Sa Dilim Ng Gabi Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Naglalahad)
Lumatag na ang kadiliman, simula na naman ng gabi para sa akin, ngunit para sa mga kabataang nagtitipun-tipon sa may bilyarang ilang metro lamang ang layo mula sa aming munting tindahan ito’y hudyat ng simula ng araw sa kanila, tila ba ang paglabas ng buwan ay ang pagsikat ng araw, tila ang malamlam na liwanag ang itinuturing nilang ilaw. Umihip ang hangin, napayakap ako sa aking sarili, nakapangingilabot ang pakiramdam ngunit alam kong hindi ang lamig ng hangin ang dahilan. Matagal-tagal na rin ako sa lugar na ito, dito ako nagkaisip, natutong mangarap at higit sa lath dito ko natutuhang magpahalaga, batid mo bang ako’y mabuting tao? Sana naman oo, kasi iyon ang tingin ko sa aking sarili. Tinitingnan ko ang mga bituin sa madilim na langit nang maagaw ang pansin ko ng mga taong nagtitipun-tipon sa ilalim ng puno ng manga, mga kalalakihang nagsisitangkaran ngunit patpatin ang nakita ko, nag-uusap, nagbubulungan, tila ba wala ng bukas kung magtalastasan ang mga ito, ilang sandali pa’y napagtanto kong lumipat sila ng pwesto, doon sa may bilyaran, dagli kong inalis ang tingin ko sa kanila sapagkat nahinuha kong umiiral ang pagiging ususera ko. Minuto lamang ang lumipas at napagtanto kong tila may kandilang nakasindi sa kadiliman ng bilyaran at sa tanglaw ng munting ilaw ay naaninag ko ang hawak ng mga kalalakihang umagaw sa aking pansin, ano ang mga iyon? Sige na, sige na, sasabihin ko na. Droga! Iyon at sumaksak sa aking isipan ang naghuhumiyaw na katotohanang sa kabila ng kagandahan ng lugar na ito sa umaga ay ang kapangitang lihim nito sa dilim ng gabi. Ayokong isipin ng hindi totoo pero imposibleng hindi ko paniwalaan dahil naamoy ko ang nakakasukang baho ng isa sa mga sakit ng lipunan, isang sakit na hindi malunasan, hindi masugpo-sugpo. Hindi masugpo-sugpo? Mga kaibigan iyon ba talaga ang kasagutan sa tanong ng “Ano na nga ba ang kalagayan ng bawal na gamot sa ating bansa?” Nakakalungkot mang isipin ngunit parang ganoon na nga. Pagsapit ng umaga, tila ba simbolo ng kalinisan ang lugar na ito. Normal ang takbo ng buhay, napapatanong tuloy ako. Ako lang ba ang nakakaalam ng mga kaganapan sa dilim ng gabi? Hiling ko sa mga may kapangyarihan, sana’y tuklasin ninyo ang mga lihim ng gabi at marapat lamang na bigyan ng solusyon dahil hindi lang dapat ang umagang kay ganda ang dapat nating pahalagahan ngunit pati na rin ang gabing kay payapa.
Makiisa, Makipagtulungan Kalikasan ating Alagaan Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Naghihikayat)
Bakit ang bundok hindi na luntian? Bakit ang tubig hindi na dalisay? Bakit may mga bulaklak na nakakalat sa daan? Hay, kalikasan, kalikasan ika’y tinatapaktapakan na lang. Mga kababayan ko, wala ba kayong gagawing hakbang para iligtas an gating kalikasan? Mananatili na lang ba kayong nakatunghay? Ako’y narito sa inyong harapan upang kayo’y hatakin tungo sa isang makabuluhan at produktibong gawain. Alam niyo bang posibleng iligtas natin ang kalikasan, ito’y makamit sa samasamang pagkilos, ang mga bundok ay muling magiging luntian, uusbong ang panibagong buhay ng mga puno naliligtas sa atin sa mga landslide at soil erosion. Malilinis ang hangin na ating hinihinga dahil sa mga punong nagbibigay ng oxygen. Marami ang magkakroon ng hanapbuhay pagka’t sa pagtatanim ng puno maraming mga kapaki-pakinabang na bagay ang pwedeng gawin. Sa katubigan iwasan natin ang pagtatapon ng basura, sapagkat sa lugar na iyon ay may buhay rin nananahan, iyon ay ang mga isdang sa katunayan ay kinakain natin para tayo’y patuloy na mabuhay. Ang simpleng pagdidisiplina sa sarili na itapon sa tamang lugar ang kalat ay malaking tulong na upang maibsan ang hindi magandang gawi ng pagkakalat kung saan-saan, bukod doon magsisilbi ka ring modelo para sa ibang tao sa paggawa ng tama. Kakaunti na lang ang mga bulaklak, hindi na humahalimuyak sa bango ang simoy ng hangin tulad ng dati, ibalik natin iyon. Magtanim tayo ng mga bulaklak kahit man lang sa ating mga bakuran, hindi ba’t isa lamang iyong madaling gawain, kahit kayong mga paslit at mga estudyanteng kaharap ko’y magagawa iyon. Alagaan natin at pagyamanin ang mga iyon nang sa ganoon ay manumbalik ang bango na ating naaamoy sa tuwing umiihip ang hangin. Batid kong may mga bagay na para sa inyo’y higit na mahalaga, ngunit huwag nating kalilimutang ang kalikasan ang kumakalinga sa ating mga hamak na nilalang na isinilang na walang kamuwang-muwang sa mundo! Ibalik natin ang kagandahang sinira nating mga tao, huwag tayong magturuan kung sino and dapat maunang kumilos, sabay-sabay tayong gumawa ng sa gayun ay hindi na umiyak ang inang kalikasan at maiwasan ang trahedya. Ano pa’ng hinihintay mo? Humayo ka at ipamahagi sa iba ang iyong napakinggan, kunin ang mga kagamitan, anayayahan ang mga kakilala at kalingain ang ating kalikasan.
Alalahanin at Ipagmalaki Ating mga limot Na Bayani Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Nagpapahayag)
Limot na bayani! Hindi ko nasiguro kailangan pang sabihin kung sino ang tinutukoy ko, pero para sa kapakanan mo, oo ikaw, na nakalimot na rin aking malugod na ipapaalala ang nakalimutan mong bayani, ang mga manggagawa. Mga kapatid, hindi ko Talaga maintindihan at matanggap kung bakit sa dinami-rami ng mga kontribusyon ng mga manggagawa sa ating lipunan ay tila nananatili lamang silang mga ordinaryong buhay na nananahan sa mundong ito. Sila ang mga taong gagawing araw ang gabi at nagsisikap sa paggawa ngunit hindi naman nabibigyan ng pagpapahalaga. Marami sa kanila ang isang kahig, isang tuka, mga taong puspos ng pagbabanat ng buto upang magampanan ang tungkuling sa kanila’y iniatang at ang kaunting kikitain nila’y sapat na upang mabuhay ang kanilang pamilya sa marangal na paraan. Masdan mo ang mga nagtataasang mga gusali na ating bansa, isipin mo ang bigas na kinakain mo sa araw-araw, lumabas ka at tingnan mo ang iyong bahay, ilibot mo ang paningin mo sa iyong paaralan. Nakita mo? Iyan ang produkto ng mga manggagawa anupa’t nararapat lamang silang tawagin na bayani, hindi ba? Ano? Di pa rin ba kayo kumbinsido? Iyan ba ang dahilan kung bakit kayo natatawa? Naranasan mo na bang mawalay sa iyong pamilya at tumira sa isang banyagang lugar? Walang kakilala, nag-iisa at tila ba napakatagal ng oras dahil sa pangungulila. Maraming mga manggagawa ang nagtutungo sa ibang lupain, iyong mga tinatawag nating mga OFW’s o Overseas Filipino Workers, upang maghanapbuhay. Nagpapakahirap at nagsisikap ng sa gayon kahit sa maliit na paraan ay makapaghanapbuhay at makatulong sa bansa. Ngunit kahit pa sa dakilang layuning iyon ay di sila maiwasang mapahamak at iyon ang malungkot na bahagi ng isang manggagawa. Mga limot silang bayani, hindi man lang nasisiwalat ang kanilang kontribusyon sa lipunan. Silay’ ordinaryong mamamayan para sa atin, hindi pinapansin at minsan pa’y tinatapaktapakan. O, ano’t bigla kayong nagsitahimik? Bakit nagiging mailap ang inyong mga mata? Tanda ba iyan na kayo’y sang-ayon na? Sana naman oo, pagka’t nararapat lamang na sila’y ating ipagmalaki, baguhin natin ang gawi na pagmamaliit sa mga manggagawa bagkus ay tingnan sila ng may ngiti sa ating mga labi at sabihing “Ipinagmamalaki kita pagka’t isa kang bayani ng ating bayan.
Makasaysayang Lansangan Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Nagbibigay-aliw)
Naranasan mo na bang mayakap ng isang batang gusgusin at palaboy sa lansangan? Naransan mo na bang makipaghabulan sa isang matandang may hawak ng malaking sako at gula-gulanit ang damit? E, ang tumakbo sa kalsada dahil tila ba hinahabol ka ni kamatayan? Hindi pa? Kung hindi mo pa narararnasan ang mga iyon aba marami ka pa palang napapalampas sa mundong ito. Ordinaryong araw lamang iyon para sa amin ng kaklase kong si Jonalyn. Singbagal ng pagong kung kami’y maglakad sa kahabaan ng kalsada sa palengke bakit? Gandang-ganda kasi kami sa pagmamasid sa mga basurang nakakalat sa daan at sa pagsinghot sa maruming hanging dulot ng mga sasakyan ngunit nahinto ang walang tigil naming pagbatikos kuno sa paligid ng maramdaman kong may mga bisig na pumalibot sa katabi kong si Jonalyn. Sa pagpihit ko ng ulo para tingnan kung sino iyon ay nanlalaki ang mata ko sapagkat nakita kong may batang palaboy na nakayakap kay Jonalyn. Sa higpit ng yakap ng bata sa kasama ko, palaisipan para sa akin kung bakit ni hindi man lang nito pinapansin ang bata. Nagsisimula na akong magduda kung namamalikmata lamang ako ng sa wakas ay tiningnan rin ni Jonalyn ang bata, pigil ang hiningang hinintay ko ang reaksyon ng “malas” kong kasama at iyon na nga, sa gitna ng maraming tao na tahimik na nagdaraan at sa tahimik na hapong iyon umalingawngaw ang matinis na tili ni Jonalyn. Nasindak ako ng binalak ni Jonalyn na ilipat sa aking ang bata, at ang sumunod na eksena at tila pampelikula. Nakita ko na lamang ang sarili ko na tumatakbo na tila hinahabol ng sangkatutak na mga aso, palingon-lingon tila eksena sa pelikula kung saan hinahabol ang bida ng aswang. Sa isang paglingon ko ay nahagip ng paningin ko ang tumatakbo ring si Jonalyn na nakukupuan pa rin ng batang yagit, tila nakadikit na ito sa baywang niya at hindi maalis-alis. Ako naming si Aning, takbo lang ng takbo walang pakialam kahit pinagtitinginan na ng mga tao. Nang mapagtanto kong OA na ang reaksyon ko ay bumagal ang takbo ko at bumato sa isip ko “teka, di ba dapat tulungan ko ang kasama ko?” sa naisip ay napahinto ako at pumasok sa tindahang nakita ko malapit sa Alfonso’s Restaurant, oo nakarating ako doon, hinintay kong dumaan ang dalawa pero kaytagal ko ng nakatanga ay di pa rin lumilitaw ang hinihintay ko. Nagpasya akong lumabas, muntik na akong sumigaw ng mabangga ko si Jonalyn, pero kumalma ako ng nakita kong wala na siyang tukong kasama. Tinanong ko siya kung paano niya napaalis iyon at gusto kong iuntog ang ulo ko sa pader na nakita ko nang sabihin niyang piso lang pala ang katapat niyon. Walanghiya! Tinakot pa ako para sa piso. Gabing madilim, gabing malamig tamang tama ang burger para ditto, tuwang tuwa ako ng gabing iyon dahil nilibre na naman ako ni mama ng burger, okay na sana ang lahat, masayang masaya akong naglalakad sa kahabaan ng kalsada, patalon-talon pa ako na parang si Little Red Riding Hood, pakumpas-kumpas pa ang kamay ko ng mula sa kung saan ay biglang sumulpot ang isang matandang lalaking may hawak ng malaking sako, tuloy sana ang kaligayahan ko kung hindi niya lang ako hinabol. Hindi ako nagbibiro! Talagang hinabol niya ako, tandang-tanda ko pa na ayaw na ayaw ko na sanang lumabas ng Prime Supermart dahil baka bigla na lang niya akong dakmain sa labas, buti na lang nakita ko ang kapatid ko kaya nakalabas ako, sa isip ko kung Makita ko ulit iyon ipapain ko kapatid ko. Ops, biro lang, ewan ko ba kung bakit palagi na lang akong target ng mga kakaibang nilalang.
Pinoy, Gising ka ba? Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Nagbibigay- impormasyon)
Gaano mo ba kaalam ang mga kaganapan sa ating bansa? Ikaw ba’y una sa balita? O katulad ka rin ng mga mangmang sa tabi ng makipot na daanan ng eskinita na walang alam kundi ang maglaro ng tong-its at lucky nine. Alam mo bang may kanuna-unahan ng pinoy ang naparangalan sa CNN Hero of the year? Meron na, siya si Efren Peñaflorida, ang dating batang kalye na nagkakalkal sa basura ay nakilala na sa buong mundo dahil sa pagsulong niya ng edukasyon sa pamamagitan ng kariton. Pwede rin pala iyon ano? Kayong mga hari at reyna ng biritan sa videoke, alam niya bang may isa ng Pilipinong nakasali sa isang sikat na palabas sa Amerika? Kilala niyo ba siya? Hindi lang basat siya isang pilipina, kundi isang batang pilipina. Siya ay walang iba kundi si Charice Pempenco, talaga namang kahanga-hanga ang galing niya sa pagkanta. Biruin ninyo, nakakaeksena niya na ang mga bigating artista sa abroad. Sa larangan ng pagluluto, alam mo ba pinoy? Marami sa ating mga kababayan ang ipinamamalas ang ganda ng kultura ng mga Pilipino sa larangan ng pagluluto, matatandaang isang mag-amang Pilipino ang nanalo sa isang paligsahan sa pagluluto sa Amerika, mula sa dalawampung bansang naglabanlaban sila ang nanalo at tunay na hinangaan. Eh ang mga kabataang pinoy na lumahok sa British World Cup, alam mo bang nakasali sila sa mga kupunang tunay na hinangaan ang galing? Sa simpleng pangarap nilang maipamalas ang galing sa larong soccer ay nagawa nilang pumunta sa ibang bansa. Teka alam ba ninyong sila’y dating mga batang lansangan? Alam mo bang mayroon sa kanilang nalulong dati sa bawal na gamot? Pero dahil sa determinasyon at walang sawang paghahangad ng pagbabago, nagawa nilang bumangon sa kasawian. Mga kababayan, mulat ba kayo sa mga simpleng kaganapang ito? Alam mo bang sa mga oras na ito ay may nagsusulat ng talumpati para maipabatid sa inyo ang mga bagay na bilang isang Pilipino ay dapat nating alam? Pilipino, Pilipino gising! Huwag kang tamad, kailangan mong kumilos at alamin ang mga bagay-bagay sa iyong paligid. Huwag mong hayaang mabulok ka sa isang sulok ng daigdig na walang alam kundi ang matulog, kumain at matulog muli. Ang mga simpleng impormasyon na ating malalaman ay makatutulong para magkaroon tayo ng silbi at pangarap.
Guro, ika’y tagahubog ng Sangkatauhan Ni: Quennie N. Quiobe (Talumpating Nagbibigay-kabatiran)
Patuloy ang hindi pagbibigay halaga sa mga guro sa kasalukuyan, sila’y minamaliit at minsan pa’y kinukutya ng lipunan. Bakit? Dahil ba tinatama at pinupuna nila ang mali? Dahil nagtuturo sila ng mabuting asal? Mga kaibigan, ako’y nasa unang taon ng pag-aaral sa Edukasyon at ngayon pa lang sinasabi kong ako’y hindi nagkamali ng piniling propesyun, pagka’t ang pagiging guro na yata ang pinakamahalagang bagay sa lahat. Marahil marami sa inyo ang nag-iisip na mahirap at lubhang nakakapagod ang maging guro. Hindi naman nakapagtataka, sino nga ba ang gugustuhing makipagtagisan ng tatag na loob sa mga makukulit at maiingay na mga estudyante? Gusto kong sabihing nagkakamali kayo ng akala kong iniisip ninyong isang nakakapagod na propesyun ang pagiging guro, dahil kung mahal mo ang pagtuturo at pagbibigay pag-asaisa lang ang maiisip mo “Isang karangalan ang makapaghubog ng matino at mabuting mamamayan.” Maaga pang sabihing halog alam ko na ang mga gawainng isang guro pagka’t akoy nagsisimula pa lamang, ika’ nga marami pa akong bigas na kakainin ngunit masasabi kong ako’y natututo at nakaintindi ssa mga bagay na sa aki’y tinuturo. Napakaraming pagsubok marahil ang masasabi kong naranasan ko na at masasabi kong mararanasan ko pa lamang, sa pinili kong propesyun pero sinasabi ko, hindi ako susuko! Ang aking ina na aking inspirasyon sa pagpili ng kurso ay isa ring guro. Arawaraw, sa tuwing siya’y uuwi galling sa klase ay hindi ko maiwasang magtaka kung bakit sa buong araw ng pagtuturo niya sa mga estudyanteng alam kong maiingay at makukulit ay nagagawa niya pa ring ngumiti at sabihing mahal niya ang trabaho niya. Nagkukwento siya tungkol sa mga nangyayari sa paaralan at mga estudyante niya at sa ngiti at katuwaang nakikita ko sa kanyang mukha ay masasabi kong isang ulirang guro ang aking ina. Siya ang idolo ko pagdating sa mga bagay-bagay. Kaya naman ang pagiging guro rin ang pinili kong maging, dahil naniniwala akong tulad niya, ay kayak o ring maging taga hubog ng tao. Kayong mga tagapakinig, sana ay nagkaroon kayo ng tila tawag sa aking mga sinambit, huwag nating ipagmaliit ang pagiging guro dahil ang presidente, mga opisyal ng gobyerno at ilang mga mga taong kilala, wala sila sa katayuan nila kung hindi sa mga guro.