MGA KASANAYAN SA PAGBASA NG MGA TEKSTONG AKADEMIKO Ang mga sumusunod na ilang mga kasanayan sa pagbasa ay naglalayong linangin ang komprehensiyon ng mag-aaral sa higit pang komprehensibong paraan. Pag-uuri ng mga detalye o ideya Pagtukoy sa layunin ng teksto Pagtiyak sa damdamin, tono, pananaw ng teksto Pagkilala sa opinyon o katotohanan Pagsusuri kung balido o hindi ang ideya o pananaw Paghinuha at paghula sa kalalabasan ng pangyayari Pagbuo ng lagom at kongklusyon PAG-UURI NG MGA IDEYA O DETALYE “Ang mga pangunahing ideya o kaisipan ay higit na mauunawaan kung ang maliliit na kaisipan o detalye na kabahagi o kasama nito ay malalaman. Karaniwan, ang pangunahing ideya ay hindi ipinahahayag ng nag-iisa, kundi ang mga ito’y umaasa lamang sa maliliit na detalye upang bigyang kasiyahan o kahalagahan ang mga ito o dili kaya’y maging buo ang pagkakaunawa ng bumabasa.” -
Paul Mckee
Ang kasanayang ito ay tumutukoy sa kahusayan ng mambabasa na kilalanin ang impormasyon o detalye kung mahalaga at pangunahin o kung sumusuporta sa pangunahing ideya. Karaniwan, kinikilalang pangunahin at mahalaga ang detalye kung ito ang sentro ng talakay ng akda. Ang mga katangian nito ay ang mga sumusunod: Pangunahing tema sa anumang tekstong ekspositori Batayan ng mga detalyeng ilalahad sa teksto at kadalasa’y makikita sa una at huling talata Ang mga detalye ay tumutulong sa pagpapalawak ng talakay. Karamihan din sa mga ito ang nagbibigay-linaw sa paksa. Ang detalyeng ito ay tumutugon sa layunin ng teksto. Pero.. Paano nga ba matutukoy ang pangunahing kaisipan at mga kaugnay na kaisipan sa kathang binabasa?? 1. Basahin ng may pang-unawa ang buong seleksyon/akda/artikulo 2. Pansinin ang pamagat ng paksa sapagkat ang paksa ng katha ay karaniwan nang nahihiwatigan sa pamagat. 3. Itala ang mga mahahalagang kaisipan sa isang pangungusap habang nagbabasa. 4. Suriin ang mga itinalang kaisipan. Tingnan kung alin sa mga inihanay na
kaisipan ang may lalong malawak na saklaw – ito ang pangunahing kaisipan. 5. Upang higit na malinaw at maayos ang pagkakakuha ng pangunahing kaisipan at mga detalye, isulat ito nang pabalangkas. Halimbawa ng balangkas: PAGTUKOY SA LAYUNIN NG TEKSTO Ang isang teksto ay naisusulat dahil sa layunin ng awtor na maipabatid sa mambabasa ang nais niyang ibahagi o ipaalam sa pamamagitan ng kanyang akda. Kadalasan, ang layunin ng teksto ay maaaring: Magbigay ng impormasyon Magbigay ng kasiyahan Makapagbigay ng opinyon Makatulong sa pagbabago sa lipunan Sa kasanayang ito, makikilala ang layunin o nais mangyari ng manunulat sa mambabasa. Makikita ang mga ganitong tuon sa mga salitang gamit ng manunulat. Maaaring may mga lumitaw na katanungan sa isipan ng mambabasa, kagaya ng mga sumusunod: Tutugon ba ako sa nais ng manunulat? May bago bang kaalaman ang nais ibahagi ng manunulat? Tatanggapin ko ba ito? Ang kasanayang ito ay tumutukoy din sa kahusayan ng mambabasang makilala ang layunin o kahalagahan ng teksto batay sa kanyang nakaimbak na kaalaman o sa karanasan ng manunulat ng teksto. Maaari rin niyang iugnay ang layunin o kahalagahan ng teksto sa bagong kaalamang taglay nito. PAGTIYAK SA DAMDAMIN, TONO AT PANANAW NG TEKSTO Tumutukoy ang kasanayang ito sa kahusayan ng mambabasang makita ang hangarin, persepsyon at binibiyang-diing kaalaman ng teksto. Sangkot din dito ang pagkilala ng mambabasa sa damdamin ng manunulat sa paksang tinalakay. Sa kasanayang ito, nakatuon ang pagkilala sa damdamin o saloobin ng mambabasa at sa tono at pananaw ng teksto o saloobin ng manunulat na pinag-ugnay. Tono – tumutukoy sa damdamin ng awtor o manunulat sa paksang kanyang isinusulat. Ang ilan sa mga tono ng awtor ay masaya, malungkot, galit, magpasaya, mang-aliw at iba pa. Damdamin – tumutukoy naman sa saloobin ng mambabasa habang binabasa ang isang akda o pagkatapos mabasa ang isang akda. Ang mga damdamin ay maaaring lungkot, saya, galit, takot at ba pa.
Pananaw – tumutukoy ito sa panauhang ginamit ng awtor sa kanyang akda. May tatlo itong uri. Unang panauhan – ako, tayo, akin, ko, namin at atin Ikalawang panauhan – ikaw, iyo, mo, inyo, kayo at ninyo Ikatlong panauhan – tumutukoy sa taong pinag-uusapan tulad ng siya, sila, kanya, kanila at nila. Halimbawa: “The warmth of the night, the coldness of day. How can I cope up if your far away?” “Hindi ko na ito kaya pang pigilan! Kailangan ko na itong puntahan! At doon.. Doon ko isisigaw ang kalayaan!” Mahalaga ang kasanayang ito upang lubos na maunawaan ang teksto at matanggap ang istilo ng manunulat. Sangkot sa pagkilala ng kasanayang ito ang salitang gamit ng manunulat sa pagpapalawig ng kanyang akda na kadalasan ay nakabatay sa kanyang paniniwala at prinsipyo sa buhay. PAGKILALA SA OPINYON O KATOTOHANAN “Walang maling opinyon, sariling sagot ng tao yan. Pero, marami naman ang mga “maling katotohanan” na hindi alam ng nakararami na mali ang kanilang pinaniniwalaan!” - Anonymous Tumutukoy ang kasanayang ito sa kahusayan ng mambabasa na kilalanin ang katotohanan o kabalintunaan ng mga detalyeng ibinigay ng manunulat. Bahagi nito ang paghahanap ng mambabasa ng ebidensiya o katibayan mula sa teksto upang mapagtibay ang mga isinaad ng manunulat. Dalawang uri ng pahayag: Ang katotohanan ay nagsasaad ng isang pangyayaring talagang naganap o napatunayan nang totoo. Halimbawa: “Umuulan na kaya sumilong na kayo!” Ipinahahayag dito ang isang katotohanang batay sa nakikita at nadarama. Ang opinyon naman ay nagpapahayag ng sariling damdamin o palagay. Halimbawa: “Naku! Sumilong na kayo at baka umulan na!” Nagsasaad lamang ito ng opinyon o haka na baka umulan TANDAAN: Kapag opinyon.. Kinikilalang opinyon ang detalye kung ito ay nakabatay sa paniniwala lamang ng manunulat. May kakulangan sa paglalabas ng ebidensiya
Ang mga opinyon ay hindi masasabing “tama” o “mali” Ang mga pahayag ay pansariling saloobin o damdamin lamang ng isang nagpapahayag Kapag katotohanan.. Ito ay nakabatay sa pangkalahatang kaalaman Hindi mapapasinungalingan May mga katibayan o batayan o ebidensiya PAGSUSURI KUNG BALIDO O HINDI ANG IDEYA O PANANAW “Ang isang matalinong mambabasa ay mahusay magsuri ng tekstong kanyang binabasa. Napaglilimi-limi niya kung katanggap-tanggap ba ang isang ideyang inilalahad dito o hindi.” - Dr. Servillano Marquez Masasabing balido ang isang pahayag o ideya kung ito ay: Tumutugon sa kaisahan ng mga talatang bumubuo sa teksto May batayan o saligan upang mapatunayang dapat ngang tanggapin bilang isang balidong ideya Kapag ang mga pahayag ay nakabatay sa mga aktwal na pangyayari, karanasan at obserbasyon(factual na pahayag). Halimbawa: “Ang instabilidad ng ekonomiya ng Pilipinas ay makikita sa tulak-kabig na kalagayan ng piso”. Kapuna-puna nag katotohanan(instabilidad ng piso) ay ibinatay sa pagtaas at pagbaba ng halaga ng piso, kalagayang mapupuna natin na napapabalita at nalalathala sa mga pahayagan. Kung hindi naman balido, kailangan ang higit pang pag-aaral hinggil dito sa pamamagitan ng pagbibigay ng batayan o saligan kung paano nakuha ang mga ideyang ipinapahayag. Opinyon ang pahayag kapag nagpapakita ng damdamin o nagbabadya ng paniniwala ng isang tao ukol sa isang bagay o usapin. Halimbawa: “Sa tingin ko mas magaling si Kobe Bryant kay LeBron James.” Ito ay kakakitaan ng personal na persepsyon o pagtingin ng mananalita. Tandaan na ang kongklusyon(mas magaling si Kobe) ay pahayag na walang pinagbabasehan na kung anuman maliban sa pandamang – sa tingin(mata) ko. Narito naman ang ilang simpleng pamamaraan upang matukoy kung ang isang pahayag ay isang opinyon lamang: Ang mananalita o manunulat ay gumagamit ng mga salitang nagbabadya o nagpapahiwatig ng pandamang persepsyon: kagandahan,
kapangitan, kahali-halina at iba pang kauri Gumagamit ng mga salitang siguro, parang, tila at iba pang pariralang nagpapakita ng opinyon Ang pagkakaiba lamang, ang opinyon ay maaaring masabing katanggaptanggap kung ang isasaalang-alang ay ang paggalang o respeto sa taong nagpapahayag nito. Tandaan na walang tama o maling opinyon. Halimbawa: “Ang pagpapatupad ng Reproductive Health Bill ay hindi suportado ng mga Pilipino sapagkat hindi ito makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng populasyon.” PAGHINUHA AT PAGHULA SA KALALABASAN NG PANGYAYARI Ang dalawang salitang implikasyon at hinuha o palagay ay halos nagbibigay ng iisang kahulugan. Nagkakaiba lamang ang mga ito batay sa kung sino ang gumagawa o tumatanggap ng ideya o kaisipan. Ang mga manunulat at tagapagsalita ay nagpapahiwatig(imply) o nagbibigay ng implikasyon, samantalang ang mga mambabasa at tagapakinig ang nagpapalagay o bumubuo ng hinuha(interference). Ano nga ba ang implikasyon? Ang implikasyon ay nagpapakita ng mga palatandaan o pahiwatig. Hindi ito tiyakang ipinahahayag o sinasabi. Mula sa mga pahiwatig o implikasyon ng isang manunulat o tagapagsalita ay maaaring bumuo ng hinuha o palagay. Eh ano naman ang hinuha? Ang hinuha o palagay ay nabubuo batay sa mga patnubay na makatuwiran. Ang paksa ng isang talata ay maaaring banggitin ng tiyakan ng manunulat upang iwan sa mambabasa ang pagbuo ng hinuha o palagay. Ito ang hahamon sa mambabasa na bumuo ng sariling hinuha o palagay tungkol sa kanyang binasa. PAGBUO NG LAGOM AT KONGKLUSYON Ang lagom o buod ang itinuturing na pinakapayak na anyo ng paglalahad o diskurso. Maituturing itong isang pagpapanibagong-gawa ng akda ng ibang tao.
Ang pangunahing layunin ng pagbuo ng lagom o buod ay matulungan ang mambabasa sa pag-unawa sa diwa ng isang akda o seleksyon. Ang mga salitang dapat gamitin dito ay iyong mga magaan at madaling maunawaan kaysa sa pananalitang ginagamit sa orihinal. Hindi dapat pasukan ng anumang puna ang akdang hinahalaw. Para makabuo ng lagom.. Basahin munang mabuti ang buong akda upang makuha at maunawaang mabuti ang mga panggitnang kaisipan Hanapin din ang pangunahing kaisipan at mga pamumuno o katulong na kaisipan Dapat gamitan ito ng mga payak na pangungusap na sinulat sa isang paraang madaling maunawaan ng mambabasa Hindi dapat na malayo ang diwa sa orihinal sa ginawang buod Hindi na kailangan pang banggitin ang mga salitaan ng mga tauhan Dapat namang taglayin ng lagom ang mga sumusunod: MAIKLI – hindi maligoy at hindi hihigit sa isang talata MALINAW ANG PAGLALAHAD – dapat na ugnay-ugnay ang mga kaisipan upang makabuo ng talatang may kaisahan MALAYA – nakatatayo sa kanyang sarili at taglay lamang ang pangunahing ideya o kaisipan ng orihinal na teksto MATAPAT NA KAISIPAN – malinaw na matutunghayan dito ang intensyon o hangarin ng awtor. Samantala.. Mahalaga ang komprehensyon o pag-unawa sa kabuuan ng tekstong binasa para makabuo ng isang matibay at mapanghahawakang kongklusyon sa isang seleksyon o akdang binasa. Ang kongklusyon ay ang paglalagom at pagbibigay-diin sa mga ideya na inilahad sa kabuuan ng tekstong nilagom. Tandaan na.. Hangga’t maaari, ang mga signipikong bahagi lamang ang ikuwento sa lagom, ngunit huwag kalimutan na maging maingat para huwag malimutan ang mahahalagang bahagi (tema, tunggalian, tauhan at iba pa)