Maria Josefa Gabriela Silang MARIA Josefa Gabriela Cari-o Silang ang buong pangalan ng ating bayani na mas kilala bilang Gabriela Silang. Marso 19, 1731 noong siya'y isinilang sa kapatagan ng Sta Caniogan, Ilocos Sur. Nakilala siya sa kasaysayan bilang ang matapang na si Gabriela. Inampon siya sa murang edad ng mayaman at kilalang negosyanteng si Don Tomas Millan. Sa edad na 20, nakipag-isang dibdib siya sa isang matanda ngunit mayamang kilala sa kanilang bayan. Sa tatlong taong pagsasama ay hindi pinalad na magkaroon sila ng anak at hindi nagtagal ay pumanaw ang asawa ni Gabriela. Taong 1757, nakapag-asawa siyang muli at sa pagkakataong ito, sa isang binatilyong lider ng rebeldeng grupo naman na may edad na 27. Diego Silang ang tunay niyang pangalan at tubong Caba, La Union siya. Kusang-loob na sumapi si Gabriela sa kilusan ng kanyang asawa. Masidhing layunin nila ang palayain ang buong bayan ng Ilokos mula sa kamay ng mga mapagsamantalang Kastila. Madalas na kasama si Gabriela sa mga labanan upang sumuporta at ipaglaban ang sariling bayan. Sa kasamaang palad, ang kaibigan na tinuring ni Diego na isang mestizo na Kastila na nagngangalang Miguel Vicos ang siya ring nagtraydor at pumatay sa kanya. Labis na dinamdam ni Gabriela ang masalimuot na pagkamatay ng kanyang kabiyak. Dahil dito, lalo niyang pinag-alab ang pakikipaglaban sa mga kastila. Pinangunahan niya ang grupong iniwan ng kanyang asawa. Ang pagmamahal sa tinubuan at hapdi ng karanasan ang nagbunsod sa kanya upang lupigin ang lahat ng mga Kastilang nais sumakop sa Ilocos. Siya ang kauna-unahang babaing namuno ng rebolusyon sa Pilipinas. Kasama ng mga tauhan ng kanyang asawa, hinikayat nila ang ibang mga gerilya upang magkaisa at palawigin pa ang pakikipaglaban. Sa pangunguna niya'y buong tapang nilang sinalakay ang mga mapagsamantalang mga dayuhan sa Ilocos. At dahil dito'y lalong tumindi ang pagnanais ng mga Kastila na patayin na siya. Nabalitaan naman ito kaagad ni Gabriela kaya't pansamantala siyang nagtungo sampu ng kanyang mga tauhan sa Piddig, Abra, kung saan nagtago at nagtayo sila ng mga "headquarter." Ika-10 ng Setyembre 1763, muli silang nagbalik sa Vigan upang muling makipaglaban, ngunit sa pagkakataong ito'y, naging handa, mas lakas at higit na marami ang mga sundalong Kastila na sinalakay nila. Nalupig ang marami niyang kasamahan. Ang balong si Gabriela'y naiwanan lamang ng walong tauhan. Ilang araw matapos ang engkuwentro, noong ika-29 ng Setyembre 1763 isang karimarimarim na pangyayari ang naganap. Nadakip ang ating bayani kasama ng walong tapat niyang tauhan na agad din namang pinugutan sa mismong Plaza ng Vigan, Ilokos Sur. Namatay si Gabriela Silang, subalit naipaglaban niya hanggang sa huli ang ninanasang kalayaan sa kamay ng mga mananakop.
Marcelo H. Del Pilar Isinilang si del Pilar sa isang nayon sa Cupang, San Nicolas, Bulacan noong Agosto 30, 1850. Siya ang bunso sa sampung magkakapatid ng mayamang pamilya nina Don Julian del Pilar, isang gobernadorcillo at Doña Blasa Gatmaitan. Hilario ang dating apelyido ng pamilya niya. Ang apelyido ng pamilya nila'y isina-Kastila bilang pagsunod sa kautusan ng Gobernador-heneral Narciso Claveria noong 1849. Ang kanyang kapatid na si Padre Toribio H. del Pilar ay isang pari na ipinatapon ng mga Kastila sa Guam noong 1872. Si del Pilar ay nagsimulang mag-aral sa kolehiyong paaralan ni Ginoong Jose A. Flores at lumipat sa Colegio de San Juan de Letran at muling lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan huminto siya ng walong taon sa pag-aaral pero natapos din sa kursong abogasya noong 1880. Noong Hulyo 1, 1882, itinatag n iya ang Diariong Tagalog (ayon kay Wenceslao Retana, isang Kastilang m anunulat, ang unang labas ay inilathala noong Hunyo 1, 1882) kung saan binatikos niya ang pang-aabuso ng mga prayle at kalupitan ng pamahalaan. Humingi siya ng mga kaukulang pagbabago. Ilan pa sa kanyang mga isinulat ay ang mga sumusunod: Dudas, Caiingat Cayo, Kadakilaan ng Diyos,Dasalan at Tuksuhan, Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas, Pasyong Dapat Ipag-alab nang Puso ng Taong
Babasa,
La Soberania Monacal en Filipinas, at La Frailocracia Filipina. Nakipag tulungan si Marcelo sa kaniyang mga
kakampi upang mapatalsik nila ang mga kalaban. Noong 1888, sumulat siya ng manipesto na naglalayong patalsikin ang mga prayle sa Pilipinas, na nilagdaan ng 810 katao sa isang pambayang demonstrasyon at iniharap sa Gob ernador ng Maynila. Ipinagtanggol din niya ang mga sinulat ni José Rizal kagaya ng Noli Me Tangere laban sa mga prayleng sumasalakay rito. Nang pinag-uusig siya ng mga Kastila at noong 1888, tumakas siya patungo ng Espanyasanhi ng kanyang panawagang pagpapatapon sa Dominikanong Arsobispo Pedro P. Payo. Pagdating sa Espanya, pinanguluhan niya ang pangkat pampulitika ng La Asociacion Hispano-Filipino (Ang Samahang Kastila-Pilipino) noong Enero 12, 1889, isang samahang pambayan na binubuo ng mga Pilipinong propagandista at mga kaibigang Kastila sa Madrid upang manawagan sa pagkakaroon ng pagbabago sa Pilipinas. Pagkatapos, pinalitan niya siGraciano Lopez Jaena bilang editor ng La Solidaridad noong Disyembre 15, 1889, isang pahayagang pampulitika na inilathala minsan tuwing ikalawang linggo na siyang nagsilbi bilang tinig ng Kilusang Propaganda. Naglathala din siya ng mga liberal at progresibong artikulo at sanaysay na nagbunyag sa kalagayan ng Pilipinas. Labis na naghirap si del Pilar sa pagpapalimbag ng La Solidaridad. May panahong hindi kumakain at may panahong hindi natutulog ang manunulat. Upang makalimutan ang gutom, may panahong namumulot siya ng mga nahithit na sigarilyo sa mga daan. Ang pondo para sa pag-papalimbag ng pahayagan ay paubos na. Malaking suliranin sa kanya ang walang tulong pinansyal na dumarating mula sa Pilipinas dahilan kung bakit huminto ang paglalathala ng pahayagan noong Nobyembre 15, 1895 sanhi ng kakulangan sa pondo. Kahit gaano ang hirap na dinadanas niya, nagpatuloy pa rin siya sa pagsusulat para sa ikalalaya ng Pilipinas. Katulad ni Andres Bonifacio, naniwala siya sa paghihimagsik. Dahil dito, nagpasya siyang umuwi ng Pilipinas upang tumulong kay Bonifacio. Sa Barcelona ay nagkasakit siya ngtuberkulosis. Malubha man ang kalagayan ay tinangka pa ring magtungo sa Hong Kong upang doon man lang ay mapakilos niya ang kanyang mga kababayan. Ito'y di na niya naisagawa sapagkat namatay siya sa isang maliit na ospital sa Barcelona, Espanya noong Hulyo 4, 1896 sa gulang na 45.
Dr. Jose Protacio Rizal Si Dr. Jose Protacio Rizal ay ang Pambansang Bayani ng Pilipinas. Siya ay isinilang sa Calamba, Laguna noong Hunyo 19, 1861. Ang kanyang mga magulang ay sina G. Francisco Mercado at Gng. Teodora Alonzo. Ang kanyang ina ang naging unang guro niya, maaga siyang nagsimula ng pag-aaral sa bahay at ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Biñan, Laguna. Nakapag tapos siya ng Batsilyer sa Agham sa Ateneo de Manila noong Marso 23, 1876 na may mataas na karangalan. Noong 1877 ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Unibersidad ng Santos Tomas at Unibersidad Central de Madrid hanggang sa matapos niya ng sabay ang medisina at pilosopia noong 1885. Natuto rin siyang bumasa at sumulat ng ibat ibang wika kabilang na ang Latin at Greko. At nakapagtapos siya ng kanyang masteral sa Paris at Heidelberg. Ang kanyang dalawang nobela Noli Me Tangere at El Filibusterismo. naglalahad ng mga pang-aabuso ng mga prayle sa mga Pilipino at mga katiwalian sa pamahalaan ng Kastila. Noong Hunyo 18, 1892 ay umuwi ng Pilipinas si Dr. Jose P. Rizal. Nagtatag siya ng samahan tinawag ito na La Liga Filipina. Ang layunin ng samahan ay ang pagkakaisa ng mga Pilipino at maitaguyod ang pag-unlad ng komersiyo, industriya at agricultura.
Noong Hulyo 6, 1892 siya ay nakulong siya sa Fort Bonifacio at ipinatapon sa Dapitan noong Hulyo 14, 18 92. Apat na taon siya namalagi sa Dapitan kung saan nanggamot siya sa mga maysakit at hinikayat niya ang mamamayan na magbukas ng paaralan, hinikayat din niya ang ito sa pagpapaunlad ng kanilang kapaligaran. Noong Setyem bre 3, 1896 habang papunta siya sa Cuba upang magsilbi bilang siruhano at inaresto siya. Noong Nobyembre 3, 1896 ibinalik sa Pilipinas at sa pangalawang pagkakataon nakulong siya sa Fort Bonifacio. Noong Disyembre 26, 1896 si Dr. Jose Rizal ay nahatulan ng kamatayan sa dahilang nagpagbintangan siya na nagpasimula ng rebelyon laban sa mga Kastila. Bago dumating ang kanyang katapusan naisulat niya ang Mi Ultimo Adios (Ang Huling Paalam) upang magmulat sa mga susunod pang henerasyon na mag ing makabayan. Noong Disyembre 30, 1896, binaril si Dr. Jose P. Rizal sa Bagumbayan (na ngayon ay Luneta).
Juan Luna y Novicio Si Juan Luna y Novicio (23 Oktubre 1857-7 Disyembre 1899) ay isang Pilipinong pintor at bayani. Kilala siya para sa kanyang larawang Spoliarium, isang dibuho ng pagkaladkad ng mga bangkay ng mga natalong gladyator sa Colosseum sa Roma. A ng nakakabagbag-damdaming eksenang ito ay maaring itulad sa mga kasawian ng mga Pilipino sa ilalim ng Espanya. Ipinanganak siya sa Badoc, Ilocos Norte, ikatlo sa pitong anak nina Joaquin Luna at Laurena Novicio. Lumipat ang pamilya sa Maynila noong 1861 upang makakuha ng mabuting edukasyong ang mga anak. Nagkainteres si Luna sa pagpipinta dahil sa impluwensya ng kanyang kuya Manuel, na magaling na pintor. Edukasyon Nag-aral si Luna sa Ateneo de Manila, at pagkatapos sa Escuela Nautica. Naging manlalakbay-dagat siya. Sa pamamgitan nito, nakita niya ang magagandang tanawin sa Hongkong, Amoy, Singapore, Batavia, at Colombo. Kapag nasa Maynila siya nagpapaturo pa rin siya kay Lorenzo Guerrero ng pagpipinta. Pumasok siya sa Academia de Dibujo Y Pintura sa Maynila ngunit ipinaalis, marahil dahil ang kanyang estilo ay hindi umaayon sa kagustuhan ng kanyang maestro. Noong 1877, sa rekomendasyon ni Guerrero, pinaaral siya ng kanyang magulang sa Escuela de Bella Artes sa Madrid. Subalit, hindi niya nagustuhan ang paraan ng pagturo rito. Noong nakilala niya ang pintor na si Don Alejo Vera, umalis siya sa eskwela upang maging aprentis niya. Noong 1881 nanalo siya ng gintong pilak para sa kanyang dibuhong La Muerta de Cleopatra sa pandaigdig na kumpetisyon na ang Exposición Nacional de Bellas A rtes sa Madrid. Dahil dito naging pensionado siya ng Ayuntamiento ng Maynila sa kondisyon na gumawa siya ng larawan para sa kanila. Ilang taong lumipas bago natapos niya itoang El Pacto de Sangre. Noong 1884, ang kanyang Spoliarium ay nagwagi ng isa sa tatlong gintong medalya sa Exposición Nacional de Bellas Artes para sa taong iyon. Ang kanyang dalawang lahok sa Exposicion ng 1887, La Batalla de Lepanto at Rendicion de Granada at nagwagi rin. Pamilya Noong 1885, lumipat siya sa Paris at nagbukas ng studio roon. Noong 1886, pinakasalan niya si Maria Paz Pardo de Tavera, ang kapatid ng kanyang mga kaibigang sina Felix at Trinidad Pardo de Tavera. Nagkaroon sila ng dalawang anak nila subalit isa ay namatay habang sanggol pa. Pagkalipas ni ilang taon, sinuspetiya ni Luna na may kalaguyo ang asawa niya, kaya noong 1892, pinatay niya ang kanyang asawa, kasama ng kanyang ina, dahil sa kanyang pagselos. Idinetermina ng korte na ito ay ginawa niya habang samantalang baliw at sa gayon walang sala siya. Bumalik si Luna sa Madrid kasama ng iisa niyang buhay na anak, si Andres. Pagkabayani Bumalik siya sa Pilipinas noong 1891 at idinakip siya kasama ng kanyang kapatid na si Antonio Luna noong 1896 at ikinulong sa Fort Santiago dahil sila ay sinususpetiyang taga-oraganisa ng rebolusyon ng mga Katipunero. Noong pinalaya siya noong 27 Mayo 1897, bumalik siya sa Europa. Sa pamahalaang rebolusyunaryo ni Emilio Aguinaldo, isa siya sa piniling maging bahagi ng delegasyon para sa negosasyon sa pagkilala ng Paris at Amerika sa bagong republika. Nang pauwi na siya sa Pilipinas, tumigil siya sa Hong Kong, kung saan inatake siya sa puso at namatay. Pagkalipas ng ilang taon, ang kanyang huling obrang Peuple et Rois na nakumpleto niya noong 1889 ay ikinunsiderang pinakamahusay na lahok sa Universal Exposition sa Saint Louis sa Amerika.
GRACIANO LOPEZ JAENA DUKHA ang mga magulang nang isilang si Graciano Lopez-Jaena sa Jaro, Iloilo, nuong Deciembre 18, 1856. Ang ina niya, si Maria Jacoba Jaena, ay isang mananahi lamang habang ang ama, si Placido López, ay hamak na taga-kumpuni ng kahit ano na lamang. Subalit nagkapag-aral nang kaunti si Placido samantalang lubhang matimtiman si Jacoba kaya tatag sa pag-aaral at sa pagsamba ang tinubuan ni Graciano. Anim na taon si Graciano nang ipadala ng mga magulang kay Fray Francisco Jayme upang maturuan. Agad napansin ng frayle ang dunong ni Graciano at ang galing niyang magsalita. Seminarista. Kasalukuyang naglalabanan nuon sa España ang mga mapagpalaya (liberals) at mga makaluma (conservatives). Nagkataong nanaig nang ilang taon ang mga mapagpalaya, umabot sa Pilipinas nang dumating si Carlos de la Torre bilang governador general (1869-1871) ng makalumang pamahalaan sa Manila. Isa sa mga makabagong palakad niya ay ang padamihin ang mga pari na katutubo (indios, natives). Isa sa mga nabuksan ay ang Seminario de San Vicente Ferrer sa Jaro. Pangarap ng ina na maging pari si Graciano kaya sinamantala ang pagbukas ng seminario at duon ipinadala ang binatilyo. Uli, natanyag siya duon sa dunong at husay magsalita. Habang nag-aaral, nagsilbi si Graciano bilang kalihim ng kanyang tio, si Claudio Lopez, na pang-2 sugo (vice consul) ng Portugal sa Iloilo. Manggagamot. Labag sa nais ng ina, hangad ni Graciano na maging manggagamot (medico, physician). Nang sa wakas ay pumayag ang mga magulang, tinangka niyang pumasok sa Universidad de Santo Tomas sa Manila subalit tinanggihan siya. Hindi kasi siya nakatapos ng bachelor of arts na hindi itinuro sa seminario sa Jaro. Sa halip, ayon sa payo sa kanya, sa ospital ng San Juan de Dios siya nagsilbi bilang turuan (apprentice) ng mga manggagamot duon. Hindi pa tapos ang pag-aaral ni Graciano nang naubos ang tustos ng dukhang mga magulang, at napilitan siyang bumalik sa Iloilo. Ginamit niya kung ano na lamang ang natutunan, nanggamot sa mga barrio at baranggay sa pali-paligid. Manunulat. Sa kanyang mga namasdan, lalong sumidhi ang puot niya sa lupit ng pag-api ng mga frayle sa mga tao. Nuong 1874, nang 18 taon gulang lamang, nakainitan na siya ng mga frayle dahil sa sinulat niyang Fray Botod, frayleng bundat na matakaw at mahilig sa babae Hindi ito nalathala kailanman subalit maraming sipi (copias, copies) ang umi kot-ikot sa Visayas. Lalong napuot ang mga frayle kay Graciano nang patuloy siyang kumalampag (campaña, campaign) ng katarungan para sa mga tao. Talagang nagpahamak siya nang patayin ng Español na alcalde ng Pototan ang ilang bilanggong katutubo. Pinilit, tumanggi si Graciano na ipahayag na natural ang pagkamatay ng mga bilanggo. Nagsimula siyang tumanggap ng babala na papatayin siya ng mga frayle. Nuon siya tumakas sa España. La Solidaridad Ang Kilusang Ilustrado ANG mga naliwanagan (ilustrados, the enlightened), mga anak-mayaman na nag-aaral sa España o tumakas mula sa pag-usig ng mga frayle sa Manila, ang nagtatag ng La Solidaridad (Solidarity, Ang Pagkakaisa), sa pasimula nina Mariano Ponce at Pablo Rianzares. Ang unang patnugot (editor) ay si Graciano Lopez Jaena. Mula sa padalang salapi ng Junta de la Propaganda ng mga ilustrados sa Manila, pinamunuan ni Deodato Arellano, nilimbag tuwing ika-2 linggo ang La Solidaridad sa Barcelona nuong una, tapos sa Madrid, mula nuong Febrero 15, 1889. May iba pang pahayagang maka-Pilipino na ipinuslit patago sa mga frayle, gaya ng El Renacimiento, La Independenda at La Vanguardia, subalit ang La Solidaridad ang naging pinaka-tanyag dahil kay Lopez Jaena, ang pinaka-bantog na ilustrado nuon. Silang tatlo nina Marcelo del Pilar at Jose Rizal ang naging sagisag ng kilusang ilustrado (propaganda movement). Ang kanilang mga panulat, sa lagdang Plaridel ni Del Pilar at Laon Laan ni Rizal, ang nagtanghal sa Solidaridad. Nagpatanyag din ang mga sulat ni Antonio Luna sa ngalang Taga Ilog, ni Mariano Ponce bilang Tigbalang, ni Jose Maria Panganiban bilang JoMaPa, pati nina Eduardo de Lete, Isabelo de los Reyes, Jose Alejandrino at Pedro Paterno. Bantog na si Lopez Jaena, unang dumating kina Del Pilar at Rizal sa España, dahil sa sinulat niyang Fray Botod. Halos bayani na rin ang turing kay Del Pilar nang dumating nuong Enero 1889 dahil sa pagharap niya kay governador general Federico Lobation sa Malacañang nuong Marso 1, 1888 upang hilingin na palayasin lahat ng frayle mula sa Pilipinas.
Biglang sikat si Del Pilar pagdating sa Barcelona dahil siya ang sugo ng Junta de la Propaganda (propaganda committee) ni Deodato Arellano, at dala niya ang salapi na tustos ng Junta sa paglimbag ng Solidaridad. Inggitan sa pagka-sikat, at pagkakaiba ng layunin ang nagwatak sa kilusang ilustrado. Hangad nilang lahat na mabuklod ang mga Pilipino bilang mamamayan (citizen) ng España, nang magkaruon ng mga karapatang kapantay ng mga Español. Subalit nais ng maraming ilustrado na banayad at unti-unti ang gawing pagbuti sa mga tao, samantalang layunin ng iba, tulad ni Del Pilar, na agad at biglang baguhin ang patakbo sa Manila. Kaisa-isa, pinasiya ni Rizal na walang bisa ang mga panawagan nila sa España, at dapat sa Pilipinas itaguyod ang kilusang ilustrado na tatawagin niyang La Liga Filipina. Sa pagwawalay ng mga ilustrado, at paglaho ng tustos mula Manila, nagsara ang La Solidaridad, huling nilimbag nuong Noviembre 15, 1895 sa Madrid, nang si Del Pilar na ang patnugot. Takas. Nuong 1880 dumating sa España si Graciano at nakahabilo sa iba pang mga ilustrado sa Madrid at sa mas maluwag na Barcelona. Pumasok siya sa Universidad de Valencia subalit hindi niya tinapos ang pag-aaral ng medicina sapagkat, sabi niya kay Jose Rizal, Hindi angkop sa alipin ang balabal ng isang manggagamot. Sunod sa kalampag ni Gregorio Sancianco, ang unang propagandist nuong 1891, sumulat na lamang siya sa mga pahayagan upang mabigyan ng mga karapatan ang mga katutubo sa Pilipinas. Nabantog siya sa galing ng kanyang mga talumpati, mahigit 1,000 sa ibat ibang bahagi ng España bagaman at 9 lamang ang nailathala at buo pa hanggang ngay on. Ayon kay Mariano Ponce, palakpakan, hiyawan at daupang-palad (apretones, handshakes) lahat ng nakarinig kay G raciano at binansagan siyang Principe de Oradores Filipinos (Prince of Filipino Orators, principe ng mga manulumpating Pilipino). Dapat asahan lamang na siya ang tinanghal na patnugot (editor) nang simulan ang pahayagang La Solidaridad sa Barcelona nuong 1889 upang bigyan tinig ang panawagan ng mga ilustrado. Katulong niyang sumulat si Marcelo del Pilar, dumating nuong Enero 1889 patakas mula sa higanti ng mga frayle sa Manila matapos niyang hilingin (petition) sa Malacañang na palayasin lahat ng frayle sa Pilipinas. Nagpadala rin ng mga ulat si Rizal mula sa London, England, kung saan niya tinatapos ang kanyang mga kuro sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Antonio de Morga, at ang kanyang pang-2 novela, El Filibusterismo. Manulumpati. Pagbalik ni Rizal sa Barcelona nagsimula ang hinanakitan nila ni Graciano at Marcelo del Pilar. Ibinuhos ni Graciano lahat ng kanyang panahon sa talumpati at politica, ang dalawa niyang pag-ibig, ayon kay Rizal, at nang ilipat ang La Solidaridad sa Madrid, si Del Pilar ang pumalit na patnugot. Inalok ito ni Del Pilar kay Rizal upang hindi malansag ang kilusang ilustrado (propaganda movement) subalit buo na ang pasiya ni Rizal na bumalik sa Pilipinas upang tulungan ang mga magulang na kasalukuyang inaapi ng mga frayleng Dominicano nuon, at upang duon, hindi sa España, isugid ang pagbuti sa mga Pilipino. Napilitan ding bumalik sa Manila si Graciano, nagpanggap sa pangalang Diego Laura, upang himukin ang mga makabayan (patriots) duon na ipagpatuloy at dagdagan ang tustos sa kilusan sa España, nabawasan tapos l ubusang natigil dahil sa pag-usig ng mga frayle sa Pilipinas. Natuklasan ang balatkayo ni Graciano at napilitan si yang tumakas sa Hongkong, bago tumuloy uli sa España. Ipinagpatuloy niya ang politica at talumpati subalit, salat sa tustos mula Manila, naghirap siya at nagkasakit ng tuberculosis dahil sa gutom at ginaw. Namatay siya nuong Enero 20, 1896, mahigit 7 buwan lamang bago sumabog ang himagsikan ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Ang kanyang pagyao, sinundan ng pagkamatay ng naghirap ding Del Pilar nuong sumunod na Julio 4, ang naging katapusan ng kilusang ilustrado.