aniya. Kumbaga sa mga bansang monarkikal, may ganap nang restorasyon ng mga monarkang pinatalsik noon. May senador, gobernador at kongresista na sa mga Marcos ngayon. Sa 2016 ay tatakbong presidente ang isa sa kanila. Wala na ring gaanong nag-iingay tungkol sa mga nakaw na yaman. Sabi nga ng isang matandang senador ay wala naman daw nakaw na yaman ang mga Marcos. Kunsabagay, baka nga tama siya dahil wala namang nakulong sa mga Marcos kahit isang segundo man lamang. Kung totoo nga namang nagnakaw ang mga Marcos, sana nakulong na sila dahil ‘yun ngang mga nagnanakaw ng gatas para sa anak nila, o kahit ilang piraso ng tinapay (mala-Jean Valjean sa “Les Misérables”) ay nakukulong ng ilang araw o linggo rin sa Pilipinas at sa ibang bansa. Siguro, panahon na nga na buwagin na ang PCGG at gamitin ang perang matitipid sa pagpapaalala sa bayan ng mga bagay at pangyayaring nakalimutan na nila.
6
SIMULA (Enero 2) Maraming nagalit sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas na itigil na ang paghahanap sa mga nakaw na yaman ng mga Marcos. Sa tingin nila, marami pang nakaw na yaman na pwedeng (o dapat) hanapin at bawiin. Hindi raw dapat buwagin ang PCGG kundi dapat pa nga itong palakihin, dagdagan ng tauhan at pondo para magawa nito ang tungkulin. May punto sila dahil may isyu pa rin na dapat bulatlatin kahit sa panahon ng “tuwid na daan” ng ikalawang administrasyong Aquino. Kumalat ang balita na ang caretaker congresswoman ng Dinagat Island na si Kaka Bag-Ao ay tumanggap ng 140 milyong pisong pork barrel mula sa ikalawang administrasyong Aquino noong Disyembre 2012. Karaniwan, 70 milyon lang ang natatanggap ng ibang kongresista. But wait, there’s more. Kandidato rin bilang congresswoman ng Dinagat Island si Kaka ngayong Mayo 2013. One plus one equals two, sabi ng mga kritiko: pwedeng gamitin ni Kaka ang pork barrel para lalong magpasikat sa mga taga-Dinagat Island at kung gayon, mas lalaki ang tsansa n’ya na manalo. “Ang bawat simula ay siya ring katapusan,” sabi ng awiting “Walang Hanggang Paalam.” Kahit ang ilang sympathizer ng Akbayan Partylist (na kinabibilangan ni Kaka) sa media ay napailing sa nangyari. Sana iurong ni Kaka ang kandidatura niya sa Mayo para ‘yung simula niya ay hindi maging katapusan, at para rin maging mapayapa ang tulog niya kapag gabi, hindi ba?
7
KAPAYAPAAN (Enero 3) Huli man daw at magaling ay naihahabol din, paalala ng isang kasabihang Pilipino. Ibinalita sa mga dyaryo ngayon na hanggang Enero 15 na talaga ang truce o pansamantalang tigil-putukan ng mga sundalo ng gobyerno ng Pilipinas at ng mga komunistang rebelde sa ilalim ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP). Kahapon lang ay nagpapalitan pa ng maaanghang na salita ang gobyerno at ang mga rebelde dahil hindi agad naglabas ng pormal na sulat ang gobyerno na hanggang Enero 15 ang truce (gaya ng napagkasunduan ng mga negosyador ng dalawang kampo sa isang usapan sa Netherlands) at dali-dali ring inatasan ng CPP-NPA ang mga unit nito na bumalik na sa posturang opensiba (offensive posture), nang matagalan ito sa paghihintay sa pormal na deklarasyon ng gobyerno sa pagpapahaba ng panahon ng truce. Nang ilabas ng gobyerno ang pormal na sulat na nagpapahaba sa panahon ng truce, agad na sinulatan ng NDFP ang CPP-NPA upang ipabatid na extended ang truce hanggang Enero 15 gaya ng orihinal na napag-usapan. Malayo pa ang lalakbayin ng Pilipinas patungong kapayapaan, pero magandang simula na ang mga ganitong pangyayari. May goodwill na ang bawat panig. Medyo naghihintayan lang pero umuusad na/pa rin.
8
CHOPSUEY (Enero 4) Naparakaming balita sa araw na ito. Karamiha’y pangit ngunit may maganda rin. Siguro’y ganoon talaga ang pag-usad ng kasaysayan: magkahalong maganda at pangit na mga pangyayari. Kumbaga sa ulam, chopsuey: maaaring gusto mo ang mismong lutuin ngunit hindi lahat ng sangkap ay masarap para sa iyo. May Mother Earth Law na sa Bolivia – kauna-unahan sa buong daigdig. Sa ilalim ng nasabing batas, protektado at preserbado na ang malaking porsyento ng mga kagubatan doon habang sa Pilipinas, tuluy-tuloy ang pagkalbo sa kagubatan at pagtibag sa mga bundok. Inaasahang magiging disyerto na ang malaking porsyento ng Pilipinas sa susunod na dekada dahil sa walang habas na pamumutol ng puno at pagmimina. Maraming matututuhan ang Pilipinas sa Bolivia. Binili ng Al Jazeera (estasyong pinopondohan ng gobyerno ng Qatar) ang Current TV (estasyon sa Estados Unidos) upang pasimulan ang Al Jazeera America. Popular sa mga bansa sa labas ng Kanluran ang Al Jazeera dahil sa perspektiba nito sa pagbabalita na karaniwang iba sa perspektiba ng Kanluran. Daan-daang gitarista sa India ang nagtipon upang tugtugin ang sosyalistang awiting “Imagine” ni John Lennon. Inalay nila iyon sa namayapang biktima ng gang rape sa India. Tuloy pa rin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Colombia at ng komunistang Fuerzas Armadas Revolucionarias de Colombia-Ejercito del Pueblo/FARC-EP (Revolutionary Armed Forces of ColombiaPeople’s Army) sa Havana, Cuba. Sa susunod na taon, magbebenta na ng stocks ang Twitter. Tinatayang $11 bilyong piso ang kabuuang “halaga” ng Twitter. Ipinipilit pa rin ng gobyerno ng Pilipinas na dapat ipatupad ang Cybercrime Act of 2012 na nagbibigaykapangyarihan sa Department of Justice na ishutdown ang mga website na libelous o subversive. Paglabag sa demokrasya, sabi ng mga kritiko. Daan-daang tula na ang ginawa ng mga makata at kasado na rin ang mga kilos-protesta laban sa nasabing batas. Masaya ang mga negosyante sa Pilipinas at sa buong mundo dahil pansamantalang nakaligtas sa fiscal cliff ang Estados Unidos. Pero sila pa rin ang pinakamalaking bansang mangungutang (debtor country) at may posibilidad na hindi sila makabayad sa ilan nilang mga utang sa kauna-unahang pagkakataon ngayong taon. Sa simpleng salita: hindi nila nareresolba ang krisis ng kapitalismo, at palala pa ito nang palala. May nagsampa ng kaso sa Korte Suprema na kumukwestyon sa pagiging konstitusyunal ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Law (RH Law). Ililibing bukas ang namayapang si Fr. James Reuter, SJ., isang Amerikanong paring nakapag-ambag sa Edsa I at kilala sa promosyon ng family rosary crusade sa bansa. Ibinalita ng mga dyaryo ang asasinasyon ni Alfredo Almeda, community environment and natural resources officer sa isang lugar sa probinsya ng Quirino. Hinahanap pa rin ng kanyang pamilya si Engineer Robert C. Pangyarihan, Sr. na dinukot noong Disyembre 23 (testigo siya sa isang land grabbing case). Sa Facebook lang iyon nabalita. Hindi talaga kasya ang daigdig sa isang pahina kaya nga may bukas pa.
9
BARIL (Enero 5) Mula nang maimbento ang baril, di na mabilang ang lumisan (o pinalayas?) sa daigdig dahil dito. Maraming pahina ng mga pahayagan, oras ng ulat sa telebisyon atbp. ang nakalaan tungkol sa baril, barilan at pamamaril. Kahapon, isang mama ang namaril sa Kawit, Cavite. Siyam ang patay. Parang namamaril lang ng itik sa matubig na kabukiran o ng mga baboy-ramo sa kagubatan gaya ng gustong gawin ng gobernador-heneral na Kastila sa Boso-boso, Antipolo, Rizal sa isang kabanata ng “El Filibusterismo” (wala silang nabaril na baboy-ramo; pinagbalat-kayong baboy-ramo ang isang indio pero naawa ang gobernador-heneral). Nauna pa rito, dalawang bata na ang namatay dahil sa pagpapaputok ng baril ng mga walang magawang matino sa buhay. Marahas, bayolente ang kultura ng Pilipinas kaya di na dapat ipagtaka ang mga ganitong pangyayari. Malaki ang perang inilalaan ng gobyerno sa pagbili ng mga malalakas na armas na ginagamit diumano laban sa mga kriminal, mga terorista, at mga rebelde. Madalas, maraming sibilyan ang nadadamay sa mga ganitong klase ng pamamaril at barilan. Kapag may nadamay, collateral damage ang tawag – normal lang, as if hindi tao ang namatay. Kung nakamamatay lang ang salita, masarap isigaw ang Avada Kedavra sa mga mahilig mamaril ng walang dahilan. Pero makapangyarihan din naman ang salita kahit di ito nakamamatay (maliban kung nasa mundo ka ni Harry Potter). Sinusubukan ito ngayon ni Senador Vicente “Tito” Sotto III. Sabi niya, dapat nang icertify as urgent ng Malakanyang ang Freedom of Information (FOI) Bill gaya ng ginawa noon sa RH Law para mabilis na itong makalusot sa Kongreso. Kasama sa listahan ng pangako ni Pangulong Simeon Benigno “Noynoy” Cojuangco Aquino III ang pagsasabatas ng FOI Bill pero mula noong unang taon nila sa pwesto ay urong-sulong sila sa panukalang ito. Kapag naging batas ang FOI Bill, magiging mas madali na sa mga mamamayang Pilipino na usisain, uriratin, bulatlatin ang mga transaksyon ng gobyerno at ng mga opisyal. Maganda ang pangkalahatang layunin ng FOI Bill kaya tama ang pangungulit ni Senador Tito Sotto sa Malakanyang. Pasyal naman tayo sa Venezuela. Miraflores ang pantapat nila sa Malakanyang natin. Sa kasalukuyan, ang presidente nila na si Hugo Chavez, isang sosyalista’t antiimperyalista, ay wala sa Miraflores. Nasa Havana, Cuba pa rin siya at nagpapagaling matapos ang isang operasyon. Nagkaroon siya ng impeksyon sa baga dahil sa nasabing operasyon. Mula nang pamunuan niya ang isang bigong kudeta laban sa isang kinamumuhiang administrasyon noong dekada 90 hanggang sa kasalukuyan, paggamot sa mga kanser ng lipunan gaya ng kahirapan ang layunin ni Chavez. Isang kabalintunaan (irony) na ngayo’y iginupo ng kanser ang kanyang kalusugan. Buti na lamang at marami ang nananalangin para sa paggaling ni Chavez. Hinihintay pa rin nila siya sa Palasyo ng Miraflores. Sabik na sabik na ang mga taga-Venezuela na muling marinig ang tinig niya na maaaring ihalintulad sa baril na pamuksa (baka nga kanyon o bomba-atomika pa) sa imperyalismo at neokolonyalismo.
10
MODELO (Enero 6) Sabi ng isang komedyanteng Pilipino mga ilang taon na ang nakararaan, hindi naman imperyalismo, kapitalismo atbp. ang problema natin, kundi TAYO MISMO. Medyo wasto naman ang kanyang sinabi. Maraming mali sa atin, kaya minsan ay tayo mismo ang hadlang sa pagbabago ng bayan. Hindi naman tayo kulang sa mga modelo na maaaring gayahin. Nariyan si Melchora “Tandang Sora” Aquino na nagdiriwang ng kanyang ika-201 kaarawan ngayon. Sa Lungsod ng Quezon lang ang paggunita sa kaarawan ng pinakamatandang Katipunerang rebolusyunaryo na mahigit 100 taon nang pumanaw, di gaya ng paggunita sa mga ispesyal na araw ng mga mas sikat na bayani. May favoritism talaga ang mga Pilipino. Kilala si Tandang Sora sa kanyang pagpapagamit ng kanyang malawak na bakuran bilang tipunan at pulungan ng mga Katipunero. Ang kanyang tindahan ay nagsilbi ring tindahang para sa Katipunan: anumang mayroon siya’y ibinibigay niya sa mga Katipunerong nangangailangan. Walang binabanggit kung sumali siya sa labanan (at malaki ang posibilidad na sa kanyang katandaan ay hindi na niya kayang sumali sa gayon) pero mahalaga ang papel niya sa pagtatagumpay ng Katipunan. Ganoon ang dapat nating isipin: hindi man tayo aktwal na makasali sa “laban” para magbago ang lipunan, siguro’y kaya naman nating tulungan iyong mga nakikipaglaban para rito. May isa pang modelo na pwedeng gayahin ang mga Pilipino, lalo na yaong mga nasa kapangyarihan. Sa world news ng Philippine Daily Inquirer ngayon, isang ispesyal na mula sa New York Times News Service ang mababasa. Tungkol ito kay Jose “Pepe” Mujica, ang 77-taong presidente ng Uruguay sa Latin America. Matagal nang kumalat sa Facebook ang kanyang larawan: isang simpleng matanda na mukhang kagalang-galang, nakasakay (o papasakay?) sa kanyang lumang kotseng Beetle. Hinahangaan siya sa buong daigdig dahil sa kanyang pagdodonate ng 90% ng kanyang sweldo sa kawanggawa o charity. Hindi rin siya nakatira sa mansyon ng presidente. Sa halip ay nasa sariling bahay niya lamang siya – isang napakasimpleng bahay. Dalawa lang ang gwardya niya. Para kay Mujica, dapat mamuhay nang simple ang mga opisyal dahil simple lang din naman ang buhay ng mga mamamayang pinamumunuan nila. Sa Pilipinas, ang presidente ay mahilig sa Porsche, at ang mga kongresista ay mahilig naman sa kung anu-anong sports car habang walang bahay, walang pagkain, walang pag-asa, walang trabaho at walang kinabukasan ang maraming Pilipino gaya ng isang pamilya na nagluluksa pa rin ngayon dahil sa pagkamatay ng isang bata kahapon na tumama ang ulo sa bukana ng imburnal (drainage) habang natutulog. Oo, ang “bahay” nila ay nasa tabi mismo ng imburnal, o mas eksakto, wala silang bahay. Ibinalita ito sa TV Patrol kahapon. Maraming matututuhan ang mga pinuno natin kay Jose Mujica na dati ring rebelde at bilanggong politikal (political prisoner).
11
Babae (Enero 7) Maraming babae ang bida ngayon sa balita bilang pinuno ng bayan, biktima, modelo atbp. Nariyan ang kapwa Latino Amerikano ni Jose Mujica, si Cristina Fernandez-Kirchner na kasalukuyang presidente ng Argentina. Kamakailan, sumulat siyang muli sa gobyerno ng United Kingdom upang magdemand (wala tayong salita para sa to demand, at masyadong “mabait” ang hilingin) na “ibalik” na ng United Kingdom sa Argentina ang Islas Malvinas o Falkland Islands. Nagdigmaan ang dalawang bansa noong dekada 90 dahil sa teritoryong ito na mas malapit sa Argentina. Ayon sa sulat ni Fernandez-Kirchner, dapat nang wakasan ng United Kingdom ang “kolonyalismo.” Nariyan din si Malala Yousafzai, isang batang babae na binaril ng Taliban sa Pakistan dahil sa pagpupumilit niya na mag-aral (ipinagbabawal ng Taliban ang edukasyon ng mga babae). Ibinalita sa mga pahayagan kahapon na nakalabas na siya sa isang ospital sa United Kingdom kung saan siya nagpagaling. Sabi ng Taliban, babarilin nilang muli si Malala. Anu’t anuman, desido si Malala na ituloy ang pagsalunga sa agos sa kanyang bayan – itutuloy niya ang kanyang pag-aaral. Pero hindi lahat ng babaeng “bida” ay pinapangalanan, gaya ng biktima ng gang rape sa India na namatay kamakailan habang ginagamot sa Singapore. Sa batas ng India, bawal pangalanan ang mga biktima ng rape. Gayunman, hiniling ng kanyang ama sa mga awtoridad na pangalanan na ang kanyang anak sa publiko upang magsilbing inspirasyon sa mga babaeng lumalaban sa rape at iba pang porma ng karahasan sa kababaihan. Malamang na hindi rin pangalanan ang mga biyuda ng 13 lalaking napatay ng mga pulis at militar kahapon sa isang checkpoint sa Maharlika Highway sa lalawigan ng Quezon. Tinangka raw ng mga ito na sagasaan ang checkpoint. Labingwalong minuto ang itinagal ng barilan. Diumano’y mga miyembro ng isang sindikato (criminal group) mula sa Bicol ang mga napaslang.
12
Patay (Enero 8) Pulis daw ang ilan sa 13 na napatay ng mga pulis at militar sa isang checkpoint sa probinsya ng Quezon noong isang araw. Hindi pa malinaw kung bakit kasama ang mga pulis na iyon ng mga miyembro ng sindikato na napatay. Pero ang malinaw, bukod sa 13 patay na iyon, ay may mas nakagugulat na kamatayan – ang kamatayan ng bansang Pilipinas. Kahapon, isang US drone ang natagpuan ng mga mangingisda sa isla ng Ticao, Masbate. Hindi nila alam kung ano iyon kaya agad nilang iniulat sa mga pulis ang nangyari, at ibinigay rin nila ang drone sa pulisya. Kahit ang mga opisyal ng militar at pulis ay nagulat sa natuklasan ng mga mangingisda sa Masbate. Sabi nila, hindi rin nila alam kung bakit may US drone sa Masbate. Karaniwang ginagamit sa pambobomba ang mga US drone. Sa ibang bansa gaya ng Afghanistan, Iraq at Pakistan, ang mga drone ay ginagamit ng Estados Unidos laban sa mga kaaway nito. Maraming beses nang nabiktima ng US drones ang mga bata, babae, matatanda at iba pang kaawaawang inosente sa ibang bansa. Sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas, ipinagbabawal ang paggamit sa teritoryo ng Pilipinas sa paglulunsad ng anumang gerang dayuhan. Ayon sa US Embassy, ang US drone daw na natagpuan sa Masbate ay hindi armado, at hindi raw iyon ginagamit sa surveillance. Bobo lang ang maniniwala sa US Embassy, siyempre. Ayon sa mga dyaryo, ang uri ng US drone na iyon ay kahawig ng ginamit sa Gulf War sa Iraq noong dekada 90. Siguradong makapagbibigay ng magandang palusot ang US Embassy, at papaniwalaan iyon ng Department of Foreign Affairs at Department of National Defense ng Pilipinas. At maniniwala rin ang mayorya ng mga Pilipino. At makakalimutan na ang isyu. Patay na ang Pilipinas. Mabuhay ang Pilipinas! Kung may patay ay mayroon ding patay na nabubuhay. Sa mga nakalipas na panahon, tila “patay” na ang tinig ng Simbahang Katoliko sa mga isyung panlipunan. Halos wala itong epektibong reaksyon at aksyon sa matinding paghihirap ng mga mamamayan sa daigdig na bunga ng krisis ng kapitalismo. Sa kabutihang-palad, sa isang talumpati kahapon, hinikayat ni Pope Benedict XVI na bigyang-pansin ng mga pinuno ng daigdig “ang lumalawak na agwat ng iilan na lalong yumayaman at ng marami na lalong naghihirap.” Mabuhay ang pakikibaka para sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mamamayan! Mabuhay ang Santo Papa!
13
REGALO (Enero 9) Buhay na buhay ang dugo ng mga empleyado ng Senado na nakinabang sa regalong pera ni Senate President Juan Ponce Enrile sa kanyang mga kapwa senador. Tig-1.6 milyong piso ang “regalo” ni Senador Enrile sa 18 senador. Mayroon namang apat na senador ang nakatanggap ng tig-250,000 piso lamang, pero hindi iyon ang punto. Ang punto rito, pera ng bayan ang ipinangregalo ni Enrile sa mga senador. Galing daw iyon sa sobrang pondo ng Senado na hindi nagamit dahil nang manalong presidente si Noynoy Aquino ay nagkaroon ng bakanteng pwesto. Pwede raw ibalik ng Senado ang perang iyon sa Kaban ng Bayan o National Treasury ngunit pinili ni Enrile na “iregalo” ito sa kanyang mga kapwa senador. Ginamit naman ito ng mga senador na “pangregalo” rin sa kanilang mga empleyado. Sana lahat ng Pilipino ay makatanggap din ng cash gift kapag Pasko. Buti na lamang at sa isang lungsod sa Metro Manila ay may senador din daw na namimigay ng pera tuwing magpaPasko. Ayon sa isang kaibigang taga-roon, 200 piso ang ibinibigay sa mga bata at 2,000 piso naman sa matatanda! Pwede na di ba? Saan naman kaya galing ang pera? Mahirap alamin pero sabi nga ng namayapang Jaime Cardinal Sin, “Kahit sa demonyo pa manggaling, tatanggapin ko ang pera at gagamitin para sa mahihirap.” Samantala, may regalo ang Korte Suprema sa sambayanang Pilipino ngayong Bagong Taon: tuluyan na nitong ibinasura kahapon ang petisyon ng negosyanteng si Louis Biraogo na humihiling sa Korte Suprema na atasan ang Commission on Elections (COMELEC) na ipatupad ang probisyong kontra-dinastiya (anti-political dynasty provision) na nasa Konstitusyon ng Pilipinas. Hindi pa malinaw kung ganito rin ang kahihinatnan ng isang bukod na petisyon kontra-dinastiya nina dating Bise-Presidente Teofisto “Tito” Guingona at dating Bayan Muna Rep. Saturnino “Satur” Ocampo. Mahigit isang dekada na sa Kongreso ang Anti-Dynasty Bill pero hindi pa rin ito nakalulusot sapagkat ang Kongreso mismo ay pugad ng mga dinastiya. Mismong presidente at bise-presidente ngayon ay may dinastiya rin (tatakbong senador ang pinsan at tiyahin ng presidente, at tatakbo namang senador, kongresman at mayor ang tatlong anak ng bise-presidente). Ang kanilang mga “kaaway sa politika” ay galing din sa mga dinastiya. Maraming tatakbong senador ngayong 2012 ay mula rin sa mga dinastiya. Sana’y maawa ang Mahal na Poong Nazareno sa bansang Pilipinas at magpadala pa ng maraming “regalo” sa sambayanan – mga matitinong lingkod-bayan gaya ng yumaong Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran. Ika-80 kaarawan na dapat niya noong ika-7 ng Enero ngayong taon, ngunit noong 2008 ay namatay siya pagkatapos maaksidente habang inaayos ang bubong ng kanyang sariling bahay na maliit lamang at simplengsimple. Wala siyang perang pampagawa ng bubong kahit na isa siyang kongresista. Hindi niya ginagamit ang pera ng bayan sa sariling kapakinabangan. Hindi niya kailangang magregalo ng pera dahil siya mismo, ang kanyang paglilingkod ang regalo sa bayan.
14
ESPASYO (Enero 10) Parami na nang parami ang tao sa mundo kaya kung pwede lang humiling sa Diyos, espasyo at marami pang espasyo ang dapat hilingin ng mga tao. Espasyo para may matulugan. Espasyo para may mapagtaniman. Espasyo para may matirhan. Espasyo para may mapaglaruan. Espasyo para may mapasyalan. Espasyo sa gitna ng mga matatayog na gusali na ang iba nama’y walang laman. Espasyo sa gitna ng lumiliit na espasyo para sa mga mahihirap bunsod ng pangangamkam ng mga swapang na marami nang lupa at pag-aari. Sa Pilipinas, inaalisan pa nga ng espasyo ang mahihirap. Noong isang taon pinalayas ang mga maralita malapit sa Trinoma Mall, Quezon City sa isang malawak na parsela ng lupang pag-aari ng gobyerno. Ibinenta iyon ng gobyerno sa pamilya Ayala at plano nila itong gawing business district. Ililipat sa Rodriguez, Rizal ang mga maralitang inalisan ng espasyo sa Quezon City – malayo sa mga hanapbuhay, malayo sa sentro, malapit sa baha at panganib ng pagguho ng lupa o landslide. Ngayong linggong ito’y nakaanunsyo na sa mga dambuhalang tarpaulin na nagsisilbi ring bakod ng pagaangkin ng mga kapitalista sa dating espasyo ng mga maralitang komunidad ang proyekto ng “Ayaland, Inc. in partnership with the National Housing Authority.” At gagamitin pa pala ang pera ng bayan para sa isang proyektong mas papakinabangan ng isang kapitalistang pamilya at ng kanilang mga kasosyo sa negosyo! Public-Private Partnership (PPP) ang tawag nila riyan. Bagong paraan ng pagpapayaman ng mga kapitalista, pero mas matipid sa kanila dahil konting puhunan lang ang kailangan nilang ilabas. Sa Guatemala naman, mga mayayaman naman ang may problema sa espasyo. Ayaw na nilang manirahan sa kabisera ng bansa – ang Guatemala City – dahil sa laganap na kriminalidad doon (na bunga naman ng lumalaking agwat ng mayaman at mahirap). Upang maresolba ang kanilang problema, isang real estate corporation ang nagtayo ng bagong “lungsod” 11 kilometro mula sa kabisera. Mataas na mataas ang pader ng “lungsod” na ito na pangmayaman lang dahil sa sobrang taas din ng presyo ng lupa at bahay roon. Inaakala ng mga mayayaman doon na patuloy silang maipagsasanggalang ng mga matataas na bakod at mga bakal na gate sa daluyong ng mga maralitang walang-wala kaya napipilitang maghanap ng anumang makukuha sa mga mayroon pa. Alin nga ba ang mas matinding krimen: ang magnakaw sa mga mayayaman o ang manatiling napakayaman habang naghihirap ang mayorya?
15
KRIMINAL (Enero 11) Kriminal ang bansag ng pulisya at ng gobyerno sa 13 lalaki na pinaslang ng pinagsanib na pwersa ng mga pulis at militar sa isang checkpoint sa Atimonan, Quezon. Diumano’y mga asesino o gang-for-hire ang iba sa kanila. Diumano’y gambling lords ang iba sa kanila. Pero hindi pa rin maipaliwanag ng gobyerno kung bakit ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), walang nagpaputok ng baril sa 13 lalaking iyon, samantalang daan-daang bala naman ang inubos ng mga pwersa ng gobyerno upang sila’y paslangin. Hindi kataka-takang “masaker” o “rubout” na ang taguri ng kanilang mga kapamilya sa kagimbal-gimbal na pamamaril (na noong una’y inakala ng lahat na barilan). Ayon sa kapamilya at kaibigan ng ilan sa mga napaslang, mabubuting tao ang mga ito: matulungin sa mahihirap. Mukhang totoo naman ang sinasabi nila dahil maraming dumadalaw sa burol upang makidalamhati. Ang isa sa napaslang ay aktibistang makakalikasan pa nga raw na handang ipagtanggol ang mga bundok laban sa mga nagtatangkang wasakin ito. Napakahirap maghusga sa bayang ito sapagkat laging hindi buo ang mga salaysay at karaniwang nagkokontrahan pa ang mga umiiral na piraso ng mga naratibo.
16
NARATIBO (Enero 12) Marahil, ang kasaysayan ay debate ng mga nagsasalungatang naratibo, gaya ng mga salaysay at kwento sa likod ng bawat makabuluhan at makahulugang balita sa bansa at sa mundo. Sa isyu ng sobrang pondo ng Senado, ayos lang daw na ipamigay iyon sa iba pang senador para gamitin nila sa kahit anong bagay, ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile dahil iyon naman daw ang nakagawian dati pa. Ang sabi naman ni Senador Miriam Defensor-Santiago (na malapit nang umalis sa Pilipinas para magtrabaho bilang hukom sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands), “grandmama of all scams” ang abusadong paggasta ng mga senador sa mga sobrang pera ng Senado, bukod pa sa tongpats o perang nakukurakot nila sa bawat proyektong pinpondohan ng pork barrel na galing sa buwis ng mga mamamayan. Sa isyu ng Kindergarten to 12 years of Basic Education (K to 12), todo-lako ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpapatupad ng programa na magtataas daw ng kalidad ng edukasyon ng bansa. Siyempre pa, suportado rin ito ng mga bansang dayuhan gaya ng Australia na nangangailangan ng maraming manggagawang Pilipino. Kamakailan, pagkatapos tugtugin ang “Lupang Hinirang” sa isang sinehan sa Glorietta (last full show), sumunod namang ipinakita sa screen ang isang kagimbal-gimbal na patalastas na maka-K to 12 na pinondohan ng AusAID (ahensyang Australian). Tinututulan ng mga progresibong guro, mambabatas at mamamayan ang K to 12 dahil naniniwala naman sila na hindi makabayan at hindi maka-Pilipino ang programang ito. Para sa kanila, gagawin nitong dambuhalang pabrika ng mura at supil na lakas-paggawa (cheap and docile labor) ang Pilipinas para sa mga industriyang pag-aari o kontrolado ng mga dayuhan dito at sa ibang bansa. Katunayan, sa deliberasyon ng Kongreso hinggil sa K to 12, inamin ng mga maka-K to 12 na ang nasabing programa ay nakatuon talaga sa paghahanda ng mga Pilipinong manggagawa at propesyunal na magtatrabaho sa ibang bansa. Sa Turkey, nagsasalungatan din ang naratibo tungkol sa pagpaslang sa tatlong babaeng aktibistang Kurdish na kaalyado ng Kurdistan Workers’ Party o PKK, isang rebeldeng grupo na naghahangad ng malayang bansang Kurdistan (kasalukuyang sakop ito ngayon ng Turkey). Kamakailan, pinaslang sa kanilang opisina sa Paris, Pransya ang tatlong babaeng aktibistang Kurdish habang may usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Turkey at ng pamunuan ng PKK. Ang sabi ng mga Kurdish, ang gobyerno ng Turkey ang utak ng asasinasyon sa Paris para idiskaril ang usapang pangkapayapaan. Sabi naman ng Turkey, PKK ang may gawa niyon upang gamiting palusot sa pagpapahinto ng usapan. Panahon ang hukom na magpapasya hinggil sa kawastuhan ng mga naratibo.
17
AMERIKANO (Enero 13) May debate na naman ng mga naratibo ngayon tungkol sa pagkalat ng balitang nagpakamatay ang aktibistang Amerikano na si Aaron Swartz. Dalawampu’t anim (26) na taon pa lamang si Aaron. Isa siya sa imbentor ng isang teknoloniya sa internet na nagpabilis sa pagbabahagi (sharing) at diseminasyon ng mga artikulo sa blog – ang teknolohiyang tinatawag na RSS. Isa rin siya sa tagapagtatag ng grupong Demand Progress na aktibong nagkampanya laban sa anti-demokratikong Stop Online Piracy Act (SOPA) sa Estados Unidos. Dahil sa malawak na protesta ng mga mamamayang gumagamit ng internet, pansamantalang inihinto ng gobyerno ng Amerika ang deliberasyon hinggil sa SOPA. Nangangamba ang mga kritiko ng SOPA na gagamitin ito ng Amerika upang hadlangan ang malayang pamamahayag sa mga website na kumukwestyon sa status quo. Kilala rin si Aaron dahil sa kanyang pagdadownload ng milyun-milyong artikulo sa JSTOR, isang online database ng mga akademikong journal na naniningil ng mahal sa access sa mga artikulo. Malaon, inirepost niya ang mga nasabing artikulo upang maaccess ito ng mga estudyante, guro, mananaliksik at mamamayan na walang pambayad. Inaresto si Aaron noong 2011 dahil dito, at kinasuhan din siya ng gobyernong pederal ng Estados Unidos. Natagpuan siyang patay sa kanyang bahay sa Brooklyn noong Enero 11, 2013. Nagpakamatay raw. Pero sabi naman ng iba, siya’y “pinatay.” “Pinatay” siya ng pressure na dulot ng mga kasong isinampa sa kanya ng gobyernong pederal na maaaring magdulot ng deka-dekadang sentensyang pagkakakulong niya. Nagpakamatay o pinatay, malungkot ang wakas ng buhay ni Aaron. Isa siyang aktibista na nagtangkang hadlangan ang mga naghahangad na kontrolin ang internet, na nagtangkang bigyan ng libreng access sa mga pananaliksik ang mga nangangailangan nito ngunit walang pera. Isa siyang bayani at hindi iyon mabubura ng kahit ano pang putik na ibato sa kanya ng mga gobyerno at mga korporasyon. Isa siyang modelong Amerikano kagaya ng mga nauna pa sa kanyang Amerikanong aktibista gaya nina Mother Jones, Martin Luther King at marami pang iba.
18
KARUKHAAN (Enero 14) Sa Pilipinas, may isa pang naratibo na pinagmumulan ng kontrobersya. Iyan ang naratibo ng karukhaan. Laging sinasabi ng pamahalaan na umuunlad na ang Pilipinas. Tumataas ang GDP. Gumaganda ang credit rating. Pero marami pa ring nagugutom na Pilipino – ang mga GNP o Gutom Na Pilipino na hindi nabibiyayaan ng sinasabing “kaunlaran.” Ang mga dukha o mahihirap na nasa kumunoy pa rin ng karukhaan o kahirapan. Hindi man gaanong napansin ay ibinalita ngayong Enero 2013 ang resulta ng survey sa kahirapan na regular na isinasagawa ng Social Weather Stations (SWS). Ayon sa survey ng SWS na isinagawa mula Disyembre 8 hanggang 11 (2012), 54% ng mga respondent (katumbas ng 10.9 milyong pamilya) ang nagsabing sila’y mahirap. Kagulat-gulat ang resulta ng survey sapagkat tila pinatutunayan nito na palpak o walang silbi ang programang kontra-kahirapan ng gobyerno – ang pamimigay ng pera sa pamamagitan ng Conditional Cash Transfer (CCT) scheme na tinatawag ding PantawidPamilyang Pilipino. Mukhang hindi pa rin nakatatawid sa kabilang ibayo ng kaunlaran ang mga dukhang Pilipino. Malayo pa yata ang lakbayin. Pansamantala, pinagaawayan ng gobyerno at ng mga kritiko kung mahirap nga ba ang mahirap (as if naman na magsisinungaling ang mahirap?). At nakalimutan na nilang resolbahin ang kahirapan – o ang mga ugat nito. May debate sa naratibo pero walang debate o mahina pa ang boses ng mga nagdedebate sa mga solusyon sa problema ng bayan. Dukha ang bulsa ng mga mamamayan at dukha o pobre rin ang utak ng mga kritiko rito.
19
PELIKULA(Enero 15) Premiere bukas ng bersyong pelikula ng musikal (na batay sa nobela na may ganoon ding pamagat) na “Les Misérables” na karukhaan ang isa sa mga pangunahing tema. Noong Disyembre 2012 pa ito unang ipinalabas sa ibang bansa. Sa Pilipinas, 2013 na ito ipinalabas sa sinehan dahil sa monopolisado ng mga pelikulang Pilipinong kasali sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) ang mga sinehan mula huling linggo ng Disyembre ng bawat taon hanggang sa Enero ng sumunod na taon. Okupado na ang mga sinehan bukas dahil sa mga mayayaman/burges na may panahon at perang magpareserba ng tiket para sa premiere ng kinagigiliwang pelikulang musikal. Actually, may mga mayayamang Pilipino na nagpunta pa sa ibang bansa noong Disyembre 2012 para lamang “maantig” ang kanilang damdamin. Kakaiba talaga ang sensibilidad ng mga Pilipinong burges (bourgeois). Naiiyak/naluluha sila sa mga eksena ng pagdaralita ng mga Europeo pero wala silang pakialam sa mga kapwa Pilipinong wala ring pagkain at kinabukasan gaya ng mga karakter sa “Les Misérables.” Mas malala, mayroon ding mga Pilipino na nagagawa pang sabihing “maganda ang pelikula” kahit na ayaw nilang pag-usapan ang “politika” sa likod ng pelikula. Sa opinyon nila, ilaw, tunog, make-up, dayalogo lang ang mahalaga. Di dapat pag-usapan ang kaugnayan ng istorya nito sa kasaysayan, sa reyalidad, sa mga nangyayari sa lipunan. Purihin ang maganda o gwapong artista. Purihin ang magandang boses. Purihin ang mga sinematikong tagpo. Purihin ang magagandang landscape at props. Pero huwag nang pag-usapan kung paano maiuugnay ang pelikula sa reyalidad. Iyan ang nasa isip ng mga Pilipinong burges. Kaya nga, huwag magtaka kung ang isang kaibigang burges ay tumangging isama sa panonood ng “Les Misérables” ang isang kaibigang “radikal” dahil baka raw “madungisan” ng “radikal” na kaibigan ang pananaw ng burges sa panonood ng pelikula na masining lamang pero hindi dapat ikategoryang politikal (as if naman na imposibleng maging masining ang politikal o kaya’y politikal ang masining). Sila yaong mga magagandahan sa “Do You Hear The People Sing” ngunit hindi maaksaya ng panahon na pakinggan ang kahit anong bersyon ng “L’Internationale” na may pareho rin namang mensahe. Bulag ang mga burges sa Pilipinas. Hindi alam na may ugnayan ang pelikula at totoong buhay.
20
BIGAS(Enero 16) Kung bulag ang burges, bingi naman ang gobyerno sa Pilipinas. Kinailangan pa ng 5,000 mamamayan sa Davao Oriental at Compostela Valley na magprotesta at magbarikada (parang “Les Misérables” lang!) para sila’y pakinggan ng gobyerno. Sila ang biktima ng pananalasa ng bagyong si Pablo. Daan-daan ang namatay at nawala (at di na nakita) nang biglang manalasa ang baha at landslide dahil sa bagyong ito. Bigas ang hiling (o baka mas akma ang demand) ng mga survivor sa gobyerno. Dala rin nila ang mga plakard na may mensaheng gaya ng “Ibagsak ang imperyalismo!” Hindi ito nabalita sa mainstream media. Nakipagdiyalogo ang mga mamamayan sa lokal na pamahalaan at sa kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa kalagitnaan ng diyalogo ay nag-walkout ang dalawang opisyal ng gobyerno pero ipinadala naman din nila ang hinihinging bigas ng mga mamamayan. Tama ang sabi ni Ninoy noong panahon ng diktadurang Marcos: “Ang karapatan kung ayaw ibigay ay dapat kunin nang sapilitan.” Pasalamat ang gobyerno dahil protesta at barikada pa lang ang ginagawa ng mga mamamayan sa Pilipinas.
21
SENADORA(Enero 17) Hindi bulag at lalong hindi bingi si Senadora Miriam Defensor-Santiago pero napinsala nang kaunti ang mata niya nang pumutok ang isang ugat (nerve) nito dahil sa pagtaas ng kanyang blood pressure pagkatapos ng isang interbyu sa isang istasyon ng telebisyon. Galit na galit ang butihing senadora kay Senate President Juan Ponce Enrile na tumutuligsa sa diumano’y pagiging sakitin niya. Nauna pa rito, ibinulgar ni Senadora Miriam na hindi makatarungan ang ginagawang pagpapamudmod ni Enrile ng pera sa mga kapwa senador niya mula sa savings ng Senado ng Pilipinas. Hinamon din ni Senadora Miriam si Enrile na ipaliwanag kung paano siya yumaman. Impliedly, gustong sabihin ni Senadora Miriam na nakinabang si Enrile sa diktadurang Marcos dahil isa siya sa mga administrator ng Martial Law noon. Hindi man laging sang-ayunan ng mamamayan ang mga pahayag ni Senadora Miriam, mahal na mahal siya ng sambayanan dahil sa kanyang pagiging prangka. Kaya niyang sabihang “gago,” “bobo,” “corrupt” ang sinumang gusto niyang sabihan nang gayon. Isinasatinig niya ang mga gustong ipahayag ng mamamayan. Minsan, mas masarap talagang isigaw at marinig ang katotohanan, kaysa ibulong o kaya’y sabihin sa pangkaraniwang tono lamang. Kailangan talaga ng panggulat ng bayang madalas ay natutulog o nagtutulug-tulugan. Sayang at sa mga susunod na buwan ay wala na si Senadora Miriam sa Senado dahil magsisimula na siyang magtrabaho bilang hukom sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands. Doon ay mga diktador naman mula sa iba’t ibang bansa ang lilitisin niya. Ang kawalan ng Pilipinas ay kapakinabangan naman ng mundo.
22
QUINOA (Enero 18) Ang kawalan naman ng Bolivia ay kapakinabangan din ng mundo. Ibinalita sa mga dayuhang pahayagan ang pagtaas ng presyo ng quinoa, isang butil o grain na itinuturing na pinakamasustansya sa lahat. Maaari itong ipalit sa karne dahil sa napakasustansya kaya naman gustong-gusto ito ng mga vegetarian sa Europa at sa iba pang mauunlad na lugar. Ito ang staple na pagkain ng mga Boliviano at maging ng mga Peruviano kaya apektado ng pagtaas ng presyo ang pagkonsumo nila rito. Balintunang mas kaya itong bilhin ng mayayamang dayuhan kaysa sa mga mamamayan mismo ng Bolivia at Peru. Sa buong mundo, malaking suliranin din ang pagtaas ng presyo ng mga staple na butil gaya ng palay at trigo. Pinalalala ito ng lumalawak na kontrol ng mga multinasyunal na korporasyon sa pagtatanim at pagpoproseso ng mga butil. Maraming imbak na butil ang daigdig ngunit gutom ang mga mamamayan dahil hindi na nila kayang bilhin ang mga butil ng buhay na nagmula rin sa pawis ng mga anak-dalitang magsasaka. Ang nagtanim ay siyang walang makain, gaya ng sinabi ni Ka Amado V. Hernandez sa tulang “Aklasan.”
23
BARKO (Enero 19) May dahilan na naman ang mga makabayang Pilipino na mag-aklas laban sa mga imperyalistang Amerikano. Kamakailan, isang dambuhalang barkong pandigma (warship) ng Estados Unidos – ang USS Guardian – ang sumadsad sa Tubbataha Reef sa Sulu Sea. Hindi awtorisado ng gobyerno ng Pilipinas ang paglalayag ng USS Guardian sa bahaging iyon ng dagat na sakop ng teritoryo ng Pilipinas. Tiyak na malaking pinsala ang idinulot nito sa pamosong Tubbataha Reef na isa sa pinakakilalang diving site sa buong mundo. Sa kasamaang-palad, hindi pinayagan ng mga aroganteng Amerikano ang mga Pilipinong opisyal na mag-inspeksyon malapit sa barko. Sa kasamaang-palad din, sa halip na magalit ang gobyerno ng Pilipinas, hiniling nito sa lahat na maging mahinahon at bayaang magpaliwanag ang gobyerno ng Estados Unidos. Palpak na navigational map ang palusot ng mga Amerikano. May mga utu-utong Pilipino naman na naniwala sa kanila. Kunsabagay, nagmana lang sila kay Emilio Aguinaldo na itinuturing na kauna-unahang presidente ng Pilipinas. Tiwalangtiwala rin si Aguinaldo sa mga Amerikano kahit na ang ibang heneral ng rebolusyon gaya ni Antonio Luna ay duda na sa mga Amerikano. Sa kasalukuyan, hindi gaanong napag-uusapan sa media ang napapadalas na paglalayag at pagdaong ng mga barkong pandigma ng Estados Unidos sa teritoryo ng Pilipinas, samantalang kapag may barkong Tsino o missile ng North Korea ang napadpad o natsismis na napadpad sa Pilipinas, matinding kondemnasyon kaagad ang ipinahayag ng gobyerno ng Pilipinas sa media. Mahal na mahal ng mga Pilipino ang mga Amerikano kahit na hindi naman sila (gaanong mahal) ng mga Amerikano. Siguro’y ganoon talaga ang tunay na pag-ibig: tanga at unrequited. Ewan kung kailan matututuhan ng mga Pilipino ang “greatest love of all” ayon kina George Benson at Whitney Houston.
24
PAG-IBIG (Enero 20) Kung nobela ang buhay ng mga mayayamang kapitalista sa mundo ngayon, malamang na “Pusong Walang Pag-ibig” ang pamagat, gaya ng nobela ni Roman Reyes. Ito ang kongklusyon na maaaring mabuo mo kung babasahin ang isang ulat na inilabas ng OXFAM, isang respetadong internasyunal na development non-government organization (NGO) noong Enero 18, hinggil sa malawak (at lumalawak) na agwat ng mayayaman at mahihirap sa daigdig. Simple lang ang gustong sabihin ng ulat: sa mga nakaraang dekada, yumaman nang yumaman ang mga mayayaman at lalo namang humirap nang humirap ang mga mahihirap. Kumpleto sa estadistika o statistics at mga komprehensibong sanggunian o references ang pahayag ng OXFAM. Kumbaga’y miniresearch na rin iyon. Nang ilathala ng AlJazeera ang ulat ng OXFAM ay nagbigay ito ng mas direktang kongklusyon: kaya ng mga mayayaman sa daigdig na tapusin o wakasan ang kahirapan kung gugustuhin nila. Maaantig kaya ang damdamin ng mga mayayaman? Papayag na kaya sila na buwisan nang mas malaki ang kanilang mga kayamanan upang magkaroon ng badyet ang mga gobyerno ng mundo para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan na dapat ibigay nang libre sa mga mahihirap upang unti-unti’y matulungan sila na makaahon sa kahirapan? O magrerebolusyon na kaya ang mga mamamayan ng daigdig ngayon na may sapat nang ebidensya na kinokopo, sinosolo lang ng mayayaman ang pakinabang/benepisyo sa mga kayamanan ng daigdig? Abangan...
25
TERORISTA (Enero 21) “Pusong Walang Pag-ibig” din ang peg ng mga teroristang kaalyado ng Al Qaeda sa Aprika, partikular sa Algeria. Terorista ang tawag sa kanila ng media. Kinidnap nila ang daan-daang dayuhan (kasama ang dose-dosenang Pilipino) na nagtatrabaho sa isang planta sa Algeria, at pinagpapatay ang iba sa kanila. Ganti raw nila iyon sa pakikialam ng Pransya sa bansang Mali. Nagpadala ng tropa sa Mali ang Pransya upang isalba ang gobyerno roon na tinatangkang pabagsakin ng mga rebeldeng Muslim. Balik sa Algeria, tinangka ng gobyerno ng Algeria na iligtas ang lahat ng bihag ngunit dahil sa madugong komprontasyon ng mga sundalong Algerian at ng mga terorista, maraming bihag ang napatay. Hindi pa malinaw ngayon kung sino ang nakapatay o pumatay sa karamihan ng mga bihag. Anim na Pilipino ang kasama sa mga napatay. May mga Pilipino ring nakaligtas na nagsabing kwinintasan sila ng bomba ng mga terorista. Madalas, wala sa hulog, irrational talaga ang behavior ng mga terorista. Ni hindi nga maliwanag ang dahilan nila kung papansining mabuti, karamihan sa mga teroristang grupo’y dumarami ang miyembro sa pamamagitan ng pagrerekrut sa mga bansang mahihirap. Kahirapan talaga ang ugat ng krimen, sabi nga isang pilosopong Griyego. Tama ang OXFAM: dapat resolbahin ang kahirapan upang magkaroon ng tunay na stability at kapayapaan sa mundo. Kung walang kahirapan, wala nang magiging terorista. Wala nang magiging dahilan para maging terorista ang mga nasa Third World. Habang hinihintay ang panahong iyon, tuloy ang pagdanak ng dugo lalo na sa mga lupang tigang sa kaunlaran.
26
MASAKER (Enero 22) Dalawampu’t anim na taon na mula nang dumanak ang dugo sa kahabaan ng Mendiola Brige malapit sa Palasyo ng Malacañang. Ganito rin ang madalas na eksena sa iba pang sentro ng kapangyarihan, sa mga kabisera sa iba’t ibang panig ng mundo. Sumugod sa sentro ng kapangyarihan ang mga mamamayan upang igiit ang kanilang mga makatarungang kahilingan gaya ng sariling lupa, pagkain, makabuluhang sahod, permanenteng trabaho, libreng edukasyon, disenteng pabahay, karapatang pantao atbp. Dala nila ang mga plakard na may pulang tinta – pula ang kulay ng paggigiit. Nakatsinelas lamang sila sapagkat ni walang pambili ng sapatos. Galing pa sa malalayong baryo ng Gitnang Luzon na noo’y isang napakalawak pang bukirin. Mga magsasaka ang karamihan sa kanila. Kitang-kita iyon sa hapis at pagod nilang mukhang at sunog-sa-araw na balat, gayundin sa paang malaluya na. Pagdating sa tulay na malapit sa palasyo, gaya ng karaniwang nangyayari, ni ha ni ho ay walang makabuluhang reaksyon ang mga nasa kapangyarihan. Nagpadala ng isang opisyal upang kausapin ang mga magsasaka pero walang anumang positibong ipinangako. Ayaw umalis ng mga magsasaka. Gusto nilang may mangyari na. Gusto nilang mangako ang presidente (na nanay ng presidente ngayon) na magkakaroon na ng tunay na reporma sa lupa, na magiging kanila na ang lupa na matagal na nilang sinasaka at sinaka rin ng kanilang mga magulang at mga lolo’t lola. Biglang-bigla, pinaulanan sila ng bala ng mga pulis at militar na galamay ng administrasyon. Mahigit sampu ang namatay. Dalawampu’t anim na taon ang nakararaan. Walang sinumang nakasuhan at nakulong. Mailap pa rin ang katarungan. May rali uli ngayon (at halos araw-araw sa Mendiola). Mga magsasaka pa rin ang karamihan sa nagpoprotesta. Tuloy ang laban kahit na walang/hanggang sa tagumpay.
27
PUTIK (ENRILE-PETER Enero 23) May mga “nagprotesta” rin laban sa away, bangayan o batuhan ng putik nina Senador Juan Ponce Enrile at Senador Alan Peter Cayetano. Gaya ng maraming away, pera ang ugat ng batuhan ng putik na ito. Gusto ni Senador Cayetano na paimbestigahan ang badyet ng Senado dahil sa “pagpapamudmod” ni Senador Enrile ng perang natipid ng Senado noong 2012 sa kanyang mga kaalyado. Sa galit ni Senador Enrile, pati mga (diumano’y) utang sa kanya ng tatay ni Senador Cayetano (ang nasirang dating Senador Rene Cayetano. Nainis ang maraming Pilipino sa awayang ito dahil kumain din ito ng mahabang oras ng Senado kaya may mga mahahalagang panukalang-batas na hindi na natalakay. Anu’t anuman, hindi naman dapat mainis ang bayan sa mga ganitong away dahil sa pamamagitan nito’y mas lalong nalalantad ang kabulukan ng mga politiko at ng mismong sistemang pinangingibabawan nila. Bunsod nito, maaaring mamulat ang mga tao sa susunod na halalan at hindi na nila iboto ang mga kandidatong may itinatagong baho.
28
DAVOS (ENERO 24) Walang kapantay ang alingasaw, ang baho ng pinakamahal na kumperensya sa buong mundo na nagsimula kahapon. Nagkakahalaga ng 40,000 dolyar ang average na gastos ng bawat delegado sa nasabing kumperensya sa Davos, Switzerland. Taunang pagtitipon ito ng mga “pinuno” ng daigdig sa larangan ng ekonomya at pulitika. Sila ang mga pangunahing salarin sa krisis ng mundo pero sila rin ang nagpapanggap na nakaaalam ng solusyon sa krisis at kahirapan. Katawa-tawang wala ni isang mahirap na mamamayan ang imbitado at kalahok sa kumperensya. Paano malulutas ng isang kumperensya ng mayayaman ang kahirapan kung hindi naman nila isinali sa usapan ang mga mahihirap? Para itong kumperensya ng mga demonyo na nag-uusap-usap tungkol sa langit nang walang kinatawang kahit isang anghel.
29
BANGKO (ENERO 25) Para namang nakarating sa langit ang mga stockholder ng Bank of the Philippine Islands (BPI) dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng stocks nito mula 102 tungong 105 pesos. Kunsabagay, normal naman ang fluctuation ng presyo ng stocks. Basta may magandang balita tungkol sa kumpanya, asahan mong tataas ang presyo ng stock ng kumpanyang iyon. Parang casino ang stock market. Minsan, swerte ang investor. Minsan, malas. Samantala, laging swerte ang mga bangko gaya ng BPI dahil nagagamit nila ang pera ng mga depositor sa pagnenegosyo, kapalit ng baratilyong interest rate.
30
PEPE (ENERO 26) Host ng isa sa pinakaunang game show sa Pilipinas na “Kwarta o Kahon” si Pepe Pimentel. Namatay siya kamakailan sa edad na 83. Aksidente sa loob ng kanyang bahay ang ikinamatay ni Tito Pepe (ang tawag sa kanya ng mga fan ng “Kwarta o Kahon”). Kaiba ang “Kwarta o Kahon” sa mga kasalukuyang game show dahil hindi nito kailangan ang mga babaeng kakapirasong damit lamang ang suot para manghatak ng audience at magpasaya ng tao. Those were the days.
31
HUSTISYA (ENERO 27) Minsan, ang kwarta ay nangangahulugan ding hustisya. Ibinalita sa mga dyaryo ngayon ang pagsasabatas ng Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Sa pamamagitan ng batas na ito ay makakatanggap ng salaping bayad-pinsala ang 9,539 biktima ng Batas Militar ng diktadurang Marcos (1972-1986). Mula sa $246 milyong nakaw na yaman ni Marcos ang nasabing bayad-pinsala. Hindi man gaanong malaki ang halagang matanggap ng bawat biktima, ang bayad-pinsalang ito’y pagpapatunay na minsan sa kasaysayan ng bansa ay namayani ang isang brutal at magnanakaw na diktador. Gayunman, hindi lahat ng mga biktima ay pinalad na umabot sa panahong ito. Marami sa kanila ang mga pangalan na lamang sa mga lapida, o kaya’y sa mga monumento gaya ng Bantayog ng Mga Bayani sa Lungsod ng Maynila at Lungsod ng Quezon.
32
SIMBAHAN (ENERO 28) Katatapos lamang ng asembliya ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at gaya ng nakagawian, naglabas ito ng bagong pastoral letter o liham sa mga mananampalatayang Katoliko. Bugbog-sarado sa negative publicity ang Simbahan sa mga nakaraang buwan dahil sa pagtutol nito sa Reproductive Health Law o RH Law kaya isang magandang balita ang paglalabas nito ng isang progresibong pastoral letter. Sa pastoral letter ng CBCP na may petsang Enero 28, 2013, ipinahayag ng mga obispo ang panawagan laban sa monopolyo sa negosyo at politika ng iilang mayamang dinastiya. Kinondena nila ang di pagtupad ng Kongreso at Senado sa atas ng Konstitusyon na magpasa ng enabling law para sa probisyong kontra-dinastiya. Sa kasalukuyan, mayorya ng mga tumatakbong senador ay pawang galing sa mga dinastiya at sa bawat bayan, lungsod at probinsya’y mga dinastiya rin ang naglalabanan sa mga posisyon. Panalo lagi ang mga dinastiya at talo naman ang mga mamamayan. Mabuti’t nagigising na ang Simbahan sa tunay nitong misyon. Ito ang kauna-unahang pastoral letter ng CBCP na matapang na nagpahayag laban sa mga dinastiyang naghahari-harian sa bansang Pilipinas. Sana’y simula na ito ng pagpapanibagonghubog ng Simbahang Katoliko sa bansa.
33
KAPITALISTA (ENERO 29) Kung tila nagpapanibagong-hubog na ang Simbahang Katoliko sa Pilipinas, lalo namang gumuguho ang moralidad ng mga kapitalista gaya ni Donald Trump, Jr. anak ng isang dambuhalang kapitalistang Amerikano. Ayon kay Trump, mas mahalaga ang $277 milyong barkong pandigma ng Estados Unidos (USS Guardian) kaysa sa Tubbataha Reef na winasak ng nasabing barko. Para sa mga kapitalista, walang saysay ang mga korales at iba pang likas na yaman kung ikukumpara sa mga barkong pumapatay na pag-aari ng kanilang utak-pulburang bansa. Hindi talaga nakakabili ng puso at sentido komun o common sense sa kahit anong tindahan.
34
ROCKET (ENERO 30) Hindi man utak-pulbura, tila naghahanda na rin sa gera ang Timog Korea (South Korea). Matagumpay ang kauna-unahan nitong rocket launch ngayong araw. Ilang bahagi ng materyales na ginamit sa launch ang bumagsak sa teritoryo ng Pilipinas pero wala namang napinsala.
35
KALAYAAN (ENERO 31) Sa halip na gera, kalayaan naman ang hangad ni Ericson Acosta. Sa araw na ito ay lalong napalapit ang araw ng kanyang paglaya dahil sa desisyon ng Department of Justice (DOJ) na ibasura ang kasong illegal possession of explosives laban sa kanya. Halos dalawang taon na ang nakararaan nang arestuhin siya sa bintang na siya’y miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) dahil lamang sa siya ay may dalang laptop na bihira sa probinsya. Sinasabing ang mga NPA ay gumagamit ng laptop para sa pakikipagkomunikasyon sa kanilang mga kasama sa ibang lugar at para na rin sa pagpapadala ng mensahe sa media sa pamamagitan ng email. Ayon naman kay Acosta na isang dating editor ng Philippine Collegian (opisyal na pahayagang pangestudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman), ang laptop niya ay ginagamit niya sa kanyang pananaliksik. Isang tagumpay para sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao ang kalayaan ni Acosta na nagtulung-tulong upang patunayan na hindi totoo ang bintang sa kanya, at upang ipahayag sa buong mundo na walang masamang magdala ng laptop sa mga lugar na malayo sa kabihasnan.