Julienne Aleeza B. Francisco December 4, 2015
2015 – 02314 Filipino 40
Making Paliwanag the Conyo Wika
Sa araw araw nating buhay, may mga iba't-ibang tao tayong nakikita, nakakasalimuha at nakakausap. Mula sa ating mga nagiging katabi sa mga dyeep hanggang sa mga manang na naghahanda ng ating pagkain sa mga karinderya, marami tayong napapansing mga bagay tungkol sa kanila. Napapansin natin ang kanilang paraan ng pagsasalita, pananamit, galaw ng katawan at interaksyon sa ibang tao. Nadidiskubre natin ang mga iba't ibang mga katangian ng mga tao, lalo na ang iba't ibang manipestasyon ng pagiging Filipino.
Kahit na tayong lahat ay Filipino, hindi nagkakapareho ang ating wika at kultura. Naiiba ang wika ng isang estudyanteng nag-aaral sa kolehiyo sa wika ng isang manininda ng isda sa palengke. Naiiba ang mga palabas at sineng pinapanood ng isang propesor sa isang katulong ng mayamang pamilya. Isa sa mga prominenteng paaraan ng pamumuhay sa lipunang Pilipino ngayon ay ang kultura ng mga conyo. Laganap ang kulturang conyo sa ating mundo ngayon; tumatayong ebidensiya ang mga slang ng mga estudyanteng galing sa mga pribadong paaralan, ang mga komersyal sa telebisyon at ang mga parody Twitter accounts tulad ng Conyos of Manila. Ang wika at kultura ng mga conyo ay sumasalamin sa kasalukuyang estado ng lipunan ng Pilipinas.
Liban sa sikat na paniniwala na ang pagiging conyo ay nagmula lamang sa henerasyong ito, ang katagang conyo ay higit isang daang taon nang ginagamit sa ating bansa. Nagsimula ito noong panahon ng mga Kastila sa ating bansa. Ang katagang "conyo" ay galing sa wika ng mga Kastila, at ang ibig sabihin nito ay puke ng isang babae. Karniwan itong ginagamit bilang slang ng mga mayayamang Kastila. Kinakabit nila ang salitang ito sa dulo ng lahat ng kanilang mga pangungusap, kahit na walang koneksyon ang tunay na ibig sabihin nito sa kanilang gustong ipahiwatig. Dahil sa kanilang labis na paggamit ng salitang ito at sa insultong pinapahayag ng salitang "conyo", ito narin ang naging bansag ng mga Filipino sa grupo ng mga Kastilang ito.
Pagkalipas ng ilang mga taon mula sa pananakop ng mga Kastila, naging mas malawak ang sakop na tao ng salitang "conyo". Hindi na lamang mga Kastila ang tinatawag na conyo. Nasaklaw narin dito ang ilan sa mga Pilipino, ang mga Pilipinong mayaman, maputi ang kutis at nakatira sa mga eklusibong lugar, ang mga Pilipinong kabilang sa mataas na antas ng lipunan. Dito, ang pagkamuhi ng mga indiong Pilipino sa mga mapang-abusong Kastila noong panahon na iyon ay kumalat narin sa kapwa nilang mga Pilipino. Sa puntong ito, pinanganak ang pagtingin sa mga taong conyo bilang mga miyembro ng mas mataas na uri ng lipunan.
Ngunit hindi nawala ang pagiging conyo sa bansa pagkatapos matalo at umalis ng mga Kastila sa Pilipinas. Ang mga Amerikano naman ang pumalit sa kanila at sila ang namahala sa bansa. Kasama ng mga Amerikanong dumating sa ating lupain ang kanilang kulturang mula sa kanluran, ang kulturang kilala sa pagiging mas liberal. Isa sa mga pinakamahalagang kontribusyon ng mga Amerikano sa ating kultura ay ang pagsasalita sa wikang Ingles. Dahil ang mga Amerikano ang nagtayo ng mga pampublikong paaralan sa ating bansa, sila ang bumuo at gumawa ng mga desisyon ukol sa kurikulum. Ginamit ng mga Amerikanong guro ang wikang Ingles bilang panturo sa mga estudyanteng Pilipino.
Bago dumating ang mga Amerikano sa bansa, wikang Espanyol ang ginagamit ng mga mayamang pamilyang Pilipino o ang mga conyo upang mas matanggap sila ng mga Kastila. Naging bihasa sila rito at ito ang naging pangunahing wika nila. Napalitan ito noong dumating ang mga Amerikano sa Pilipinas. Sinikap nila na maging perpekto ang kanilang Ingles at mas naging prioridad sa kanila na ituro ang Ingles sa kanilang mga anak kaysa sa Filipino. Ginawa nila ito para mapanatili nila ang kanilang estadong sosyal sa lipunan at para makibagay sa mga Amerikano. Kahit na tinuruan rin naman mag-Ingles ang mga masang Pilipino, naging mas mahirap sa kanila matutunan nang lubos ang wikang ito sapagkat sa paaralan lamang nila ito ginamit at hindi sa pakikipagusap sa kanilang mga pamilya sa bahay at mga kaibigan.
Mula sa panahon na lumisan ang mga Amerikano sa ating bansa at bago ang panahon ni Presidente Marcos, nanatiling mataas ang pagtingin sa mga conyo o ang mga mestizo (isang pangalan na ginagamit rin bilang pantawag sa grupong ito). Noong panahong iyon, mga mapuputi at mukhang banyagang tao ang patok sa mga palabas at sine. Namuhay ang mentalidad na mga Pilpino na kapag ikaw ay maputi at marunong mag Ingles, mas nakakataas ka na sa lahat ng tao sa lipunan. Ngunit sa pag-upo ni Marcos bilang presidente, nagbago ang mga paniniwalang ito. Pinausbong niya ang apoy ng nasyonalismo sa ating bansa gamit ang Kilusang Bagong Lipunan. Dahil sa nasyonalismong ito, mas natuto ang mga Pilipino na mahalin ang kanilang sariling itsura, kulay at wika. Nakita ang sentimyentong ito sa maraming bagay noong kanyang panahon katulad sa mga programa ng kanyang pamahalaan, mga kultural na palabas at kahit sa desenyo at arkitektura ng mga pampublikong lugar. Nakita rin ito sa midya kung saan mas pumatok ang mga morenang itsura nina Alma Moreno at Gloria Diaz kaysa sa dating patok na itsura ng mga mestiza katulad nina Gloria Romero at Rosa Rosal. Mas naging maka-masa at mapagmahal sa sariling kultura ang mga Pilipino, at nakita nila ang mga conyo o mestizo sa iba at nagbagong perspektibo. Nakita nila ang mga Pilipinong ito na hindi sanay sa sariling wika bilang iba sa kanila, mga hindi tunay na Pilipino na walang pagmamahal para sa kanilang bansa.
Sa ating panahon ngayon, patuloy na namumuhay at namamayagpag ang kulturang conyo. Ang mga tinuturing na conyo noong nakaraan ay similar parin sa mga conyo ng ating panahon. Madalas, ang mga conyo ay ang mga mayayamang kabataan na nag-aaral sa mga sikat na pribadong at ekslusibong paaralan. Nakatira sila sa mga malalaking bahay sa mga baranggay tulad ng Ayala Alabang or Forbes Park. Sanay sila sa buhay na maluho sapagkat nabibili nila ang lahat ng mga pinakasikat at pinakabagong laruan, damit at teknolohiya. Pala-utos ang mga batang ito sapagkat sanay sila na may mga nagsisilbing katulong o drayber para sa kanila. Bukod sa mga ito, ang pinakaprominenteng katangian ng mga conyo ay ang kanilang paraan ng pananalita.
Ang wika ng mga conyo sa kasalukuyan ay pinaghalong Ingles at Filipino. Pinagsama nila ang dalawa sapagkat kadalasan ay hindi talaga nila kaya magsalita ng diretsong Filipino. Pagsasalita sa diretsong Ingles lamang ang kanilang kaya. Dinagdagdagan nalang lamang nila ng mga salita o expresyong Pilipino ang kanilang Ingles upang mas maintindihan sila ng iba. Kadalasan, ang pagdadag ng mga salitang Pilipino sa mga pangungusap nila ay hindi naman makabuluhan kaya hindi rin ito nagagamit ng tama minsan. Ang pagdagdag rin ng mga salitang ito ay nagiging sanhi ng pagiging paulit-ulit lamang ng mga pangungusap. Ayon sa ilang eksperto, ang lubos na pagdadagdag ng mga salita ng mga conyo sa kanilang pangugusap ay repleksyon animo ng buhay nila, buhay na labis sa karangyaan at kayamanan.
Upang maisa-larawan kung paano magsalita ang mga conyo, may gumawa ng "10 Conyo-mandments" na naging kalat sa internet at madalas pagusapan ng mga tao. Ang unang katangian na nasa listahan ay ang pinakasikat na katangian ng wika ng mga conyo. Ito ang pagdagdag ng salitang "make" bago ang mga Filipinong pandiwa katulad ng make tusok-tusok the fishballs, make sundo o make laba. Maliban dito, ang pangalawa ay ang pagkalat ng mga salitang "eh", "noh" at "diba" sa mga pangungusap na animo'y asin na binubudbud sa nilulutong ulam. Ang mga halimbawa nito ay "Eh it's so init naman kasi diba" o "You're coming with us, noh?". Similar dito ang pagdadagdag rin ng salitang "so" ng mga conyo bago ang isang pang-uri, katulad nang "It's so ganda!" o "It's so luma na!".
Madalas din nilang ginagamit ang mga Pilipinong termino para sa mga lugar o bagay katulad ng banyo para sa Ingles na "comfort room" o damit para sa "clothes". Halimbawa, madalas na maririnig na tinatanong sa mga silid-aralan ng mga pribadong paaralan ang "Miss, may I go to the banyo po?". Para naman sa mga slang, pinapaiksi ng mga conyo ang mga salitang Tagalog. Galing sa mga conyo ang "geh" na galing sa salitang sige. Kung hindi naman nila ito pinapaiksi, nilalapatan nila ng ibang kahulugan ang mga salitang Filipino. Isang halimbawa nito ang salitang "alat" na ginagamit nila bilang expresyon na nagpapahiwatig ng pagkaburat o pagkainis sa isang bagay.
Maliban sa mga salita, napapansin rin ang tono ng pagsasalita ng mga conyo. Kapansin-pansin ang tuldik nila na similar sa tuldik ng mga Amerikano. Ilan sa mga katangian ng tuldik na ito ay ang pagpapahaba at pagbibigay diin sa mga huling pantig ng salita at paglalagay ng kulot sa tono ng boses kapag nagsasalita. Kadalasan, namamana ng mga conyo ang tuldik na ito mula sa kanilang mga magulang o kaibigan. Maari rin silang mahawa sa tuldik mula sa mga palabas at sine na mula sa Amerika at iba pang mga bansa sa kanluran na palagi nilang pinapanuod. Kahit na nagsasalita sila ng Filipino, nadadala parin sa kanilang pagsasalita ang tuldik na ito. Mas lalo pang nahahalata ang pagiging mahina ng mga conyo sa pagsasalita ng Filipino dahil dito. Dahil sa tuldik na ito, mas nagiging maarte at elitista ang dating ng mga conyo sa iba sa lipunan.
Kasama ng pagiging kakaiba ng wika ng mga conyo ang pagiging iba rin ng kanilang kultura. Isa sa mga pinakasikat na naglalarawan nito ay ang Twitter account ng "Conyos of Manila." Dito, lahat ng aspekto ng buhay conyo ay nailalahad sa mga nakakatawang tweets ng isang di kilalang tao. Upang maging mas makakatotohanan ang mga tweet, ginagamit rin ang wika ng mga conyo sa pagbuo nito. Isa sa mga halimbawa ng mga tweets ng account na ito ay "Now excuse me, magkakalat lang ako sa Pool Club." Nilalahad ng tweet na ito ang hilig ng mga conyo magpunta at maglasing sa mga mamahaling club sa mga sosyal na lugar sa Metro Manila. Dito, napapakita rin ang pananaw ng lipunan sa kanila bilang mga typikal na binata at dalaga na mahilig sa mga masasamang bisyo.
Isa pa halimbawa ng tweet mula dito ay "Kill them with kindness…Then get them fired when you talk to Ninong who owns the business.". Naipapakita ang kapangyarihan na tinataglay ng mga conyo sa pahayag na ito. Kadalasan, sila talaga ang mga may-ari ng mga naglalakihang negosyo sa ating bansa at sila ang may kapangyarihan sirain ang buhay ng isang tao sa pamamamagitan ng pagtanggal ng kanyang trabaho. Mula rin dito, nakikita rin na ang mga conyo ay madalas magkakapamilya o magkakaibigan. Naipapakita na sila ay isang magkakalapit na grupo ng mga tao dahil sila ang mga nagkakaintidihan nang lubos.
Ang panghuling halimbawa ng isang pahayag mula sa Conyos of Manila ay "So I can't drive my Ferrari along EDSA?". Makikita dito ang maranyang buhay at kasosyalan ng mga conyo. Mahilig silang bumili at magmaneho ng mga mamahaling kotse. Tuwing ginagamit nila ang mga bagay na may ganito kalaking halaga sa mga pampublikong lugar, agad na nahahalata na sila ay mayayaman, mga conyong tao. Mas tumitindi ang pagkakaiba at pagkakahiwalay nila mula sa ibang tao sa lipunan. Dahil din sa kanilang kakayanan bumili ng mga ganitong bagay, maaring magdulot ito ng inggit sa ibang mga tao, mga taong nahihirapan sa pagbili ng kanilang mga pangaraw-araw na pangangailangan. Dahil dito, mas tumitindi rin ang pagkamuhi nila sa mga conyo o ang mga elitista sa kanilang pananaw.
Ngunit maraming pagkakapareho ang mga conyo, may mga pagkakaiba parin ang mga conyo na mula sa iba't ibang larangan ng buhay, katulad ng paaralan. Ang mga tinaguriang conyo mula sa UP Diliman ay mga pagkakaiba mula sa mga conyo mula sa Ateneo de Manila University sa De La Salle University. Sa UP Diliman, hindi masyadong marami ang mga conyo kumpera sa Ateneo o sa La Salle. Ibang-iba kasi ang kultura sa UP mula sa kulturang nakasanayan nila sa kanilang mga pribadong hayskul. Kadalasan, hindi pinipili ng maraming conyong estudyante na magaral sa UP dahil alam nilang mahihirapan silang makipagusap at makitungo sa mga magiging kaklase at guro nila dito. Samantala, ang kultura naman sa Ateneo at sa La Salle ay malaki ang pagkakatulad sa kulturang kinasanayan at kinalakihan ng mga conyo. Kadalasan kasi ang mga estudyante sa mga unibersidad na ito ay galing sa mga mayayamang pamilya, mga estudyanteng kaya bayaran ang napakamahal na matrikula ng mga paaralang ito. Mas nagiging komportable ang mga conyo na magaral sa mga unibersidad na ito.
Maliban sa numero ng mga conyo sa paaralan na ito, naiiba rin ang pagarte ng mga conyo mula sa UP o sa Ateneo at La Salle. Sa UP, minsan nagiging mahiyain ang mga conyo dahil alam nilang maari silang pagtawanan o hindi kausapin ng kanilang mga kaklase. Iniiwasan talaga nila na ipakita na sila ay conyo para hindi sila gaano maiba sa typikal na estudyante ng UP. Dahil dito, pagkatapos ng apat o limang taon na pag-aaral ng isang conyo sa UP, nawawala ang ilan sa mga katangiang conyo ng mga estudyanteng ito. Mas nagiging bihasa sila sa pagsasalita ng Filipino sapagkat mas marami silang nakuhang oportunidad upang magsalita nito. Sa Ateneo o sa La Salle naman, talagang binibigyan diin ng isang tao ang kanyang pagkaconyo dahil ito ang typikal na kultura dito. Mas nagiging tanggap sa mga grupo o klase ang mga magagaling mag-Ingles, ang mga conyo. Normal ang pagiging baluktot ang dila sa pagsasalita ng Filipino rito. Pagkalabas ng mga conyo mula sa mga institusyong ito, kadalasang wala masyadong nagbabago sa kanilang paraan ng pagsasalita o pagarte.
Mula naman sa pananaw ng mga conyo, kadalasang hindi naman nila talaga sinasadya na magsalita at makitungo sa iba sa ganitong paraan. May dalawang teorya na sinusubukang sagutin kung bakit nga ba patuloy na namamayagpag ang pagsasalita ng conyo. Una, may nagsasabi na napupulot ng mga conyo mula sa pagkabata palang ang ganitong halo-halong pagsasalita mula sa kanilang mga kasambahay o drayber. Dahil kadalasang nangagaling sa mga probinsya ang mga katulong at drayber, nahihirapan sila magsalita ng parehong Ingles at Filipino kaya nagiging putol-putol ang kanilang pagsasalita. Ayon sa pag-aaral, unang natututo magsalita ang mga bata mula sa kanyang laging naririnig sa kanyang paligid. Kadalasan, ang mga anak mayaman o conyo ay pinapalaki talaga ng mga katulong dahil laging wala o nasa trabaho ang kanilang mga magulang. Ang mga katulong ang kanilang nagiging kasama sa araw araw, at unti-unti narin nila makukuha ang kanilang paraan ng pagsasalita. Nasanay sila makipagtalastasan sa putol-putol at halo-halong paaraan at nadadala nila ito sa kanilang pagtanda. Nasasanay sila na makipag-usap sa mga tao na nasa labas ng kanilang sosyal na grupo sa ganitong paraan para sila ay magkaintidihan.
Ang isang pang teorya kung bakit ganito magsalita ang mga conyo ay dahil sa kanilang kahirapan sa pagsasalita ng diretsong Filipino. Makikita ito sa kasasayan ng Pilipinas noong sinulong ng pamahalaan ang bilingguwalismo sa bansa kung saan sinulong ang paggamit ng parehong Ingles at Filipino sa lipunan. Ngayon, mas kinailangan ng mga tao maging bihasa sa parehong Filipino at Ingles. Nahihirapan ang mga conyo dito dahil hindi talaga ito ang kinalakihan nilang wika. Hindi rin sila nabibigyan ng sapat na mga oportunidad upang matuto at gamitin ang wikang Pilipino. Kadalasan, ginagamit lamang nila ito sa kanilang mga klase sa Filipino sa paaralan. Hindi nagiging sapat ang mga klaseng ito dahil ang struktura ng wika lang naman ang tinuturo sa mga klase at hindi kung paano talaga gamitin ang wika sa pakikipagusap. Kapag sila ay nakikipagusap sa kanilang mga kapamilya at kaibigan, Ingles naman ang kanilang ginagamit kaya kapag kinakailangan nilang makipagusap sa ibang mga tao ng Filipino, hirap na hirap na sila. Kahit na sila ay naghihirap, sinusubukan parin nila magsalita sa Filipino para sila ay maintindihan ng ibang tao. Ang kanilang pagsubok rin ay isang paraan ng pakikibagay sa ibang mga Filipino sa lipunan dahil ayaw nilang mapalayo sa kanila. Gusto nilang maramdaman na sila ay naiintindihan ng mga kapwa nila at tinuturing rin silang parte ng ating bayan. Ang pagsasalita ng conyo ang nagiging una nilang hakbang upang dumiretso ang kanilang Filipino.
Dahil sa lahat ng mga katangiang ito, patuloy na naghahari ang imahe ng pagiging burgis at elitista ng mga conyo. Kapag ang isang tao ay nagsasalita sa conyong paraan, iniisip kaagad ng mga tao na sila ay mas magaling at mas edukado dahil mas sanay sila sa Ingles. Namumuhay parin ang uring panlipunan kung saan nasa taas ang mga mayayamang marunong mag Ingles at nasa ibaba ang masang Pilipino. Iniisip parin ng ibang tao na kailangan ang kagaligan sa Ingles para umasenso sa buhay katulad ng mga conyo.
Sa ating lipunan, maraming iba't ibang pananaw ang mga tao sa mga conyo. Minsan, may mga taong pinagtatawanan at pinagtritripan sila dahil mali-mali talaga ang kanilang Filipino. Ginagaya pa nila ang tono at tuldik ng mga conyo at pinapagrabe pa ito. Dahil sa panunuksong ito, pinipili nalang minsan ng mga conyo manahimik para hindi nalang mapansin ng iba ang kanilang pagsasalita at dahil nahihiya sila. Imbis na sila ay mas mabigyan ng mga oportunidad upang mas mahasa ang kanilang Filipino, nawawalan pa sila lalo ng mga pagkakataon magsalita ng Filipino. Nalilimitihan rin ang mga taong komportable silang kausapin at hindi na sila masyado nakikisalimuha sa mga taong nasa labas ng kanilang uring panlipunan.
Maliban dito, may mga tao namang hinahangad maging conyo dahil gusto nilang mapataas ang kanilang estado sa lipunan. Gusto nilang maging elitista at burgis kaya pinipilit nila magsalita ng conyo. Kahit na marunong sila magsalita ng diretsong Filipino, nagkukunyari silang baluktot ang kanilang dila upang pagkamalan silang conyo. Sila ang nagiging mga pekeng conyo. Kadalasan, pinapagrabe nila ang pagiging arte ng mga conyo. Ibang-iba ang kanilang layunin sa pagiging conyo sa mga tunay na conyo. Kung sa mga tunay na conyo, ang hangad lamang nila ay makipagusap sa mga ibang uri ng lipunan, para naman sa mga pekeng conyo, ang hangad nila ay matignan bilang sosyal at mayaman. Kung ang gusto ng mga tunay na conyo ay mapalapit sa ibang mga tao labas ng kanyang uring panlipunan, ang gusto naman ng mga pekeng conyo ay maiba at mapalayo sa kanilang tunay na uring panlipunan. Dahil sa kanilang desisiyon na ito, sila minsan ang nagiging dahilan kung bakit kinamumuhian ng mga ilipino ang mga tunay na conyo dahil mas pinapalala at pinapapangit nila ang imahe ng mga conyo sa kanila. Tinatakpan nila ang tunay na dahilan kung bakit ganun magsalita ang mga conyo at ang mga magandang hangarin nila kung bakit sila nagsasalita sa ganitong paraan.
Kahit ano pa mang klaseng conyo ang isang tao, ang penomenon ng pagiging conyo ay naglalahad sa mga problemang pansosyal ng ating bansa. Mula sa mga pekeng conyo, nakikita natin ang problema ng pagkukunyari at hindi pagtanggap sa ating tunay na sarili. Umuusbong parin ang ideya sa lipunan na mga katangap-tangap lamang na tao ay ang mga elitista. Nawawala ang ating pagbibigay halaga kung sa ano man at kung ano ang mayroon talaga tayo. Kapag hindi natutunan ng isang indibidwal tangappin ang kanyang tunay na identidad, mahihirapan siyang maging totoo sa kanyang sarili at sa kanyang mga gawain. Ang kanyang pagkukunyari ay isa ring sampal sa mukha ng ibang mga taong kasing-uri niya. Pinapahiwatig kasi ng kanyang pagkukunyari na may mali sa pagiging ganoon at kailangan ito paltan upang matanggap sila ng lipunan. Maari siyang magbigay ng rason sa mga indibidwal na tanggap at mahal ang kanilang identidad na mag dalawang isip at magalinlangan kung tama ba ang kanilang pagtanggap nito. Kung lahat ng tao ay magpapaka-conyo na lang, mawawala rin ang espesyal na kultura ng mga taong masa. Mawawala ang kanilang kakaibang perspektibo at kanilang sariling kontribusyon sa lipunan. Kapag nawala ang barayti ng iba't-ibang klaseng Filipino sa lipunan, mawawalan rin ng kulay at pagiging iba ng ating kultura mula sa kultura ng ibang mga bansa.
Pinapakita rin nito kung paano nagiging watak-watak ang ating bansa dahil lamang sa wika. Lumalaki ang distansya mula sa bawat grupo ng mga tao sa lipunan. Hanggang ngayon, nahihirapan parin tayong mga Filipino makipagusap sa isa't isa at magkaintindihan nang lubos. Hindi lamang wika ang dahilan kung bakit hindi tayo nagkakaintidihan kung hindi pati narin ang mga pagtingin natin sa ibang tao na nabubuo mula sa kanilang wika. Patuloy na nabubuhay ang ideolohiyang sinimulan ng mga Kastila sa atin, ang divide and conquer strategy, kahit na matagal na silang wala dito. Katulad noong panahon ng mga Kastila, madalang parin magkasundo-sundo ang mga iba't ibang rehiyon sa Pilipinas. Nagiging makasarili ang isang rehiyon, at pinapatibay pa ng ating hindi pagkakaintidihan ang ating rehiyonal na pag-iisip. Dahil dito, hindi parin magkaisa ang ating bansa. Hindi natin madesisyunan nang maayos kung ano ba ang daang tatahakin natin patungo sa pag-unlad. Bihag parin tayo sa pag-iisip na ito, ang pag-iisip na nilagay ng mga Kastila sa ating isipan. Kahit na sinisimulan na ng mga conyo na mas maging parte sila ng masang Filipino sa pamamagitan ng pagsasalita ng ganito, nahuhusgahan parin ang kanilang pagsisikap. Inaakala ng mga tao na ito parin ang kanilang paraan upang madistansya ang kanilang sarili mula sa ibang tao. Dahil sa mga maling akala na ito, mas nagkakalayo pa tayong mga Filipino.
Isa pang problemang kinakaharap ng mga conyo ay ang pagtingin sa kanila bilang mga Pilipinong walang nasyonalismo o pagmamahal sa bansa dahil lamang hindi sila marunong magsalita ng Filipino nang maayos. Sa ating lipunan ngayon, ang kahulugan ng nasyonalismo ay napakakitid at nalilimitahan lamang. Para sa marami, ang isang indibwal ay mapagmahal lamang sa kanyang bansa kapag siya ay tumatangilik sa mga produktong Pinoy, nanunuod ng mga Pilipinong palabas at marunong magsalita ng Filipino nang diretso. Kahit na hindi magaling magsalita ng Filipino ang mga conyo, may sarili parin naman silang paraan upang ipakita ang kanilang nasyonalismo. Naipapakita nila ito sa kanilang sariling mga paraan katulad ng kanilang pagsusubok magsalita ng Filipino kahit na mali-mali. Makikita rin na ang kanilang nasyonalismo sa kanilang pakikialam sa mga isyung pambansa at pagbabahagi ng kanilang mga opinyon tungkol dito. Konta sa popular na ideya, maraming mga conyo ang mahilig rin naman sa mga lokal na produkto katulad ng dried mangoes at pili nuts. Marami rin namang mga conyo na nanunuod rin ng mga sikat na teleserye at tumatangkilik sa mga kanta ng mga bandang Filipino at sa mga palabas na gawang Pinoy. Kailangan lamang natin lawakan ang ating kahulugan ng nasyonalismo at intidihin na kahit hindi sila magaling mag-Filipino, mahal parin naman nila ang bansa.
Maayos lamang ang mga problemang ito kung may pagsisikap mula sa lahat ng tao sa lipunan upang intindihan ang mga taong iba sa kanila. Kailangan ng pagsisikap mula sa conyo na gustuhin talaga dapat nilang matuto magsalita ng Filipino at makihalibulo sa ibang mga Pilipino sa labas ng kanilang pansosyal na uri. Kailangan rin ng pagsisikap mula sa ibang tao upang intindihin kung saan nangagaling ang mga conyo at huwag nalang silang pagtawanan. Kailangan nilang unawain na madalas, hindi naman talaga kasalanan ng mga conyo kung bakit sila ganito. Pinanganak lamang sila sa ganitong klaseng buhay at nalimitahan ang kanilang mga opurtunidad upang magsalita ng Filipino. Kahit na hindi magaling mag Filipino ang mga conyo, maari parin silang kaibiganin at hindi dapat maging hadlang ang wika sa pagbubuo ng mga relasyon kasama nila. Sa salita nga ng mga conyo, "We should all be magkakaibigan".
Works Cited
"The 10 Conyo-mandments." N.p., 17 May 2012. Web. 19 Nov. 2015. .
Cabotaje, Lea Mae B. "Basic College English: CONYO, MORE FUN IN THE PHILIPPINES!" Basic College English: CONYO, MORE FUN IN THE PHILIPPINES! N.p., 12 July 2012. Web. 19 Nov. 2015. .
Celdran, Carlos. "Coño Basics 101: Coño Culture Today." N.p., 2013. Web. 26 Nov. 2015. .
"Colegiala Speak." Wikipilipinas. N.p., n.d. Web. 18 Nov. 2015. .
Coson, Mara. "Conyo Hear Me - The Origins of Conyo." Iblog Ang Mundo. N.p., n.d. Web. 23 Nov. 2015. .
Garvida, Mignette Marcos. ""CONYO TALK": THE AFFIRMATION OF HYBRID IDENTITY AND POWER IN CONTEMPORARY PHILIPPINE DISCOURSE." N.p., n.d. Web. 24 Nov. 2015. .
Macalino, Angela. "Angela Reyes: Modernity, Nation, and the Figure of the Conyo." Kritika Kultura. N.p., 19 Feb. 2015. Web. 1 Dec. 2015. .
"Manila Conyos." Twitter. N.p., n.d. Web. 25 Nov. 2015. .
N.p., n.d. Web. 25 Nov. 2015. .