PAUNLARIN Matapos mong malaman ang mga paunang impormasyon tungkol sa aralin, ngayon naman ay iyong lilinangin ang mga kaalamang ito sa tulong ng mga teksto at mga gawaing inihanda upang maging batayan mo ng impormasyon. Ang pinakatiyak na layunin ng bahaging ito ay matutuhan mo bilang mag-aaral ang mahahalagang ideya o konsepto tungkol sa kaunlaran. Inaasahang magagabayan ka ng mga inihandang Gawain at teksto upang masagot kung papaano ka makapag-aambag sa pag-unlad ng bansa bilang mabuting mamamayan nito. Halina't umpisahan mo na. KONSEPTO NG PAG-UNLAD
Batay sa diksiyonaryong Merriam-Webster, ang pag-unlad ay pagbabago mula sa mababa tungo sa mataas na antas ng pamumuhay. Isa itong kaisipang maaaring may kaugnayan din sa salitang pagsulong. DEPED COPY Sa aklat ni Feliciano R. Fajardo na Economic Development (1994), malinaw niyang inilahad ang pagkakaiba ng pagsulong at pag-unlad. Ayon sa kanya, ang pag unlad ay isang progresibo at aktibong proseso. Ang pagsulong ay ang bunga ng prosesong ito. Kung gayon, ang pagsulong ay produkto ng pag-unlad. Halimbawa, ang makabagong pamamaraan ng pagtatanim ng palay ay kinapapalooban ng isang proseso, at ito ang pag-unlad. Ang resulta nito ay mas maraming ani, at ito ang pagsulong. Ayon pa rin kay Fajardo, ang pagsulong ay nakikita at nasusukat. Ang mga halimbawa nito ay mga daan, sasakyan, kabahayan, gusali, pagamutan, bangko, paaralan, at marami pang iba. Ang mga ito ang resulta ng pag-unlad. Subalit hind i doon nagtatapos ang pag-unlad. Dapat itong makalikha ng mas marami at lalong mabuting produkto at serbisyo. Dagdag pa niya, ang pag-unlad ay isang progresibong proses o ng pagpapabuti ng kondisyon ng tao, gaya ng pagpapababa ng antas ng kahirapan, kawalan ng trabaho, kamangmangan, di-pagkakapantay-pantay, at pananamantala. Inilahad nina Michael P. Todaro at Stephen C. Smith sa kanilang aklat na Economic Development (2012) ang dalawang magkaibang konsepto ng pag-unlad: ang tradisyonal na pananaw at makabagong pananaw ukol dito. Sa tradisyonal na pananaw, binigyang-diin ang pag-unlad bilang pagtatamo ng patuloy na pagtaas ng antas ng income per capita nang sa gayon ay mas mabilis na maparami ng bansa ang kaniyang output kaysa sa bilis ng paglaki ng populasyon nito.Sa makabagong pananaw naman, isinasaad na ang pag-unlad ay dapat na kumatawan sa malawakang pagbabago sa buong sistemang panlipunan. Dapat na ituon ang pansin sa iba't ibang 343