PAPEL SA PAGSUSURI NG PELIKULANG “MGA MUNTING TINIG”
Sinuri nina: Daniel Louis Camaquin Ram Adolf Del Mundo Carlo Miguel Hernandez Nigel Salazar Mariel Afurong Joanne Frances Bronola Andrea Pauline Dimaculangan Larissa Grace Kaibigan Angelica Moncada
Antas 10 ng LS 302 (Taon: 2012-2013)
Para kay: Gng. Del Beltran Guro sa Filipino 10
I.
INTRODUKSYON
A.
Pamagat at Tema ng Pelikula
Ang “Mga Munting Tinig o Small Voices” ay isang pelikulang Tagalog na naghahatid ng napakagandang mensahe, aral, at paksa sa mga mambabasa. Ito ay nagpapahiwatig na ang kahirapan ay hindi hadlang sa pagtatagumpay sa buhay ng isang tao. Nagpapahiwatig ito na kahit mahirap, may karapatan pa rin ang mga taong mangarap. Lahat tayo ay binigyan ng kalayaan upang ating maisagawa ang lahat ng ating kagustuhan tulad ng mangarap. Ang bawat isa, saan mang panig ng mundo, ay may karapatang mangarap sapagkat tayo ay binayayaan ng kaniya-kaniyang talino at talento na dapat gamitin. Ang “Mga Munting Tinig” ay napapanood ng ibat-ibang kritiko at walang nagsabing di nila ito nagustuhan. Sa kasalukuyan, patuloy itong lumalaban upang magbigay inspirasyon sa tao habang natatamo nito ang tugatog ng tagumpay.
B.
Pagpapakilala sa Direksyon, Manunulat ng Iskrip, Mga Artistang Nagsiganap, Kumpanyang Gumawa ng Pelikula, Uri ng Pelikula
Ang pelikulang “Mga Muniting Tinig o Small Voices” ay idinirehe ni Gil Portes. Siya rin mismo ang nagsulat nito kasama sina Adolfo Alix, Jr. at Senedy Que. Ang pelikulang ito ay isang pelikulang produkto ng magagaling na talento sa ating industriya ng sining at nalinang sa masusing
pagpapatnubay ng tanyag na direktor na si Gil Portes. Una sa lahat ay ang bidang karakter na si Alessandra de Rossi bilang Melinda at Jo Kristi Payet bilang batang Melinda. Masisilayan dito ang mga titser na sina Dexter Doria bilang Mrs. Pantalan, Malou Crisologo bilang Solita, at Irma Adlawan bilang Fe. Ang mga batang gumanap naman sa pelikula ay sina Bryan Homecillo bilang Popoy, Pierro Rodriguez III bilang Obet, Keno Agaro bilang Adong, Sining Blanco bilang Gela, Christian Galindo bilang Lino, Hazel Logan bilang Ida, Rowell Reyes bilang Ato,
at Aj Delos Santos bilang Carlos.
Katatampukan din dito sina Gina Alajar bilang Chayong, Lailani Navarro bilang Pilar, Hamid Eton bilang Mr. Singh, Amy Austria bilang Luz, Nonie Buencamino bilang Fidel, Nanding Josef bilang tatay ni Adong, Shamaine Buencamino bilang ina ni Adong, Connie Chua bilang ina ni Gela, Aleth de la Cruz bilang ina ni Ida, Jess Evardone bilang ama ni Melinda, Rey Mendoza at Jasper Vinarao bilang mga kapatid ni Adong, Bong Rodriguez bilang Ka Andres
at
Jun
Galindo
na
mga
NPA.
Sa
pinakuhuli
ng
pelikula
matutunghayan sina Tony Mabesa bilang Mr. Tibayan, Tessie Villarama ang Emcee sa paligsahan, Ramon Pedro P. Paterno at Menchu Rodriguez Suntay bilang mga superbisor ng Central School. At idagdag pa ang mga gumanap naman na Malawig Choir Kids na sina Jelly Cruz, Jocelyn Escobal, Gema Gonzales, Celina Suntay, at Myko Suntay. Ang kumpanyang gumawa at nagpakalat ng pelikulang ito ay ang Teamwork Productions na ipinalabas rin ng Warner Bros. Pictures sa ibang bansa. Ang pelikulang ito ay maihahanay sa drama dahil sa mga mapapait na pangyayari.
II.
Paglalarawan sa Buod ng Pelikula
Bagong guro si Melinda Santiago sa Mababang Paaralan ng Malawig. Siya ang pumalit kay Pilar na nagtungo sa ibang bansa upang doon magtrabaho at magkaroon ng mas malaking suweldo. Si Melinda ay may talento sa pagtugtog ng “flute”. Katatapos lamang niya ng kolehiyo sa kursong “education”. Inaasahan ng kaniyang pamilya, lalo na ng kaniyang ina, na susunod siya sa Amerika at doon magtrabaho, ngunit ayaw niya sapagkat nais muna niyang pag-isipang mabuti kung saan ba talaga siya nararapat tumigil. Nais niyang alamin kung ano ba talaga ang para sa kaniya, ang magtungo sa Amerika kasama ng kaniyang ina o ang magpunta sa Malawig at doon magturo.
Nagtungo muna siya sa Malawig. Tinanggap niya ang
malaking hamon sa kaniyang buhay – ang magturo sa paaralan ng Malawig kung saan salat sa kabuhayan ang mga pamilya ng mga mag-aaral sa lugar na ito, kaya't ang mga bata ay inoobliga ng kanilang mga magulang ng responsibilidad sa bahay at sa paghahanapbuhay. Ang sitwasyon na ito ay nakaapekto sa pananaw ng mga kabataan sa pangarap, edukasyon, katarungan, at kababaihan na ikinabahala naman ni Melinda.
Kasama sa pagsubok na kaniyang kinaharap ay ang pagiging korupt ni Mrs. Pantalan, ang punong guro ng paaralan ng Malawig. Siya ay nagtitinda ng “ice candy” sa mga bata at nagkaroon pa ng pagkakataon na sinabi niya sa mga bata na kapag hindi sila bibili ay hindi nila makukuha ang kanilang card. Ngunit nagagawa lamang ito ni Mrs. Pantalan dahil may pinag-aaral itong mga anak na nasa kolehiyo na. Makikita sa pelikula na si Mr. Singh,
isang Bumbay, ay nagpapatong ng sampong pursyentong interes sa mga tseke ng titser dahil siya ang nagpapasuweldo sa mga ito. Nagtitinda rin siya ng iba’t-ibang bagay na may malaking halaga. Ngunit sa kabila nito, natutuwa pa ang mga residente sa kaniya dahil kumpleto siya sa mga pangangailangan ng mga tao at dahil siya naman ay ubod nang mabait. Nagkaroon din ng mga bagyo at sunog na nagsilbing dahilan ng pagkasira ng mga libro, silid-aralan, at iba pang mga kagamitan sa eskuwelahan.
Ang sitwasyong ito ay nagsilbing hamon kay Melinda. Nasubok ang kaniyang pakikihamon nang sumali ang paaralan ng Malawig sa isang choral contest. Bagama’t nakitaan niya ng interes at kakayahan ang mga mag-aaral, hindi naman naging madali sa kaniya ang paghimok sa mga magulang ng mga ito na payagan silang sumali sa paligsahan. Tanging si Luz, ina nina Popoy at Obet, ang pumayag sa kaniyang hinihiling. Si Luz ang tumulong kay Melinda na himukin ang iba pang mga magulang na napagtagumpayan naman nila. Nangako si Melinda na magbibigay siya ng bagong uniporme kina Popoy at Obet upang hindi na sila maghiraman. Subalit isang araw, nadamay at napatay ang batang si Popoy sa isang enkwentro ng NPA at military nang minsan siyang sumama sa kanyang amang si Fidel na isa sa mga lider ng NPA. Dahil sa trahedya ay tumamlay ang dating masiglang paghahanda ng mga bata para sa paligsahan. Ngunit sa kabila nito, napagdesisyunan pa rin nang mga batang ipagpatuloy ang kanilang pageensayo maliban lang kay Obet, kapatid ni Popoy, dahil sila ay lilipat sa ibang bayan kung nasaan ang iba nilang kamag-anak.
Sa huli, nakasali pa rin si Obet sa paligsahan dahil sa pagpayag ng kaniyang ina na sundin ang kaniyang kagustuhan. Sa kaniyang pagkahuli, nakita niya si Mr. Singh at inihatid naman siya nito sa Central School, ang pagdarausan ng paligsahan. Nanalo ang kanilang grupo na lubos nilang ikinagalak. Pagkalipas ng panahon, umalis si Melinda patungong Amerika at doon naman niya sinubukang mamuhay. Iniwan ni Melinda ang baryo na puno ng inspirasyon at pag-asa. Tinuruan niya ang bawat isa na ipaglaban ang nais na pagbabago sapagkat nasa kamay lang natin ang lahat.
III.
Panunuri sa Pelikula
Sa panahon natin ngayon, hindi na kakaiba ang makasalamuha ng mga taong pabaya at naka-upo na lamang sa isang tabi dahil tinanggap na nila ang kanilang masaklap na kalagayan. Sila ang mga taong hindi man lamang nagsusumikap abutin ang kanilang mga pangarap dahil sa nawalan na sila ng pag-asa sa kanilang buhay. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga katotohanang masisilayan sa tunay na buhay at sa pelikulang “ Mga Munting Tinig”. Sa tingin niyo ba, kung tayo ay ganito mag-isip, kumilos, at makipagkapwa –tao, ano pang matitira sa atin? Ano pang lipunan at buhay ang ating kakaharapin? At higit sa lahat, sino pa ang maiiwang kikilos upang matupad ang ating mga pangarap kung mismong ikaw, na sarili mo, ay hindi kikilos? Sa pelikulang ito makakapulot ng aral at magkakapagbigay inspirasyon sa mga tao upang ipagpatuloy ang kanilang buhay na may lakas ng loob at puno ng pangarap at pag-asa.
A.
Tema
Ang tema ay maituturing na pinakapundasyon sa pagsusuri ng isang pelikula. Isinasaad nito ang pinakapaksa, layunin, o mensahe ng pelikula. Ang Pelikulang “Mga Munting Tinig” ay nagtataglay ng maraming aral na higit na makabubuti sa mga manunuod lalo na sa mga bata. Sa pelikulang ito, makikita ang mga taong hirap sa kanilang buhay. Ang tema ng pelikulang ito ay ang “Kahirapan ay hindi hadlang sa pangarap at pag -asa ng mga tao lalo na nang mga kabataan”. Ang temang ito ay mahusay na pinakita’t ginampanan ng mga tauhan lalong-lalo na ng pangunahing tauhan na si Melinda na ginanapan ni Alessadra de Rossi. Masasalamin sa kaniya ang katangian ng taong masigla at puno ng pag-asa.
Ang kahirapan ay hindi hadlang sa ating mga pangarap na minimithi ng bawat isa. Ang lahat ay nagtataglay ng biyayang talento na ipinagkaloob ng Maykapal upang gamitin sa tama na siyang ikauunlad ng bawat isa at hindi lamang para sa sariling kapakanan. Ang kaalaman at paniniwala ng kabataan ay kakaiba kumpara sa mga matatanda. Dapat ay maging bukas ang isipan ng bawat isa sa lahat ng aspeto ng buhay.
Bawat nilalang, bata man o matanda, babae man o lalaki, ay may paninindigan na dapat marinig ng buong mundo. Walang sinuman ang may karapatang hadlangan ang karapatan ng bawat nilalang na makapagpahayag ng kaniya-kaniyang saloobin o damdamin. Ang mga mumunting tinig ng bawat isa, kapag pinag-isa, ay makakapagpabago sa ating lipunan.
B.
Mga Tauhan
Kung mapapanood ang pelikulang "Mga Munting Tinig", makikita dito na hindi lamang umiikot ang storya sa iisang tauhan. Bagama't ang pelikulang ito ay naka-pokus kung paano baguhin ng isang gurong si Melinda Santiago ang buhay at pananaw ng mga mag-aaral ng Malawig. Ipinapakita rin dito kung ano ang pinagdadaanan ng bawat mag-aaral na lubos na nakatulong upang mas lalong maintindihan ng manonood ang pelikula. Ipinakita dito ang buhay ni Obet at ni Popoy. Sila ay magkapatid na naghihiraman sa iisang uniporme. Naipakita sa pelikula na ayaw ni Obet na maging katulad ng kanyang amang si Fidel na lider ng NPA. Naipakita rin dito ang pagbebenta ni Binibining Pantalan ng ice candy at sapilitang pinapabili ang mga mag-aaral upang may dagdag na kita dahil siya ay may anak na pinapaaral sa maynila. Makikita rin dito ang batang babaeng nagngangalang Gema na pinapatigil na ng kanyang ina sa pag-aaral dahil sa kagustuhan nitong tumulong na lamang siya sa pag-aalaga ng kaniyang mga kapatid dahil ayon sa kanyang ina, ang mga babae ay sa nararapat lamang na nasa bahay at siyang gumagawa ng mga gawaing bahay at inaalagaan ang mga anak. Makikita rin ang gurong si Solita na ipinapalinis ang kaniyang tahanan sa mga bata. Matatanaw din dito ang pagbabago ng bawat tauhan dahil sa nangyayari sa kanilang kapaligiran. Isang halimbawa dito ang pagkamatay ni Popoy dahil siya ay sumama sa kanyang ama. Dahil dito, nawalan ng pag-asa si Obet. Ang mga sitwasyon ng mga bata ang nagtulak kay Melinda upang gumawa ng paraan para mabigyan ng pag-asa ang mga mag-aaral sa Malawig. Si Melinda ang naging dahilan ng pagbabago ng mga pananaw ng mga magulang, guro at mag-aaral ng
Malawig. Hinikayat ni Melinda ang mga bata na sumali sa isang singing contest bagama't ayaw pumayag ng mga magulang dahil ayon sakanila kailangan maghanapbuhay ng mga bata. Tanging si Luz, ina ni Popoy at Obet, ang naniwala at tumulong sa kaniya. Nagkaroon man sila ng problema dahil sa hindi pagpayag ng mga magulang, hindi ito naging hadlang sa kagustuhan nilang manalo. Sa pagkapanalo ng mga mag-aaral, ito ay nagdulot ng malaking pagbabago sa mga mamamayan ng malawig. Nagkaroon sila ng bagong pag-asa. Natutunan nila na ang kahirapan ay hindi hadlang para mangarap. Samakatuwid, makikita sa mga tauhan na nawawalan na sila ng pag-asa dahil sa kahirapan. Ito ay sumasalamin sa ibang buhay ng kapwa natin Pilipino. Maging inspirasyon sana sakanila ang pelikulang ito dahil hindi hadlang ang kahirapan upang tayo ay umahon at magkaroon ng bagong pag-asa.
C.
Uri ng Pananaw o Paningin
Maraming uri ang pananaw o paningin na maaaring gamitin sa panunuring pampelikula. Isa sa mga ito ay ang obhetibong pananaw. Ang pananaw na ito ay lubos na nagamit at nakita sa pelikulang “Mga Munting Tinig”. Ang pananaw na ito ay nagpapakita na sa iba’t -ibang eksena ay hindi limitado sa kung ano ang nakikita ng tauhan sa isang tagpo. Makikita natin sa pelikula ang iba’t ibang captions ng mga tauhan. Tulad na nga lang sa iba’t ibang pagpakakahulugan ng mga buhay ng mga tauhan. Makikita sa pelikula na ang bawat tauhan ay may kaniya-kaniyang pananaw sa buhay tulad ni Melinda. Ang kaniyang pananaw sa buhay ay lahat ng tao ay libre at may
karapatang mangarap, hindi tulad ng ina ni Gema na ang pananaw ay ang kababaihan ay walang karapatang mangarap dahil pambahay lamang ang mga ito – taga-alaga ng anak, kapatid, at sa gawaing-bahay. Ang relasyon ng mga tauhan sa camera ay naging perspektibo sa mga manonood.
D.
Shot
Ang shot ay ang mga kilos o aksyong nakunan ng kamera sa pagandar hanggang sa paghinto nito. May tatlong uri ng shot na ipinakita sa pelikulang “Mga Munting Tinig”. Una rito ay ang “Long Shot”. Ang istilo nang pagkuhang ito ay nagpapakita ng pangunahing lugar o tauhan na may malayong agwat sa kamera. Ipinapakita din ng “Long Shot” ang relasyon ng mga bagay o mga tauhan sa kapaligiran. Ginamit ito upang Makita ang kabuuan ng lugar kung saan isinagawa ang mga pangyayari. Halimbawa nito ay ang tagpuan sa pelikulang noong nagtuturo ang gurong si Melinda sa kaniyang mga estudyante sa isang patag na lupa sa labas ng kanilang silidaralan sapagkat katatapos lamang nang bagyo na nagdulot ng pinsala sa mga silid-aralan na pinag-aaralan nang mga bata.
Ang pangalawang shot naman ay ang “Medium Shot”. Sa kuhang ito naman makikita ang pantay na taas mula baywang hanggang taas ng mga tauhan o mga bagay. Makikita ito noong nag-uusap si Melinda at Chayong na ina ni Pilar. At ang pinakahuli namang shot ay ang tinatawag na “Close-up Shot”. Ang kuhang ito ay nagpapakita ng maliliit na distansya sa pagitan ng tauhan at ng kamera. Ito ang paraan ng direktor para ipakita sa mga
manonood ang mga detalyeng nais niyang pagtuunan ng pansin. Makikita ito sa pelikula noong umiiyak si Melinda sapagkat siya ay nalulungkot sa pagkamatay ng isa sa kaniyang mga estudyanteng si Popoy. Dito labis na naipakita ang pagkalungkot at pagdadalamhati ni Melinda.
E.
Editing ng Pelikula
Ang editing ng pelikula ay masasabing maayos ang pagkaka-edit kung angkop ang pagkakasunod-sunod ng mga eksena o kuha kapag pinagsamasama na ang mga ito. Sa panahong nagawa ang dekalibreng pelikula, Mga Munting Tinig, na humakot ng mga parangal ay di natin maipagkakailang maganda at malinaw ng pagkahati-hati at pagkasunud-sunod ng mga eksena. Ang bawat anggulo ng mga tauhan ay naaangkop sa isang eksena patungo sa ikalawang eksena. Sa pelikulang ito, kapag nag-iisip ang mga tauhan ay siguradong may kalakip din itong eksena, kaya hindi malilito ang mga manunuod kung ano talaga ang nangyari sa tagpong iyon. Ngunit minsan ay may mga eksenang hindi masyadong naipapaliwanag ng klaro o kaya naman ay mabitin-bitin ang daloy ng mga pangyayari. Makikita ito noong si Popoy at ang kaniyang ama ay bigla nalang namatay. Hindi man lang ipinakita kung papaano sila namatay pero sa kabila nito, halata naman ang dahilan. Naiintindihan pa din naman ng mga manunuod ang daloy ng kuwento. Sa kalahatan, malambot at matiwasay ang pag-usad ng bawat eksena sa pelikula. Ang editor ng pelikulang ito ay si George Jarlego sa tulong ni Ely Cruz, ang sinematograpiya ng pelikula.
F.
Musika o Sound Effect
Ang pelikulang “Mga Munting Tinig” ay mayaman sa musika. Ang editor nito sa musika ay si Joy Marfil at ang sa “sound effects” naman ay sina Noel Cruz Bruan at Ari Trofeo. Ang paggamit nila ng musika sa pelikulang ito ang siyang naging isang elementong nagpadala at nagpa-antig sa mga damdamin ng manunuod. Ang pangunahing kanta o “theme song” ng pelikulang ito ay hinggil na rin sa pamagat, Mga Munting Tinig. Ang awiting ito ang siyang ginagamit kapag may mas kaiga-igayang pangyayari sa pelikula tulad nalang noong ginamit nila ang kantang ito sa pagsali ng mga bata sa paligsahan sa pag-awit. Naging angkop at epektibo naman ang pagdaragdag ng musika at tunog sa pagbuo ng pelikula. Mayroong kaugnayan sa tunog ang bawat eksenang ipinapakita at mas madarama ang emosyong taglay ng mga
artistang
gumanap
sa
pelikula.
Nakatulong
ang
mga
ito
sa
pagpapadama ng kalungkutang bumabalot sa pelikula. Makikita ito sa isa sa mga eksena sa pelikula kung saan namatay sina Popoy at Fidel na kaniyang ama matapos makipagsabakan sa mga sundalo.
Sa pamamagitan ng
musikang ginamit dito, mas naipakita ang tunay na pagdadalamhati ng ina ni Popoy na si Luz, ang kuya niyang si Obet, ang guro niyang si Melinda, ang kaniyang mga kaklase, at iba pang guro at kapit- bahay. Nagkaroon din ng katahimikan upang mas maintindihan ng mga manunuod ang sinasabi ng bawat tauhan sa isa’t-isa. Sa pagdaragdag naman ng mga angkop na “sound effects” at musika, mas naipakita sa pelikulang ito ang katotohanang bawat nangyayari sa pelikula ay nangyayari rin sa tunay na buhay.
G.
Direksyon
Si Gil portes, ang direktor ng pelikulang “Mga Munting Tinig”, ay isa sa pinakamahusay at tanyag na director ng kaniyang henerasyon. Isang siglang patunay dito ay ang mga gantimpalang kaniyang nakuha mula sa iba’t-ibang “Film Festivals”. Isa sa mga parangal na kaniyang nakamit ay ang titulong “Best Director” noong ginawa niya ang “Mga Munting Tinig”. Dahil sa kanyang paggawa ng mga pelikulang tumatalakay sa kontrobersyal na aspeto ng buhay at iba pang interesanteng paksa, kaya siya nakakuha ng ibat-ibang parangal. Ilan pa sa kaniyang mga sikat na gawa ay ang “Saranggola” noong 1999, “Gatas sa dibdib ng kaaway” noong 2001, “ Bukas may pangarap” noong 1994, at “Markova: Comfort Gay”. Siya rin ay isang mahusay na manunulat. Ang pelikulang “Mga Munting Tinig” ay pang dalawampu’t lima na sa mga makabuluhang pelikulang kaniyang mga nagawa. Ito ay ang opisyal na isinali ng Pilipinas sa Academy Awards at Golden Golbes noong 2003. Siya rin ay sumikat sa ibang bansa. Ang patunay nito ay ang pagsabi pa ng isang reporter sa Amerika, “His camera catches de Rossi in sparse, beautifully lit images.” Sa kaniyang direksyon makikita natin ang iba’t ibang anggulo ng totoong nangyayari sa buhay ng mga mahihirap at NPA. Makikita rin natin dito ang kultura ng mga Pilipino. H.
Disenyo ng Set
Maituturing ba na tagpuan ang isang aktwal na probinsya kasalungat sa estado ng mga naninirahan doon? Ang probinsya ay ang maituturing na lugar na pinaka-epektibo para sa mga tagpuan na ginamit sa pelikulang “Mga
Munting Tinig”. Ang unang tagpuan ay makikita sa eskwelahan na kung saan may mga matataas na administrator ang dumadalaw at umuobserba rito. Maayos naman ang nakita ng mga obserbador ngunit nag-iwan sila ng komento na ipaayos naman ang mga dingding at ibang parte ng silid aralan. Sumunod ay noong bumaha na siyang nakasira sa silid-aralan ng Mababang Paaralan ng Malawig. Walang nagawa ang mga guro kaya napilitan silang sa labas na lamang magturo. Makikita rin sa pelikula ang pagpunta ni Melinda sa bayan kung saan kinumpirma niya ang pagsali ng mga mag aaral niya sa paligsahan. Ang pag-eensayo ng kaniyang mga mag-aaral ay isinasagawa nila sa may loob at labas ng kanilang silid-aralan. Sa madaling salita, ang ginamit na set sa pelikulang ito ay ang bayan ng Malawig kung saan may paaralan, bayan, bukid, at kagubatan. Ang ginamit na disenyo ng set ay lubos na pinaghandaan at angkop na angkop sa bawat imahe ng pelikula.
IV.
PANGWAKAS
A.
Kahalagahang Pangkawilihan (entertainment value)
Ang pelikulang “Mga Munting Tinig” ay nakabihag ng interes o kawilihan ng mga manunuod. Ang pagpapakita ng katotohanan sa ating lipunan at ng mga eksena na tumatalakay sa kalidad ng edukasyon sa mga paaralan sa baryo lalo na ang sa mga liblib na pook ang nakadagdag interes sa mga manunuod. Dahil sa labis na kuryosidad kung ano ba talaga ang buhay ng mga mahihirap at mga NPA, natutunan na rin ng mga tao na panuorin ang pelikula. Ang pelikulang ito ang nagpatawa sa mga manunuod sapagkat makikita rito ang pagbibiruan at tuksuan ng mga estudyante sa isa’t-
isa at ang pamali-maling grammar ni Fe, isa sa mga titser. Ngunit ito rin ang lubos na nagpa-antig at nagpaiyak sa maraming manunuod dahil sa malulungkot na pangyayari sa mga tauhan lalo nang pumanaw ang isa sa mga bata. Lahat ng tagpo sa pelikulang ito ay kapana-panabik panuorin.
B.
Kahalagahang Pangkaalaman (educational value)
Sa pelikulang “Mga Munting Tinig” makikita ang tapat at positibo na aspeto ng sarili. Sa katunayan, ito ay magandang batayan ng pag-aaral para sa mga estudyante, guro, at iba pang tao. Nagpapakita ito ng balanseng pananaw sa buhay at nagsisiwalat ng pantay na pagkilatis sa lahat. Hindi rin ito nagpapakita ng kawalan ng katarungan at kahit na simpleng presentasyon lamang ito, naipakita naman nito ang isang magandang ideya. Ang pelikulang ito ay nakapagbigay mensahe sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagsasama sa pelikula ng mga pangyayaring tunay na nagaganap sa totoong buhay. Ang mga mabubuting aksyon ng mga tao sa mga pangyayari sa pelikula ay maaaring gayahin at isagawa ng mga tao. Ang mga salita at aksyon ni Melinda ang nagtuturo sa mga manunuod na lahat ng tao ay maaaring mangarap at ang kahirapan ay hindi hadlang sa mga pangarap na ating nais makamit. C.
Kahalagahang Pansining (artistic value)
Ang pelikulang “Mga Munting Tinig” ay masasabing napakahusay. Ito ay
nagtataglay
ng
magagandang
aral.
Ang
pagkakagawa
nito
ay
pinaghandaang mabuti. Ang pag-aayos ng mabuti sa iskrip, musika, artista o tauhan, tagpuan, aksyon, at ang direksyon ay pawing napakahusay dahil ito’y
nabuo ng may masining na kakahayan. Ang mga tunog na ginamit, lalo na ang “musical score” at ang kanilang tamang punto, ay tama lang dahil nadama ng mga manonood ang mensahe nito. Ang mga pagsasagawa at pagsasama ng mga ito sa pelikula ang nagsilbing dahilan upang makatawagpansin at makaantig ng damdamin sa mga manunuod.
D.
Kahalagahang Pangmoral (moral value)
Ang mga pangyayari, karakter at aksyon ng tauhan, at ang lugar sa pelikulang “Mga Munting Tinig” ay pawang katotohanan. Ang mga ito ay isang realidad. Ito ay makikita at masasaksihan sa tunay na buhay ng mga tao. Ang pelikulang ito ay punong-puno ng sentimentalidad at aral na siyang magbubukas ng isipan ng mga manunuod. Ang mga aral na mapupulot dito tulad nang hindi pagkawalan ng pag-asa ay tamang-tama sa mga manunuod lalo na sa mga kabataan. Dahil dito, masasabi na ang pelikulang ito ay karapat-dapat panuorin ng hindi lamang ng mga kabataan, kundi na rin ng mga matatanda upang mas malinawagan pa sila sa realidad ng buhay.