SI LANGGAM AT SI TIPAKLONG Virgilio S. Almario
Isang umagang maganda ang sikat ng araw, may isang tipaklong na masayang naglalaro. Patalun-talon siya sa damuhan. Di nagtagal, dumaan ang isang langgam na kargakarga ang butil ng bigas. "Kaibigang Langgam, bakit gawa ka nang gawa? Tingnan mo ako, masayang naglalaro. Halika, maglaro tayo at maganda ang sikat ng araw," ang anyaya niya sa kaibigang si Langgam. "Salamat, mahal kong kaibigan, ngunit marami. pa akong hahakuting pagkain. Kailangan ko itong gawin upang kapag dumating ang tag-ulan ay may sapat akong kakainin. Sa gayon, hindi ako gugutumin." "Matagal
pa iyon. Tingnan mo't napakaganda ng sikat ng araw. Kaysarap-sarap sumayaw!
Halika na," pamimilit ng tipaklong. "Iyon na nga. Maganda ang sikat ng araw kaya dapat tayong magtipon ng pagkain," at nagpatuloy ang langgam sa paglakad. Naiwan ang tipaklong na patuloy na naglalaro sa damuhan. Maghapon siyang sasayaw-sayaw at pakanta-kanta. Sumapit ang tag-ulan. Walang makain si Tipaklong. Naisip niya ang kaibigang langgam. Marami itong tinipong pagkain. Isang gabi habang naghahapunan ang langgam, nakarinig siya ng marahang katok sa pintuan.
Binuksan niya ang pinto. "Ako'y nagugutom at giniginaw. Para mo nang awa, kahit kaunting pagkain ako'y iyong bigyan," ang pagsusumamo ni Tipaklong. Naawa ang langgam sa kaibigan. Pinatuloy niya ito. Humanga si Tipaklong sa dami ng pagkaing naitabi ni Langgam. "Salamat, kaibigan. Ngayon ay alam ko na ang sinasabi mo na habang maganda ang panahon ay dapat magtipon. Hindi katulad ko na walang ginawa kundi sumayaw-sayaw sa panahon ng tag-araw," ang wika ni Tipaklong. "Huwag ka ng mag-alala. Marami akong pagkain. Heto kumain ka na. Ang mahalaga ay natuto ka na sa iyong pagkakamali," ang may kababaang-loob na sagot ni Langgam. Nahihiyang kumain si Tipaklong. Masaya naman si Langgam sa nakikita niyang pagbabago ng kaibigan.
Kailangang maging masinop. Kapag may itinago, ay may madudukot sa oras ng kagipitan.
ANG UNGGOY AT ANG PAGONG Virgilio S. Almario
Magkaibigan sina Unggoy at Pagong. Minsan sa kanilang pamamasyal ay nakakuha sila ng isang punong saging. Naisip nilang paghatian at itanim ito. Likas na tuso ang unggoy kaya nagmamadali niyang pinili ang bahaging itaas ng saging. Sa kanyang palagay ay malapit na itong mamunga dahil marami ng dahon. Masaya niya itong itinanim. Samantala, walang kibo namang itinanim ni Pagong ang ibabang bahagi ng saging. Makalipas ang ilang araw ay natuyo nang lahat ang dahon ng saging na itinanim ni Unggoy. Samantala, dahil may ugat ang bahaging itinanim ni Pagong, unti-unti nang sumibol ang dahon nito. Labis ang kasiyahan ni Pagong nang magbunga ang kanyang saging. Hindi nagtagal ay nahinog na ito. Ngunit hindi naman niya maakyat ang puno. Tinawag niya ang kaibigang si Unggoy upang tulungan siyang makuha ang bunga ng saging. Mabilis namang umakyat sa puno si Unggoy. Agad itong namitas at kumain nang kumain sa itaas ng puno. Sa halip na bigyan si Pagong ng bunga ay balat ang itinatapon ni Unggoy kay Pagong. Dahil dito ay nagalit si Pagong at tahimik itong umalis. Maya-maya ay bumalik itong may dalang mga tinik. Inilagay niya ito sa katawan ng puno ng saging. Pagkatapos ay dali-dali siyang umalis nang hindi namamalayan ni Unggoy. Nang mabusog si Unggoy, hinanap niya sa ibaba si Pagong. Ngunit hindi na niya ito nakita.
Mabilis siyang bumaba sa puno kaya hindi niya napansin ang mga tinik sa katawan nito. "Aruy! Bakit napakaraming tinik dito?" panaghoy ni Unggoy. Matapos alisin ang mga tinik ay hinanap niya si Pagong. Sa di kalayuan ay naabutan niya ang humahangos na si Pagong. "Aha! Nahuli rin kita. Bakit mo nilagyan ng tinik ang puno?" usig nito kay Unggoy. Hindi kumibo ang nag-iisip na si Pagong kaya lalong nagalit si Unggoy. "Dudurugin kita nang pinung-pino," matigas na sabi ni Unggoy. "Mabuti naman at dadami kami," mahinahong sagot ni Pagong. Nag-isip si Unggoy. "Alam ko na! Iihawin kita sa apoy." "Salamat naman at lalo akong gaganda dahil pupula ang buo kong katawan," wika ni Pagong. Muli, nag-isip na naman ang unggoy habang mahigpit pa ring hawak-hawak ang pagong. "Itatapon kita sa ilog," banta ni Unggoy. "Huwag! Para mo nang awa! Malulunod ako!" pagsusumamo ni Pagong. Sa narinig ay dali-daling itinapon ni Unggoy si Pagong sa ilog. "Ha-ha-ha! Nakalimutan mo na bang dito ako nakatira?" patuyang tanong ni Pagong kay Unggoy. Natulala si Unggoy. Bakit nga ba hindi niya naalalang sa tubig nakatira si Pagong? Sa nangyari ay lalong tumindi ang galit ni Unggoy. Masayang-masaya namang lumangoy papalayo si Pagong. Ang tunay na magkaibigan ay nagbibigayan at nagtutulungan at hindi
naglalamangan. Ang mga taong tuso at manloloko ay walang kinahihinatnang kabutihan sa buhay.
ANG UHAW NA UWAK
May isang uhaw na uhaw na Uwak na gustong uminom sa isang pitsel na naiwan sa mesa. Makipot lamang ang bunganga ng pitsel kaya hindi maipasok ng Uwak ang ulo upang sipsipin ng tuka ang tubig. Hirap na hirap abutin ng Uwak ang kaunting tubig sa malalim na sisidlan. Kahit na anong pilit ay hindi mabawasan ang sobrang pagkauhaw ng ibon.
Tumingala siya at luminga-linga sa paligid. Alam niyang may kasagutan sa alinmang problemang kinakaharap natin. Tama siya! Sa isang iglap ay naisip niya ang tanging kasagutan. Lumipad siya sa labas at tumuka ng isang munting bato na inihulog sa loob ng pitsel. Nagpabalik-balik siya sa paglalagay ng mumunting bato hanggang sa umabot ang tubig sa makitid na bunganga ng pitsel. Nakainom ang Uwak at natugunan ang pagkauhaw niya sa isang iglap lamang.
Ang bawat suliranin ay madaling sagutin kung ating iisipin.
ANG LEON AT ANG DAGA
May isang Leon na mahimbing na natutulog sa ilalim ng puno nang may lumapit ditong isang Daga. Inakala ng Daga na tuyong damo ang buhok ng leyon kaya kinutkut-kutkot niya ito. Nagising ang Hari ng kagubatan at mabilis na umiktad at dumamba-damba na ikinahulog ng pobreng Daga. Dali-daling sinakmal ng matutulis na kuko ng Leon ang gumambala sa kaniyang pagtulog. "Pa... patawarin ninyo ako, mahal na Hari. Hindi ko sinasadya ang paggambala sa inyong pagtulog. Marami po ang mga anak ko na dapat pakainin. Kung mapapalaya ninyo ako ay tatanawin ko itong malaking pagkakautang. Makakabayad din po ako sa inyo sa hinaharap." "Hindi man lang ako mabubusog kung kakainin kita. Sige, makalalaya ka na!" Isang araw ay makikitang paikut-ikot sa gubat ang Leon. Naghahanap siya ng pagkain sa pananghalian. Nang matanawan ang nakabiting inihaw na tapa ng Usa sa isang puno ng akasya ay dali-dali itong nagtatakbo. Sa kasamaang palad, bitag pala iyon ng mga mangangaso. Nakulong sa makakapal na lubid ang Hari ng kagubatan. Hindi siya makawala sa bitag. Pinilit niyang magdadamba pero napatali pati mga paa niya. Walang nagawa ang lakas ng Hari. Nagkataong nagdaraan ng tanghaling iyon ang Daga kasama ang kaniyang mga anak. Naisip ng Inang Daga ito ang oras na kailangang bayaran niya ang pinagkakautangan ng buhay.
Dali-daling lumapit ang Daga at pinagngangatngat ang makapal na lubid sa paa ng Leon. Inutusan niya ang mga anak na ngatngatin naman ng mga ito ang makakapal na lubid sa ulunan ng Hari. Sa tulung-tulong na pagkagat sa mga lubid ay napalaya ng mga Daga ang Leon. "Dati-rati ay minaliit ko ang katauhan mo," pagpapakumbaba ng Leon. "Totoo nga pala na kung may malalaking nakakatulong sa maliliit ay makatutulong din ang maliliit sa isang higanteng katulad ko." Naging matalik na magkaibigan ang Daga at ang Leon magmula noon. : May maliit na nakapupuwing.
Gutom na gutom na ang Lobo. Wala siyag mabiktimang hayop sa pananghalian. Lahat ay nagtatakbuhang papalayo kapag nakita siyang pnapalapit na may mapupulang mga mata, matutulis na mga kuko at makikintab na mga pangil. Napangiti ang Lobo nang madaanan ang balag na ginagapangan ng mga ubas. Tiningala ng Lobo ang mga ubas. Napatakam siya. Tumalun-talon ang Lobo upang maabot ang mga ubas. Pero kahit na gaano kataas ang pagtalon ay hindi niya maabot ang mga prutas. Natanawan ng Lobo na lihim na bumubungisngis ang mga Daga, Kuneho at Pusa sa lungga. Nasulyapan din niyang pinagtatawanan din siya ng Kambing at Matsing sa likod ng puno ng balimbing. Pagod na rin sa katatawa ang Manok, Maya at Agila na nakatuntong sa mga sanga ng puno ng mangga. Paanong hindi bubunghalit ng tawa ang lahat gayong parang akrobatikong patalun-talon ang Lobo sa gitna ng kagubatan. Pilit nitong inaabot ang hindi man lang makanting ubas na pangarap na kainin subalit hindi kayang abutin. "Parang sirkero ang Lobo." malakas na tawa ng Pagong. "Hindi basta sirkero. Sirkerong gustong abutin ang araw." pang-iinis ng Gansa. "Hindi lang araw. Pilit din niyang inaabot ang buwan at mga bituin." sigaw ng Elepante. "Gusto mo bang sumakay sa ilong ko nang maabot mo ang mga ubas sa baging?" "Huwag na. Salamat. Ayoko naman talaga ng mga ubas na iyan. Berde pa at tiyak na napakaasim pa."
Matapos pintas-pintasan ay inis na inis na iniwan ng Lobo ang ubasan. Umisip ng maraming paraan upang ang pangarap ay makamtan .