Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Artikulo
KATUTUBONG PANGGAGAMOT NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN SA BROOKE’S POINT AT BATARAZA, PALAWAN Jyferson A. Villapa Departamento ng Kasaysayan De La Salle University - Maynila, Pilipinas
Abstrak Tungo sa pag-aambag sa mga larangan ng kasaysayang etniko, etnokasaysayan, at Araling Pangkapaligiran, nilalayon ng akdang itong maitala at mapag-aralan ang tatlong uri ng kasanayan sa katutubong medisina at pamamaraan ng panggagamot ng mga Pala’wan sa bayan ng Brooke’s Point at Bataraza, Palawan. Ang tatlong pamamaraan ng panggagamot ay ang tawar, baklat, at parimanes. Ilalahad dito ang mga hakbang kaugnay ng mga natukoy na uri ng panggagamot ayon sa nakaugaliang gawi at pamamaraan ng mga Pala’wan kasabay na rin ng pinagmulan o pinanggalingan ng kanilang kalinangan. Bibigyang-pansin din sa pag-aaral na ito ang pilosopiyang isinasabuhay ng mga Pala’wan na may direktang epekto sa kanilang kaalaman sa katutubong panggagamot; ang mga paniniwalang nakakabit sa pamamaraan ng panggagamot batay sa kanilang kapaligiran o mga kaalamang naipasa ng kanilang mga ninuno; at kung paano kinakabaka ng mga Pala’wan ang pagpasok at impluwensya ng modernong medisina kasabay ng pagpapanatili ng kanilang tradisyon sa katutubong panggagamot sa kanilang komunidad.
PANIMULA Ang kasaysayan at kultura ay mahahalagang salik sa pagbubuklod ng isang bansa. Ang kasaysayan ay nagsisilbing kuwentong kumakawing sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap at ang kultura nama’y nagbibigay-diwa sa lahi at kumakatawan bilang kaluluwa ng isang bansa. Ilan sa pinanggagalingan ng kultura o kalinangan ng isang bansa ang mga gawi, pamumuhay, at aktibidad ng mga sinaunang nanirahan dito. Sa Pilipinas, napakahalaga at napakalaki ng papel na ginampanan at patuloy na 57
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
ginagampanan ng mga katutubo sa paghubog ng pangkalahatang kasaysayan at kultura ng mga Pilipino. Hindi maipagkakailang ang kanilang mga ritwal, gawi, kaugalian, at tradisyon ay nagsisilbing tulay ng kasalukuyan sa ating nakaraan. Batay sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP) (UN 2007), dapat ituring na yaman ang mga katutubo—dapat silang bigyan ng karampatang atensyon upang masegurong hindi sila naaapi at nabibigyan ng respeto at pagkilala ang kanilang pamumuhay. Sa prepasyo naman ng State of the World’s Indigenous Peoples (SOWIP) (UN DESA 2009), na inilimbag din ng United Nations, sinasabing nangangahulugan din ang hindi magandang pagtrato sa mga katutubo ng hindi wastong pagkilala sa mismong kultura ng isang bansa. Katulad ng maraming katutubo o pangkatetniko sa ibang panig ng mundo, kinakaharap din ng mga pangkat-etniko sa Pilipinas ang matinding pagpapahirap, hindi lamang sa kanilang pagkatao, kundi pati sa kanilang mga gawi at tradisyong pinipilit nilang mapayapa at malayang maisagawa. Bunga nito, maraming katutubong kaalaman at tradisyon ang unti-unting nang nawawala o nababaon sa limot. Papaksain sa papel na ito ang kasanayan ng pangkat-etnikong Pala’wan sa katutubong medisina at gawaing pangkalusugan bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na buhay at ng kanilang mayamang kultura’t kaalaman sa paggamit ng mga halamang gamot na may kalakip na pasalitang mga orasyon at dasal. Tatangkain ng kasalukuyang mananaliksik na maitala at mapag-aralan ang mga uri at hakbang ng panggagamot ayon sa nakaugaliang pamamaraan at gawi kasabay na rin ng pinagmulan o pinanggalingan ng kalinangang ito. Bibigyang-pansin din sa pag-aaral ang mga sumusunod: ang mga pilosopiyang isinasabuhay ng mga Pala’wan na may direktang epekto sa kanilang kaalaman sa panggagamot; ang mga paniniwalang nakakabit sa panggagamot batay sa kanilang kapaligiran o mga kaalamang naipasa ng kanilang mga ninuno; at kung paano kinakabaka ng mga katutubo ang pagpasok ng modernong pamamaraan ng panggagamot at pagpapanatili ng kanilang tradisyon sa medisina sa kanilang komunidad. Ang pag-aaral na ito ay isang pagtatangkang mag-ambag sa mga larangan ng kasaysayang etniko, etnokasaysayan, at Araling Pangkapaligiran. Malaki ang ambag ng mga obserbasyon at mga salaysay ukol sa katutubong kaalaman at kultura sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsusulat ng kasaysayang etniko at etnokasaysayan. Sa diwa ng Bagong Kasaysayan, kinikila ang dimensyong etniko bilang bahagi ng konsepto ng bayan at matibay na sandigan ng pangkalahatang salaysay ng isang kinabibilangang lalawigan at pangkalahatang kasaysayang pambansa. Ani Zeus Salazar (1986), “Ang kasaysayang etniko per se, na tatawagin natin ditong ‘kasaysayang-bayan,’ ang siyang maiuugnay sa kasaysayang pampook at pambansa at dahil dito’y dapat isulat sa wika ng kabuuang pambansa, para sa mamamayan nito.” Pagtalakay rin ito nang masinsinan sa mga elementong etnikong tila hindi maisama-sama sa paglahad ng isang kasaysayang 58
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
pampook, bagama’t nararamdaman ng isang historyador na mahalaga sa pag-unawa’t pagpaliwanag ng isang paksa (Salazar 1986). Sinusuri naman sa etnokasaysayan ang mga grupong etnolinggwistiko o grupo ng tao na may partikular na wika’t kultura o isang kakanyahang pangkalinangan at maaaring nakasulat ito sa Ingles o sa alinmang wika dahil sa bahagi ito ng pansilang kamalayan ng alinmang kabuuang politiko-kultural na may sariling tradisyong pang-agham (Salazar 1986). Itinuturing na mahalagang salik ang katutubong kaalaman, kultura, at tradisyunal na gawain sa tuloy-tuloy at makatarungang pagpapaunlad ng katutubong medisina kasabay na rin ng angkop na pangangasiwa ng kalikasan at kapaligiran (UNDRIP 2007) kung kaya’t sa ganitong lapit, sisikapin ng kasalukuyang mananaliksik na maitala at isalaysay ang isa sa kakanyahang pangkalinangan ng mga katutubong Pala’wan sa tradisyunal na panggagamot. Ito’y sa pamamagitan ng pagsusuri ng pinagmulan ng katutubong kaalaman sa panggagamot, mga uri o pamamaraan nito, pagtatala ng mga hakbang na nakapaloob dito, at pagsisiyasat sa mga paniniwala, mga suliranin, at kung paano sinosolusyonan ang mga ito ng mga Pala’wan. Bilang ambag naman sa Araling Pangkapaligiran, titingnan ng pag-aaral na ito ang epekto at gampanin ng kapaligiran sa kamalayan at katutubong kaalaman ng mga Pala’wan sa panggagamot, partikular na sa kanilang pangangalap at paggamit ng mga halamang gamot o sangkap upang maisagawa nang husto ang panggagamot at makapagbigaykalunasan sa mga karamdaman. Ayon sa sanaysay ni Vicente Villan (2015), ang pag-aaral ng kapaligiran ay “pag-aaral, pagsusuri, at pag-unawa sa mahalagang ginagampanan ng kapaligiran at pook sa paghubog ng isang natatanging kalinangan at kamalayang nagsisilbing tagapagbigay-hugis ng mga penomena o kaganapang pangkasaysayan.” Samantala, ipinaliwanag naman ni Ma. Florina Orillos-Juan (2016) ang Kasaysayang Pangkapaligiran bilang pagsisiyasat pangkasaysayan na tumutukoy sa “masalimuot na ugnayan ng tao at kapaligirang likas o likha man” at nagbubunsod sa mga tao upang tumugon, umangkop, at lumutas sa iba’t ibang hamon ng kapaligiran at kalikasan. Dagdag pa niyang pangunahing adhikain ng o nagtulak sa mga iskolar na sumusulat ng Araling Pangkapaligiran ang mabigyang-kalunasan at/o mapigilan o mabawasan ang paglala ng mga suliraning pangkapaligiran sa kontemporanyong panahon (Orillos-Juan 2016). Nagmula ang mga datos na ginamit sa pag-aaral sa pananaliksik sa mga aklatan, mga pahayagan, at mga institusyon ng pamahalaan sa lebel na nasyonal tulad ng Pambansang Aklatan ng Pilipinas o National Library of the Philippines (NLP), Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o Department of Environment and National Resources (DENR), at Ahensiyang Pang-impormasyon ng Pilipinas o Philippine Information Agency (PIA) na pumapaksa sa pangkat-etnikong Pala’wan, kasanayan sa katutubong panggagamot at kaalaman. Ginamit din ang pananaliksik sa larangan (fieldwork) at pakikipanayam sa mga pangkat-etnikong Pala’wan bilang metodo na isinagawa ng 59
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
kasalukuyang mananaliksik noong Nobyembre 2014 upang mapunuan ang mga kakulangan sa mga nakalap na impormasyon at mga dokumento. Mayroong pitong pangunahing kinapanayam ang kasalukuyang mananaliksik na may sapat at direktang kasanayan at kaalaman sa panggagamot na tumugon sa mga tanong ng kasalukuyang mananaliksik, nagbahagi ng mga pananaw at paniniwala tungkol sa paksa. Sila sina Maman (Tatay) Dino Bayod, 57 taong gulang; Maman Sinond Gura, 67 taong gulang; Maman Virgilio Badidil, 49 taong gulang; Maman Butuan Alwang, 97 taong gulang; Maman Domino Salmani, 74 taong gulang; Minan (Nanay) Rose Kene, 42 taong gulang; at Minan Binki Duadin, 55 taong gulang. Bukod sa mga nabanggit, may ibang pang natanong, nakausap, at nakasalamuha ang kasalukuyang mananaliksik na nakapag-ambag sa mga impormasyong kailangan sa pag-aaral na ito. Ang mga kinapanayam ay naninirahan sa bayan ng Brooke’s Point, partikular na sa Brgy. Mainit at Brgy. Imulnod at sa bayan ng Bataraza, sa Brgy. Malihud. Ang mga lugar na nabanggit ang pinakamalalapit na barangay sa bayan ng Brooke’s Point at Bataraza kung saan may malaking bilang ng naninirahang mga Pala’wan. Ninanais ng kasalukuyang mananaliksik na makalikom ng mga impormasyong pangetnokasaysayan, kasaysayang etniko, mga pangyayari, at kuwento na madalas ay pahapyaw o hindi natatalakay na makatutulong sa pag-unawa at pagpapahalaga ng mga pangkaraniwang mamamayan at kabataan sa katutubong kaalaman at kultura sa panggagamot. Inaasahang magiging isang munting kontribusyon ang pag-aaral sa pagpapalakas ng kaalamang katutubo at kasanayan. Gayundin, isa itong pagsisikap na makaambag sa pagsusulat ng isang makahulugang salaysay o pagsasadokumento ng isang bahagi ng mayamang kultura ng mga Pilipino gamit ang wikang Filipino.
PALA’WAN BILANG PANGKAT-ETNIKO Isang kuwento ang ibinahagi ni Maman Bayod (2014), isa sa mga kinapanayam ng kasalukuyang mananaliksik mula sa Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan. Ang kuwentong ito’y maaaring magbigay ng ideya sa identidad o pagkakakilanlan ng pangkatetnikong napili. Binuo ng kasalukuyang mananaliksik ang salaysay batay sa diskurso ng pakikipanayam at mga talang nakalap mula sa katutubo: Sugid/bitsara et mga taw Pala’wan (Isang kuwentong Pala’wan) Libo-libong taon na ang nakaraan, ang pinakamalakas at kilalang tao sa kalupaan ay nagpatawag ng isang malaking pagtitipon at lahat ng tao sa mundo ay imbitado. Gamit ang mabibilis at malalaking alagang ibon, nagpadala ang taong ito ng mga sulat at imbitasyon na nagsasabing “Lahat
60
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
ay imbitado at dapat ang lahat ay dumating sa lugar ng pagtitipon bago matanaw ang unang sinag ng araw ng mga balintataw. Sa araw ng pagtitipon, dumating ang mga Amerikano bago ang bukang liwayway. Dahil sila ang pinakaunang dumating, pinagkalooban sila ng taong nagpatawag ng pagtitipon ng isang kahon ng lapis at isang pad ng papel. Habang unti-unting sumisilip ang maliliit na silahis ng araw, dumating naman ang mga Tagalog (katawagan ng mga katutubo sa mga Pilipino) at pinagkalooban naman sila ng isang pirasong lapis at papel. Sakto naman sa pagsikat ng araw, dumating sa lugar ng pagtitipon ang mga Muslim at bilang gantimpala sa pagdating sa takdang oras na nakasaad sa imbitasyon, binigyan sila ng karunungan at tatlong kasanayan. Tirik na tirik na ang araw nang magdesisyong pumunta ang mga Pala’wan sa pagtitipon at dumating sila sa lugar noong malapit nang kainin ng dilim ang kakaunting liwanag ng araw. Sa kanilang pagdating, tinanong sila ng nagpatawag ng pagtitipon kung bakit sila ay nahuli. Agad naman silang sumagot ng “Maramig banar atot bukid nakabaag kay lang kan sa nagpaenet kay nga apoy, bago kay tuminogpa” (Masyadong malamig sa bundok at nakasuot lamang kami ng bahag, kung kaya’t kami’y naghanap muna ng mga kahoy upang gawing panggatong, para mainitan nang kaunti ang aming mga katawan bago pumunta sa pagtitipong ito). Nagalit ang taong nagpatawag ng pagtitipon matapos marinig ang mga dahilan ng mga Pala’wan kung bakit sila nahuli ng pagdating at kanya na ring ipinakilala ang sarili sa mga ito. At kanyang sinabi, “Kayo (mga Pala’wan), hindi ba’t sinabi ko nang lahat ng imbitado ay dapat dumating bago ang unang sinag ng araw ay matanaw ng iyong mga mata? Ako si Empo (isa sa itinuturing na Bathala ng mga Pala’wan; ito ri’y isang pangkalahatang katawagan ng mga Pala’wan sa dakilang Tagapaglikha) at hinding hindi na ako babalik sa lugar ng pagtitipong ito.” Hindi binigyan ni Empo ang mga Pala’wan ng mga bagay tulad ng lapis at papel o kasanayan man lang kagaya ng ibinahagi niya sa mga naunang dumating sa pagtitipon bagkus, sila’y iniwanan ng mga sumusunod na gamit: isang tukew (gulok), isang tabig o tingkep (basket), isang bugtong (sibat), at iba’t ibang halaman at binhi. Sa kasalukuyan, ang mga Amerikano ay nakapagpapalipad na ng mga eroplano, nakapaglalayag gamit ang mga barko, at tuloy-tuloy sa pagimbento ng mga makinarya. Nagagawa nila ito dahil marami silang nakuhang lapis at papel na ipinagkaloob ni Empo para sa kanilang pag61
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
aaral. Tulad ng mga Amerikano, ang mga Pilipinong nakatanggap din ng lapis at papel ay nagkakapag-aral at nagkakapagtrabaho. Ang mga Muslim naman na biniyayaan ng karunungan at abilidad ay nakapaghahanap-buhay sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan o pagtitinda. Sa kabilang dako, ang mga Pala’wan na mayroon lamang tukew, tabig o tingkep, bugtong, mga halaman at binhi ay pinag-aralan at ginamit ang mga ito nang mabuti. Ang tukew ay para sa pagbubungkal ng lupa; ang tabig o tingkep ay para lagyan ng mga aning bigas at mga pananim; ang bugtong ay para sa pangangaso ng mga baboy ramo at usa; at ang mga halaman at binhi ay para naman sa pagkain at gamot. Ito ang kanilang kapalaran dahil hindi sila pinagkalooban ng lapis at papel para magkapag-aral at makapaghanap-buhay. Sila ay di nakapag-aral at walang ibang tanging paraan upang mabuhay maliban sa pagbubungkal ng lupa at pagtatanim ng halaman at mga binhi… at lahat ng ito ay dulot lamang ng kanilang huling pagdating sa dakilang araw ng pagtitipon ni Empo (Bayod 2014). Ayon kay Maman Bayod (2014), ang kuwentong ito’y mula pa sa kanyang mga magulang at ilang nakatatanda sa kanilang komunidad. Ibinahagi ito sa kanilang magkakapatid sa tuwing magbubungkal na sila ng lupa bilang paghahanda sa panahon ng pagtatanim. Dagdag pa ni Maman Bayod (2014), kanyang nakabisado ang kuwentong ito, kasabay pa ng ilang istorya, dulot na rin ng paulit-ulit na pagsasalaysay ng mga nakatatanda bilang paalala na dapat silang magtrabaho nang husto, gumising nang maaga, at magbanat ng buto bago pa sumikat ang araw. Naikintal na ito sa kanyang isip kasama ng ibang pang Pala’wan sa pag-asang maiiba ang kanilang kapalaran sa pagbalik ni Empo at hindi matulad sa kanilang mga ninuno, na nahuli sa pinatawag na pagtitipon. Isa sa kakakitaan ng parehong paglalahad tungkol sa katayuang panlipunan, rasyunalisasyon ng pangkasaysayang kalalagyan ng mga Pala’wan ang pag-aaral nina James Eder at Janet Fernandez (1996). Mayroon din silang mga salaysay ukol sa iba pang pangkat-etniko sa lalawigan tulad ng Batak at Tagbanua. Sa kasalukuyan, nakatira ang karamihan ng mga Pala’wan sa timog na bahagi ng lalawigan ng Palawan, partikular na sa malawak na bulubundukin ng Mantalingahan na kumukurus sa mga bayan ng Brooke’s Point, Bataraza, Española, at Rizal (tingnan ang Mapa 1) (EGP 2011; PIA IV-B 2015). Ayon kay Dario Novellino (2001), nahahati sa dalawang pangkat ang mga Pala’wan batay sa kung saan sila naninirahan. Ang una ay ang mga Pala’wang namumuhay sa kabundukan o ang mga tinatawag na Pala’wan sa Bukid/Pala’wan sa Daja. Ang pangalawa naman ang mga Pala’wang nakatira sa kapatagan o ang mga tinatawag na Pala’wan sa Napan. Nagsasagawa ang parehong grupo ng mga 62
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
katutubong gawain tulad ng pagkakaingin, pagsasaka ng bigas, kamote, at iba pang pananim bilang kanilang kabuhayan. Ang ilan sa kanilang aning gulay, prutas, kasama ng mga gawang sining o handicraft ay kanilang ipinagbibili sa lingguhang tabuan o market day. May ilang bilang na rin ng mga Pala’wang nag-aalaga ng mga baboy, manok, pato, at paghusto na ang gulang ng mga ito’y ipinagbibili na rin sa tabuan. Madalas mapagkamalan ang mga Pala’wan bilang mga Tagbanua—isa pang malaking pangkat-etnikong naninirahan sa lalawigan ngunit ang mga ito’y makikita sa hilaga at gitnang bayan ng Palawan tulad ng Aborlan, Quezon, at Puerto Princesa (NLP 1999)— dahil sa maraming pagkakapareho ng kanilang mga gawi at uri ng pamumuhay. Ayon sa pag-aaral ni Robert Fox (1982) na pinamagatang Religion and Society Among the Tagbanuwa of Palawan Island, Philippines, may posibilidad na ang mga Tagbanua at Pala’wan ay may kaugnayan sa isa’t isa, na nagmula sila sa isang proto-culture. Sa kanyang ginawang pagtalakay, nabanggit niya ang pagkakatulad ng wika at kultura ng dalawang grupo gamit ang pananaliksik nina H.P. McKaughan at Richard Gridley ng Summer Institute of Linguistics (SIL) noong 1954, kasabay na rin ng kanyang sariling pananaliksik sa larangan at pagsasadokumento ng iba’t ibang ritwal ng mga Tagbanua. Bagama’t may teoryang iniharap si Fox na maaaring mag-ugnay sa mga Pala’wan at Tagbanua, itinuturing pa rin niyang magkaiba o hiwalay ang mga ito dahil lumilitaw pa rin diumano ang kaibahan nila sa isa’t isa tulad ng mga impluwensyang nakuha at mas matagal na pakikisalamula ng mga Pala’wan sa mga Hindu-Indones at Muslim. Makikita rin ang ideyang ito ni Fox sa iba pang iskolar at mananaliksik tulad nina Diokno Manlavi (1970) at Nilo Ocampo (1985) na nagpakadalubhasa at gumawa ng mga pag-aaral sa kasaysayan ng lalawigan at mga naninirahan dito. Tinukoy ni Ocampo (1985) ang mga Pala’wan at Tagbanua na may pagkakapareho sa ilang bagay at gawi tulad ng pagkakaingin o pagbubungkal ng parehong grupo nang palipatlipat, malapit na relasyon ng kanilang wikang gamit, at pagkaugat ng kanilang relihiyon at paniniwala sa espiritu ng mga patay. Ngunit sa kabila ng mga nabanggit na pagkakatulad, sinabi rin ni Ocampo na malaki ang pagkakaiba sa kultura ang dalawang pangkat na resulta ng espesyalisasyon at madalang o madalas na pakikipag-ugnayan sa iba pang grupong may sariling kalinangan—gaya ng malakas at impluwensyang kultural ng mga Muslim sa timog kung saan naninirahan ang mga Pala’wan. Samantala, sa akda naman ni Manlavi (1970), bagama’t maikli ang pagtalakay, kanyang ipinakitang magkaiba ang dalawang pangkat dahil naninirahan ang mga Tagbanua sa hilagang bahagi ng lalawigan—sa mga bayan ng Aborlan, Dumaran, at Cuy0—kung kaya’t madalang o halos walang ugnayan sa ibang kultura hindi tulad ng mga naninirahang katutubo sa timog gaya ng mga Pala’wan na naimpluwensyahan ng kulturang Muslim. Sa pagsasalaysay pa ni Manlavi (1970), noong dekada 1940, sinasabing may isang dominanteng espiritwal na lider ng relihiyong Muslim na nanirahan sa bayan ng Brooke’s Point na may halos 12,776 na tagasunod sa buong lalawigan sa katauhan ni Datu Jolkipli. 63
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
MAPA 1 Mapa ng Brooke’s Point, Palawan
Mapang nagpapakita sa nasasakupan ng bayan ng Brooke’s Point, Palawan at mga karatig nitong bayan tulad ng Rizal, Española, at Bataraza mula sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), Brooke’s Point, Palawan ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman o Department of Environment and Natural Resources (DENR) (2016). 64
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Sa pagtatanong sa mga impormante, partikular na kay Panglima (Chieftain) Misang Fernandez (2014), sa kung ano ang relihiyong kanilang sinusunod o isinasagawa, kanyang sinabing bago pa dumating ang napakaraming misyonero mula sa iba’t ibang sekta ng simbahan, ang Pala’wan ay walang relihiyon o sila’y “pagano.” Naniniwala lamang sila kay Empo (binabaybay rin bilang Ampu), isang kataas-taasang nilalang na lumikha sa lahat ng nakikita at nararanasan ng bawat taong nabubuhay. Si Empo ay naninirahan sa gubat, dagat, at ilog kasama ng napakaraming bilang ng mga taw kewasa o mga espiritu (Novellino 2001; Fernandez 2014). Dagdag pa ni Panglima Fernandez (2014), ang kanilang pagkilala kay Empo at sa mga taw kewasa o mabubuting diwata at mga espiritu ang nagsisilbing pundasyon ng pagkakakilanlan ng mga Pala’wan at tagapagbuo ng kanilang komunidad dahil si Empo at ang mga taw kewasa ang naging saligan na rin ng kanilang mga ritwal, seremonya, sayaw, at pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, sa pagsasagawa ng kaingin, bago tabasan o linisin ng mga Pala’wan ang isang maliit na lugar ng kagubatan at pagtaniman ng mga gulay at halamang ugat, sila muna ay kumokonsulta at mapayapang nakikipag-usap sa iba’t ibang naninirahang taw kewasa sa napiling lugar. May mga tiyak na palatandaan upang malaman kung ang mga taw kewasa ay papayag o hindi (Novellino 2001; Novellino 2002). Kadalasan, para mapapayag ang mga taw kewasa, naghahandog ang mga Pala’wan ng iba’t ibang alay tulad ng ritwal at mga pagkain. Ang pagsamo sa mga taw kewasa ay masasalamin din sa pangangaso ng mga Pala’wan sa mga ligaw na baboy o ang tinatawag na bjak at ramu ramu sa wikang Pala’wan. Ayon kay Panglima Fernandez (2014), kung sila ay huhuli ng bjak at iba pang hayop sa kagubatan, dapat muna silang humiling at makiusap sa taw kewasa na nagmamay-ari ng hayop na nais nilang hulihin. Ang pasalitang orasyon at mga panalangin ang paraan ng mga Pala’wan upang respetuhin ang mga taw kewasa. Dalawa sa pinahahalagahang pilosopiya ng mga Pala’wan ang Ingasiq o habag at ang Adat et Kegurangurangan o kultura at gawi ng kanilang mga ninuno. Ang mga ito ay nananatiling gabay nila sa pang-araw-araw na buhay at mga gawain (Novellino 2001). Ang Ingasiq ang nagiging batayan ng kanilang pangkalahatang kilos dahil sumasalamin ito sa kahalagahan ng kagandahang-loob at pakikiramay sa kapaligiran, mga hayop, at mga tao. Ang Adat et Kegurangurangan naman ay maaaring tukuyin bilang isang representasyon ng katutubong kaalaman ng mga Pala’wan—ang kanilang mga kasanayan sa mga seremonya, panalangin, deruhan (pagkanta), at tarek (pagsayaw) na isinasagawa lamang sa mahahalagang pagdiriwang at mga makabuluhang kaganapan tulad ng rapat (kasal), pulawon (lamay), pagbangunan (panganganak), at iba pang dapat ipasa sa mga batang henerasyon (Novellino 2001). Ang Ingasiq at Adat et Kegurangurangan ay masisipat din sa malawak na pag-aaral ni Nicole Revel (1990), isang Pranses na nanirahan sa mga Pala’wan noong 1970 at nagtala ng kanilang mga awit at epiko ng maalamat na bayani na si Kudaman. Ang epiko ay nagsasaad din ng ilang paniniwala ng mga Pala’wan tulad ng sa mga taw kewasa at taw 65
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
maraqat o masasamang espiritu. Ang mga Taw maraqat ang mga espiritung nagpapakalat ng sakit at nagdadala sa mga Pala’wan sa kamatayan. Samantalang ang mga taw kewasa ang mga espiritu nagbibigay ng mga kaalaman at kakayahan sa mga piling tao ng mundo upang labanan ang mga sakit at kamatayang dala ng masasamang espiritu (Revel 1990). Ang halimbawa ng mga piniling tao ang mga manggagamot na pinagkalooban ng karunungan para magkapagpagaling. Batay sa pag-aaral na ginawa ng Ancestral Land Domain Watch Network (ALDAW) (2009), kasama ang University of Kent Center for Biocultural Diversity, tungkol sa mga Pala’wan, nasasaad na naniniwala silang nagtataglay ang tao ng maraming kuruduwa o kaluluwa. Ang bubun o bunbunan ng isang tao ay itinuturing ng mga Pala’wan bilang daan at pintuan sa pinakamahalagang kuruduwa sa katawan ng isang tao. Itinuturing ang kuruduwa na ito bilang korona sa ulo na naglalaman ng tinatawag nilang nakam, ang isip o malay ng isang tao (Novellino 2001; ALDAW 2009). Gayundin, sa bubun madalas nagsisimula ang panggagamot at paglapat ng lunas ng mga Pala’wan sa anumang sakit (Duadin 2014). Ang konsepto ng pagkakasakit ng mga Pala’wan ay taliwas sa modernong paniniwalang dulot ang karamdaman ng mga bakterya at mikrobyong pumapasok sa katawan. Para sa mga Pala’wan, ang pagkakaroon ng sakit ay sanhi ng pagkawala ng balanse ng kuduruwa sa katawan na may direktang epekto sa pisikal at mental na kalusugan ng isang tao (Duadin 2014). Maaari rin itong magresulta sa mabilis na panghihina at pagpasok ng masasamang elemento sa katawan (ALDAW 2009; Fernandez 2014). Sa pagdating ng mga misyonero mula sa iba’t ibang sekta, nagpamiyembro ang karamihan sa mga Pala’wan, partikular na yaong naninirahan sa kapatagan, sa magkaibang relihiyon. Ang mga Pala’wang namamalagi sa kabundukan ng Mantalingahan, bagama’t napupuntahan na rin ng ilang misyonero at hinihikayat maging kabahagi ng kanilang sekta at banyagang pananampalataya, ay nananatili pa rin sa kanilang taal na mga paniniwala at itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga nominal na kasapi ng iba’t ibang relihiyon. Ang kanilang pagsali sa iba’t ibang sekta ayon sa mga kinapanayam ay dulot ng kahirapan, dahil diumano, ang mga misyonero kapag umaakyat sa bundok at nanghihikayat ng mga bagong miyembro ay nagdadala ng mga pagkain tulad ng bigas, de-lata, instant noodle, at biskwit (Fernandez 2014; Bayod 2014; Gura 2014).
KATUTUBONG PANGGAGAMOT NG MGA PALA’WAN: URI AT PINAGMULAN Ang mga pangkat-etniko ay may mayaman at magkakaibang kultura batay sa isang malalim na espirituwal na relasyon sa kanilang kalupaan at likas na yaman. Mayroon 66
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
silang koneksyon sa kanilang lupain at teritoryo at may mga tiyak silang moda ng paglikha o paggawa na batay sa kanilang kapaligiran (UN DESA 2009). Sa 82 pronbinsyang bumubuo sa bansa, hindi maikakailang ang bawat isa ay may kanyakanyang tradisyon, paniniwala, at kulturang kinagisnan. Mayroon din silang sariling oryenstasyon sa bawat bagay na kung minsan pa nga’y magkakahawig. Sa larangan ng katutubong medisina, hindi naiiba ang mga Pala’wan sa iba pang pangkat-etniko dahil gumagamit din sila ng iba’t ibang halaman sa panggagamot (UPMASA 2012) at hindi nila itinuturing ang kanilang mga sarili bilang hiwalay sa lupa at kalikasan, bagkus, tinatanaw nila ito bilang kabahagi ng kanilang mga sarili. Sa katutubong medisina at pamamaraan ng mga Pala’wan, ang mga katas at pinaghalohalong mga ugat, bulaklak, at dahon ay sinusuplementuhan pa ng sari-saring orasyon upang maging mabisa at mabilis makapaghilom ng mga sugat at karamdaman. Kabilang (ngunit hindi limitado) sa mga kaalaman at kakayahan ng mga Pala’wan sa panggagamot ang mga sumusunod: tabang o tawar, ang sining ng pagpapagaling gamit ang mga halaman at orasyon; ubat o ururu, ang sining ng pagpapagaling gamit lamang ang mga halaman; atang, ang pag-aalay ng mga hayop na sinasabayan ng mga pasalitang orasyon sa mga taw kewasa at kay Empo bilang kapalit ng pagpapagaling nila sa taong may karamdaman; pangti o mas kilala bilang parimanes, ang paggamit ng mga pasalitang anting-anting at galíng para sa pangangaso, pangingisda, pangangalap ng pagkain— maituturing din itong sining ng pagsasalita, at maaaring magbigay ng isang pangako ng pag-iibigan o pag-ibig, para sa mga digmaan, at kapandayan o lahat ng mga paraan ng kataas-taasang kaalaman; at ang tultul, isang pag-awit ng epiko o mga katutubong kanta na para sa mga Pala’wan ay isa sa pinakamahalagang kaalaman o pamana na ibinigay ng mga taw kewasa at ni Empo (Revel 1990). May tatlong pangunahing pamamaraan ng panggagamot ang mga Pala’wan na naninirahan sa Brooke’s Point at Bataraza, Palawan—ito ang tawar, baklat, at parimanes. Dalawa naman ang natukoy na pinagmulan ng kanilang karunungan at galíng sa panggagamot—una, ang pamana ng kanilang mga ninuno’t magulang at pangalawa, ang ipinagkaloob ng mga taw kewasa at ni Empo sa pamamagitan ng mga panaginip. Ang dalawang pinagmulan ng galíng sa panggagamot ay nabanggit at tinalakay rin ni Revel (1990) sa kanyang pagsasadokumento ng epikong Kudaman. Ayon kay Revel (1990), ang mga taw kewasa ay nagbibigay ng higit sa karaniwang kaalaman sa mga piling tao sa pamamagitan ng taginap o panaginip at palaplap o daydreaming. Ang mga napiling tao ay tinuturuan ng taw kewasa sa kanilang taginap o palaplap at kung sila’y natuto na, responsibilidad naman nilang ituro ito sa ibang kasapi ng pangkat nang sa gayo’y madagdagan ang nakapagpapagaling. Karamihan sa mga manggagamot na kinapanayam ay nakuha ang kanilang karunungan sa katutubong medisina, partikular na ang tawar at parimanes sa dalawa sa kinikilalang 67
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
dakilang ninuno ng mga Pala’wan, sina Pangiran at Damar. Ayon kay Maman Bayod (2014), si Damar ang may pinakamaraming alam na halamang gamot, mga dasal, at mga kombinasyon nito upang pagalingin ang isang taong may sakit at si Pangiran naman ay mas kilala sa kanyang karunungan sa parimanes na kanyang ginamit na sandata sa pakikipaglaban sa mga Ilanon noong panahong lumusong ang mga ito sa mga Pala’wan upang nakawin ang mga agong ng pangkat-etniko at gawin silang mga alipin. Bagama’t di naitanggi ng ilang kinapanayam tulad nina Minan Kene (2014) at Maman Badidil (2014) na may mga pinamanang kaalaman sa panggagamot ang kanilang mga ninuno’t magulang, sinasabing mas marami raw silang natutunan at nalamang mga pamamaraan at dasal sa pagpapagaling sa pamamagitan ng taginap at palaplap. Ayon pa kay Minan Kene (2014), noong taong 2010 matapos siyang gumaling mula sa pagkakasakit ng trangkaso, tatlong araw siyang sunod-sunod na nanaginip ng iba’t ibang halaman at mga baging ipinakikita at ibinibigay ng mga taw kewasa sa imahen ng isang babaeng may mahabang buhok. Lumilitaw raw ang babaeng ito mula sa talon ng Mainit (isang kilalang talon sa bayan ng Brooke’s Point). Itinuturo rin ng babae ang mga tamang salita o mga dasal kay Minan Kene hanggang sa namemorya na niya ito. Dagdag pa ni Minan Kene, nakapanggagamot siya dahil sa patuloy na paggabay ng babaeng kanyang nakita sa kanyang panaginip sa tuwing may hihingi ng kanyang tulong. Bumukal din ang kaalaman ni Maman Badidil (2014) sa parimanes, partikular na sa pagpapaamo ng mga insekto, ahas, kalabaw, at iba pang hayop sa palaplap sa hapon tuwing magpapahinga siya mula sa pagsasaka. Ayon pa kay Maman Badidil (2014), ang kanyang mga panaginip ay “...mga bukburak et mga alimunan” o tungkol lamang daw ito sa mga halaman namumulaklak at iba’t ibang damong matatagpuan sa kagubatan. Taliwas sa karanasan ni Minam Kene, ang mga panaginip ni Maman Badidil ay walang mga taw kewasa o tao at hindi niya ito memoryado dahil aniya, pumapasok lamang sa kanyang isip ang mga tamang dasal o mga salita kung kinakailangan.
TAWAR, BAKLAT, AT PARIMANES NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN NG BROOKE’S POINT AT BATARAZA, PALAWAN Salamin ng mayamang kultura ng pamayanang Pala’wan sa bayan ng Brooke’s Point at Bataraza ang tatlong pamamaraan ng katutubong medisina—ang tawar, baklat, at parimanes. Ayon kay Panglima Fernandez (2014), walang direktang salin sa wikang Filipino ang mga salitang tawar, baklat, at parimanes. Ngunit nagbigay siya ang mga salitang maaaring ikabit sa mga ito: tawar—pagpapagaling; baklat—pagsipsip/paghigop (ng masasamang elemento sa katawan); at parimanes—panggayuma o isang antinganting. Sa kinasamang-palad, hindi niya naisalin ang kabuuan ng mga sisipiing tawar, baklat, at parimanes sa mga sumusunod na pahina dahilan sa kahabaan ng mga ito.
68
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Hindi rin naisalin ng kasalukuyang mananaliksik ang mga ito sa dahilang ang mga ito’y may halong di maintindihang wika. Bagama’t may ilang naisulat na tungkol sa katutubong panggagamot ng mga Pala’wan tulad ng Ubat Ne Banar it Palawan: Ethnomedicine of the Palawan People of Mount Domadoway (UPMASA 2012) at ilang pag-aaral ni Novellino (2001; 2002), limitado lamang ang mga ito sa ubat o ururu, ang pamamaraan ng pagpapagaling gamit lamang ang mga halaman. Pinapangalanan lamang dito ang mga halaman, tinutukoy ang partikular na sakit na kayang gamutin at ang hakbang upang gamitin ang mga halaman. Ang paggamit ng mga pasalitang orasyon at dasal sa tawar, baklat, at parimanes, kasabay ng mga halamang gamot at samu’t saring pinaghalo-halong bahagi ng halaman at ugat ng puno ay maituturing na dagdag o pagbabago sa mga nabanggit na akda. Ani Minan Kene (2014), ang kanilang pamamaraan ng panggagamot ay hindi katulad ng sa mga doktor sa bayan o mga ospital na sumisentro sa o ginagamot lamang ang pisikal na sugat o karamdaman ng isang tao. Sa mga Pala’wan, una nilang binibigyang-pansin ang pagkawala ng balanse ng kaduruwa ng tao—kung kaya’t sinasamahan nila ng mga dasal o panalangin ang panggagamot—bago bigyang-lunas ang pisikal na sakit.
Tawar Karamihan sa mga kinapanayam ay may karunungan at galíng sa pagsasagawa ng tawar. Ang tawar ay ginagamit sa iba’t ibang sakit mula sa simpleng kirot, lagnat, at sakit sa mga bahagi ng katawan hanggang sa mga kagat ng insekto at impeksyon mula sa mga kamangdag at lason ng mga hayop (Fernandez 2014; Bayod 2014; Kene 2014). Ang mga madalas na ginagamit na mga halaman sa pagtatawar ay ang mga sumusunod: ugat ng abang-abang, bowang-bowang, dengingi, at kepayas (tingnan ang Larawan 1); balat ng puno ng bago, bengkel, kamilit, kapok, at kaymito; dagta ng egupit; dahon ng biga (tingnan ang Larawan 2), bebesalan, delapas, dinakep, enterungan, kapal-kapal (tingnan ang Larawan 3), sangla-kayo (tingnan ang Larawan 2); at iba pa (Bayod 2014; Gura 2014). Bukod sa mga nabanggit at iba pang kilala’t palasak na halamang ginagamit sa tawar, karamihan sa mga ito’y di pangkaraniwang uri dahil makikita lamang ang ilan sa mga ito sa kabundukan ng Mantalingahan. Ang Bundok ng Mantalingahan ang pinakamataas na bundok sa lalawigan na kinikilala ng mga Pala’wan bilang isang sagradong lugar (Bayod 2014; Fernandez 2014; Alwang 2014). Idineklara rin ito bilang isang protektadong erya at pambansang parke noong Hunyo 23, 2009 dahil ito ang kahuli-hulihang kagubatan sa katimugan ng Palawan sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1815 ni Presidente Gloria MacapagalArroyo (PRP 2009).
69
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
LARAWAN 1 Ugat ng Kepayas
Kepayas ang taal na katawagan ng mga Pala’wan sa puno ng papaya (larawang kuha ng may-akda).
LARAWAN 2 Dahon ng Biga at Sangla-kayo
Ang mga dahon ng biga (kaliwa) at sangla-kayo (kanan) ang madalas gamitin ng mga Pala’wan bilang bahagi sa kanilang panggagamot, partikular na sa pagtatawar (larawang kuha ng may-akda). 70
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
LARAWAN 3 Dahon ng Kapal-Kapal
Kadalasang ginagamit ng mga Pala’wan ang kapal-kapal bilang pantakip o pantapal sa kagat ng iba’t ibang insekto sa kagubatan (Bayod 2014) (larawang kuha ng may-akda).
Marami sa mga halamang sangkap sa pangagamot ng mga Pala’wan na nakikita at nakukuha lamang sa bundok ng Mantalingahan ay walang tiyak na ngalan at katawagan. Napapangalanan man ng mga Pala’wan ang mga ito, ngunit sa kanilang malalim na sariling wika lamang na kakaunti na lamang ang nakakaintindi (Bayod 2014). Minsan pa, nalalaman lang nila na tama ang halamang kanilang pinitas o nakuha sa pamamagitan ng amoy, lasa, at itsura nito (Alwang 2014). Sa pagtatawar ang unang ginagawa ng mga manggagamot ay pagtatanong kung ano ang karamdaman ng tao. Susundan ito ng pagkalap (kung hindi malubha ang sakit), gawa at paghalo ng mga samu’t saring halaman, bulaklak, at ugat bago ang pagbibigkas ng wastong mga orasyon upang maibalik ang balanse ng kaduruwa. Sa ginawang pananaliksik sa larangan, naobserbahang may dalawang anyo ng orasyong ginagamit ng mga Pala’wan—ang formulaic o pormulaiko o umuulit na mga dasal para sa lahat ng sakit at non-formulaic o di-pormulaiko o pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng dasal sa bawat uri ng sakit. Ang ilan sa maiikli at hindi gaanong komplikadong mga orasyong ginagamit ng ilang manggagamot na kinapanayam ay bukas-loob nilang ibinahagi sa kasalukuyang mananaliksik. Ito ay sa kanilang pagnanais na maisadokumento at mapanatili ang pasalitang bahagi ng kanilang panggagamot. Samantala, ang iba namang manggagamot ay piniling di ibigay ang kanilang mga orasyon sapagka’t itinuturing nila itong sagrado, lalong lalo na ang mahahabang uri ng dasal.
71
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Si Maman Gura o mas kilala bilang Maman Sinong, ay isa sa mga manggagamot na kinapanayam na gumagamit ng iisang anyo ng panalangin (pormulaikong panalangin). Palagi niyang sinisimulan ang kanyang panggagamot sa pagpapahid ng mga katas at dagta ng pinaghalo-halong halaman ng bebesalan, delapas, at kaymito at ugat ng mga puno ng bowang-bowang at dengingi habang ang kanyang mga dasal ay nagsisimula sa mga salitang “tawar-tawar, tawaran ko” na ang ibig sabihi’y “pagaling-pagaling, papagalingin ko” at susundan ito ng mga detalye tungkol sa sakit na nais niyang lunasan, pangalan ng taong pinagagaling, at iba pang salitang Pala’wan. Magtatapos naman ito sa dalawang salita na “layla barakat.” Ayon kay Maman Gura (2014), walang katumbas na salita at kahulugan sa wikang Filipino ang layla barakat, ngunit ang pinakamalapit na salitang maaaring maglarawan at magpaliwanag dito’y ang “kapangyarihan.” Ang sumusunod ay ilan lamang sa mga panalanging ipinagkaloob sa kasalukuyang mananaliksik ni Maman Gura (2014) na kanyang ginagamit sa pagtatawar. Dagdag pa ni Maman Gura (2014), ang mga tawar na ito ang kanyang madalas ginagamit at ilan dito’y para sa mga karaniwang kagat ng mga insekto at hayop na kanya nang ginagamit sa mga kapwa katutubong Pala’wan at mga naninirahan sa bayan na dumadayo sa kanya sa kabundukan. Tawar-tawar tawaran ko Patawan (sakit ng tiyan) magilag ko natiban tinawaran patawan layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Tipdas (tigdas) misan kula ng lalas ako ng nagripnas layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Sasamban (nausog ng mga taw maraqat) misan kula tawan madali magulinan atin na pagkanunga madali magulinan layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Sapok (pana na may lason) 72
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
misan ano ngaropok ako nga nakagabot layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Barabak (sugat mula sa boho) alolaw gabi garuwak ako nga nakapildak layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Dadasa (di makatulog) gamot at andarasa atin na pagkanunga layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Paso (paso) mandi ko’t malulo irog ko lumtaw anglo layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Sumbilang (natinik mula sa pagkain ng isda) misan bilog nangragang tabongan at maligamgam layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Pagi (dahunan/buntot pagi) anukowan ka agi misi ka at tanaki layla barakat Tawar-tawar tawaran ko Alupihan (alipuhan) nakita ko at dalan kinagat ko na tiban taplan ko’t maringkawayan layla barakat (Gura 2014).
73
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Ang isa pang manggagamot na gumagamit ng pormulaikong anyo ng panalangin ay si Maman Aston. Hindi niya ibinigay ang kanyang buong orasyon ng tawar ngunit may mga nabanggit siyang bahagi ng kanyang mga ginagamit na panalangin. Ito raw ay kalimitang nagsisimula sa pariralang “Empo, Empo, tabangon ko” na nangangahulugang “O Bathala, o Bathala, tulungan ninyo ako” at ipagpapatuloy niya ang panalanging naglalaman ng mga detalye tungkol sa sakit sa wikang Pala’wan (Aston 2014). Sinabi niyang ang panalangin ay kailangang masambit sa malakas at malinaw na pamamaraan o kaya’y dapat itong isigaw dahil mas maririnig daw ito ni Empo. At kung ito’y maririnig nang mas mabilis ng Amang Bathala ng mga Pala’wan, mas mapapadali raw ang paggaling ng isang taong may karamdaman (Aston 2014). Sina Maman Salmani at Maman Alwang ay dalawa naman sa nakapanayam na may iba’t ibang uri ng panalangin sa bawat klase ng sakit o karamdaman. Ang mga sumusunod ang kanilang mga ipinagkaloob na tawar. Ilan sa mga tawar mula kay Maman Salmani: Para sa malubhang pagsakit ng tiyan o pagsusuka at pagdudumi: Dumunsor dumampang adak-adak ka dadak alu ka dadak Pikpik ko pikpik dingding intang intang manglingtang unday unday marapisang (Salmani 2014). Para sa sobrang taas na lagnat: Dapu dapu kapat kapat maluwat katuro maluwat (Salmani 2014). Ilan sa mga tawar mula kay Maman Alwang: Para sa kagat ng ahas: Sampar buruan idongya simbalang tumalib si madayon ako tumarawas (Alwang 2014).
74
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Para sa sakit ng ulo at hilo: Tawaran ko timabalon timbalon, alon alon tumawa ko’t barakat barakatin mamad simula (Alwang 2014). Para sa mga bagong panganak, para mapabilis ang paghilom ng mga sugat: Inkung gigintulak Mga bilis saytan pitu pidyuro alam donya pintas tulak (Alwang 2014).
Baklat Ang baklat ay isang pamamaraan ng panggagamot na ginagamitan ng mga pinatuyong mga dahon at maliit na bahagi ng puro tobako na binabalot sa papel at ginagawang mistulang sigarilyo o ang tinatawag ng mga Pala’wan na sigup. Ang mahalaga sa uri ng panggagamot na ito ay ang usok na nagmumula sa sigup na sinasabayan ng mga orasyon. Si Minan Duadin ang tanging manggagamot na nakapanayam ng kasalukuyang mananaliksik na marunong sa pagbabaklat. Ayon kay Minan Duadin (2014), ang mga sangkap sa sigup ay ipinagkaloob sa kanya ng mga taw kewasa sa isang panaginip at ang paglalagay ng tabakong puro ay isang paraan lamang upang maging mas matapang ang amoy at lasa ng usok pareho para sa manggagamot at ginagamot. Ginagawa ang baklat sa pamamagitan ng pagbubuga ng usok ng manggagamot sa bubun o bunbunan ng may sakit. Ayon pa kay Miman Duadin (2014) at sa pag-aaral na rin ni Novellino (2001), sa kulturang Pala’wan, ang sakit o pagkakasakit ay sanhi ng masamang espiritung pumapasok sa katawan ng isang tao at tanging ang mga taw kewasa at si Empo lamang ang makapagpapaalis ng mga ito sa loob ng katawan ng tao. Ang matapang na amoy at lasa ng usok mula sigup ay isang pamamaraan upang mapalayas at mapalabas ang masasamang espiritung dahilan ng pagkawala ng balanse ng katawan ng isang tao. Hindi nakapagbigay si Minan Duadin ng mga ginagamit niyang dasal o orasyon dahil itinuturing niya itong sagrado at dapat lamang daw gamitin kung may taong kailangan gamutin. Dagdag pa niya, sa bayan ng Brooke’s Point ay kakaunti na lamang silang marunong sa pamamaraan ng panggagamot na ito (Duadin 2014).
75
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Parimanes Parimanes ang pinakanaiiba sa lahat ng pamamaraan ng katutubong medisina ng mga Pala’wan sapagka’t itinuturing na rin ito ng mga Pala’wan bilang isang uri ng pasalitang anting-anting o panggayuma. Maaari itong gamitin sa tao at hayop. Ayon kay Panglima Fernandez (2014), ang wikang ginagamit sa parimanes ay kombinasyon ng wikang Pala’wan at isang di maintindihang wika. Karamihan sa mga salitang nakapaloob sa mga parimanes ay paulit-ulit at halos magkakatunog at ayon sa mga kinapanayam, ang mga salitang ginagamit dito ay naglalayong pukawin ang kapangyarihan ng Bathalang si Empo at mga diwata ng kabundukan at kagubatan (Bayod 2014; Alwang 2014). Dagdag pa ni Panglima Fernandez (2014), ang parimanes ay maaaring sambitin sa prosa o patula. Ang bawat salitang langkap sa isang parimanes ay pinaniniwalaang makapangyarihan na agad, na ang mismong mga salita ay mayroon nang kakayahang gawin o tuparin ang anumang bagay o kung anumang paggagamitan nito (Alwang 2014). Ang mga halimbawa ng kakayahan ng parimanes ay ang sumusunod: pagiging mukhang bata sa mga mata ng mga tao kahit na ika’y talagang may edad o matanda na, maaari rin itong gamitin para sa pag-ibig, o di kaya nama’y paamuin ang mga taong galit sa iyo sa paggamit lamang ng mga parimanes (Alwang 2014). Si Maman Alwang ang pinakakilala sa mga kinapanayam na may pinakamaraming kaalaman sa parimanes. Sinasabing siya’y isang buhay na patunay na marami at epektibo ang kanyang mga nalalamang parimanes (Fernandez 2014). Sa kanyang edad, 97 taong gulang ay kaya pa niyang magtrabaho sa bukid para magkaingin, magkalakal, at magbenta ng mga produktong kanyang itinanim. Base sa kanyang itsura—walang puting buhok, kulubot sa mukha—walang makikitang indikasyong siya’y 97 taong gulang na (Fernandez 2014). Dagdag pa rito, mayroon siyang limang asawang naninirahan sa loob ng isang bahay lamang, na pawang kasama niya. Ayon kay Maman Alwang (2014), nagagawa niya ang lahat ng nabanggit dahil sa kanyang ginagamit na mga parimanes na mula pa sa kanyang mga ninuno. Ang parimanes tulad ng tawar at baklat, ay sinasamahan din ng mga tamang kombinasyon ng mga dagta at katas ng mga halaman at bulaklak. Inilalagay niya ang mga dagta at katas—na may malakas o matapang na amoy—sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan malakas ang pulso ng dugo. Hindi naisalin ng kasalukuyang mananaliksik ang mga pinagkaloob na parimanes ng mga kinapanayam sa dahilang ang mga ito’y may halong di maintindihang wika, ngunit kalakip naman ng mga ito ang gamit o kung para saan ang partikular na parimanes: Ang parimanes para mapaibig ang isang lalaki/babae: Tilik ko si gulong gulong 76
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Kay ko tilik, tilik ko gulong gulong Manaring kur at lungsod Pilibu gulana kaba biri idayang Ako sama’t lana (Alwang 2014). Ang parimanes para sa nagkahiwalay na mag-asawa o magkasintahan— upang sila’y magkaroon ng maayos na relasyon at magkaigihang muli: Tilik kong ko sagit Kay ko tilik, tilik id dayang gila gila Burak kya karumbana Panggila para nya sa atuy ya Manggalak galak barakat tanggulinan Ubos tangis kumlab kumayang si dayang (Alwang 2014). Ayon pa kay Maman Alwang (2014), ang susunod na parimanes ang kanyang ginamit na sambit para sa kanyang limang asawa—upang hindi sila mag-away-away habang magkakasama sa loob ng isang bahay. Dagdag pa niya, kailangang pakainin muna ang mga taong paggagamitan nito ng mga piling talbos ng kawayan o dalanghita (tangerine fruit) nang hindi nila nalalaman. Siringayo maburo Sigantang pandikar Pilandok sangkawpo Sangkari nga kita (Alwang 2014). Si Maman Bayod (2014) ay nagbahagi rin ng kanyang kaalaman sa parimanes. Ito ay patungkol sa pagiging bata at pananatiling mabuti sa mata ng mga tao—pagkakaroon ng magandang panlabas na aura o karisma. Tulad ng parimanes na ibinahagi ni Maman Alwan, gagana lang din ang parimanes na ibinigay ni Maman Bayod kung gagamit din ito ng mga talbos ng dalanghita—sa pagkakataong ito, ang talbos ng dalanghita ay hindi kakainin, bagkus ipapahid lamang sa pulso ng kamay, kilay, at likod ng tenga habang sinasambit ang nakatandang parimanes bago itago sa bulsa ng suot na damit o pangibabang kasuotan. Ayon kay Maman Bayod (2014), ang matapang na amoy ng talbos ng dalanghita ay may direktang epekto sa taong iyong makakasalamuha dahil ang amoy nito ay may kakayahang magpalaway. Ang mga sumusunod ang sasambiting salita: Dua ko agsim Milumunanis si (pangalan ng taong gusto mo) Sia manangis ako si (pangalan mo)
77
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Pandang mangis Biri biri yadto na Misan gatos ribo Manis pandang barangko Nangandawan sinalo (Bayod 2014). Isa pang parimanes mula kay Maman Bayod ay para naman mawala ang galit ng isang tao sa iyo: Angka angka palangka Siya (pangalan ng taong may galit sa iyo) tudok Ako lumangka (Bayod 2014). Kung may mga parimanes na ginagamit para sa mga tao, mayroon ding parimanes para sa mga hayop. Ang mga Pala’wan na nakakaalam ng ganitong uri ng parimanes ay ginagamit at pinakikinabangan ito para sa kanilang kabuhayan at kaligtasan. Isa sa mga nakapanayam na gumagamit nito ay si Maman Badidil. Ginagamit niya ang parimanes upang makakuha siya ng pulot (honey) sa matataas na punong kahoy na hindi man lang makakagat ng mga bubuyog. Hindi ibinahagi ni Maman Badidil ang sambit para rito sa dahilang itinuturing niyang pamana ito ng kanyang mga magulang at tanging mga anak niya lamang daw ang makakaalam o kanyang pagpapasahan ng parimanes upang sila’y magkaroon ng siguradong hanapbuhay sa kanilang pagtanda (Badidil 2014). Isa sa mga halimbawa ng parimanes para sa hayop ay ipinagkaloob naman ni Maman Sinong (Gura 2014). Tungkol ito sa mabilis na paghuli ng malalaking isda sa dagat at sa ilog: Kum kum kam kam Barakat tu umkam Umkam tikom (Gura 2014). May kaalaman naman si Minan Kene (2014) ukol sa mababangis na hayop sa kagubatan, upang malayo sa anumang panganib na maaari nilang idulot. Nagagamit niya raw ang mga parimanes sa tuwing tatawid sila sa malalawak na kabundukan, mga ilog at kagubatan. Dapat daw itong sambitin bago umalis ng sariling bahay o tinitirahan: Aduyu kam barukam Si parte si Batang Si parte si puti barakansing (Kene 2014).
78
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
KATUTUBO AT MODERNONG PANGGAGAMOT SA MGA PAMAYANAN NG PANGKAT-ETNIKONG PALA’WAN Nagsisilbing daan ng ideya at kaalaman ng mga katutubong Pala’wan sa modernong medisina ang mga aktibidad na ginagawa ng iba’t ibang sekta ng simbahan sa katauhan ng mga misyonero at pampamahalaang ospital sa pamamagitan ng mga midwife, nars, at paminsan-minsan, mga doktor (Fernandez 2014). Ang mga aktibidad na ito’y ang paglelektyur o pagtuturo (Information, Education and Communication), feeding program, medical mission, at panghihikayat na sila’y maging isang miyembro at kabahagi ng isang simbahan. Nagiging dahilan ang mga ito upang magkaroon ng pagtatalaban ang katutubo at modernong kasanayan sa panggagamot sa mga pamayanan ng Pala’wan ng bayan ng Brooke’s Point at Bataraza, Palawan. Sang-ayon kina Maman Bayod (2014) at Maman Alwang (2014), ang mga misyonero, bukod sa pagbabahagi ng salita ng Diyos at panghihikayat na maging miyembro ang mga Pala’wan ng kanilang sekta, ay nagbibigay ng mga lektyur tungkol sa masasama at mabubuting gawi batay sa kanilang panrelihiyong pamantayan at namamahagi rin ng mga mga supply na naglalaman ng bigas, mga de-lata, sabon, at gamot. Ani Minan Kene (2014), turo raw sa kanila ng mga misyonero na dapat walang sinasamba o pinaniniwalaang ibang diyos at mga diyos-diyosan bukod sa diyos ng sektang kanilang sasalihan. Ang paniniwala raw sa mga diwata at kay Empo ay isa sa mga dapat iwaksi ng mga Pala’wan. Ibig sabihin, kanilang iwawaksi ang pagsamba kay Empo at sa mga diwata, ang kanilang kinikilalang Diyos, Tagapaglikha ng lahat, at nagbigay sa kanila ng karunungan. Ang pagwaksi kay Empo ay nangangahulugan na rin ng paglimot sa mga galìng na ibinigay niya tulad ng tawar, baklat, at parimanes. Labag man sa kanilang loob ang itinuturo ng mga sekta, patuloy silang nagpapalista at nagpapamiyembro sa panghihinayang sa mga dalang pagkain o ipinamimigay ng mga misyonero (Kene 2014). Dagdag ni Minan Kene (2014), ang ilan sa mga Pala’wan ay miyembro sa dalawa hanggang apat na sekta. Nagpapamiyembro sila para makakuha ng libreng bigas, mga de-lata, at iba pa; pero hanggang miyembro lang sila, hanggang palista lang sila. Naniniwala pa rin sila kay Empo at nagtatawar at parimanes pa rin sila. Ibig sabihin, hanggang nominal na miyembro lamang ang mga Pala’wan, nananatili pa ring taal ang kanilang relihiyon. Ang mga tauhan naman ng pampamahalaang ospital ay nagagawi sa pamayanan ng mga Pala’wan, dalawa hanggang tatlong beses sa isang buwan upang magbigay ng mga gamot, bitamina, at iba pang pangangailangang may kinalaman sa kalusugan. Kasabay ng pamamahagi ng mga nabanggit, nagbibigay rin ang mga taga-ospital ng lektyur o kaalaman tungkol sa mga dapat bilihin, inumin, o ipahid na mga gamot sa partikular na sugat, sakit o karamdaman. Ani Maman Bayod (2014), noong nagkaroon daw ng pagtuturo ang mga taga-ospital tungkol sa pagpapahilom ng mga sugat, sila raw ay pinagsabihang huwag basta-basta lalagyan ng mga katas ng halaman, dahon o kung 79
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
anuman ang kanilang nakasanayan gawing pamamaraan upang mapagaling ang mga ito dahil maaaring maimpeksyon at lumala raw ang kalagayan nito. Hati ang pagtanggap ng mga Pala’wan sa mga impormasyong kanilang naririnig at nalalaman mula sa mga taga-ospital. Hindi naniniwala ang mga nakatatandang miyembro na ang kanilang katutubong pamamaraan ay lalong magpapalala ng sitwasyon tulad ng nabanggit na halimbawa ni Maman Bayod (2014). Samantala, ang mga batang miyembro ng katutubong pangkat, partikular na yaong napapabilang sa edad na 18 taong gulang pababa, ay naniniwalang dapat gamutin na agad ito ng mga gamot o tabletas na bigay ng mga nars at doktor bago pa lumala at magdulot ng mas malubhang karamdaman. Karamihan sa mga nakatatandang miyembro na matapat pa rin sa kinagisnang tradisyon ng panggagamot ay napapabilang sa pangkat ng Pala’wan sa Daja (Fernandez 2014). Dulot na rin ito ng kanilang malayong lokasyon at hiwa-hiwalay na tirahan sa kabundukan na dagdag-hirap para sa mga taga-ospital para mapuntahan, matipon, at makapagbigay ng impormasyon. Samantala, mas may bukas ang pagtanggap sa modernong pamamaraan ang mga Pala’wan sa Napan dahil sila ang madalas mapuntahan at mababahaginan ng mga impormasyon, gamot, at may mga pagkakataon pang ang ilan sa kanila’y nabibigyan ng mga pagsasanay ng mga taga-ospital bilang mga Barangay Health Workers (Fernandez 2014). Nahahati man sa dalawa ang pananaw ng mga Pala’wan sa kung ano ang dapat gamiting pamamaraan ng panggagamot ay nanatili pa ring malakas o mas ginagamit pa rin ang katutubong panggagamot dahil bukod sa matagal na itong umiiral sa kanilang pamayanan at kalinangan, wala silang dapat gastusing salapi dahil lahat ng kanilang kakailanganing sangkap o halaman ay makukuha sa kagubatan. Mapapansing bagama’t may akses ang mga Pala’wan sa modernong pamamaraan ng panggagamot, maging sa mga paniniwala ng iba’t ibang sekta ng simbahan, bumabalik pa rin sila sa mga katutubong paniniwala—sa tawar, baklat, at parimanes at kay Empo. Marahil dulot na rin ito ng kanilang isinasabuhay na mga pilosopiya, ang Ingasiq at Adat et Kegurangurangan.
PAGLALAGOM Ang katutubong medisina ng mga Pala’wan sa bayan Brooke’s Point at Bataraza, Palawan ay maituturing na kakaibang yamang dapat panatilihin, itaguyod, ibahagi, at ikapuri. Ang tawar o ang sining ng pagpapagaling gamit ang mga halaman at orasyon; baklat o ang paggamit ng sigup; at parimanes o ang mga pasalitang anting-anting, panggayuma, at galíng ay representasyon at larawan ng isang kalinangan ng pangkat-etnikong Pala’wan at patunay na ang katutubong medisina sa panahon ng modernong panggagamot ay ginagawa, ipinapasa, at pinaniniwalaan pa rin. 80
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Bagama’t nagkakaroon ng pagtatalaban ng modernong panggagamot sa pamayanan dahil sa pagpasok ng mga banyagang kaisipan at konsepto—sa katauhan ng mga doktor at mga misyonero, kinakabaka ito ng mga Pala’wan sa pamamagitan ng patuloy nilang paniniwala at respeto sa mga taw kewasa at kay Empo at sa mga pilosopiyang tulad ng Ingasiq at Adat et Kegurangurangan. Bilang ambag sa kasaysayang etniko at etnokasaysayan, nabigyang-pansin sa pag-aaral na ito ang elementong etniko bilang bahagi ng bayan sa katauhan ng mga katutubong Pala’wan. Naipakita sa papel na ito ang malawak na kaalaman ng mga Pala’wan di lamang sa mga halamang gamot kundi pati na rin ang kanilang mayamang pasalitang tradisyon at isinulat ito sa wikang Filipino upang maging makabuluhan sa talastasan ng mga Pilipino. Pinatunayan sa salaysay ang napakahalagang papel ng kultura, paniniwala’t pananampalataya, pilosopiya, at kapaligiran. Sa aspektong kultural, mahalagang maipasa at maipagpatuloy di lamang ang kaalaman sa mga halamang gamot kundi pati ang pasalitang mga orasyon, dasal, at sambit. Ang paniniwala naman ng mga Pala’wan kay Empo, sa mga taw kewasa, at nabanggit na mga pilosopiya ay nagiging gabay nila sa mga desisyon at gawain sa buhay. Bilang kontribusyon sa Araling Pangkapaligiran, natanlad din ang importansya ng kapaligiran para sa mga Pala’wan—ang bundok ng Mantalingahan, mga halaman, at puno; dahil bukod kay Empo at sa mga taw kewasa, ang kapaligiran ang nagbigay at humubog sa kanila para maging maalam sa wastong halamang ipanlulunas nila sa iba’t ibang karamdaman. Sa kasamaang palad, sa kabila ng di-matumbasang kultural na kayamanan at kahalagahan ng katutubong medisina, nagiging mababaw ang pagtanaw at pag-unawa ng nakararami dahil sa makakanluraning kaisipan at mga impluwensya. Sa harap nito, mahalaga ang pagkakaroon ng integratibong lapit sa kalusugan at medisina na parehong magsasaalang-alang kapwa sa katutubong kaalamang pangkalusugan at sa modernong medisina upang mapalawak ang makipot na kamalayan ng mga taong mababaw ang pagtanaw sa bisa at kontribusyon ng katutubong kalinangang pangkalusugan at mga halamang gamot. Sa katunayan, kinikilala ng World Health Organization (WHO) ang kahalagahan ng mga halamang gamot at katutubong pamamaraan mula sa iba’t ibang kultura sa mundo upang makapagpagaling ng sakit (WHO et al. 1993). Sinasabing halos 80% ang bilang ng mga taong umaasa sa mga tradisyunal na gamot para sa kanilang pangunahing pangangailangan sa kalusugan (WHO WPRO 1993). Makabubuting magtulungan ang mga doktor at paham mula sa iba’t ibang larangan ng siyensya upang tuklasin, pag-aralan, at magkaroon ng matibay na siyentipikong basehan—patnubay ukol sa gamit, bisa, pamamaraan, at pagiging ligtas ng panggagamot mula tradisyunal na medisina. Sa ganitong dulog, tuluyang maihahabi ang tradisyunal at makabagong pamamaraan ng panggagamot na mas makatutulong sa nakararami.
81
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Sanggunian Alwang, Butuan. 2014. Panayam kay Butuan Alwang (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4. Ancestral Land Domain Watch Network (ALDAW). 2009. The Mt. Gantong/Brooke’s Point 2009 Geotagged Report. ALDAW Network Reports, Hulyo. Aston, Asti. 2014. Panayam kay Asti Aston (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2. Badidil, Virgilio. 2014. Panayam kay Virgilio Badidil (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4. Bayod, Dino. 2014. Panayam kay Dino Bayod (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar at parimanes at Barangay Kagawad) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2. Duadin, Binki. 2014. Panayam kay Binki Duadin (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng baklat). Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 3. Eder, James at Janet Fernandez, mga pat. 1996. Palawan at the Crossroads: Development and the Environment on a Philippine Frontier. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. Ethnic Groups Philippines (EGP). 2011. Palawano, Central Ethnic Profile. Websayt ng Ethnic Groups Philippines, pinost noong Abril 18, https://goo.gl/RKHcBo (nakuha noong Abril 13, 2017). Fernandez, Misang. 2014. Panayam kay Misang Fernandez (Panglima sa Barangay Mainit) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2. Fox, Robert. 1982. Religion and Society Among the Tagbanuwa of Palawan Island, Philippines. Manila: National Museum of the Philippines.
82
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Gura, Sinond. 2014. Panayam kay Sinond Gura (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar) ni Jyferson Villapa. Barangay Malihud, Bataraza, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 5. Kene, Rosa. 2014. Panayam kay Rosa Kene (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Imulnod, Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 4. Manlavi, Diokno. 1970. History of Palawan. W.L.: W.T. National Library of the Philippines (NLP). 1999. Tagbanua Ethnic Profile. Websayt ng National Library of the Philippines, pinost noong Abril 17, https://goo.gl/ihrh5R (nakuha noong Abril 19, 2017). Novellino, Dario. 2001. Palawan Attitudes Towards Illness. Philippine Studies 49, blg. 1 (Enero-Abril): 78-93. Novellino, Dario. 2002. The Relevance of Myths and Worldviews in Palawan Classification, Perceptions, and Management of Honey Bees. Nasa Ethnobiology and Biocultural Diversity: Proceedings of the 7th International Congress of Ethnobiology, mga pat. John Stepp, Felice Wyndham, at Rebecca Zarger, 189-206. Georgia: University of Georgia Press. Ocampo, Nilo. 1985. Katutubo, Muslim, Kristyano: Palawan, 1621-1901. Alemanya: Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan.
Kolonya,
Orillos-Juan, Ma. Florina. 2016. Kasaysayang Pangkapaligiran at Araling Pangkapaligiran sa Wikang Filipino: Katayuan at Tunguhin. SALIKSIK E-Journal 5, blg. 1 (Mayo): 143. Philippine Information Agency MIMAROPA (PIA IV-B). 2015. Sining at kultura ng mga katutubo sa Palawan, dinokumento. Websayt ng Philippine Information Agency MIMAROPA, pinost noong Agosto 3, https://goo.gl/kY4pvu (nakuha noong Abril 19, 2017). President of the Republic of the Philippines (PRP). 2009. Presidential Proclamation No. 1815: Designating Mt. Mantalingahan Mountain Range Situated in the Municipalities of Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Espanola, Quezon and Rizal, All in the Province of Palawan as Protected Landscape Area pursuant to R.A. 7586 or the National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992. Official Gazette of the Republic of the Philippines, Hunyo 23. 83
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan
Saliksik E-Journal
Tomo 6, Bilang 1 | Mayo 2017
Revel, Nicole. 1991. Kudaman: Isang Epikong Palawan na Inawit ni Usuy. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. Salazar, Zeus. 1986. Paunang Salita sa Kasaysayan ng Bulakan ni Jaime B. Veneracion. Nasa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan; Pambungad sa Pag-aaral ng Bagong Kasaysayan, mga pat. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez, at Vicente Villan, 45-53. Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997. Salmani, Domino. 2014. Panayam kay Domino Salmani (Manggagamot na gumagamit ng pamamaraan ng tawar at parimanes) ni Jyferson Villapa. Barangay Mainit Brooke’s Point, Palawan, Pilipinas, Nobyembre 2. United Nations (UN). 2007. United Nations Declaration on the Rights of Indigenous Peoples (UNDRIP). Websayt ng United Nations, pinost noong Agosto 19, https://goo.gl/Ke5aC1 (nakuha noong Abril 13, 2017). United Nations (UN) Department of Economic and Social affairs (DESA). 2009. State of the World’s Indigenous Peoples (SOWIP). Websayt ng United Nations, pinost noong Setyembre 8, https://goo.gl/9bXT6x (nakuha noong Abril 13, 2017). University of the Philippines Medical Alumni Society in America (UPMASA) Delaware Valley Chapter, 2012. UBAT NE BANAR IT PALAWAN: Ethnomedicine of the Palawan people of Mount Domadoway, Palawan, Philippines. Manila: University of the Philippines Medical Alumni Society in America. Villan, Vicente. 2015. Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar: Kabugwason sa Araling Pangkapaligiran. Nasa Pantayong Pananaw: Pagyabong ng Talastasan, Pagbubunyi kay Zeus A. Salazar; Tomo I: Araling Pangkapaligiran, Pilipinolohiya, Sikolohiyang Pilipino, Pilosopiyang Pilipino, at Araling Kabanwahan, mga pat. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez-Tatel, at Vicente Villan, 11-21. Quezon City: Bahay-Saliksikan ng Kasaysayan/Bagong Kasaysayan, Inc. World Health Organization (WHO), International Union for Conservation of Nature and Natural Resources (IUCN), at World Wide Fund for Nature (WWF). 1993. Guidelines on the Conservation of Medicinal Plants. Gland: World Health Organization, International Union for Conservation of Nature and Natural Resources, at World Wide Fund for Nature. World Health Organization (WHO) Western Pacific Regional Office (WPRO). 1993. Research Guidelines for Evaluating the Safety and Efficacy of Herbal Medicines. Manila: World Health Organization Western Pacific Regional Office. 84
VILLAPA: Katutubong Panggagamot ng Pangkat Etnikong Pala’wan