FILIPINO 14-106A
SALOOBIN SA PAGKAKAROON NG SAKIT SA PAG-IISIP NG MGA RESIDENTE NG SANCTUARY CENTER-DSWD SA ADDITION HILLS, MANDALUYONG CITY
106A-PANGKAT 4
Isinusumite kay:
Bb. MA. LUISA CANTILLO
Propesor
DAHON NG PAGPAPATIBAY
Bilang pagtupad sa isa sa mga pangangailangan ng asignaturang Filipino, Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik, ang pamanahong-papel na ito na pinamagatang Epekto ng Pagkakaroon ng Sakit sa Pag-iisip sa mga Residente ng Sanctuary Center-DSWD sa Addition Hills, Mandaluyong City ay iniharap ng pangkat ng mga mananaliksik mula sa Fil14-106A na binubuo nina:
Chierylyn Faustino
Janice Kathleen Dedace
Mia Kristia Mañago
Dominique Lorenzo
Adam Rodriguez
________________________________________________________________ Tinanggap sa pangalan ng kagawaran ng Filipino, Jose Rizal University, bilang isa sa mga pangangailangan sa asignaturang Filipino 14, Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.
Ma. Luisa Cantillo,
Propesor
PASASALAMAT
Taus-pusong pasasalamat ang aming ipinaaabot sa mga sumusunod na indibidwal at tanggapan dahil sa mahahalagang tulong, kontribusyon at suporta sa matagumpay na reyalisasyo ng pamanahong-papel na ito:
· Kay Bb. Ma. Luisa Cantillo, ang aming butihin at masigasig na propesor sa Filipino-14, sa pagtulong sa amin at paggabay sa paggawa ng isang pamanahong-papel sa pamamagitan ng pagturo ng tamang paggawa at mga tamang hakbangin sa pagsulat ng isang pamanahong-papel,
· Kay Gng. Margarita J. Ortega, Tagapamuno ng Sanctuary Center –DSWD, sa pagpapahintulot sa amin na makapamahagi ng sarbey-kwestyoner sa mga residente ng Sanctaury Center,
· Sa mga tagapamahala ng National Library, Luneta, Manila City, sa pagpapahintulot sa amin upang makapagsagawa ng pananaliksik sa iba pang literatura hinggil sa aming paksa,
· Sa mga awtor, editor at mga mananaliksik ng mga akdang pinaghanguan namin ng mahahalagang impormasyong aming ginagamit sa pagsulat ng una at ikalawang kabanata ng pamanahong-papel,
· Sa aming mga respondente, sa paglalaan ng panahon at sa matapat na pagsagot sa aming inihandang kwestyoner,
· Sa aming kani-kaniyang pamilya, sa pag-unawa at paghintulot sa amin na umuwi na hindi kinagawian matapos lamang ang pamanahong-papel, at higit sa lahat,
· Sa Poong Maykapal, sa pagdinig sa aming mga dalangin lalung-lalo na sa sandaling kami ay pinanghihinaan na ng pag-asang matapos namin ito nang maayos sa itinakdang-panahon.
Muli, maraming-maraming salamat po.
– Mga Mananaliksik
LISTAHAN NG MGA GRAP
A. Grap 1: Distribusyon ng mga Respondente
Ayon sa Kasarian 16
B. Grap 2: Distribusyon ng mga Respondente
Ayon sa Edad 17
C. Grap 3: Saloobin ng mga Respondente
Hinggil sa Diskriminasyon sa
Sakit sa Pag-iisip 18
D. Grap 4: Saloobin ng mga Respondente kung
Tanggap ba nila ang Pagkakaroon
ng Sakit sa Pag-iisip 19
E. Grap 5: Saloobin ng mga Respondente
kung Saan Siya Titira 20
F. Grap 6: Bilang ng Taon sa Pansamantalang
Paninirahan ng Respondente sa Loob
ng Sanctuary Center 21
G. Grap 7: Ang Nararamdaman ng Respondente Tungkol
sa Kanyang Pagtira sa Sanctuary Center 22
H. Grap 8: Kaalaman ng mga Respondente kung
Nakakatulong ba ang Gamot o Medikasyon
sa kanilang Karamdaman sa Pag-iisip 23
I. Grap 9: Pananaw ng mga Respondente kung kaya
na ba nilang Mamuhay sa Labas ng
Sanctuary Center 24
J. Grap 10: Damdamin ng mga Respondente kung
Nangungulila ba sila sa kanilang Pamilya
sa Labas ng Sanctuary Center 25
K. Grap 11: Pananaw ng mga Respondente sa mga
Panghuhusga ng Lipunan
sa Sakit sa Pag-iisip 26
L. Grap 12: Damdamin ng mga Respondente
sa Kanilang Paninirahan sa
Sanctuary Center 28
TALAAN NG MGA NILALAMAN
Kabanata I, Ang Suliranin at Kaligiran Nito 1
1. Introduksyon 1
2. Layunin ng Pag-aaral 3
3. Kahalagan ng pag-aaral 4
4. Saklaw at Limitasyon 4
5. Depinisyon ng Terminolohiya 5
Kabanata II, Mga kaugnay na Pag-aaral at Literatura 9
Kabanata III, Disenyo at Paraan ng Pananaliksik 14
1. Disenyo ng Pananaliksik 14
2. Mga Respondente 14
3. Instrumentong Pananaliksik 14
4. Tritment ng mga Datos 15
Kabanata IV, Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos 16
Kabanata V, Lagom, Konklusyon at Rekomendasyon 29
1. Lagom 29
2. Konklusyon 29
3. Rekomendasyon 30
Listahan ng mga Sanggunian 32 APENDIKS
A. Liham sa Paghingi ng Pahintulot sa Pagsasarbey 33
B. Sarbey-Kwestyoner 34
1 KABANATA 1
ANG SULIRANIN AT KALIGIRAN NITO
1. Introduksyon
Ang sakit sa pag-iisip o diperensya sa pag-iisip ay isang karamdaman sa isipan na nagdudulot sa isang indibidwal na magkakaroon ng pag-aasal, pakiramdam o personalidad na itinuturing na hindi bahagi ng normal na pag-unlad sa isipan ng isang normal na indibidwal. Ang kapansanan o ang hindi kakayahan na mamuhay ng normal sa lipunan ay depende sa uri ng sakit sa pag-iisip ng isang indibidwal at sa ginagawang paraan upang magamot ito. Ang isang sakit sa pag-iisip na napabayaan ay maaaring magdulot ng pag-lala nito o panganib sa isang indibidwal at sa lipunan. Ayon naman kay Dr. Tranquilino Elicaño Jr. isang kolumnista sa PSN Opinyon, Pilipino Star Ngayon Sections, Ang taong nagdaranas ng ganitong sakit ay naihahalintulad ng isang ikinulong sa karnabal na pawang ingay, tawanan at usapan ang maririnig. Mistula siyang na-trap at nawalan na ng control at pandama sa reyalidad ng mundo.
Ang karamdamang ito ay maaaring namana mula sa isang magulang o kamag-anak, lumitaw dahil sa hindi normal na paggana ng mga neurotransmitter sa utak ng isang indibidwal, maging resulta ng mga pangyayari sa pagbubuntis o kapanganakan o lumitaw sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga karanasan na nagdudulot ng trauma sa isang indibidwal. Bukod dito may ilan pang kadahilanan ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip, kabilang dito ay ang pagkakaiba ng sukat ng ilang rehiyon ng utak at aktibidad nito, mga sikolohikal
2
na mekanismo ng isang indibidwal gaya ng kognitibo(pangangatwiran), mga emosyonal na proseso, personalidad at paraan ng pagtanggap sa isang mahirap na problema(coping mechanism) mga impluwensyang panlipunan kabilang ang pang-aabuso, pananakot (bullying) at iba pang mga negatibo o nakakabalisang karanasan sa buhay gaya ng problema sa trabaho, at kawalan ng suportang panlipunan.
May iba't –ibang mga uri ng ng paggamot na ginagawa sa mga ispesipikong sakit sa pag-iisip kabilang dito and sikoterapiya, medikasyon(gamot), at terapiyang elektrokonbulsibo o Electroconvulsive therapy. Ang sikoterapiya ay ang Cognitive behavioral therapy (CBT), ito ay batay sa pagbabago ng mga paterno ng pag-iisip at pag-uugali na nauugnay sa isang particular na diperensya. Ang mga antidepressant ay ginagamit sa paggamot ng depresyon pati na rin sa pagkabalisa (anxiety). Ang pampanatag ng damdamin (mood stabilizer) ay ginagamit sa diperensyang bipolar. Ang antisikotiko ay ginagamit para sa mga diperensyang sikotiko tulad ng eskisoprenya. Ang mga pampagising(stimulant) ay karaniwang ginagamit sa sakit na ADHD. Ang electroconvulsive therapy (ECT), dating kilala bilang electroshock, ay isang sikiyatrikong paggamot kung saan ang mga seizure ay nililikha gamit ang elektrisidad. Ito ay isang opsiyon sa kaso ng depresyon na hindi tumutugon sa mga medikasyon at sikoterapiya.
3
Sa kasalukuyan ay may dalawang nilikhang sistema para uriin ang mga sakit sa pag-iisip: Ang Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM-IV) na nilikha ng American Psychiatric Association (APA) at ang ICD-10 Chapter V: Mental and behavioural disorders na bahagi ng International Classification of Diseases na nilikha ng Organisasyon ng Pandaigdigang Kalusugan /World Health Organization o WHO. (Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders)
2. Layunin ng Pag-aaral
Ang pamanahong-papel na ito ay nagbibigay ng impormasyon hinggil sa kaalaman ng mga tao tungkol sa pagkakaroon ng psychosis o sakit sa pag-iisip sa mga residente ng Sanctuary Center, DSWD sa Addition Hills, Mandaluyong City at naglalayong matugunan ang mga sumusunod na katanungan:
a. Anu –ano ang mga dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip ng isang indibidwal?
b. Ano ang nagiging epekto ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip sa buhay ng isang indibidwal?
c. Anu -ano ang mga posibleng lunas upang magamot ang sakit sa pag- iisip ng isang indibidwal?
d. Ano ang mga karanasan at saloobin ng mga indibidwal na nagkaroon ng sakit sa pag-iisip?
4
e. Ano ang damdamin ng mga respondente hingil sa kanilang pag-galing at posibilidad na maibalik sa kani-kanilang mga pamilya?
3. Kahalagahan ng Pag-aaral
Ang pananaliksik na ito ay mahalaga hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga tao sa ating lipunan. Ang mga pag-aaral na nakalap ay maaaring magamit upang maipabatid sa kamalayan ng mga tao ang katayuan at saloobin ng mga residente ng Sanctuary Center o ng indibidwal na may karamdaman sa pag-iisip. At makapagbahagi ng sapat na datos at impormasyon upang malaman ng tao ang tamang konsultasyon ukol sa sakit sa pag-iisip.
Ang mga nasaliksik na epekto ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip o psychosis ay higit na makakatulong sa mga indibidwal, sa pamilya, at sa mga kaibigan na posibleng makitaan ng sintomas ng psychosis. Ang pagkakaroon ng sapat ng kaalaman sa paksa na ito ay makakatulong upang hindi pandirihan o katakutan ng sosyedad ang mga taong may sakit sa pag-iisip. Bagkus sila ay unawain at tulungan upang mas mapadali ang kanilang pag-galing at matanggal ang stigma na nakakabit sa pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip.
4. Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral
Ang pananaliksik na ito ay nakapukos sa epekto at dahilan ng pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Saklaw nito ang mga residente ng Sanctuary
5
Center-DSWD Mandaluyong, na kung saan inaalagaan ang mga kababaihang may sakit sa pag-iisip na maaari nang maiuwi sa kani-kanilang pamilya.
Nilimitahan ang pananaliksik na ito sa mga residenteng nakakapagbasa, nakakasulat at nakakaintindi upang maayos na maipaunawa ng mananaliksik ang sarbey na isasagawa sa mga 30 respondente. Ang pag-aaral na ito ay makakatulong sa kasalukuyang panahon upang masagot ang mga katanungan at dahilan bakit nagkakaroon ng ganitong klaseng sakit sa pag-iisip ang isang indibidwal.
5. Depinisyon ng mga Terminolohiya
Upang mas ganap na maintindihan ng mga mambabasa ang mga terminolohiya, minarapat ng mga mananaliksik na bigyan ng kahulugan ang sumusunod na salita batay sa kung paano ginagamit ito sa pamanahong-papel.
a. Ang neurotransmitter ay tumutukoy sa mga kemikal na nagpapadala ng mga signal mula sa isang neuron sa ibang neuron.
b. Ang psychosis o sikosis ay isang kundisyon na nakakapinsala sa pagtanaw ng isang tao sa katotohanan. Sakit sa pag-iisip na walang
6
kakayahang tumukoy sa kung ano ang tunay o realidad mula sa hindi tunay.
c. Ang trauma ay maaaring isang pisikal o emosyonal na kapinsalaan sa tao. Sa sikayatriko, ang emosyonal troma ay tumutukoy sa matinding sakit ng kalooban, pagkabahala, at pagkakaroon ng matinding pagkabigla dulot ng isang mapait na karanasan.
d. Ang coping mechanism ay mga emosyonal na proseso, personalidad at paraan ng pagtanggap sa isang mahirap na problema.
e. Cognitive behavioral therapy ay isang uri ng sikoterapiya na kung saan tinutulungan ang pasyente na maintidihan o maunawaan ang kanyang pag-iisip at damdamin na nakaimpluwensiya sa kanyang pag- uugali sa pamamagitan ng pakikipag-usap o (talk therapy).
f. Ang Electroconvulsive therapy (ECT) ay isang alternatibong opsiyon para sa mga pasyenteng may depresyon na kung saan ay hindi na tumutugon sa antidepressants. Ang tritment na ito ay isinasagawa sa hospital at sumasailalim sa anesthesia ang pasyente upang hindi masaktan ito habang pinapadaan sa utak ang kuryente upang lumikha ng kontroladong pangingisay o seizure. Ito ay tipikal na tumatagal ng dalawampo (20) hanggang siyamnapung (90) Segundo.
7
g. Ang Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM- IV) ay nilikha ng American Psychiatric Association at ng International Classification of Diseases na ginagawang panuntunan o basehan ng mga sikeyatriko at mga sikologo para uriin ang mga sakit sa pag-iisip.
h. Ang Schizophrenia o Eskisoprenya ay isang uri ng sakit sa pag-iisip na inilalarawan ng paghina ng mga prosesong pang-isipan at ng kakulangan ng mga tugon na nauukol sa emosyon. Ang mga karaniwang sintomas nito ay kinabibilangan ng halusinasyon na naririnig at nakikita, mga delusyon na sila ay inuusig o napakadakila at mga hindi maayos na pagsasalita.
i. Ang Bipolar Disorder o Diperensyang bipolar ay isang katawagan sa sikiyatriya para sa sakit sa pag-iisip kung saan ang isang indibidwal ay sinusumpong ng matinding depresyon at matinding manya(mania) sa pakiramdam (mood swing) nito.
j. Ang Sanctuary Center –DSWD ay isang institusyon na kumakalinga sa mga kababaihan na may problema sa pag-iisip na kung sila ay pansamatalang inaaruga hanggang sila ay maibalik sa kani-kaniyang pamilya.
k. Ang Gene (s) ay isang molecular na yunit ng pagmamana ng katangian ng isang organismo.
8
l. Ang Social isolation ay isang proseso na kung saan ang isang indibidwal ay nawalan ng komunikasyon o kooperasyon sa ibang tao at sa kanyang kapaligiran, at kadalasan nagreresulta ito ng komplikasyon sa relasyon ng bawat isa.
9
KABANATA II
MGA KAUGNAY NA PAG-AARAL AT LITERATURA
Ang terminolohiyang psychosis o sakit sa pag-iisip ay maraming depenisyon, gayunman, sa kabuuan ang "psychosis" ay tipikal na bumabanggit sa paggulo ng kaisipan ng isang indibidwal na humihiwalay mula sa reyalidad (Woolley 2012). Sa kabilang banda, marami ang walang pakialam o ayaw makialam kung ano ang dahilan at epekto nito sa ating lipunan. Kalimitan, ang mga indibidwal na nagkakaroon ng ganitong sakit ay kinakatakutan at hinuhusgahan. Bagama't ang ganap na dahilan ng pangkalahatang sakit sa pag-iisip ay hindi pa lubos na maunawaan. Ngunit, sa pamamagitan ng mga pananaliksik naging malinaw na maaari itong magmula sa biyolohikal, sikolohikal, at sosyal na paktor o kombinasyon ng mga dahilan.
Ang isang karaniwang pinaniniwalaang pinanggalingan ng sakit sa pag-iisip ang henesya (genetics) na pinalala ng mga nakapagpapabalisang dahilan na nakukuha sa kapaligiran. Sa pagsasaliksik, ang mga genes na namamana ng isang anak sa isang magulang na may sakit sa pag-iisip ay may malaking papel sa paglikha ng sakit sa pag-iisip ng isang indibidwal. Bukod dito, ang ilang pang dahilan na pinaniniwalaang sanhi ng sakit sa pag-iisip ay ang mga pangyayari sa kapaligiran na nangyayari sa pagbubuntis at pagsilang ng isang indibidwal, mga
10
trawmatikong pinsala sa utak gaya ng malakas na pagkakabangga o pagkabagok sa ulo ng tao. (Wikipedia.org) Ang klasipikasyon ng mga sakit sa pag-iisip ay batay sa Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders (DSM-IV 4th Edition) na inilimbag ng American Psychiatric Association. Ang DSM-IV ay nagpapangkat ng mga sikayatrikong dayagnosis sa limang dimension o aksis na tumutukoy sa iba't-ibang aspeto ng diperensya o kapansanan. Ito ay kinapapalooban ng: Aksis-I, mga diperensiyang klinikal kabilang ang karamihan ng mga sakit sa pag-iisip at diperensiya sa pagkatuto at diperensiya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot, Aksis-II mga diperensiya sa personalidad at kapansanang intelektwal, Aksis-III mga akyut na kondisyong medical at mga pisikal na kapansanan, Aksis-IV mga saykososyal at pangkapaligirang mga paktor na nag-aambag sa sakit, Aksis V mga global na pagsusuri ng pagkilos para sa mga bata at tinedyer sa ilalim ng (18) labingwalong taong gulang.
Ang sakit sa pag-iisip ay may panandalian at pangmatagalan na epekto. Sa panandaliang epekto, ang problema sa pag-iisip ay naging dahilan upang ang indibidwal ay maging bukod sa iba dahil sa paniniwalang hindi tama o normal ang personalidad, pag-uugali at kinikilos nito. Maaari din itong maging sanhi ng galit, takot, kalungkutan at pakiramdam na walang magawa sa taong may sakit sa pag-iisip. Sa pangmatagalang epekto naman, ang diperensiyang mental na napabayaan ay maaaring magtulak sa isang indibidwal na magpatiwakal. (www.psychguides.com Mental Health Problem Symptoms, Causes and Effects)
11
Ayon naman kina Angermeyer at Matschinger(2003) sa kanilang disertasyon na pinamagatang The Stigma of Mental illness: Effects of labeling on public attitudes towards people with mental disorder, may tatlong magkakaibang elemento ng stigma: (1) Stereotypes ang nagpapakita ng pagsang-ayon sa nosyon ng grupo ng mga tao, sa kaso ng sakit sa pag-iisip, (2) Prejudice ang antimanong pagbuo ng opinion sa isang indibidwal na may sakit sa pag-iisip o may kapansanan na maging sanhi ng sosyal na diskriminasyon, (3) Discrimination ang hindi pantay na pagtingin sa isang tao dahil sa sakit sa pag-iisip. Mula sa kanilang sarbey ay nakabuo sila na mga konklusyon: (1) Labelling ng sakit sa pag-iisip ay may impak sa pag-uugali ng publiko tungo sa mga indibidwal na may schizophrenia, (2) Stereotype sa dulot na panganib ng sakit sa pag-iisip ay may negatibong epekto sa pakikitungong emosyonal ng publiko sa mga indibidwal na may diperensiya sa pag-iisip. Sa kabilang banda, ang pagtanaw sa isang indibidwal na may sakit sa pag-iisip bilang isang tao na nangangailangan ng tulong ay pumukaw ng magkahalong positibong emosyon. Karamihan sa mga indibidwal na may problema sa kalusugang pangkaisipan ay gumagaling ng tuluyan o di kaya ay nakakapamuhay ng maayos at nakokontrol ang sintomas ng sakit sa tulong na rin ng medikasyon at suporta ng mga tao sa paligid.
Ang Psychosis ay isang kundisyon na nakakapinsala sa pagtanaw ng isang tao sa katotohanan. Maaaring ito ay bunga ng sakit sa kaisipan tulad ng Schizophrenia o Bipolar Disorder (Manic Depression)-halimbawa, kung
12
saan ang mga panahon ng sigla at sobrang pagkilos at pati ng pagkalumbay ay nagaganap. Ang mga sintomas ng psychosis ay maaari din kung minsan bunga ng pinsala sa utak o impeksyon, alkohol o maling paggamit ng gamot. Karamihan sa mga kabataan ay gumagaling sa psychosis at namumuhay nang buo at kasiya-siya.
Walang nakatitiyak kung ano ang dahilan ng mga sakit na sikosis tulad ng Schizophrenia o Bipolar Disorder. Ang mga unang palatandaan ay madalas lumalabas sa pagkatinedyer o maagang pagbibinata o pagdadalaga, at maaaring magsimula nang paunti-unti.
Ang pinakamaagang yugto ng sakit na psychosis ay maaaring magtagal nang ilang linggo hanggang sa 2 taon. Sa simula, maaaring may maliliit na pagbabago sa pag-iisip, damdamin, at pagkilos ng isang tao. Maaaring sa umpisa ay hindi gaanong halata ang mga palatandaang ito. Ang isang kabataan na nasa ganitong yugto ay maaaring makaranas ng kalituhan sa pag-iisip, pag-iwas sa mga gawaing dating kinagigiliwan, at paglala ng paggawa sa eskuwela.
Ang psychosis ay maaaring makaapekto sa kakayahan ng isang kabataan sa konsentrasyon o maaaring ang kanilang pag-iisip ay maging mas mabilis o mas mabagal kaysa karaniwan. Ang isang batang nakakaranas ng ganitong pagbabago ay maaaring maguluhan o mabahala sa nangyayari.
13
Ang epekto ng psychosis ay maaaring magpabahala nang lubha sa kabataan at makasagabal sa kanilang buhay sa kritikal na yugto ng kanilang paglaki. Kapag mas matagal bago makatanggap ng epektibong paglunas, mas matagal bago maalis ang mga sintomas at mas malaki ang panganib ng pag-ulit ng mga ito. ( www.dhi.health.nsw.gov)
Ang isang indibidwal na may schizophrenia ay pinaniniwalaang mapanganib at paiba-iba ng iniisip. (Angermeyer And Matschinger, 2004) Ang stigma ng pagkakaroon ng problema sa kalusugang mental at iba pang ispisipikong uri ng sikosis ay maaaring humantong sa social isolation. (MacDonald et al.,2005)
Sa pangkalahatan, may limitadong kaalaman ang publiko sa pag-uunawa hinggil sa problema ng mental na kalusugan, kung kaya't ang stigma at diskreminasyon ay pangkaraniwan lamang. (Phelan et al.,1998)
Ang kabuuang napag-aralan ay makakatulong upang magkaroon ng kamalayan ang publiko sa sanhi at epekto ng sakit sa pag-iisip at impak nito sa ating sosyedad. Maisusulong din nito sa lipunan ang pagkakaroon ng bukas na isipan ukol sa mga indibidwal na naapektuhan ng ganitong sakit.
14
KABANATA III
DISENYO AT PARAAN NG PANANALIKSIK
1. Disenyo ng Pananaliksik
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa ayon sa disenyo ng pamamaraang deskriptib-analitik na pananaliksik. Tinangkang ilarawan at suriin ng mga mananaliksik sa pag-aaral na ito ang kaalaman at pananaw ng mga respondente na residente ng Sanctuary Center,DSWD sa Brgy. Additionhills Mandaluyong tungkol sa sakit sa pag-iisip na Psychosis.
2. Mga Respondente
Ang piniling respondente sa pananaliksik na ito ay mga residente sa Sanctuary Center-DSWD Brgy. Additionhills Mandaluyong na may sapat na karanasan at kaalaman tungkol sa pinag-uusapan sa pamanahong papel na ito.
3. Instrumentong Pampananaliksik
Ang pag-aaral na ito ay isinagawa sa pamamagitan ng pagsarbey. Ang mga mananaliksik ay naghanda ng sarbey-kwestyoner upang malaman ang kaalaman at nararamdaman ng mga respondente tungkol sa usaping sakit sa pag-iisip o Psychosis.
15
Para sa lalong pagpapabuti ng pag-aaral ay minabuti rin ng mga mananaliksik na mangalap ng impormasyon sa iba't ibang hanguan sa aklatan libro at disertasyon.
4. Tritment ng mga Datos
Dahil ang pamanahong-papel na ito ay panimulang pag-aaral lamang at hindi isang pangangailangan sa pagtatamo ng isang digri, ay walang ginawang pagtatangka upang masuri ang mga datos sa pamamagitan ng mataas at kompleks na istatistika. Tanging pagtatally at pagkuha ng porsyento lamang ang kinailangang gawin ng mga mananaliksik.
16
KABANATA IV
PRESENTASYON AT INTERPRETASYON NG MGA DATOS
Natuklasan sa pag-aaral na ito ang mga sumusunod na datos at impormasyon:
Grap 1
Distribusyon ng mga Respondente Ayon sa Kasarian
30 Babaeng Respondente
Ipinapakita sa grap 1 ang distribusyon ng mga respondente ayon sa kanilang kasarian. Sa tatlumpung (30) respondente, lahat sila ay mga babae (100%).
17
Grap 2
Distribusyon ng mga Respondente Ayon sa Edad
Dalawampu (20) sa tatlumpu (30) respondente ay may edad na 31-pataas. Apat (4) naman ay may edad 26-30. Anim (6) naman ay may edad na 21-25. Samantalang wala namang respondente na may edad 18-21.
18
Grap 3
Saloobin ng mga Respondente Hinggil sa
Diskriminasyon sa Sakit sa Pag-iisip
Sa tatlumpung (30) respondente, labing walo (18) ang nagsabi na malungkot sila hinggil sa diskreminasyon sa sakit sa pag-iisip. Anim (6) ang nagsabing wala silang pakialam tungkol sa isyu na ito. Lima (5) naman ang nagsabi na sila ay galit. Bukod pa rito, mayroong isa (1) na nagsabi na sila ay masaya hinggil sa diskreminasyon sa sakit sa pag-iisip.
19
Grap 4
Saloobin ng mga Respondente kung Tanggap ba nila ang Pagkakaroon ng Sakit sa Pag-iisip
Ipinapakita sa grap 4 na sa tatlumpung (30) respondente ang nagsabing labing anim (16) na hindi tanggap ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Hindi tanggap ng labing tatlo (13) ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Mayroon namang isa (1) ang nagsabing walang pakialam.
20
Grap 5
Saloobin ng mga Respondente kung Saan Siya Titira
Sa tatlumpung (30) respondente ay mayroong labing anim(16) na nagsabi na gusto nila na sa pamilya nila sila titira. Anim (6) naman ay sa Sanctuary Center. Apat (4) ay mas gustong mamuhay mag-isa. Apat (4) din ay mas gusto manirahan sa kaibigan.
21
Grap 6
Bilang ng Taon sa Pansamantalang Paninirahan ng mga Respondente sa Loob ng Sanctuary Center
Sa tatlumpung (30) respondente ay sampu (10) ay 1-11 buwan ng naninirahan sa loob ng Sanctuary Center. Siyam (9) naman ay 5 taon na pataas naninirahan doon. Walo (8) naman ay 3-5 taon ng naninirahan sa loob ng Sanctuary Center. Samantalang, Tatlo (3) naman ay 1-2 taon ng naninirahan doon.
22
Grap 7
Ang Nararamdaman ng mga Respondente Tungkol sa kanyang Pagtira sa Sanctuary Center
Dalawampu (20) sa tatlumpung (30) respondente ang nagsabi na masaya sila sa pagtira sa Sanctuary Center. Walo (8) ang nagsabi na sila ay malungkot sa pagtira sa Sanctuary Center. Dalawa (2) naman ay walang nararamdaman tungkol sa kanyang pagtira sa Sanctuary Center.
23
Grap 8
Kaalaman ng mga Respondente kung Nakakatulong ba ang Gamot o Medikasyon sa kanilang Karamdaman sa Pag-iisip
Sa tatlumpung (30) respondente ay labiing pito (17) ang nagsabing nakakatulong ang gamot o medikasyon sa kanilang karamdaman sa pag-iisip. Walo (8) naman ang nagsabi na hindi daw nakakatulong ang gamot o medikasyon. Lima (5) naman ang nagsabing hindi nakakatulong ito.
24
Grap 9
Pananaw ng mga Respondente kung kaya na ba nilang Mamuhay sa Labas ng Sanctuary Center
Labing tatlo (13) sa tatlumpong (30) respondente ang nagsabi na kayang-kaya na nila mamuhay sa labas ng Sanctuary Center. Siyam (9) ang nagsabi na hindi sila sigurado kung kaya na nila mamuhay sa labas ng Sanctuary Center. Samantalang, walo (8) ang nagsabi na hindi pa nila kaya mamuhay sa labas ng Sanctuary Center.
25
Grap 10
Damdamin ng mga Respondente kung Nangungulila ba sila sa kanilang Pamilya sa labas ng Sanctuary Center
Sa tatlumpung (30) respondente dalawampu't tatlo (23) bahagdan ang nagsabi na sila ay nangungulila sa kanilang pamilya sa labas ng Sanctuary Center. Anim (6) naman ang nag sabi na hindi sila masyado nangungulila sa kanilang pamilya na nasa labas ng Sanctuary Center. Samantalang, isa (1 ) naman ang nagsabi na hindi sila nangungulila sa kanilang pamilya na nasa labas ng Sanctuary Center.
26
Grap 11
Pananaw ng mga Respondente sa mga Panghuhusga ng Lipunan sa Sakit sa Pag-iisip
A. Dapat magkaroon ng kaalaman at bukas na kaisipan ang mga tao sa ating lipunan tungkol sa sakit sa pag-iisip upang maibsan ang stigma ng ganitong sakit.
B. Dapat nilang unawain ang mga katulad naming may problema sa mental na kalusugan.
C. Walang pakialam sa panghuhusga ng lipunan.
27
Animnapu't pitong bahagdan (67%) ang nagsabi na dapat magkaroon ng kaalaman at bukas na kaisipan ang mga tao sa ating lipunan tungkol sa sakit sa pag-iisip upang maibsan ang stigma ng ganitong sakit. Dalawampu't pitong bahagdan (27%) naman ang nagsabi na dapat unawain ng mga tao ang mga katulad nilang may problema sa mental na kalusugan. Anim na bahagdan (6%) naman ang nagsabi na wala silang pakialam sa panghuhusga ng lipunan sa kanila bilang may karamdaman sa pag-iisip.
28.
Grap 12
Damdamin ng mga Respondente sa kanilang Paninirahan sa Sanctuary Center
Sa tatlumpung (30) respondente dalawampu't tatlo (23) ang nagsabi na sila ay masaya sa pansamantalang paninirahan sa Sanctuary Center. Lima (5) naman ang nagsabi na wala silang pakialam tungkol sa kanilang paninirahan sa Sanctuary Center. Samantalang, dalawa (2) ang nagsabi na hindi sila masaya sa kanilang paninirahan sa loob ng Sanctuary Center.
29
KABANATA V
LAGOM, KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON
1. LAGOM
Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang malaman ang damdamin, pananaw at kaalaman ng mga residente ng Sanctuary Center-DSWD,Brgy. Additionhills Mandaluyong tungkol sa sakit sa pag-iisip o Psychosis.
Gamit ang disenyong deskriptib-analitik, ang mga mananaliksik ay nagdisenyo ng sarbey-kwestyoner na pinasagutan sa tatlupung (30) respondente na may karamdaman sa pag-iisip.
2. KONKLUSYON
Batay sa mga inilahad na datos, ang mga mananaliksik ay humantong sa mga sumusunod na kongklusyon:
a. Karamihan sa kanila ay nasa edad 31-pataas na binubuo ng dalampung (20) respondente.
b. Pinakamarami ang nagsabi na hindi nila tanggap ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip. Pinakakaunti naman ang nagsabi na wala silang pakialam tungkol sa pagkakaroon nila ng sakit sa pag-iisip.
30
c. Karamihan sa mga respondent ay nais makasama ang kani-kanilang pamilya.
d. Ang serbisyo ng Sanctuary Center ay kanais-nais para sa mga residente nito.
e. Ang gamot o medikasyon ay nakakatulong sa mga residente ngunit ito ay kulang pa kung wala ang kanilang pamilya.
f. Pagkakaroon ng kaalaman at bukas na kaisipan ng mga tao at lipunan tungkol sa sakit sa pag-iisip upang maibsan ang stigma na dulot nito.
3. REKOMENDASYON
Kaugnay ng mga kongklusyong nabanggit, buong-pagpapakumbabang inirerekomenda ng mga mananaliksik ang mga sumusunod:
a. Para sa mga residente ng Sanctuary Center, marapat na humingi sila lagi ng gabay sa Panginoon, huwag nilang hayaan na madaig sila ng karamdaman nila.
b. Para sa mga taong walang karamdaman sa pag-iisip, lalo na sa mga nanghuhusga sa mga may karamdamang mental, nawa'y maging bukas ang inyong kaisipan tungkol sa isyu na ito at bigyan sila ng pansin.
31
c. Para sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga residente ng Sanctuary Center, nawa'y mabigyan sila ng lubos na pansin at ibigay ang dapat na pag-unawa at gabay sa kanila.
d. Para sa susunod na mananaliksik hinggil sa paksang ito ay nais naming ipabatid na magkaroon ng sarbey sa mga kalalakihan na nakararanas ng sakit sa pag-iisip upang maikumpara ang mga datos na makalap.
32
LISTAHAN NG MGA SANGGUNIAN
1. American Psychiactric Association. Diagnostic and Statistical Manual of Mental Disorders, DSM-IV 4th Edition.
2. M. C. Angermeyer, H. Matschinger. 2003. The stigma of mental illness. Department of psychiatry.University of Leipzig. Germany. 2003
3. Woolley, Jessica. 2012. Clients' and carer's experiences of an early intervention for psychosis service. South Wales, UK. Thesis. 2012
4. Elicaño, Dr. Tranquilino. 2009. What's up doc. Opinyon sa sakit sa pag-iisip. The Philippine Star. 2009
5. Patrick D. Mcgorry, Henry J. Jackson. 1999. The Recognition and Management of Early Psychosis. Cambridge University Press. 1999
6.http://www.google.com.ph/url?sa=t&rct=j&q=filipino_fhk_t8_psychosis.pdf&source=web&cd=1&ved=0CBwQFjAA&url=http%3A%2F%2Fwww.dhi.health.nsw.gov.au%2FArticleDocuments%2F776%2FFilipino_FHK_T8_Psychosis.pdf.aspx&ei=fRToVM6VBsrW8gWkiYLoAg&usg=AFQjCNEfUwIzQf_EGVPc7_PxDvoKMbF66g&sig2=1UcvnhKxlzdo7llJEMxaWA
33 APENDIKS A LIHAM SA PAGHINGI NG PAHINTULOT SA PAGSARBEY
Enero 26, 2015
MS. MARGARITA J. ORTEGA
SWO III/OIC
Sanctuary Center-DSWD NCR
Welfareville, Addition Hills, Mandaluyong City
Mahal naming Tagapamuno,
Mainit na Pagbati!
Kami po ay isang pangkat ng mga mag-aaral sa 106-A Unibersidad ng Jose Rizal na kasalukuyang kumukuha ng asignaturang Filipino 14 (Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik). Isa po sa mga pangangailangan ng nasabing asignatura ay ang pagsulat ng isang papel pampananaliksik.
Sa kasalukuyan po, kami ay nagsusulat ng isang pananaliksik tungkol sa pagkakaroon ng karamdaman sa isip at ang epekto nito. Kaugnay po nito, kami po ay dumudulog sa inyong mabuting tanggapan upang humingi ng pahintulot upang kami'y makapag bigay ng sarbey-kwestyoner sa limampung (50) residente ng Sanctuary Center na kung saan sila ay pansamantalang kinukupkop. Nais po sana naming isagawa ang gawaing ito sa darating na sabado Pebrero14, 2015, kung inyo pong mararapatin.
Ang mga datos na aming makakalap sa sarbey ay makakatulong po nang lubos sa aming pag-aaral.At makakaasa po kayong anuman ang maging resulta ay magiging kumpidensyal.
Inaasahan po naming ang inyong positibong pagtugon sa aming kahilingan.
Lubos na gumagalang,
JANICE KATHLEEN R. DEDACE
Lider ng pangkat
Binigyan-pansin ni:
Bb. MA. LUISA CANTILLO
Propesora sa Filipino
34
APENDIKS B
SARBEY-KWESTYONER
Mahal naming Respondente,
Maalab na Pagbati!
Kami po ay mga mag-aaral ng Filipino-14 na kasalukuyang
nagsusulat ng isang pamanahong-papel tungkol sa Saloobin sa Pagkakaroon
ng Sakit sa Pag-iisip ng mga Residente ng Sanctuary Center-DSWD sa
Addition Hills, Mandaluyong City.
Kaugnay po nito, inihanda namin ang kwestyoner na ito upang
makatanggap ng mga datos na kailangan namin sa aming pananaliksik.
Kung gayon, mangyari po lamang na sagutan nang buong katapatan ang
mga sumusunod na aytem. Tinitiyak po naming magiging kumpidensyal na
impormasyon ang inyong mga kasagutan.
Maraming salamat po!
--Mga Mananaliksik
35
Direksyon : Punan ng angkop na impormasyon o datos ang mga kasunod na patlang. Kung may pagpipilian, lagyan ng tsek ang kahon na tumugma sa inyong sagot.
Pangalan (opsyunal) : ______________________________
Edad : 18 -20 26 -30
21 -25 31 –pataas
1. Ano ang iyong saloobin hinngil sa diskreminasyon sa sakit sa pag-iisip?
Malungkot Galit
Masaya Walang pakialam
2.Tanggap mo ba ang pagkakaroon ng sakit sa pag-iisip?
Oo, tanggap Hindi Tanggap
Walang pakialam
3. Kung ikaw ay papipiliin saan mo gusting tumira?
Sanctuary Center Mamuhay mag-isa
Sa pamilya Sa kaibigan
4. Ilang taon ka na pansamantalang naninirahan dito sa loob ng Sanctuary Center?
1 –11 buwan 3 –5 taon
1 –2 taon 5 taon pataas
5. Ano ang nararamdaman mo sa pagtira mo dito sa Sanctuary Center?
36
Masaya Malungkot
Walang nararamdaman
6. Nakakatulong ba ang gamot o medikasyon sa iyong karamdaman sa pag-iisip?
Oo, nakakatulong Hindi alam
Hindi nakakatulong
7. Sa iyong palagay, kaya mo na bang mamuhay sa labas ng Sanctuary Center?
Oo, kayang –kaya na Hindi sigurado
Hindi pa kaya
8. Nangungulila ka ba sa iyong pamilya sa labas ng Sanctuary Center?
Oo, nangungulila Walang nararamdaman
Hindi masyado
9. Ano ang masasabi mo sa mga panghuhusga ng lipunan o sosyedad sa sakit sa pag –iisip?
Dapat nilang unawain ang mga katulad naming may problema sa mental na kalusugan.
Dapat magkaroon ng kaalaman at bukas na kaisipan ang mga tao sa ating lipunan tungkol sa sakit sa pag-iisip upang maibsan ang stigma ng ganitong sakit.
Walang pakialam sa panghuhusga ng lipunan.
10. Masaya ka ba dito sa pansamantala mong paninirahan sa Sanctuary Center? Oo, Masaya Walang pakialam Hindi masaya