Pamantasang Normal ng Pilipinas Daang Taft, Maynila
ARAW at GAHUM ng New Israel sa Mindanaw Isang Pag-aaral sa sekta Moncado Alpha and Omega sa Perspektibang Historiko-Kultural Myfel Joseph D. Paluga
Marlon Lopez Silvoza IV – 17 17 BSE Kasaysayan Prop. Ma. Lorella C. Arabit S- Kas 24 Comparative World Religions
I.
Introduksyon/Abstrak
Ang BAKAS o Bagong kasaysayan ay naglalayong pag-aralan ang “nacion” gamit ang iba’t-ibang yunit, grupo o kabihasnan sa Pilipinas. Kasama na rito ang mga kilusang Millenarian o mga sekta. Isang halimbawa nito ang pag-aaral ng sekta ng Moncado Alpha and Omega sa New Israel ni Myfel Josef D. Paluga na mula sa Unibersidad pang-estado ng Mindanaw. Ang pag-aaral ay gumamit ng perspektibang Historiko-Kultural na tatalakay sa pag-usbong, pag-unlad, at epekto sa pangkalahatang ugnayan ng sekta sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito din ay gagamit ng mga naunang pananaliksik na mula sa Aklat nila Reynaldo Ileto na Pas yon at Rebolusyon, at mga pag-aaral ng mananalaysay na si Dr. Zeus Salazar. Liban dito, gagamit din ng mga panayam sa mga kasapi ng sekta, mga tradisyon, at mga historikal na simbolo, upang bigyang interpretasyon ang kalika san ng partikular na sekta sa Mindanaw.
II.
Layunin ng Pag-aaral
Ang pag-aaral ay naglalayon na maipaliwanag, mailarawan, at mailahad ang mga sumusunod:
1. Ano ang sektang Moncado Alpha at Omega? Paano ito nagsimula? At Sino ang mga taong naging kabilang o tagapagtatag nito? 2. Bakit sa Mindanaw ang pinaniniwalaan nilang New Israel? 3. Ano ang mga paniniwalang nahubog sa sekta? Paano ito nagpapatuloy sa kasalukuyan? 4. Ano ang epekto ng paniniwala sa mga tagasunod nito sa aspetong sosyal, kultural, at ekonomik? 5. Ano ang kabuuang ambag ng kilusang ito sa tradisyon at kabihasnan ng Pilipinas?
III.
Lagom
Ang grupong Alpha and Omega ay kahawig ng mga sektang tinatawag na “Rizalistas” o ng ilang kapatiran sa loob ng bansa na kumikilala kay Rizal bilang isang mala-kristong sugo kung hindi man isang Pilipinong reinkarnasyon mismo ni Hesu Kristo. Sanga ang nasabing grupo ng kilusang Moncadista, isang relihiyon pulitikal na grupong nagpasimulang maging aktibo noong dekada 30.
Iglesia ni Jehova Moncado Alpha and Omega World Peace Crusader’s Mission, Inc. ang opisyal na pangalan ng grupong Alpha and Omega. Maraming maliit na kongregasyon sa iba’t – ibang bahagi ng bansa ngunit pinakasentro ay sa barangay New Israel sa Makilala, North Cotabato na pinaniniwalaang pinakamakabuluhan at banal na lugar kung saan buong barangay ay kasapi ng Alpha and Omega.
Ang tagapagtatag na si Mr. Maximo Sandot Guibernas o mas kilalang Papa Guibernas ay miyembro ng sanga ng kilusang Moncadista. Ang kilusang Moncadista bilang pagpapakahulugan ay tugon ng mga Pilipinong manggagawa sa Amerika sa harap ng mga sosyo-ekonomikong kondisyon noong huling bahagi ng taong 1920. Sa pagbabalik ni Mr. Guibernas sa Pilipinas mula Amerika, hinanap niya at ng mga tagasunod ang “nawaglit na paraiso” na natagpuan at pinangalanang New Israel hanggang sa kasalukuyan. Si Papa Guibernas ay msiteryosong tao at ipinanganak na may pulang tela na nakabigkis sa katawan, lumaking mag-isa at punong-puno ng hiwaga dahil siya ay diumano nakakarinig ng tinig ng Diyos na nagsasabing magtatatg ng pananampalatayang nabanggit.
Ang katangian ng Alpha ang Omega ay mala-kristiyanong porma ng paniniwala. Mayroon silang tatlong libro banal (Pula, Puti, a t Asul). Nangingibabaw din ang preskripsyong moral nito na pag-iwas sa bisyo sa halip ay pag-aayuno. Naniniwala din ang mga kasapi sa pagkakahawig ng misyon ng tatlong personalida d: Rizal, Hesu Kristo, at Moncado. Bawat kasapi ay naniniwala sa “Equifrilibrium” na
nangangahulugang “Equi” o pantay, “Fri” o kapatiran, at “Libricus” o kalayaan na gabay ng mga tagasunod.
Ang Konseptong Gahum o kapangyarihan ay umuukupa ng prominenteng posisyon sa mundo ng Alpha and Omega. Gumagamit sila ng mga anting-anting, naniniwala sa orasyon, may Konsepto ng pananaig ng masamang element kung mahal na araw kaya dapat may pagbabasbas.
Sang-ayon ang paniniwalang ito sa pag-aaral ni Dr. Zeus Salazar na noong sinaunang panahon ay cyclical ang pananaw ng mga Pilipino at nang dumating ang mga Espanyol ay Napalitan ng linear kung gayon sa bawat yugto ng panahon ay may lilitaw na Kristo o banal na personalidad na uulit sa mga arketaypal na kaganapan. Ito ay masasalamin kay Hesu Kristo, Rizal, at Moncado na pinaniniwalaan ng grupo.
Ang mga litaw na simbolo ng Alpha and Omega ay tila sumasagisag sa tatlong pinanggagalingang ugat ng kanilang mga paniniwala. Krus sa kristiyanong paniniwala, Bandila sa makabansang aspeto, at Tatsulok, isang mata at araw para sa katutubong hibla.
Sa kabuuan, pinatutunayan lamang ng pag-aaral na nagiging makitid ang tingin nating mga Pilipino at nagiging kuryusidad ang pagtingin sa mga sekta. Ito ay dulot ng kamalayang makakanluran na nagdudulot sa atin na ikunsidera sila bilang iba. Ang kontribusyon ng sekta at ng mga sekta sa bansa ay ang pagpapatunay na sa pag-agos ng kasaysayan ay kinasasangkapan ang mga Pilipino ng kanilang paghahanap ng kalayaan at kaginhawaan gamit ang kanilang pananampalataya.
IV.
Analisis, Kritika, at Pansariling Pagtuon
Ang ating bansa ay talagang hating-hati sa mga kilusang Millenarian at Messianic. Naalala ko tuloy ang obra maestrang Pasyon at Revolucion ni Ileto na nagpapakita ng pagpapakasakit ni Kristo sa Pasyon ay maihahalintulad sa tadhana ng mga Pilipino sa
panahon ng Rebolusyon. Lumitaw din sa aking obserbasyon na may katutubong katolisismo ang nananaig sa sektang Alpha and Omega dahil sa paniniwala sa Bibliya na inihanay din sa mga kaugaliang pre-hispaniko gaya ng orasyon, anting-anting, at mga tradisyong paawit na patungkol sa relihiyon.
Ang kilusang Alpha and Omega sa aking pananaw ay isang bahagi ng pagiging bayan ng Pilipinas dahil ito ay isang organisadong pangkat na nagtataglay ng panlipunang kaayusan na tumatalima sa tunguhin ng pagkabansa. Masasabi ko din na hiram ang konsepto nito mula sa kanluran o maging sa kalapit bansa dahil sa manipestasyon ng reinkarnasyon hindi ng tao kundi ng mga Diyos na sina Hesu Kristo sunod si Rizal at panghuli si Moncado.
Ang isa pang patunay na pagiging hiram nito ay ang konsepto ng Gahum na isang oryental na konsepto bago pa dumating ang mga Espanyol, ito ay nag-iimplika na ang kilusan ay nauugat sa katutubong tradisyon na nilapatan ng pangkanlurang pananampalataya upang madaling manuot o mas madaling matanggap ng mga kasapi nito.
Sa kabuuan, ang pag-aaral ay nagpapakita lamang na Huwag nating gawing deviant ang mga sektang uminog sa bansa dahil ang lalim o taal na ugat nito ay ang siyang salamin ng mayamang tradisyon ng mga Pilipino sa paglipas ng daan-daang panahon.